Balik sa palengke si Fiero. Hindi pa sapat ang ipon niya para makapagpagawa ng kariton na gagamitin niya sa pagtitinda ng mga street foods kaya patuloy pa rin siyang natitiyagang magtrabaho bilang kargador.
"O ano kaya mo pa ba?" Nanghahamon ang tono ng boses ni Inggo habang pasan-pasan sa balikat ang isang sako ng bigas na dadalhin nito sa bigasan ni Mang Nanding.
"Bakit?" kunot noong tanong ni Fiero. Magkaiba sila ng binubuhat ngayon dahil magkaiba rin ang kliyente nila, kung si Inggo ay sako-sakong bigas ang pasan, ang sa kaniya naman ay sako ng mga gulay .
Alas tres pa lang ng umaga ay nasa palengke na sila para maghakot ng mga bubuhatin. Alas siyete na ng umaga ng matapos sila.
"Gusto mo bang sumama sa akin, ha Fiero?" tanong Inggo. Sabay silang kumakain ng almusal sa suki nilang karenderiya.
Itinigil ni Fiero ang pagkain at bumaling kay Inggo. "Bakit ano ang gagawin mo sa Maynila?" takang tanong niya sa kaibigan.
"Gusto ko nang mas malaking suweldo at magandang trabaho. Hindi biro ang trabaho natin dito bilang kargador, makikipagsapalaran ako sa Maynila. Mag-a-apply ako sa construction, baka sakaling suwertihin."
Napaisip si Fiero. Gusto rin niyang makahanap ng maayos na trabaho na may malaking suweldo, sa kalagayan niya na hindi man lang nakatuntong ng kolehiyo, ang pagpasok bilang construction worker ang isa sa mga trabaho na hindi nangangailangan ng college diploma. May experience naman siya pagko-construction at siguradong mai-a-apply niya iyon kahit nasa Maynila pa siya.
"Kailan ang luwas mo nang Maynila?" seryosong tanong niya.
"Sa Linggo, ano sasama ka ba sa akin?"
"Nagpaalam ka ba sa asawa mo?"
"Oo naman! Siya nga ang may gusto na lumuwas ako nang Maynila para naman daw madagdagan ang kita ko."
"Paano ang mga alaga mong manok?"
"Binilin ko na sa kapatid kong si Kiko ang mga alaga ko," tugon nito.
"Mag-usap ulit tayo bukas, kailangan ko munang ipaalam ito kay Inay at Isabel."
"O, sige pag-isipan mong mabuti."
"Teka, kung sakaling lumuwas tayo nang Maynila may matutuluyan ba tayo?"
"Oo, may pinsan ako roon, binata pa 'yon at walang kasama sa tinitirahan niyang apartment. Kung sakali mang palarin tayo at makahanap ng trabaho ay makikihati tayo ng bayad sa upa pati na sa kuryente at tubig. Hindi naman na siguro ganu'n kamahal dahil tatlo naman tayong maghahati-hati."
Sa mga sinabing iyon ni Inggo ay parang naiingganyo si Fiero na sumama rito pagluwas ng Maynila. Nang araw rin na iyon pag-uwi niya sa bahay ay sinabi niya sa kaniyang Inay ang plano niya.
"Kung ano ang gusto mo anak ay hindi naman ako tututol. Nasa tamang edad ka na para magdesisyon sa sarili mo. Ako naman ay narito lang para sumuporta at magbigay ng payo sa'yo kung kakailanganin mo. Kung saan sa tingin mo na mapapabuti ka ay sundin mo ninanais ng puso mo," tugon ni Aling Wilma nang magpaalam siya rito na luluwas ng Maynila para sumama kay Inggo na maghanap ng trabaho.
"Malapit nang mag-college si Isabel, Nay. Hindi ko kaya siyang pag-aralin kung aasa lang ako sa pagiging kargador sa palengke. Kapag nasa Maynila na ako at nakapagtrabaho sa construction ay susubukan ko pa ring maghanap ng part time job para may pandagdag kita. Huwag po kayong mag-alala gagawin ko ang lahat para makapagpadala sa inyo ng sapat na pera."
Biglang naging emosyonal si Aling Wilma dahil sa sinabing iyon ni Fiero.
"Maraming salamat, anak at hindi mo kami pinababayaan ng kapatid mo. Napakaswerte namin dahil lagi kang nandiyan. Hindi mo lang alam kung gaano kami nagpapasalamat ni Isabel sa'yo."
"Nay, nangako ako kay Itay na hindi ko kayo pababayaan at tutuparin ko ang pangakong iyon. Gagawin ko ito para sa inyo ni Isabel, magtatrabaho ako ng mabuti, para sa ating pamilya."
"Kuya, mami-miss kita, wala nang gagawa ng bike ko," malungkot na sabi ni Isabel.
"Huh! Kaya mo lang ako mami-miss dahil sa bike mo?"
Umiling si Isabel. "Siyempre hindi naman, Kuya. Iba pa rin kapag nandito ka. Mula noong hanggang ngayon lagi na tayong magkakasamang tatlo, ngayon ka lang mahihiwalay sa amin kaya nakakalungkot."
Kinabig ni Fiero ang kapatid at saka niyakap nang mahigpit.
"Ginagawa ko ito para sa inyo ni Inay. Nangako ako kay Itay at tutuparin ko ang pangako ko na bibigyan kayo ng magandang buhay. Konting tiis lang magsasama-sama ulit tayo. Akala niyo ba kayo lang ang nalulungkot? Siyempre nalulungkot din ako, kapag nasa malayo, iisipin ko rin ang kalagayan ninyo dito. Basta pagbutihan mo lang ang pag-aaral mo, Isabel, para naman lalo akong ganahan na magtrabaho."
"Oo, Kuya, huwag kang mag-alala hindi ka magsisisi na pag-aralin ako, pagbubutihan ko," paniniguro ni Isabel.
Napanatag naman ang kalooban ni Fiero. Nagdadalawang isip pa nga siya kung tutuloy kaya lang ay walang mangyayari sa buhay nila kung mananatili lamang siya sa San Marcelino, nasa Maynila ang oportunidad. Hindi lahat ng nagpupunta roon ay pinapalad ngunit gusto niyang magbakasakali na baka isa siya sa mga palarin.
-
Nang sumapit ang araw ng Linggo, maaga pa lang ay umalis na sina Fiero at Inggo. Hindi na siya nagpahatid sa kaniyang ina at kapatid dahil malulungkot lang siyang lalo at natatakot siya na baka magbago pa ang isip niya at hindi na tumuloy kapag nakita niyang umiyak na ang kaniyang inay at kapatid.
Sumakay sila ni Inggo sa bangka na maghahatid sa kanila sa daungan ng barko. Babiyahe sila sakay nito at aabutin pa nang tatlong araw bago sila makarating ng Maynila.
Ito ang unang pagkakataon na makakatuntong si Fiero sa Maynila. Naghahalo ang excitement at kaba sa kaniya, hindi niya alam kung ano ang buhay na naghihintay sa kaniya roon, kaya lang susugal pa rin siya. Isusugal niya ang huling alas niya. Hindi na siya bata kaya gusto niyang may mapala naman sa buhay niya. Panibagong buhay at panibagong pakikipagsapalaran.
Habang pinagmamasdan niya ang payapang dagat ay parang nagbibigay sa kaniya iyon ng pag-asa at kapanatagan ng loob.
Nakakainip ang tatlong araw na biyahe ngunit titiisin niya para lang makarating sa lugar na magbibigay sa kaniya at sa pamilya niya ng pag-asa. Laban lang sa buhay, iyan ang lagi niyang sinasabi sa sarili niya. Pasasaan ba at matutupad din niya ang pangako niya sa kaniyang yumaong ama.