(An argument)
"BAKIT ba hindi ka nakikinig sa akin, Arwa?! I am just doing all of these for you!"
Pumasok na siya sa loob ng sariling silid ngunit nakasunod rin pala agad ang Papa niya.
“Bakit ba ayaw mo na ipadala kita sa ibang bansa upang ipagpatuloy ang iyong pag-aaral nang sa pagbabalik mo ay matutulungan mo na ako sa mga negosyo ng pamilya natin?"
“Dahil hindi ko gusto, Papa! Bakit ba lagi ninyo akong pinipilit na pumunta sa ibang bansa? Hindi pa ba sapat ang tinapos ko rito sa Pilipinas? Alam ninyong maganda ang ang trabaho ko bilang psychologist! So, tell me Papa, hindi pa sapat na dahilan iyon upang manatili ako rito?" aniya matapos umupo sa gilid ng kanyang malaking kama.
“Mas mainam na makapag-aral ka doon upang mas mahawakan mo ng maayos ang mga negosyo kong pinaghirapan itayo para sa kinabukasan mo. Dapat noong una pa lang ay hindi na kita pinayagan na ibang kurso ang kunin mo sa kolehiyo bukod sa business management."
“Papa, hindi mo naman kailangan pang magdahilan pa. Maiintindihan ko naman.”"
“Ano ba ang ibig mong sabihin, Arwa?" nakataas ang kilay na tanong ng kanyang ama.
“Alam ko naman na kaya ninyo akong gusto na pumunta ng ibang bansa dahil iyon ang inuutos ng babae mong si Martha at masolo ka niya."
“Saan mo naman nakuha ang ideyang iyan?" Naihilamos nito ang kamay sa mukha.
“Hindi ba halata? Kung makabuntot sa iyo, akala mo asawa ka niya."
“Ano bang iniisip mo, Arwa? Natural na bumuntot sa akin si Martha dahil siya ang personal na tagapag-alaga ko. Matanda na ako, anak, at ayaw kong naaabala ka kaya ko kinuha ang serbisyo niya."
“Hindi pa rin nagbabago ang pasya ko, Papa. Wala akong nakikitang dahilan para umalis ako ng Pilipinas."
“Kung matigas ang ulo mo ay hahayaan kita sa gusto mo ngunit wala kang makukuha kahit isang kusing sa akin mula ngayon. Sisiguruduhin ko rin na hindi ka matatanggap sa trabaho kapag nagtangka kang mag-apply."
“What?!"
“Ngayon mo sa akin sabihin na hindi mo kailangan ang pera at yaman ko, Arwa. Hindi ka magtatagal sa ibang lugar dahil sa nakasanayan mo sa bahay na ito. Hangga't hindi ka pumapayag ay walang tulong na manggaling sa akin."
“Fine! Patutunayan ko sa inyo na kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa na hindi kailangang nakasandal sa inyo!"
“Matanda ka na, Arwa, para malaman ang tama at mali. Now, I am giving your freedom ngunit alam mo ang hangganan niyon."
Iyon ang huling sinabi ng kanyang ama bago narinig niya sumara ang pinto. Naikuyom niya ang mga kamay. Iyon na yata ang isa sa matinding naging away nila ng kanyang ama.
Naalala niya noong makatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo, excited siyang maghanap ng trabaho dahil with honors siyang nang makatapos. Laking tuwa niya nang hindi siya kinontra ng ama kahit pa matagal na nitong inuungot ang mapag-aralan niya ang pamamahala ng kanilang negosyo.
She finds it boring. Mas sanay siyang humarap sa mga tao at alamin ang mga personal na buhay ng mga ito. Pakiwari niya ay malaki ang naiaambag niyang tulong sa pamamagitan ng pagdinig ng suliranin ng mga ito. Nabibigyan niya ng mga payo ang mga taong tila nawawalan na n pag-asa na magkaroon ng maayos na kaisipan.
Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na kama. Wala siyang mapapala sa ama niya sa oras na hindi siya sumunod na pumunta ng ibang bansa. Bahala na. Bumangon siya at kinuha ang maliit na maleta sa kanyang malaking tokador. Kumuha rin siya ng ilang pirasong damit at nilagay doon. She have to prove herself that she can stand on her own, she thought.
Hindi niya rin kinalimutang kunin ang wallet niya. Kahit papaano ay may lamang pera iyon pati na rin ang passbook niya na naglalaman ng inipon niyang pera. Mabubuhay na rin naman siya ng ilang araw gamit ang perang iyon. Kung hindi siya matatanggap sa mga kompanyang maaaring niyang pasukan sa pagtatrabaho, tiyak na mahihirapan siyang makahanap.
Ano kaya kung mag-apply siya bilang katulong?
Tama! Mag-aapply siya bilang isang katulong, napag-isip niya. Siguro naman ay maraming mga nangangailangan ng katulong na hindi na kailangan pang dumaan sa proseso ng agency.
“Akala siguro ni Papa ay wala na akong maiisip na paraan. Well, nagkakamali siya. Hindi ko kailangan ng kahit na piso sa kanya para mabuhay ako," nakangiting sabi niya.
Dali-dali niyang tinapos ang pag-aayos ng kanyang damit. Sunod na kinuha ang ilang personal na gamit.
“Kompleto na. Makakaalis na rin ako." Pakanta-kanta pa siyang lumabas ng kanyang silid.
“Ma’am Arwa, saan po kayo pupunta?" tanong ng isa nilang kasambahay. Bakas ang pagtataka nito nang makita siyang may hawak na maleta.
“Aalis na muna ako, Ate. Kayo na muna ang bahala kay Papa."
“Sa-saan po kayo pupunta, Ma’am?"
“Malayo rito."
“Ingat po kayo, Ma’am."
“Salamat, Ate." Tumalikod na siya. Mabuti pa ang kasambahay nila ay concern sa kaniya.
“Sigurado ka na ba sa desisyon mong iyan, Arwa?" Napatigil siya sa paghakbang nang marinig ang boses ng kanyang ama. “Kapag umalis ka ay alam mo kung paano bumalik."
“Nauunawaan ko, Papa," aniya saka muling humkabang na sa paglakad. Buo na ang loob niya at walang makakapigil sa kanya. Patutunayan niya na mali ang paniniwala ng kanyang ama patungkol sa kanya.
“Miss Arwa," tawag ng babaeng boses. Then, naramdaman niyang may humawak sa braso niya. Si Martha. “Hindi ninyo naman po kailangang umalis kung ako ang dahilan ng pagtatalo ninyo ni Sir Domingo. Caregiver niya lang po ako at wala pong kahit na anong namamagitan sa amin," ani pa nito.
“Huwag kang mag-alala, Martha. Hindi naman ikaw ang dahilan ng pag-alis ko. Sana lang totoo ang sinasabi mong wala talagang namamagitan sa inyo ng Papa ko."
“Wala po talaga." Kitang-kita ang sinseridad sa mga mata nito.
“Okay, sige. Ikaw na muna ang bahala sa kanya." Nginitian niya ito at nagpatuloy na sa paglalakad. Wala na siyang pakialam kahit na ilang babae pa ang maging karelasyon ng kanyang ama dahil dagdag lamang iyon sa iisipin niya. Ang tanging nais niya lang sa mga oras na iyon ay makalayo at makapagsimulang muli na hindi umaasa ng kahit na ano sa kanyang ama.