Chapter 21

1686 Words
Pag-uwi ni Fiero sa kanilang apartment ay agad siyang sinalubong ng tanong ni Inggo," Oh, kamusta ang lakad mo, nakahanap ka ba ng part time job?" Kasalukyang nasa kusina ito at si Franco, nagtutulong ang dalawa sa pagluluto ng kanilang hapunan. "Oo, natanggap akong dishwasher sa Claudia's Kitchen," masayang pagbabalita niya. Napaangat ang ulo ni Franco at bumaling ng tingin kay Fiero. "Wow, talaga? Ang swerte mo naman, alam mo bang sikat na restaurant ang napasukan mo?" anito. Umiling si Fiero. "Hindi, nakita ko lang na hiring sila kaya nagbakasakali ako. Napansin naman ako nang may-ari at siya mismo ang nag-interview sa akin," pagkukwento niya. "May-ari? Nakilala mo mismo ang may-ari ng restaurant?" pagkaklaro ni Franco sa sinabi niya. Naguguluhang tumango siya. "Oo, nakita kasi niya akong nakatayo sa labas kaya tinanong niya ako kung ano ang kailangan ko, kaya sinabi ko." "Naku naman, ang swerte mo talaga, Tol. Alam mo bang ang asawa ng presidente ng bansa natin ang may-ari ng restaurant na iyon? Sa pangalan nga niya kinuha ang pangalan ng restaurant. Tingnan mo nga naman, ako ngang matagal na rito sa Maynila kahit sa malayo ay hindi ko pa nakikita ng personal ang first lady, pero ikaw, isang buwan ka pa lang dito nakausap mo na ang asawa ng presidente," hindi makapaniwalang sabi nito. "Ano, mabait ba ang first lady?" singit ni Inggo sa usapan, naging curious siya dahil kahit siya rin ay hindi pa nakikita ang asawa ng presidente ng kanilang bansa. Saglit na natigilan si Fiero, inisip muna niya ang eksena kahapon sa pagitan niya at ng may ari ng resraurant. "Mukha siyang istrikta pero mukha rin namang mabait," alanganing sagot niya, hindi kasi niya sigurado kung talagang mabait ba ito. "O, ayan may bago ka na namang pagpapaguran, siguraduhin mo lang na kaya mong pangatawanan ang dalawang trabaho. Alalahanin mo, isa lang ang katawan mo at mahal ang magkasakit kaya hinay-hinay lang," payo ni Inggo. "Oo, alam ko naman iyon, hindi ko aabusuhin ang katawan ko, magpapahinga rin naman ako," aniya. Matapos nilang mag-usap ay nagpaalam muna siya sa mga kaibigan para magbihis ng damit pambahay. Bumalik din siya pagkatapos ay tumulong sa mga ito sa kusina. Ganuon ang daily routine nila, tulungan sa mga gawaing bahay. - Kinabukasan, matapos ang trabaho sa construction ay dumiretso agad si Fiero sa Claudia's Kitchen. Nagulat pa ang manager nang makita siya. "So, talaga pa lang, may balbas at bigote ka, akala ko sa picture lang. Anyways, si Ma'am Claudia na mismo ang tumanggap sa'yo kaya hindi na magiging issue sa akin 'yan. Alam mo naman kasi pagkain ang hina-handle natin dito kaya medyo istrikto ako pagdating sa personal hygene ng mga emplayado. Sabagay, sa paghuhugas ka naman ng pinggan naka-assign at hindi sa pagluluto kaya okay na rin. Ito nga pala ang uniform mo, magbihis ka muna bago ka magsimula sa trabaho. Naroon ang locker room ng mga empleyado, mamili ka na lang ng bakante d'yan, yung walang nakalagay na pad-lock ibig sabihin ay wala pang may-ari nun, doon mo ilagay ang mga gamit mo. Kapag nakapagbihis ka na ay bumalik ka rito at marami pa akong sasabihin sa'yo na dapat mong malaman tungkol sa Claudia's Kitchen bago ka magsimula sa trabaho." Mabilis magsalita ang manager ngunit nasundan naman ni Fiero ang lahat ng mga sinabi nito. Sumunod siya sa utos nagbihis muna ng uniporme bago muling nakipag-usap dito. - Noong una lang naman medyo mahirap, ngunit sa katagalan ay nasanay na rin si Fiero. Mahigit dalawang linggo na siya sa kaniyang trabaho at nakakasundo naman niya ang mga kasama niya sa trabaho lalo na ang mga naka-assign sa kitchen. Ang mga kasama niya bukod sa dalawang dishwasher na sina Marie at Digna, ang mga chef at assistant ng mga ito ay mababait din naman sa kaniya. Simula ng magtrabaho siya sa restaurant ay hindi pa niya nakitang dumalaw ulit ang may ari na si Madam Claudia, kung tawagin ng mga kapwa niya empleyado. "Listen everyone!" Napahinto sa ginagawa si Fiero pati na rin ang mga kasamahan niya nang biglang sumulpot sa kusina ang kanilang manager. "Sarado ang restaurant natin bukas dahil may special occassion na gaganapin dito. Bukas ang birthday party ng mother in law ni Madam Claudia kaya naman magiging busy tayong lahat. Ang morning at afternoon shift ay sabay-sabay nang papasok bukas, 1pm kailangan nandito na kayo except for the chef and assistant chef na maaga pa lang ay dapat nandito na for their food preparation para sa mga lulutuin nilang mga pagkain bukas. Since dinner ang call time ng party ay asahan niyo nang gagabihin na tayo ng uwi bukas, but don't you worry, lahat kayo ay may overtime pay and as per Madam Claudia, lahat din tayo ay double pay bukas. Sana naman ay naintindihan ninyo ang mga sinabi ko, alam kong mabilis akong magsalita. Sa mga baguhan, kayo na ang bahalang mag-adjust sa katagalan ay masasanay rin kayo sa akin. Okay, iyon lang naman ang sasabihin ko, tapusin niyo na ang mga trabaho ninyo para sabay-sabay na tayong makauwi." Matapos magsalita ay lumabas na ang manager, naiwan naman ang mga tao sa kusina na may kani-kaniyang usapan at opinyon para sa gaganaping birthday celebration bukas. Samantalang, si Fiero ay tahimik lang at hindi nakikisali sa usapan ng mga kasamahan niya. Pabor naman sa kaniya dahil linggo bukas at wala silang trabaho sa construction. Dagdag sa ipon na rin niya dahil may overtime at double pay pa sila bukas. Matapos ang mga gawain nila sa kusina ay sabay-sabay na rin silang lumabas ng restaurant. Naiwan ang night shift na guwardiya na siyang magbabantay ng restaurant sa buong magdamag. Medyo napagod siya ngayon dahil Sabado maraming tao ang kumain sa Claudia's Kitchen at walang tigil ang dating ng hugasin, mabuti na nga lang at tatlo silang dishwasher dahil hindi niya kakayanin kung siya lang mag-isa. May libre silang hapunan sa trabaho kaya pag-uwi niya ay naglinis lang siya ng katawan at nagpalit ng damit bago umakyat sa double deck para matulog. Kahit tanghaliin na siya ng gising hapon pa naman ang pasok niya bukas. Sina Inggo at Franco ay nadatnan niyang mga tulog na sa kani-kanilang higaan. Kaliwa't-kanan at salitan ang paghilik nang dalawa may pagkakataon pang sabay ang mga ito. Nakasanayan na lamang ni Fiero ang maingay na pagtulog ng mga kasama sa bahay. Noong una ay hirap siyang makatulog ngunit dala ng pagod ay hindi na niya napapansin ang ingay sa paligid, madali na lang siyang nakakatulog katulad na lamang ngayon wala pang limang minuto na lumapat ang likod niya sa matigas na higaan ay nakatulog agad siya. - Nagmamadali si Mikaela. Papunta siya sa Claudia's Kitchen, ang restaurant ng kaniyang biyenan na babae. Hindi pa man siya nakakapasok sa loob ay sinalubong na agad siya ng mapanuring tingin ng kaniyang hipag na si Emily. "What are you doing here, imbitado ka ba ng pamilya?" mataray na tanong nito, mas tumindi ang inis niya kay Mikaela dahil ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya pinapansin ng kaniyang asawa. Kaarawan kasi ni Lola Amelia at sa Claudia's Kitchen gaganapin ang selebrasyon, ang lahat ng pamilya Montreal ay imbitado. "Hindi naman kailangang imbitahin pa ako dahil miyembro naman ako ng pamilya, isa pa si Lola Amelia ang nagsabi na huwag akong mawawala sa birthday niya," sagot niya sa tanong nito. Ang totoo nga ay nagmamadali pa siya, may mga bagay na inaasikaso pa siya sa Montreal Foundation kaya lang iniwan muna niya para lang hindi ma-miss ang birthday ng kaniyang Lola Amelia at isa pa ay ayaw niyang magtampo ito sa kaniya. Bukod kay Blaine ay si Lola Amelia lang ang may magandang pakikitungo sa kaniya, ang lahat ng pamilya ni Blaine ay ayaw sa kaniya maliban kay Lola Amelia kaya naman gusto niyang suklian ang pinapakitang kabaitan ng matanda sa kaniya. Napasimangot naman si Emily. Isa pa sa kinaiinisan niya kay Mikaela ay mang-aagaw ito ng atensiyon. Inagaw nito sa kaniya ang atensiyon ng kaniyang Lola Amelia. Mas magiliw pa ang pakikitungo nito kay Mikaela kaysa sa kaniya na sarili nitong apo. "Hindi porke't gusto ni Lola na narito ka sa party niya ay gusto rin namin. Alalahanin mo, hindi siya ang gumastos sa birthday party na ito kung hindi ako kaya may karapatan akong paalisin ang mga hindi ko gustong tao sa party na ito at isa ka na roon." "Huwag kang mag-alala, hindi ako kakain kung ang bayarin lang ang iniisip mo. Gusto ko lang na batiin si Lola Amelia sa kaarawan niya." Sa sinabing iyon ni Mikaela ay lalo lang uminit ang ulo ni Emily. Magsasalita pa sana ito ngunit biglang may lumapit sa kanila na isa sa mga bisita at kaibigan ng pamilya Montreal, binati nito si Emily, kaya naman sinamantala ni Mikaela na nalilibang ang kaniyang hipag sa pakikipag-usap sa bisita, umalis na siya sa harapan nito para hindi na humaba pa ang diskusyon nila. Mabibilis at may halong pagmamadali ang mga hakbang niya, kilala niya si Emily, hindi siya tatantanan nito kaya mabuti pang hindi na siya magpakita rito. Sa kamamadali niyang makaiwas sa kaniyang hipag ay hindi niya napansin ang naglalakad, nabangga niya ito. Nasubsob siya sa matigas na bagay. Napahawak pa siya ngunit laking gulat niya ng pagtingala niya ay isang matangkad at pamilyar na lalaki ang bumungad sa kaniya. Ngayon niya na napagtanto na ang matigas na bagay na iyon ng kapain niya ay dibdib pala nito. Napaatras siya, hindi makapaniwala ang tingin niya sa lalaking nakatingin din sa kaniya. Parang bigla siyang napaso. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang nangyayari ngunit tila ba tumigil ang mundo sa kanilang dalawa, kapwa sila nakatingin sa mga mata ng isa't-isa. Ipinikit at idinilat ni Mikaela ang kaniyang mga mata sa pag-aakalang namamalikmata lamang siya. Natatandaan niya ang lalaking ito, ang mga mata ng lalaking iyon ay nakatatak na sa kaniya. Ang pinagtataka niya ay kung paanong nangyari na narito ito ngayon at nakasuot ng iniporme ng restaurant, samantalang sa malayong probinsiya niya nakita ang lalaking ito. Isa ito sa mga nakapila para sa relief goods na ipinamimigay nila noon, mga tatlong buwan na ang nakalilipas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD