Mabilisan lang ang pagbibihis na ginawa ni Mikaela, hindi na siya nag-ayos ng todo. Nagpahid lang siya nang liptint sa labi para hindi magmukhang maputla at naglagay ng konting pulbo sa mukha. Na-maximize niya ang kaniyang oras at nagawa niyang makahabol sa inauguration ng hindi nale-late.
Agad niyang hinanap ang kaniyang biyenan, hindi pupwedeng hindi nito makita ang presensiya niya.
Natagpuan niya ito sa pinaka unang upuan malapit sa stage. Agad siyang lumapit dito. "I'm sorry for being late, Mama." Tumabi siya ng upo sa ginang.
Nalukot naman ang mukha ni Claudia nang makita siya. "Kung hindi mo kayang magising nang maaga ay huwag ka nang mangako na sasama. Ang ayoko sa lahat ay iyong pinaghihintay ako. Maiksi lang ang pasensiya ko at hindi ka espesyal na tao para hintayin ko. Kung alam mo ang ibig sabihin ng salitang 'commitment' ay maaga pa lang nakahanda ka na. Hindi pasado sa akin ang ugali mong 'yan, Mikaela. Kahit kailan talaga ay palpak ka, wala ka nang ginawang tama," sermon nito sa kaniya.
Mabuti na lamang at malayo sila sa mga tao at hindi naririnig ng mga ito ang pinagsasabi ni Claudia. Kahit talaga saang lugar kung may pagkakataong makapagsermon ay sesermunan at sesermunan siya nito.
Hindi naman siya puwedeng mangatwiran dahil aminado naman siyang kasalanan niya. Wala siyang makapang tamang salita para ipagtanggol ang kaniyang sarili.
Hinayaan na lamang niya ang kaniyang biyenan, mapapagod din ito sa kakasalita kaya ibinaling na lamang niya ang atensiyon sa stage kung saan malapit nang i-proklamang gobernador ang tiyuhin ni Blaine na si Atty. Timothy Leviste, na bunsong kapatid ni Claudia.
May mga ilang nag-speech sa harap at nagbigay pugay sa bagong gobernador. Nang dumating ang oras ng proklamasyon nito ay inanyayahan ang mga kamag-anak ng gobernador na umakyat sa itaas ng stage para samahan ito.
Tumayo si Mikaela at inalok niya ang kaniyang kamay para alalayan ang kaniyang biyenan ngunit hindi nito tinanggap iyon, naglakad itong mag-isa at iniwan siya, sumabay ito sa ilan pang mga kamag-anak nila na paakyat din ng stage.
Sa dami nang tao na naroon ay imposibleng walang nakapansin sa ginawang iyon ni Claudia. Umakto na lamang si Mikaela na para bang walang nangyari. Nginitian niya ang mga taong bumabati sa kaniya at tumatawag sa kaniyang pangalan. Ang totoo ay out of place siya, kahit pa sabihing halos lahat ng kamag-anak ni Blaine sa mother side ay naroon, ngunit ang pakiramdam niya ay nag-iisa lang siya. Matapos ang proklamasyon ay nagsama-sama pa rin sila para sa pictorial. Nagulat siya nang bigla nalang may sumingit sa tabi niya, muntik na siyang ma-out of balance nang itulak siya nito. Tumingala siya para alamin kung sino ang bagong dating na iyon, napaawang ang bibig niya nang makita si Emily. Isang masamang tingin ang ipinukol nito sa kaniya at pagkatapos ay ngumisi na para bang nakakainsulto.
Sa buong pictorial ay hindi nakita ang mukha niya dahil sinadya ni Emily na iharang ang sarili para matabunan siya. Hindi na lamang niya ipinilit na makasama sa mga pictures, tumayo lang siya sa likuran at hinayaan ang pamilya Leviste na mag-pose para sa mga photographers at mga taong gustong kumuha ng larawan ng pamilya.
Huminga siya nang malalim at saka ngumiti. Nang matapos ang pictorial ay inimbitahan ng gobernador ang kaniyang mga kamag-anak at iba pang malalapit na kaibigan na naroon para sa munting salo-salo sa kanilang bahay.
Nagkani-kaniya na ang lahat. Sakay ng kani-kanilang mga sasakyan ay pupunta ang mga ito sa bahay ng gobernador, ngunit hindi si Mikaela. Minabuti na lamang niya na umuwi at hindi na ipinilit ang sarili na makisama sa pamilya na ayaw naman sa kaniya.
Pagdating niya sa mansion, isang oras lang ang lumipas ay dumating na rin si Blaine. Sinugod niya ito nang yakap dahil na-miss niyang talaga ang kaniyang asawa. Sumubsob siya sa dibdib nito at tahimik na umiyak. Naghalo-halo na ang emosyon na nadarama niya. Miss niya si Blaine at naalala rin niya ang pamamahiya sa kaniya kanina ng pamilya nito. Hindi niya magawang sabihin sa asawa ang sama ng loob niya. Tahimik lang siyang umiyak sa dibdib nito.
"Huh! Why are you crying?" nag-aalalang tanong ni Blaine. Ang buong akala kasi niya ay nakayakap lang sa kaniya ang asawa, ngunit narinig niya ang tahimik na paghikbi nito at naramdaman niyang nabasa ang suot niyang damit.
Umalis sa pagkakayakap sa kaniya si Mikaela. "I'm sorry, na-miss lang talaga kita," sabi niya, nakangiti siya ngunit ang mga mata naman ay lumuluha.
Pinunasan ni Blaine nang palad niya ang pisngi ng kaniyang asawa.
"Shhh... Please stop crying, nandito na ako. I'm sorry kung hindi ako nakauwi kagabi." Ang buong akala niya ang hindi niya pag-uwi kagabi ang dahilan kaya umiiyak ang kaniyang asawa.
Umiling si Mikaela. "Wala namang problema, hindi ako galit, pasensiya na kung naging emosyonal ako."
Ngumiti si Blaine, kinabig siya nito at muling niyakap. "Hayaan mo sa susunod kapag may out of town ako ay isasama na kita."
Kumapit siya sa batok ng asawa at pagkatapos ay tumingkayad, inabot ng labi niya ang mga labi nito at ginawaran ng masuyong halik.
"I love you!" Titig na titig siya kay Blaine habang sinasabi iyon.
"I love you, too!" tugon naman nito.
Napilitan silang maghiwalay nang may marinig na sunod-sunod na katok mula sa pinto.
"Sir Blaine, Ma'am Mikaela, handa na po ang hapunan!" sabi ng kasambahay.
"Okay, sige bababa na kami," sagot ni Blaine.
Binalingan siya nito. "Halika na kumain na tayo, nagugutom na ako." Hinawakan nito ang kamay niya at hinatak siya nito palabas ng kanilang silid. Hinayaan lang niya ang kaniyang asawa, sumunod lang siya rito hanggang sa makababa sila at makarating sa dining. Dahil wala pa si Claudia at si Lola Amelia naman ay pinapakain na lamang ng nurse nito sa kuwarto, kaya silang dalawa lang ang maghahapunan sa malawak na dining table.
"How's the inauguration?" tanong ni Blaine nang kumakain na sila.
"Successful ang inauguration, sana naroon ka para nabati mo nang personal si Uncle Timothy. Kumpleto ang pamilya ninyo, naroon silang lahat," pagbabalita niya.
"I thought there's an after party. Hindi ka ba pumunta?"
Umiling siya. "Hindi na, bigla kasing sumakit ang ulo ko," pagdadahilan niya. Ginawa niyang magsinungaling sa asawa kahit ang totoong dahilan ng hindi niya pagdalo sa salo-salo ni Governor Leviste ay dahil hindi naman siya welcome sa pamilya. Ayaw na niyang madagdagan pa ang pagkapahiya kanina sa inauguration nito.
"Ah, ganu'n ba? Kamusta na ang pakiramdam mo ngayon, masakit pa ba ang ulo mo?" Nakita niya ang pag-aalala sa mukha ng kaniyang asawa.
Umiling siya. "Hindi na. I'm okay now," tugon niya.
Tumango si Blaine. Nilagyan nito ng kanin at ulam ang plato niya, inasikaso nito ang pagkain niya. Nakakataba ng puso na ganito siya kung tratuhin ng kaniyang asawa, malayong-malayo sa pagtrato ng pamilya nito sa kaniya. Kahit anong sakit sa dibdib at hinanakit ang nadarama niya ay napapawing lahat kapag nakikita niya si Blaine. Nagagawa niyang patawarin ang mga taong nanakit sa kaniyang damdamin kahit hindi naman humihingi ng tawad ang mga ito sa kaniya. Ganu'n kabuti ang pag-ibig niya kay Blaine.