Chapter 15

1314 Words
Pagdating ng magkaibigang Fiero at Inggo sa court ay hindi nila inaasahan na dadagsain ng tao ang lugar. Nag-dalawang isip tuloy sila kung itutuloy pa ba o hindi na lang ang pagpila dahil sa haba nito, ngunit sa huli ay mas pinili ni Inggo na magtiyagang pumila. Hindi puwedeng umuwi siya nang walang dala dahil paniguradong yari siya sa kaniyang asawa. Sa sobrang haba ng pila ay halos hindi na nila matanaw ang mga volunteer na namimigay. "Ayos lang makakarating din tayo sa unahan, mabilis lang naman ang abutan," sabi ni Inggo na pinakakalma ang sarili para hindi makaramdam ng pagka-bagot. "Dapat pala alas sais pa lang ng umaga ay nakapila na tayo," ani Fiero. Mabilis naman ang usad ng pila ngunit sa tingin niya ay aabutin pa rin ng kulang dalawang oras bago sila makarating sa pinaka unahan. "Oo nga, ito naman kasing si Imang ang sabi sa akin ay siya ang pupunta, tapos ang siste ay ako pa rin pala ang uutusan. Dinadala lang kasi ako sa tapang ng babaeng 'yon, eh. Napakagaling manakot," himutok ni Inggo. "Huh! Kung makasalita ka naman, parang hindi mo asawa si Imang." "Tsk! Kung hindi niya ako pinikot ay talagang hindi ko siya papangasawahin. Sa gwapo kong 'to at habulin pa ng mga babae, bakit ko naman pipiliing pakasalan ang kagaya ni Imang?" Sa pananalita nito ay tila ba minimenos nito ang kaniyang asawa. "Oo, habulin ka talaga ng mga babae... babaeng aso nga lang!" pambubuska ni Fiero sa kaibigan sabay tawa. "Grabe ka naman, tol!" Itinulak siya ni Inggo, nang malakas sa balikat, dahilan para mapaatras siya at sa pag-atras niya ay hindi sinasadyang natapakan niya ang paa ng nakapila sa kaniyang likuran. "Aray naman! Huwag nga kayong maharot! Ka-lalaki ninyong tao ang haharot ninyo!" singhal sa kanila ng matandang dalagang si Susan. "Pasensiya na po, ito kasing si Inggo, napakakulit," paninisi niya sa kaibigan ngunit inismiran lang siya ng ginang. Halatang inis pa rin ito sa kaniya ngunit minabuti na lang na huwag siyang imikin. "Bakit ka kasi nanunulak?" inis na tanong niya kay Inggo. Hindi naman siya pinansin nito dahil ang atensiyon nito ay naka-focus sa umuusad na pila. Ilang sunod-sunod na hakbang pa ay tila ba napapalapit na sila sa unahan. "Hohohooy, mukhang bumibilis na ang usad ah!" bulalas ni Inggo. Umabante ito nang limang hakbang at sumunod naman si Fiero, na nasa likuran lamang nito. "Tsk! Ang masama niyan baka pagdating natin sa dulo ay bigla na lang sabihin sa atin na ubos na ang relief goods," pang-aasar ni Fiero. "Tol, wala namang ganyanan, baka magkatotoo ang sinabi mo, sayang ang ipinila natin kung wala tayong miuuwi," nadidismayang sabi ni Inggo. Mangangatwiran pa sana si Fiero para inisin si Inggo, nang biglang mapabaling ang tingin niya sa babaeng namimigay ng relief goods kung saan sila nakapila. Nangingibabaw ang kagandahan ng babae, mahaba ang itim na buhok nito na halos lumagpas na sa bewang. Hindi ito maliit hindi rin naman ito masyadong matangkad, ang height nito ay tamang sukat lang para sa isang babae. Kumikinang sa liwanag ang kaputian nito at napakakinis nang mamula-mula nitong kutis. Parang nakakita ng totoong diyosa si Fiero sa katauhan ng babaeng iyon. Nabatubalani siya sa angkin nitong kagandahan. Ngayon lang kasi siya nakakita ng ganuon kagandang babae. Hindi niya inaalis ang mga tingin niya rito habang patuloy lang sa pag-abante, hanggang sa hindi niya namalayan na nasa harapan na pala siya nito. "Magandang araw sa'yo, Mister. Pagpasensiyahan mo na ang munting handog ng aming foundation para sa inyo. Sana kahit na papaano ay makatulong ito sa inyong pamilya," sabi ni Mikaela sa lalaking nasa harapan niya. Inabot niya rito ang maliit na sako ng limang kilong bigas at plastic bag na naglalaman ng mga grocery items. Parang wala sa sariling tinanggap naman iyon ni Fiero, titig na titig ito sa kay Mikaela kaya naman nakaramdam si Mikaela nang matinding pagka-ilang. Hindi siya mapanghusgang tao. Sa dami na niya napuntahang lugar at nakasalamuha na iba't- ibang klase ng tao ay ngayon lang siya kinabahan ng ganito. May kung ano sa mga mata ng lalaking iyon habang nakatitig sa kaniya. Hindi niya maipaliwanag ngunit parang nakita na niya ito sa kung saan. Natatakpan ng balbas at bigote ang karamihang bahagi ng mukha nito kaya hindi niya makita kung ano talaga ang totoong itsura nito kung wala ang mga buhok na iyon. Tila ba nagising sa isang malalim na panaginip si Fiero, nang bigla na lamang siyang hatakin ni Inggo palayo sa pila. Kinailangan kasi siyang hatakin nito dahil nagmistula na siyang tuod na walang kakilos-kilos kanina. Naiinip na ang mga tao na nakapila at nag-aantay sa likuran niya. Muntik na niyang mabitawan ang bigas at plastic na bitbit niya dahil noon lang niya naramdaman na may mabigat pala siyang dala. Kanina kasi habang nakatitig siya sa magandang babae ay ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. "Huh!" bulalas ni Fiero. "Tol, ano ba ang nangyari sa'yo? Para kang namaligno kanina. Nagmistula kang tuod sa harapan ng babaeng 'yon. Tinakot mo siya nang husto alam mo ba 'yon?" sabi ni Inggo na labis ang pagtataka sa inasal ni Fiero kanina lang sa pila. Hindi naman mapaniwalaan ni Fiero na magiging ganu'n ang reaksiyon niya pagkakita sa magandang babae. Ngayon lang siya humanga ng ganu'n sa unang kita pa lang. Nilingon niya ang inalisang pila at hindi niya inaasahan na nakatingin pala sa kaniya ang hinahangaang babae. Wari namang napahiya ito nang mahuli niya ang mga tingin nito kaya naman mabilis nitong binawi ang mga mata sa kaniya at ibinaling sa iba. "Si-sino ang babaeng 'yon? Kilala mo ba?"tanong niya kay Inggo. Tiningnan naman siya nito ng makahulugan at pagkatapos ay ngumisi na para bang nanunudyo. "Bakit mo tinatanong, type mo noh? Kaya pala nagmukha kang puno sa harapan niya," pambubuska nito. "Sorry ka na lang 'tol, may asawa na ang babaeng 'yon at hindi basta lang ang napangasawa niya. Isang congressman ang asawa ng magandang babae na 'yon," pagbabalita nito. "Huh! Tinatanong ko lang naman kung sino, bakit ba kung ano-ano na ang iniisip mo d'yan? Alam ko namang hindi ako magugustuhan ng babaeng 'yon." "O bakit mo kasi gustong malaman kung sino siya? Na-krasan mo 'noh?" Nangunot ang noo ni Fiero. "Anong na-krasan?" tanong niya sa kaibigan, hindi kasi niya maintindihan ang sinasabi nito. "Hay, ang hina pumik-up! Ang ibig kong sabihin, crush mo 'yong magandang babae." "Oo, bakit masama ba'ng humanga? Ngayon lang ako nakakita ng ganuon kagandang babae sa tanang buhay ko," walang gatol na pag-amin niya. Tumango si Inggo, bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Fiero. "Sabagay, ang ganda naman talaga niya. Kahit ako man ay humahanga sa kaniya. Huwag lang malaman ni Imang dahil tiyak makakatikim na naman ako ng kutos sa dragon na 'yon. Nabanggit ko na rin ang dragon, ang mabuti pa ay umuwi na tayo tutal nakuha na rin naman natin ang pakay natin dito." Bago tuluyang umalis ay muling nilingon ni Fiero si Mikaela. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nakatingin sa kaniya ang magandang babae dahil abala na ito sa pamimigay ng mga relief goods. Nanghihinayang man na hindi niya nakilala ang hinahangaang babae ay sumunod na rin siya kay Inggo, ang isa pa ay wala naman patutunguhan ang paghanga niya rito, bukod sa mayaman ito ay may asawa na ito. Isinawalang bahala na lamang niya ang estrangherong damdamin na iyon. Samantalang, ang pakiramdam ni Mikaela ay may mga matang nakatingin sa kaniya. Nang lingunin niya ang direksiyon ng lalake kanina na puno ng bigote at balbas ang mukha ay wala na ito sa puwesto nito. Noon lang siya nakaramdam ng kapanatagan ng loob. Ewan ba niya, iba ang aura na ibinibigay sa kaniya ng lalaking iyon. Ang mga tingin kasi nito ay tila ba nang-aarok kaya naman nakaramdam siya ng matinding pagka-ilang. Nilibang niya ang sarili sa pamimigay ng mga relief goods at inalis na sa isipan ang bumabagabag sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD