Chapter 19

1036 Words
Gabi na ng makarating sina Fiero sa bahay ng pinsan ni Inggo na si Franco. Inaasahan na nito ang pagdating nila kaya naman nakapagluto na ito ng pagkain para sa kanila. "Ginabi na kayo," sabi ni Franco nang pagbuksan sila nito ng pinto. "Nagkaroon ng konting problema ang barkong sinasakyan namin. Dapat sana mga alas kuwatro pa lang nang hapon ay narito na kami," paliwanag ni Inggo kung bakit sila ginabi nang dating. "Ah, ganun ba? Ayos na rin, mabuti naman at hindi malaki ang naging problema sa barkong sinsakyan ninyo, kung hindi ay baka mas lalo pang tumagal ang biyahe ninyo." "Kaya nga eh. Siya nga pala, kasama ko si Fiero, siya ang kaibigan na sinasabi ko sa'yo. Fiero ito nga pala si Franco ang pinsan ko," pagpapakilala nito sa dalawa. "Maraming salamat sa pagtanggap mo sa amin dito," ani Fiero, inalok niya ang kamay kay Franco para makipag-shake hands na agad naman nitong tinugon. "Naku, walang anuman, isang sabi lang sa akin ni Inggo, hangga't kaya kong makatulong ay tutulong ako. Tumatanaw lang din ako nang malaking utang na loob sa mga magulang ni Inggo, kung hindi dahil sa kanila ay hindi ako makakarating dito sa Maynila." "Halika, kumain na tayo, alam ko namang sawang-sawa na kayo sa isda doon sa lugar ninyo, kaya naman nilutuan ko kayo ng adobong baboy," sabi ni Franco. "Wow! Tamang-tama, kanina pa nga kami nagugutom ni Fiero, ang mahal ng mga pagkain sa barko. Tinitipid pa naman namin ang perang dala namin, dahil baka hindi pa kami agad makahanap ng trabaho." "Naku... sakto ang dating ninyo, naghahanap ng mga laborer ang kompanya namin. Maaari kayong mag-apply, may malaking project kaming ginagawa ngayon, tatlong araw pa lang nasisimulan, aabutin pa 'yon ng anim na buwan bago matapos. Malaki at malawak na building ang itinatayo namin ngayon." "Ah, talaga, sige nga sabihin mo sa amin kung paano kami makakapag-apply?" interesadong tanong ni Inggo. Si Fiero naman ay matamang nakikinig lang sa pag-uusap ng magpinsan, katulad din ni Inggo ay intersado siyang malaman kung paano sila makakapag-apply ng trabaho sa kompanya nila Franco. Si Franco ay isa ring construction worker, nagtatrabaho ito sa mga malalaking kompanya at nagtatayo sila ng mga nagtataasang gusali rito sa siyudad. "Sumama kayo sa akin bukas pagpasok ko, ipakikilala ko kayo sa foreman namin, magdala lang kayo ng resume. Ako ang bahalang mag-backer sa inyo, siguradong pasok kayo agad." "Sige, sasama kami bukas. Mag-a-apply tayo bukas 'di ba Fiero?" Binalingan ni Inggo ang kaibigan. "Oo siyempre kaya nga tayo narito para sa trabaho. Hindi natin puwedeng palampasin ang ganitong pagkakataon," sagot naman ni Fiero. "Oh, halika na, mamaya na natin pag-usapan 'yan, kumain muna tayo. Ibaba niyo muna ang mga gamit ninyo diyan at mamaya n'yo na ayusin." Sumunod naman ang dalawa. Ibinaba nila ang malalaking bag na bitbit sa likod ng pinto at dumiretso na sila sa kusina. Maliit lang ang bahay na inuupahan ni Franco, may maliit na sala, kusina, isang kuwarto at isang banyo. Maganang nagsalo sa pagkain ang tatlo, wala munang usap-usap dahil pare-parehong silang gutom. "Ako muna ang maghuhugas ng pinggan ngayon dahil pagod kayo, pero sa susunod pag-uusapan natin ang schedule ng paglilinis, pagluluto at paghuhugas ng plato rito sa bahay. Ipasok niyo na sa kuwarto ang mga gamit ninyo at magpahinga na kayo. May double deck sa loob, bahala na kayo kung sino ang sa itaas at sino ang sa ibaba. Yung papag na may kutson sa akin 'yon, ako ang nahihiga roon. Kapag nakaluwag-luwag kayo bilhan niyo na lang ng foam ang higaan ninyo para mas komportable ang tulog ninyo." "Oo, insan, maraming salamat!" Tumango lang si Franco at ipinagpatuloy na ang paghuhugas ng pinggan, samantalang ang magka-ibigang Fiero at Inggo ay pumasok na sa nakasarang silid. Maluwag naman sa loob dahil walang masyadong gamit bukod sa isang papag at double deck ay may hindi kalakihang cabinet na gawa sa narra ang naroon na okupado na ni Franco, nakalagay sa kabinet ang mga damit at mahahalagang gamit nito. "Saan mo ba gustong pumuwesto?" tanong sa kaniya ni Inggo. "Ikaw na ang pumili kung saan ang gusto mo, basta kung ano na lang ang matira ay doon ako." Napaisip naman si Inggo kung saan nga ba niya gustong pumuwesto, kung sa itaas ba o sa ibaba? Sa katagalan ng pag-iisip ay pinili niyang sa ibaba na lang pumuwesto dahil madalas siyang maihi sa gabi ay nakakapagod naman ang panay na pagbaba. "Sa taas ka na lang, Fiero, mas malakas pa ang mga tuhod mo kaysa sa akin. Mahirap ang panik-panaog." "O sige, ikaw ang bahala." Inakyat ni Fiero ang bag niya sa itaas ng double deck at saka naman siya umakyat. Mabuti na lang at pinabaunan siya ng kaniyang ina ng unan at kumot kaya kahit papaano ay magiging komportable na rin ang tulog niya. Sanay naman siyang matulog sa matigas na higaan kaya walang kaso sa kaniya kahit walang foam ang puwesto niya. Bago matulog ay naghilamos muna siya, nagtoothbrush at nagpunas ng katawan gamit ang labakara at saka nagbihis ng preskong damit na pantulog. Sando at short ang napili niya buhat sa mga damit na nakalagay sa bag niya. Paglabas niya ng banyo at pagbalik sa kanilang kuwarto ay nadatnan niya si Inggo na natutulog na, kung ano ang suot nito kanina sa biyahe nila ay siya paring suot nito at hindi na na-abala pang magpalit. Napapailing na lamang siya sa lakas ng hilik nito. Ito ang unang pagkakataon na makakasama niya sa pagtulog si Inggo at hindi niya alam na malakas pala itong humilik. Napabuntong hininga na lamang siya nang malalim. Nang makaakyat siya sa taas at pumuwesto ng higa ay agad niyang tinakpan ng unan ang kaniyang tenga. Hindi niya alam kung kakayanin niyang matulog na naririnig ang hilik ni Inggo na may kasama pang sipol. Kung puwede nga lang tapalan niya ng basahan ang bibig nito dahil sa tantiya niya ay hindi iyon titigil ng magdamag. Ang hilik ni Inggo ang isa sa malaki niyang problema. Kailangan ngayon pa lang ay sanayin na niya ang sarili dahil nasa ibang environment na siya. Inisip na lamang niya na sa katagalan ay masasanay na lang siya sa maingay na tunog na nililikha ni Inggo kapag natutulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD