MULA sa bahay nila ay sumakay ng tricycle si Erin papuntang highway. At doon na siya nag-abang ng jeepney na biyaheng Cubao. Kung tutuusin, hindi naman sana ganoon kalayo ang eskuwelahan niya. Pero nang dahil sa traffic kaya kung minsan ay inaabot siya ng ilang oras. Masuwerte kapag may napadaan na UV Express na hindi puno.
"Isa pa! Isa pa!"
Napailing na lang si Erin nang marinig ang sigawan ng mga konduktor. Alam na niyang ang iba sa mga iyon ay "scam". Sasabihing kasya pa raw ang isa. Pero pag-akyat mo ng jeepney, doon mo malalaman na punuan na pala. At dahil nakaakyat ka na at umandar na ang sasakyan, no choice ka kundi ang kumandong sa mabait na pasahero. O kaya ang mag-squat at maghintay na may bababa.
Ilang jeepney na ang lumagpas na puro puno. Normal iyon kapag ganoong araw ng Biyernes. Nag-alala na si Erin na baka mahuli siya sa kaniyang first subject.
"Ate, sumakay ka na. May bakante pa rito," anang konduktor ng jeepney na huminto sa tapat ni Erin.
Ayaw pa sana niyang sumakay dahil sa labas pa lang ay kita niyang siksikan na. Pero mahuhuli na siya sa klase kaya napilitan ang dalaga na sumakay na.
Pag-akyat pa lang ay napansin na niya kaagad na halos lahat ng pasahero ay mga ka-schoolmate niya. Iisa kasi ang ID lace na suot nila at nakasulat doon ang pangalan ng school nila na Colegio de San Andres. Casual Day nila tuwing Biyernes kaya pare-pareho silang hindi naka-uniform.
Mabuti na lang at sanay siyang magsuot ng pantalon. Kaya walang problema sa kaniya kung mag-squat man siya buong biyahe.
"Miss, dito ka na."
Nilingon ni Erin ang nagmamay-ari ng baritonong boses na iyon; para siguruhing siya ang tinutukoy nito. Nagulat siya nang makilala ang nag-alok. Siya si Caleb Santillan. Isa sa pinakasikat na heartthrob sa Colegio de San Andres. Rich kid, Tourism student, at playboy. Bukod doon ay wala na siyang ibang alam sa lalaki. Hindi naman kasi mahilig mag-stalk o maki-chismis tungkol sa mga lalaki si Erin.
"Dito ka na. Sasabit na lang ako," sabi pa ni Caleb nang tumingin siya, umakto itong tatayo na. Kaya walang duda na siya nga ang tinutukoy nito.
Sabagay, siya lang naman ang babaeng hindi nakaupo nang maayos nang mga oras na iyon.
Gentleman din pala kahit playboy.
"Ako na lang ang sasabit, bro," anang katabi ni Caleb na mukhang kaibigan nito. "Hindi ka pa naman sanay sumabit. Baka mahulog ka pa."
Oo nga. Bakit kaya naka-jeep ito ngayon? Paiba-iba at magaganda ang kotseng dala nito palagi. hindi napigilang komento ng isip ni Erin.
"Dito ka na, Miss, o." Tumayo na ang katabi ni Caleb at sumabit sa jeep.
At dahil nangangawit na rin ang dalaga kaya pumayag na siya. "Thank you." Nginitian niya ang lalaki bago umupo sa tabi ni Caleb.
Pero dahil siksikan kaya halos nakakandong na si Erin sa lalaki. Ramdam niya ang pagkiskisan ng mga siko nila; dahilan para makaramdam siya ng parang kuryente na hindi niya maintindihan.
Amoy na amoy din ni Erin ang mamahaling pabango ni Caleb na parang nanunuot sa ilong niya. At sa tingin niya ay napakalapit lang ng bibig nito sa mukha niya. Dahil sa tuwing nagsasalita ito, damang-dama rin niya ang mainit nitong hininga na tumatama sa pisngi niya. Hindi tuloy siya makalingon para sumilip sa bintana.
"Saan naman kaya tayo mamayang gabi?" tanong ng lalaking kaharap ni Caleb. "Basta bawal mag-sleep over sa bahay. Galit sa Mobile Legends ang mga tao roon."
"Lalong hindi puwede sa bahay. Baka tayo naman ang ma-double kill ni Papa," sabat naman ng katabi nito.
Ganoon din ang sinabi ng iba pa na pulos lalaki. Doon napagtanto ni Erin na mga barkada pala ni Caleb ang halos lahat ng naroon. At base sa naririnig niya, adik sa Mobile Legends ang mga ito. Katulad ng iba pang kabataan.
"Kung gusto n'yo, doon na lang tayo sa dorm ko," suhestiyon ng isa. "Maraming bakanteng higaan doon ngayon. Wala namang problema sa landlord namin basta magbayad lang kayo."
"Mas gusto ko iyan. Dahil malapit pa sa dorm ng mga taga-SCC. Maraming magaganda roon, eh." Katabi ni Caleb ang nagsalita. Katapat nilang unibersidad ang tinutukoy nito.
"Pero hindi hamak na mas marami pa ring magaganda sa school natin," kontra ni Caleb.
Nakita ni Erin mula sa gilid ng kaniyang mga mata na tiningnan siya ng lalaki. At hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan. Muntik pa siyang mapapikit nang tumama na naman sa pisngi niya ang mabango at mainit nitong hininga. Feeling ng dalaga ay nanigas siya nang maramdaman niyang ipinatong ni Caleb ang braso nito sa bintana ng jeepney na sinasandalan niya. Pakiramdam tuloy niya ay nakaakbay ito sa kaniya.
"Sus, kunwari ka pa. Eh, mas marami ka ngang naging ex sa SCC kaysa sa school natin."
Tinawanan lang ni Caleb ang sinabi ng kaibigan nito. Naramdaman ni Erin na lalo pa silang nagkadikit nang magpreno ang jeepney. Bakit feeling niya ay inaamoy nito ang buhok niya?
Puro mga naging girlfriend na ni Caleb ang pinag-usapan ng mga ito. Nairita na si Erin sa ingay kaya nagsalpak siya ng wireless ear buds at nagpatugtog gamit ang cellphone niya. Pumikit din siya at nagkunwaring tulog; para i-divert ang sarili mula sa werdong nararamdaman niya dahil sa pagkakalapit nilang iyon ni Caleb.
Dahil love songs ang pinakinggan ni Erin kaya hindi niya namalayang nakaidlip pala siya. Nagising lang siya nang may maramdaman siyang tila kislap ng camera. Dahil nakapikit pa kaya hindi niya alam kung saan iyon nanggaling at kung siya ba ang kinuhanan.
At nang dumilat si Erin ay doon lang niya nalaman na nakasandal na pala siya kay Caleb. Nakahilig ang ulo niya sa balikat nito.
Dali-dali at namumula ang mukha na inayos niya ang sarili. "Sorry po. Sorry talaga..." nahihiyang sabi ng dalaga kay Caleb, sabay tingin dito.
"It's okay, Miss. No worries."
Napalunok si Erin nang ngumiti sa kaniya si Caleb. Lumabas ang pantay-pantay at mapuputi nitong mga ngipin. Napansin din niya na may maliit at nag-iisang biloy pala ito sa pisngi. Lalong nag-blush ang dalaga nang tuksuhin sila ng mga kaibigan nito.
Mas bumilis pa ang t***k ng puso ni Erin. At hindi na niya iyon gusto dahil feeling niya ay magko-collapse na siya. Mabuti na lang at marami ang nagbabaan nang huminto ang jeepney kaya umusog na siya palayo kay Caleb. Sumiksik siya malapit sa driver.
Sinikap ni Erin na huwag tumingin sa binata at sa mga kaibigan nito. Hanggang sa tumigil ang jeepney sa tapat ng school nila.
Nag-unahan sa pagbaba ang ibang estudyante, kasama ang mga kaibigan ni Caleb. Maliban dito na para bang hinihintay muna na makababa siya.
"Ladies' first," sabi nito nang silang dalawa na lang ang estudyante ng Colegio de San Andres ang naiwan sa loob ng jeepney.
"T-thank you," nauutal na tugon ni Erin at saka dali-daling bumaba.
Hindi na niya hinintay na makababa si Caleb at tumawid na siya ng kalsada. Ang lakas-lakas pa rin ng tahip ng dibdib niya habang papalayo. Lalo pa at dinig na dinig niya pa rin ang pagtukso ng mga kaibigan ni Caleb sa kanilang dalawa.
Noon lang naranasan ni Erin ang ganoong pakiramdam. Marami na rin naman siyang naging manliligaw pero never niya iyong naramdaman. Kinailangan pa tuloy niyang dumaan ng comfort room para pakalmahin ang sariling nanginginig sa sobrang kaba; bago tumuloy sa classroom ng first subject niya nang araw na iyon.
WALANG pasok nang araw na iyon kaya sinadya ni Caleb na magpatanghali ng gising. Madaling araw na kasi siya nakauwi mula sa dormitory ng kaibigan niyang si Matt. Halos magdamag silang naglaro ng Mobile Legends.
Hindi rin muna siya lumabas ng kuwarto para makaiwas sa sermon ng ama. Alam kasi niya na kapag Sabado ay wala ring pasok ang mga magulang niya.
Vice-president sa isa sa pinakamalaking pharmaceutical sa bansa ang ama ni Caleb. Samantalang Systems, Applications and Products o SAP Analyst naman sa pinakakilalang life insurance company sa Pilipinas ang kaniyang ina.
Nakaramdam na ng pagkalam ng sikmura si Caleb kaya napilitan na siyang lumabas ng kuwarto at bumaba sa kusina. Sa hagdan pa lang ay nakita na niyang nasa sala ang kaniyang mga magulang at parehong nagbabasa ng diyaryo.
"Mabuti naman at naisipan mo pang umuwi."
Kahit narinig na ni Caleb ang galit na boses ng Daddy Romano niya ay tuloy-tuloy pa rin siya sa pagpasok sa kusina. Alam niyang naghihimutok ito dahil tatlong gabi na siyang hindi natutulog sa bahay na iyon. Nagtampo kasi si Caleb dahil pinagalitan siya nito kahit wala naman siyang kasalanan.
"Lumayas ka na lang dito kung ganiyan ka lang din palagi," dagdag pa ng ama ng binata.
Itinigil ni Caleb ang pagsusubo ng kanin at mariing ikinuyom ang mga kamay. Minsan ay natutukso na siyang patulan ang Daddy Romano niya. Ngunit nagpipigil lang siya alang-alang sa respeto niya rito, at sa mabait niyang ina na si Mommy Genna.
Itinuloy lang ni Caleb ang pagkain nang tumahimik ang ama at nakita niya itong pumanhik sa hagdanan. At doon lang siya nilapitan ng ina.
"Saan ka ba galing at ngayon ka lang umuwi?" Umupo ito sa tabi niya at tinapik siya sa balikat. "Tawag ako nang tawag sa'yo pero hindi mo naman sinasagot."
"Nag-text po ako sa inyo na may tinatapos kaming project sa bahay ng kaklase ko," mahina pero magalang na sagot ni Caleb. Nakayuko siya at tuloy-tuloy lang sa pagkain.
"Nag-alala pa rin kami ng Daddy mo sa'yo."
"Kayo lang ang nag-alala sa'kin, Mom. H'wag n'yo nang idamay si Daddy. Because we both know that he doesn’t care about me."
"Caleb! Hindi mo dapat na pinagsasalitaan ng ganiyan ang Daddy mo."
May nakahandang sama ng loob sa mga mata ni Caleb nang tumingin siya sa ina. "Totoo naman, Mom, eh. Simula nang mag-asawa si Ate Larah at nakulong si Kuya Ford, sa akin na niya ibinunton ang galit niya. Parang wala na akong ginawang tama sa paningin niya. Kada kilos ko, mali."
"Natatakot lang siya na baka matulad ka sa mga kapatid mo. Pero mahal ka ng Daddy mo." Pinisil ni Mommy Genna ang balikat ni Caleb. "Intindihin mo na lang siya."
"Iyon na nga ang ginagawa ko, eh. Pero nakakapagod na rin po. Nakakasawa na." Napatiim-bagang si Caleb para pigilan ang umiinit na mga mata. "Kailan pa ba ako may ginawa na pinuri niya? Que mataas ang grades ko o hindi, sermon pa rin ang inaabot ko. Maging mabait man ako o hindi sa kaniya, galit pa rin siya sa'kin. Saan ako lulugar, Mom?"
Bunso sa tatlong magkakapatid si Caleb. Dati, bago nagloko ang ate at kuya niya, masaya ang kanilang pamilya. Close sila ng Daddy Romano niya. Palagi pa nga siyang sumasama sa opisina nito noong bata siya.
Pero simula nang mabuntis ang Ate Larah ni Caleb, habang nag-aaral, doon na nagsimulang humigpit ang ama nila. Dagdagan pa nang mahuli ng mga pulis na gumagamit ng illegal drugs sa isang pot session ang Kuya Ford niya, kasama ang mga barkada nito, sa mismong araw ng graduation nito. At bilang parusa, limang taon nang nakakulong ang kapatid na iyon ni Caleb, na sana ay isa na ngayong Engineer.
Binatilyo pa lang siya nang mangyari ang dagok na iyon sa pamilya nila. Simula noon, at hanggang ngayon na twenty one years old na siya, siya ang umaani sa disappointment ng ama nila.
Kung tutuusin, hindi naman siya pabigat sa pamilya. Dahil bukod sa masipag siyang mag-aral, sa murang edad ay kumikita na si Caleb. Nang dahil sa pagkakaroon ng magandang katangiang pisikal kaya marami ang kumukuha sa kaniya na mag-artista. Pero priority pa rin ni Caleb ang pag-aaral. Kaya pa-extra-extra na lang siya sa mga movie at teleserye. Suki rin siya sa mga commercial modelling tulad ng TV commercial, partikular na sa toothpaste at shampoo.
Eighteen years old lang noon si Caleb nang pagbuhatan siya ng kamay ni Daddy Romano dahil lang nalasing siya sa birthday party ng kaklase niya. Iyon ang unang beses na nagkamali si Caleb. Kaya hindi niya matanggap na ipinahiya siya ng ama sa harap mismo ng mga kaibigan niya.
At doon na nagsimulang magrebelde si Caleb.
"Hindi ka naman dating ganiyan, Anak."
Umiwas ng tingin si Caleb nang maramdaman niyang maluha-luha na ang mga mata niya. "Kahit minsan lang, Mom, subukan n'yo naman na ako ang intindihin n'yo. At hindi puro si Daddy na lang." Hindi na tinapos ni Caleb ang pagkain at tumayo na.
Ayaw niyang bastusin, lalong saktan, ang Mommy Genna niya. Pero hindi niya mapigilan sa tuwing inuuna nitong kampihan ang ama niya kaysa ang intindihin ang feelings niya.
Pagkatapos na talikuran ang ina ay walang paalam na umalis ng bahay si Caleb, lulan ng kaniyang Toyota Hilux na Emotional Red ang kulay. Isa ito sa mga naipundar niya mula sa pagmomodelo at paglabas-labas sa television.
Habang papunta sa bahay ng best friend niyang si Kristoff, nadaanan ni Caleb ang isang pamilyar na mukha ng babae na naglalakad sa tapat ng elementary school sa SSS Village. Nakasuot ito ng simpleng T-shirt at shorts. Mukhang kasama nito ang mga magulang kaya nilagpasan na lang niya.
Ngunit nagdahan-dahan si Caleb para sumilay. At nang makita niya mula sa bintana ang maganda nitong mukha ay saka lang niya binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan, nang nakangiti.
Dito siguro siya nakatira.