Sa ilang araw na pagtatrabaho ni Fiero sa construction bilang labor ay unti-unti na niyang nagagamay ang kaniyang trabaho. Unti-unti na rin siyang nakakasabay sa buhay sa siyudad. Kahit wala silang ginawa kung hindi ang magtrabaho, para sa kaniya ay mas maayos ang buhay niya ngayon. Bukod sa marami silang nakakasalamuhang tao ay marami rin siyang natutunan sa mga kasama niya. Nagpapasalamat siya at mababait ang mga ito at kapag may hindi siya alam na mga gawain ay willing naman ang mga ito na turuan siya.
Si Franco at Inggo naman ay malaki na rin ang naitutulong sa kaniya. Sa pagpapatira pa lamang ng mga ito sa kaniya at pagtulong na makapasok sa trabaho ay malaking utang na loob na niya para sa mga ito.
Lingguhan ang kanilang suweldo at tatlong beses na siyang nakakatanggap ng sahod sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya. Masaya siya at malaki-laki na ang naitatabi niya, iniipon niya ang ibang kita niya para sa pag-aaral ng kapatid na si Isabel.
"O, ano, uuwi ka na ba?" tanong ni Inggo sa kaniya. Tapos na ang kanilang trabaho at nauna nang umuwi ang iba nilang kasamahan. Kasalukuyan siyang nagpapalit ng malinis na damit.
"Mauna ka na sa bahay, may pupuntahan pa ako," sagot niya.
"Ha! Saan ka naman pupunta?" takang tanong ni Inggo.
"May nakita akong maa-applyan ng trabaho susubukan kong magpasa ng resume."
"Huh! Anong trabaho naman ang papasukin mo? Hindi ka pa ba napapagod sa trabaho natin? Dapat nagpapahinga ka na sa bahay."
"Part time lang naman ito, pandagdag kita na rin. Tagahugas ng pinggan sa isang restaurant."
"Ganu'n? Naku, hindi rin biro ang maging dish washer, ang dami mong huhugasan pati ang mga ginamit sa pagluluto ikaw rin ang maghuhugas."
"Dalawa hanggang tatlong oras lang naman. Ayos na 'yon, kung matanggap, pagkatapos ng trabaho natin dito ay doon na ako dideretso. Kailangang kumayod para mas maraming ipon."
"Ikaw ang bahala, katawan mo naman 'yan, ikaw lang naman ang makakaramdam kung kaya mo pa bang magtrabaho o hindi na."
"Oo naman, kung hindi ko na kaya pwede naman siguro akong tumigil."
"O sige, goodluck na lang sa'yo, sana matanggap ka." Tinapik ni Inggo ang balikat niya.
"Salamat," sagot naman niya.
Sabay na umuwi si Inggo at Franco, samantalang si Fiero ay nilakad lang ang papunta sa sinasabi niyang restaurant. Nadaanan kasi niya ito noong isang araw ng pauwi na siya at nag-ikot-ikot, may nakapaskil na karatula sa harap ng pinto at nagsasabing nangangailangan sila ng mga dishwasher.
Bago siya makalapit sa restaurant ay natigilan siya sa paglalakad ng may biglang huminto na magarang itim na sasakyan sa harapan ng establishment na iyon. Buhat sa magarang sasakyan ay lumabas ang dalawang lalaki na nakasuot ng uniform, matatangkad ang mga ito at may malaking pangangatawan. Maya-maya ay binuksan ang pintuan sa backseat at bumaba sa sasakyan ang isang may edad na babae, ngunit maganda pa rin, maputi at makinis ang kutis nito na halata mong mayaman. Pumasok ang ginang sa mismong loob ng restaurant, maagap na pinagbuksan ito ng pinto ng mga gwardiya na para bang talagang hinihintay ang pagdating nito.
Tiningnan niya ang kaniyang sarili. Nagdalawang isip tuloy siyang lumapit sa restaurant dahil na-alangan siya sa kaniyang kasuotan. Kupas na pantalon, lumang t-shirt na puti ngunit malinis naman ang suot niya. Ang sapatos niya ay nauupod na rubber shoes na pinaglumaan ng kanilang kapitbahay na ibinigay sa kaniya.
Tatalikod na sana siya ng may marinig siyang nagsalita.
"May kailangan ka ba, Mister?"
Hindi naman niya sigurado kung siya ang kinakausap ngunit lumingon pa rin siya.
Bahagya siyang nagulat ng makita ang may edad nang babae na bumaba sa magarang kotse kanina lang, ang buong akala niya ay nakapasok na ito sa loob ng restaurant kaya nagtataka siya kung bakit nasa labas pa rin ito.
"I'm asking you, do you need something?" seryosong tanong nito, kaya naman natigilan siya.
"Ah-eh, wala po, napadaan lang," kakamot-kamot ulong sabi niya.
"Ganun ba? Ano 'yang hawak mo?" tanong na naman nito habang nakatingin sa kaniyang mga kamay kaya naman napatingin din siya. Resume iyon na balak sana niyang iabot sa guwardiya. Naroon pa rin kasi at nakapaskil sa labas ng pinto ang karatula na nangangailangan sila ng dishwasher.
"Ah, wala po ito, papel lang po," sagot niya at pagkatapos ay agad na itinago sa kaniyang likod ang hawak.
Hindi naman naniwala ang ginang kaya lumapit ito kay Fiero, pati ang mga bodyguard na kasama nito ay sumunod din sa ginang. Nakahanda na ang mga ito kung anuman ang mangyari sa fist lady. Pasugod na ang mga ito kay Fiero, ngunit maagap na pinigilan ni Claudia sa pamamagitan ng pagsenyas. Naalarma naman si Fiero, wala naman siyang balak na gawing masama kaya lang kung bakit ang tingin ng mga naka-unipormadong lalaking ito sa kaniya ay para bang isa siyang kriminal.
"Magsitigil kayo, hindi kailangan ng dahas wala namang ginagawang masama ang lalaking ito, ako ang unang kumausap sa kaniya," sabi ni Claudia.
Nagsipag-atrsan naman ang mga bantay nito.
"Kanina pa kita nakikita, habang papalapit ang sasakyan namin, nakatayo ka lang diyan at nakatingin sa restaurant ko, parang gusto mong lumapit pero hindi mo magawang ituloy. Ano ba ang pumipigil sa'yo?" tanong nito kay Fiero.
Huminga nang malalim si Fiero bago nagsalita. Ngayon alam na niya na ang babaeng ito ang may ari ng restaurant, parang pamilyar nga sa kaniya ang mukha nito ngunit hindi lang niya maalala kung saan niya ito nakita.
"Ma'am, pasensiya na po, susubukan ko lang po sanang mag-apply ng trabaho bilang dishwasher, nabasa ko po kasi diyan sa nakapaskil sa harapan ng pinto ninyo na nangangailangan kayo ng mga taga-hugas ng pinggan."
"So, mag-aapply ka pala ng trabaho, bakit hindi mo itinuloy at balak mo nang umalis?"
Saglit na hindi nakaimik si Fiero. "Naisip ko lang po kasi na hindi ako bagay magtrabaho sa mamahaling lugar na 'yan," totoo sa loob na sabi niya.
Ngumiti si Claudia na ikinagulat ni Fiero. Napakaseryso ng mukha ng ginang kanina at talaga namang nakakatakot pero ng ngumiti ito ay para bang nakahinga siya ng maluwag. "Akin na ang resume mo," anito.
Nagdadalawang isip naman si Fiero na ibigay ngunit sa huli ay inabot din niya sa ginang ang hinihingi nito.
Nang mapasakamay ni Claudia ang resumé ni Fiero ay agad niya itong pinasadahan ng tingin.
"So you're applying as a part time dishwasher?" tanong nito, matapos suyurin ng mga mata ang hawak na papel ay si Fiero naman ang binalingan nito ng tingin.
"Bakit part time lang? Ang kailangan namin dito ay full time dishwasher."
"Ah, kasi po, nagtatrabaho po ako diyan, malapit lang po rito. Construction worker po ako, diyan sa itinatayong building." Itinuro nito ang malaking gusali na halos mga bakal at poste pa lang ang nakatayo.
"O, may trabaho ka naman pala bakit kailangan mo pang mag-part time job?"
"Pinag-iipunan ko po kasi ang pag-aaral ng kapatid ko sa college, hindi po sasapat ang kinikita ko sa pagko-construction para maipadala ko sa pamilya ko sa probinsiya kaya kailangan po talagang mag-doble kayod."
Bahagyang napaisip si Claudia. "Okay, ngayong narinig ko na ang rason mo ay pumapayag na akong magtrabaho ka sa restaurant ko sa itinakdang oras kung kailan ka available. Ibibilin na kita sa mga tauhan ko. Bumalik ka rito bukas sa ganito ring oras. Kukunin ko na itong resumé mo at ibibigay sa mga tao ko, sila na ang bahala sa'yo bukas."
Hindi makapaniwala si Fiero, parang isang panaginip lang ang mga nangyayari sa kaniya ngayon. Aakalain ba niyang ang mismong may ari pa ang nakausap niya at higit sa lahat ay pinayagan siya nitong magtrabaho sa restaurant nito kahit part time job lang ang gusto niya.
Samantalang, hindi maipaliwanag ni Claudia ang nararamdaman, malayo pa lang ang sasakyan nila sa restaurant ay nakita na niya si Fiero na nakatanaw roon, naging interesado agad siya sa binata, hindi siya madaling magtiwala lalo pa at nakita naman niya ang itsura nito na may balbas at bigote at mahaba pa ang buhok. Sa unang tingin ay pagdududahan mo na agad ang pagkatao niya ngunit ng malaman niya ang tunay na dahilan kung bakit gusto pa nito na mag-apply para sa ekstrang trabaho ay nagkaroon siya ng simpatiya rito, bihira na ang ganuong klaseng lalaki na responsable at inuuna ang kapakanan ng kaniyang pamilya bago ang kaniyang sarili. Magaan ang pakiramdam niya kay Fiero, kaya naman binigyan niya ito ng pagkakataon na makapagtrabaho sa kaniyang restaurant, tulong na rin niya sa binata na lumalaban ng patas para mabuhay.
Pagpasok niya sa loob ng restaurant ay inabot agad niya ang resume ni Fiero sa kaniyang manager.
"Jewel, I want you to take incharge of this employee. Ako mismo ang nag-interview sa kaniya, pasado na siya sa akin kaya huwag ka nang masyadong magtanong. Anyways, part time lang naman siya. Here is his resume, i-orient mo siya bukas kung ano ang mga dapat at hindi dapat niyang gawin, bigyan mo na rin ng uniform. utos niya rito.
"Yes, Ma'am, ako na po ang bahala," mabilis naman na responde nito.
"Nakahanda na ba ang mga bagong empleyado natin?"
"Opo, nasa meeting room na po sila, kayo na lang ang hinihintay."
"Okay sige, ihanda mo na ang mga kailangan ko para makapagsimula na tayo sa meeting."
"Ma'am, naayos ko na po'ng lahat, may mga kopya na rin sila ng bago nating menu book."
Tumango siya. "Okay, very good, let's go then."
Nagpatiuna nang lumakad ang ginang patungo sa kanilang meeting room kung saan ay naghihintay ang mga bagong assistant chef na na-hire nila at sumunod naman sa kaniya ang manager na si Jewel.