Chapter 16

1141 Words
"I regret to inform you, Congressman Montreal, that even after trying different treatments, the tests we did show no improvement. It's still unlikely for you and your wife to have a baby. I know you might not like other ways of having a child, but right now, it's the only option I can suggest. I think you should think about them because it's uncertain if you'll be able to have a baby with your current situation." Iyon ang mga salitang hindi mawala-wala sa isip ni Blaine nang mag-usap sila kanina lang ni Dra.Garces. Simula nang malaman niya ang tunay niyang kalagayan ay ginawa niya ang lahat, nakipag-cooperate siya sa mga doctor para sa ikakabuti ng kaniyang sitwayon. Ang mga kailangang test at gamutan ay palihim lamang niyang ginagawa. Nakuha pa nga niyang pumunta ng ibang bansa para sa ilang mga treatment ng hindi nalalaman ni Mikaela ang totoong dahilan ng pag-alis niya. Mahigpit na itinago niya ang lahat ng iyon sa kaniyang asawa. Nasa kanilang family rest house siya ngayon, hindi siya umuwi sa kanilang bahay at nagpaalam lamang sa kaniyang asawa na may mahalagang bagay siyang aasikasuhin out of town. Gusto niyang mapag- isa at makapag-isip kaya pinili niyang hindi isama si Mikaela sa pagbabakasyon niya. Hanggang ngayon ay hindi niya matanggap na walang nangyari sa lahat ng pinagpaguran niya Hindi biro ang ginugol niyang oras, pera at effort para lamang maging maayos na ang kalagayan niya ngunit wala ring naging saysay ang mga ginawa niya. Nawalan na siya ng pag-asa na ipagpatuloy ang iba pang naiwang mga proseso dahil sa tingin niya ay kahit ano ang gawin niya ay hindi na mangyayari ang gusto niya. Hindi na niya mabibigyan ng anak ang kaniyang asawa. Napangiwi siya matapos tunggain ang baso na may lamang alak, humahagod ang pait at init nito sa kaniyang lalamunan. Sa una lang naman, ngunit sa katagalan ay nasanay na rin siya sa lasa nito. Ayaw niyang maging kagaya ng Ate Emily niya. Ayaw niyang maging mababa ang tingin sa kaniya ng mga kamag-anak nila dahil lamang sa wala siyang kakayahan na magka-anak. Buong buhay niya ay sinunod niya kung ano ang gusto ng kaniyang pamilya. Isinantabi niya ang pangarap niya para sa kaniyang sarili dahil gusto niyang tuparin ang pangarap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya. Ang tanging pangarap lang niya na ipinaglaban niya ay si Mikaela at ayaw niyang mawala ito sa kaniya. Hindi niya namalayan sa kakaisip niya ng mga problema ay napaparami na ang inom niya. Wala pang isang oras ay nalasing na siya nang husto. Nakatulog siya sa labis na kalasingan, hindi na niya nagawa pang makapasok sa kaniyang silid, kung saan siya nakaupo ay doon na siya natulog. Samantalang si Mikaela ay hindi naman masyadong nag-isip sa kaniyang asawa dahil ang huling tawag nito sa kaniya ay maayos naman itong nagkukwento tungkol sa event na pinuntahan nito. Walang kamalay-malay si Mikaela sa pinagdadaanan ng kaniyang asawa. Ang buong akala niya ay nagsasaya ngayon si Blaine, kasama ng ilang mga kaibigan sa isang importanteng event na pinuntahan nito. Habang nakahiga siya ay naiisip niya ang asawa, nate-temp siya na tawagan ito sa cellphone para kamustahin, ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili. Ayaw niyang isipin nito na hindi niya ito pinagkakatiwalaan at mino-monitor niya ang bawat kilos nito kaya sinikap niyang huwag tawagan ang kaniyang asawa. Kahit hindi makatulog ay sinubukan niyang matulog. May importanteng lakad siya bukas kasama ang kaniyang biyenan na babae kaya dapat siyang magising ng maaga. Habang nakapikit ay bigla na lang pumasok sa isip niya ang mukha ng isang lalaki, partikular ang mga mata nito, malinaw na malinaw ang imahe nito sa kaniyang isip. Ang mga mata nito ay para bang pamilyar sa kaniya ngunit hindi niya malaman kung saan niya nakita. Agad siyang napadilat at napabangon, umupo siya at isinandal ang likod sa headboard ng kama. Ang lalaking iyon sa San Marcelino, na nakapila para sa relief goods. Ang lalaking mahaba ang buhok, na may mahabang balbas at bigote, at may nangungusap na mga mata. Hindi niya alam kung bakit binabagabag siya ng alaala nito? Sa daming lugar na napuntahan na niya at sa dami ng mga tao na nabigyan na niya ng mga tulong ay kung bakit ang lalaking iyon ay tumatak sa kaniya, samantalang wala naman siyang narinig na kahit ano rito. Wala naman itong nakakaantig na kuwento ng buhay na ibinahagi nito sa kaniya. Ang matitigan lamang ng malapitan ang mga mata nito ay labis pumukaw sa kaniya. Sino ba ang lalaking iyon? Bakit ganu'n na lang ang epekto nito sa kaniya? Hindi niya alam kung anong oras siya nakatulog, nagising na lamang siya dahil sa tunog ng alarm clock na isinet niya ng alas sais ng umaga. Ramdam niya na hindi pa kumpleto ang tulog niya dahil antok na antok pa siya at hirap na hirap siyang idilat ang kaniyang mga mata. Nagpalipas muna siya ng ilang sandali, ngunit hindi niya namalayan na nakatulog pala siyang muli. Napabalikwas siya ng bangon dahil sa malakas pagpukpok ng kung ano na nanggagaling sa labas. Nataranta siya nang makita ang sumisilip na sikat ng araw sa nakasarang bintana. Maliwanag na sa labas, at ng sipatin niya ang oras sa wall clock ay nagulat siya nang husto ng malaman na sampung minuto na lamang at sasapit na ang alas otso ng umaga. Alas otso ang alis nila ng kaniyang biyenan, dahil alas nuebe magsisimula ang inauguration ceremony ng nag-iisang kapatid nito na itinalagang gobernador ng kanilang lalawigan. Dahil hindi makakapunta si Blaine ay siya ang magiging representative ng kaniyang asawa. Kailangan niyang gawin iyon para magpakita ng suporta sa kapatid ng kaniyang biyenan. Dali-dali siyang bumaba sa kama at lumabas ng kaniyang silid. Nang makababa siya ng hagdan ay tama namang nakita niyang naglalakad ang isa sa kanilang mga kasambahay, tinawag niya ito at agad naman itong lumapit sa kaniya. "Mirna, nakita mo ba ang Mama?" tanong niya rito. "Ma'am, kaalis lang po ni Senyora Claudia, ngayon-ngayon lang po," sagot nito. "Huh! Umalis na ang Mama? Bakit niya ako iniwan?" tanong niya na ang sarili lamang ang kausap. Alam naman niya ang sagot sa tanong na iyon, ngunit nagbakasali pa rin siya na baka bigyan siya ng konsiderasyon ng kaniyang biyenan at isabay pa rin siya nito. Kasalanan niya, walang ibang dapat na sisihin kung hindi siya lang. Nagising na siya kung bakit kasi natulog pa ulit siya? Bumalik siya sa kaniyang silid para maligo at asikasuhin ang kaniyang sarili. Hindi siya puwedeng hindi pumunta sa okasyon na iyon dahil lalong magagalit sa kaniya ang kaniyang biyenan. Kahit na ma-late siya ay pipilitin pa rin niya na makapunta. Ayaw niyang ma-disappoint si Blaine sa kaniya. Alam niyang maiintindihan naman siya ng kaniyang asawa ngunit hindi pa rin maganda kung basta na lamang niya babalewalain ang okasyon na iyon na napakahalaga para sa kaniyang biyenang babae.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD