Chapter 3 - Umbrella

1773 Words
MY lips parted in shock. Ni hindi ko na naisip kung ano ang magiging itsura ko sa harapan niya sa pag-awang ng bibig. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ako sa nakikita sa aking harapan, pero malabo. Malinaw kong nakikita si Castiel Rivera! May katangkaran man ako ngunit kinailangan ko pa rin ang tumingala sa kanya dahil mas matangkad siya nang higit kalahating dangkal kaysa sa akin. At habang tinititigan siya nang ganito kalapit ay mas nakikita ko ang hikaw sa kanyang kanang tainga na madalas kumikinang sa tuwing tinatamaan ito ng ilaw habang nasa stage. He’s intimidating, too. Tila malamig at masyadong maawtoridad ang dating niya. Nang mapansin niya siguro ang gulat kong reaksiyon ay mabilis niyang binitiwan ang pulso ko. Nahihiya siyang ngumiti sa harapan ko. “Sorry, natakot yata kita.” Tila mas lalo lang akong natulala sa harapan niya nang marinig ang malalim at malamig niyang boses, pero hindi ito naging dahilan para mawala ang pagiging banayad nito na sa totoo lang ay nakakabigla. Hindi ko inakalang sa nakaka-intimidate niyang aura ay may pagiging banayad sa kanya. Lumunok ako at napakurap-kurap. Mabilis akong tumayo nang tuwid sa harapan niya nang mahimasmasan na. Nakakahiya! Tumulala ako sa harapan niya habang nakanganga! “Anong… anong kailangan mo?” nauutal ko pa na tanong. Hindi pa ako tuluyang nakakabawi sa gulat sa presensiya niya. “Napansin ko kasi na balak mo yatang sumugod sa ulan, kaya pinigilan kita.” Napuno ng pagtataka ang mukha ko. “And why did you do that?” “Gabi na, makakasama sa ‘yo kung mabasa ka ng ulan.” Sa narinig na sinabi niya ay hindi ko na naman napigilan ang sariling tumulala sa harapan niya. He’s concern to me? “May payong ako rito, kaso nag-iisa lang. Gusto mo bang ihatid kita?” Hindi ko alam na simpleng pag-uusap namin ni Castiel Rivera ay matutulala ako nang ganito sa harapan niya. Nananaginip ba ako? “Isa lang kasi ang payong ko, hindi ako puwedeng mabasa sa ulan kaya hindi ko ito mapapahiram sa ‘yo… kaya ihahatid na lang sana kita,” agap niya nang makita ang reaksiyon ko. Sa isip-isip ko ay pinitik ko ang sarili para umayos. “Sigurado ka?” Oh my God, Valerie. Naririnig mo ba ang sarili mo? Kahit na ilang beses ko nang napanood ang banda ni Castiel na tumugtog ay estranghero pa rin siya sa akin, pero heto ako, hahayaan siyang ihatid ako sa bahay ko. Siguro ay dahil may parte sa akin na naniniwalang hindi siya masamang tao. “Oo,” tugon niya at tumango pa. “Hindi ba ako makakaabala sa ‘yo?” Natigilan na naman ako nang makitang ngumiti siya sa harapan ko. Parang may biglang dumukot ng puso ko, at ang ngiti niya ang may pakana nito! “Hindi naman. Pauwi na rin ako kaya isasabay na kita.” Lumunok ako at umiwas ng tingin sa kanya. Kailangan ko itong gawin para hindi tuluyang matulala sa kanya. Nakakahiya kung mangyari na naman ‘yon. Suminghap ako ng hangin at pinagmasdan ang madilim na kalangitan. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan at mukhang wala pang planong tumigil. Pasimple akong sumulyap kay Castiel at nakita ko itong pinagmamasdan din ang pagbagsak ng ulan sa paligid. Nakagat ko ang ibabang labi nang may maisip na kaharutan. Ang lalaking ilang linggo ko na rin sinusulyapan sa bar na ‘to ay katabi ko ngayon at inaalok akong ihatid para lang hindi mabasa sa ulan. Sino ako para tumanggi? “Kung talagang ayos lang sa ‘yo, sige… ihatid mo ako,” nahihiya kong sabi. Bumalik na ang mga mata niya sa akin at deretsong nagtama ang tingin namin. Tumango siya. “Huwag kang mag-alala, hindi ako masamang tao. Gusto lang kita ihatid para hindi ka mabasa ng ulan. Kababae mo pa namang tao.” Kung hindi lang siya kaharap ay malamang nangisay na ako sa kilig. Hindi ko inaakalang magiging ganito kalaki ang epekto niya sa akin. Mula sa bag niyang nasa likod niya ay inilabas na niya ang isang itim na payong. Binuksan niya ‘yon bago muling tumingin sa akin. “Tara na?” “Sige…” Lumapit na ako sa kanya. Ngayon ko ipinagpapasalamat na gabi na at bahagyang madilim sa parte kung nasaan kami ngayon. Hindi niya makikita ang pamumula ng pisngi ko. Akmang maglalakad na sana kami nang mapansin ko ang baha sa harapan namin. Hindi naman ito masyadong malalim ngunit may pagdadalawang-isip pa rin sa akin kung susuong ba. Ngayon ko lang naalalang puti ang suot kong sapatos na ipinares ko sa blouse at pantalon ko. Ramdam ko ang pagtingin sa akin ni Castiel. Pinilit ko ang ngumiti. “Tara na,” sabi ko. Ayaw kong isipin niya na maarte ako. Sabi pa naman nila, mahalaga ang first impression mo sa isang tao. “Sigurado ka? Baka madumihan ang sapatos mo,” aniya. Tumango ako. “Hayaan mo na.” “Gusto mo bang sumakay na lang sa likod ko?” Kulang na lang ay malaglag ang panga ko sa narinig. “Ha?” “Kung ayos lang sa ‘yo, ipapasan na lang kita para hindi madumihan ang sapatos mo.” Natulala ako sa harapan niya. Huli na nang matanto kong tumango na pala ako. Ipinahawak niya sa akin ang payong bago pumuwesto sa harapan ko. Ibinaba niya ang sarili. “Sumakay ka na,” utos niya. Ang katawan ko naman, tila hindi ko kontrolado dahil mabilis itong nakinig sa utos niya. Nang tumayo na nang tuwid si Castiel ay kumapit ako sa kanya kaya ngayon ay parang yakap-yakap ko na siya. Siya naman ay hawak ako sa magkabilaan kong binti para hindi malaglag mula sa likod niya. Hindi naman masyadong nadidikit ang dibdib ko sa kanya dahil hindi niya tinanggal ang bag sa likod niya. Tila hinayaan niya ‘yon para maging harang sa pagitan namin. “Ayos lang ba sa ‘yo ‘to? Komportable ka ba?” tanong niya at sinilip pa ang mukha ko sa likuran niya. “Oo…” “Kung gano’n, tara na?” Nang mahimasmasan ako ay tumango ako at hinawakan na nang maayos ang payong. Dahil buhat niya ako sa likuran niya ay ako ang magpapayong sa aming dalawa. Nang magsimula nang maglakad si Castiel ay mas humigpit ang yakap ko sa kanya. Tila hindi niya alintana ang bigat ko. Maayos pa rin siyang nakakapaglakad sa gitna ng ulan. Habang ganito kalapit sa lalaking ilang linggo ko rin tinatanaw sa itaas ng stage ay hindi ko mapigilan ang sariling kiligin at makaramdam ng labis na kasiyahan. Umaandar ang pagiging maharot ko. Ipinatong ko ang baba sa balikat niya. Dahil sa papiging malapit namin sa isa’t isa ay kaagad na nanuot sa ilong ko ang mabango niyang amoy. Hindi ko tuloy mapigilan ang sariling isipin kung ano ang pabango niya o ito ba ang natural niyang amoy. Mabuti na lang ay bahagya nang humina ang ulan pero wala pa rin itong tigil. Ibinaba na ako ni Castiel nang makarating kami sa sakayan. Pareho lang kaming tahimik hanggang sa makasakay na sa jeep. Mukhang desidido talaga siya na ihatid ako sa bahay na hindi ko naman tututulan. Nang bumaba na kami sa jeep, dahil hindi naman na masyadong malakas ang ulan ay hindi na ako nagpabuhat pa sa kanya. Masyado nang nakakahiya. Naglakad na lang ako sa tabi niya habang siya na ang naghawak sa payong at pinapayungan kaming dalawa. “Dito na ako,” imporma ko sa kanya nang tumigil na ako sa harapan ng gate ng bahay. Sumilong muna kami sa may bubong bago hinarap ang isa’t isa. “Salamat sa paghatid mo sa akin. ‘Di mo naman ako kilala pero tinulungan mo pa rin ako,” pagpapasalamat ko. Tumango siya. “Walang anuman.” Nakagat ko ang ibabang labi bago ngumiti sa harapan niya. Naglakas-loob na akong ilahad ang kamay sa kanya. “I’m Valerie Leostre… and you are?” Tinanggap niya ang pakikipagkamay ko. Naramdaman ko ang pagiging magaspang ng kamay niya ngunit tila masarap pa rin na hawakan. “Castiel Rivera.” Tila may nalungkot sa akin nang bawiin niya agad ang kamay niya. My God! “Uuwi ka na?” “Oo.” “Sige… salamat ulit, ha? Ang bait mo.” Tanging isang matipid na ngiti na lang ang itinugon niya sa akin. Pinayungan na niya ang sarili at sumuong na sa ulan. Hindi pa man siya nakakarami ng hakbang palayo sa akin nang tawagin ko siya. “Castiel Rivera!” Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ako nang may pagtataka sa mukha. Kinagat ko ang pang-ibabang labi bago tinakbo ang distansiya namin. Nang makita niya ang ginawa ko ay mabilis niya akong sinalubong kaya hindi ako masyadong nabasa sa ulan. Nahihiya akong tumawa nang makaharap na naman siya. Nakatingin siya sa akin nang may pagtataka pa rin. “Wait lang,” usal ko at kinalikot ang bag na nakasabit sa balikat ko. Inilabas ko ang phone ko bago muling nag-angat ng tingin sa kanya. “Can I have your number?” Nakita ko ang pagkatigil niya dala ng gulat. Mas lalo akong nakaramdam ng hiya sa naging reaksiyon niya. “Uhm… para kapag gusto kong bumawi sa ‘yo sa ginawa mong kabaitan sa akin ngayong gabi ay ma-text kita,” dahilan ko. “Sige,” tugon niya nang mukhang nakabawi na sa gulat sa ginawa ko. Hindi ko na napigilan ang ngiti sa aking labi. Mas lumawak pa ito nang kunin na niya ang phone ko at itinipa roon ang numero niya. “Sige, salamat. Mag-iingat ka sa pag-uwi,” usal ko nang ibalik na niya ang phone ko sa akin. “Sige.” Masyadong maalalahanin si Castiel. Inihatid niya pa muli ako sa may bubong para hindi mabasa bago siya tuluyang naglakad na papalayo. Dinala ko ang phone sa harapan ng dibdib habang pinapanood pa rin ang papalayong bulto ni Castiel. Unti-unti na itong naglalaho sa dilim. Hindi nga ako nagkamali. Totoong mabait si Castiel. Pinatunayan niya sa akin ‘yon ngayong gabi. Sa malamig at suplado niyang aura ay nakatago roon ang pagiging maalalahanin at gentleman niya. Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa alapaap. Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari ngayong gabi. Pinansin ako ni Castiel. Nakapag-usap kami at nakapagpakilala ako nang pormal sa kanya. Inihatid niya pa ako sa bahay at binuhat pa sa likod niya. Nahawakan ko rin ang kamay niya. At higit sa lahat, nakuha ko pa ang numero niya. Mahina kong tinapik-tapik ang pisngi para bumalik sa ayos. Pero nang maglakad na ako papasok ng bahay ay sumilay pa rin sa labi ko ang ngiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD