Chapter 13

1569 Words
"Kuya, ano kaya kung ahitin mo 'yang balabas at bigote mo? Pagupitan mo na rin sana 'yang buhok mo, ang haba-haba na kasi." "Alam mo Kuya, kung mag-aayos ka siguradong maraming magkakagustong babae sa'yo. Bakit kasi gan'yan ang pormahan mo? Gusto mo bang i-make over kita, para magkaroon ka na ng girlfriend?" tanong ni Isabel, habang nakapangalumbaba na nakatanghod sa kaniyang kuya. Iiling-iling na napangiti si Fiero. Kasalukuyan niyang inaayos ang bike ng kaniyang kapatid na naputulan ng kadena, habang ginagawa niya iyon ay pinanonood naman siya nito. "Tsh! Hindi ko kailangan ng girlfriend, dagdag lang sa isipin ko 'yan. Tama nang nasa inyo lang ni Inay ang atensiyon ko. Isa pa ang mga nagi-girlfriend lang ay 'yung mga lalaki na may maganda at maayos na trabaho. Hindi ako magi-girlfriend hangga't hindi ako umaasenso sa buhay." "Huh! Paano kung hindi ka umasenso, Kuya, hindi ka na mag-aasawa ganu'n ba?" Itinulak ng hintuturo ni Fiero ang noo ng kapatid, dahilan para malagyan ito ng grasa. "Bakit ba ang negatibo mong mag-isip? Wala ka bang tiwala sa Kuya mo?" aniya. Sumimangot si Isabel at pinunasan ng kamay ang kaniyang noo. "Hay naku! Si Kuya naman, nagka-grasa na tuloy ang noo ko!" inis na sabi ni Isabel, wala itong tigil sa kapupunas ng kaniyang noo. Napahalakhak si Fiero. "Bagay nga sa'yo 'yang ganiyan," may himig pang-aasar na sabi niya. Gamit ang kaniyang hintuturo na puno ng grasa ay itinapat niya iyon ng nakasentro sa pinaka-gitnang noo ni Isabel, sabay diin. "O, 'yan ang mas bagay, parang siopao na talaga ang dating mo niyan," pang-aasar na sabi niya sa kapatid. Nanulis ang nguso ni Isabel at inirapan ang kaniyang Kuya Fiero."Hmp!Tapusin mo na nga 'yan, Kuya. Hindi na kasi ako natutuwa sa'yo. Iniisip ko lang naman na tumatanda kana, tapos hindi ka pa nagkaka-girlfriend. Concern lang kasi ako sa'yo, ang huling girlfriend mo ay four years ago na at hindi pa ganiyan kagubat ang mukha mo. Paano ka naman kasi magugustuhan ng mga babae, ang dumi mong tingnan?" puno ng kaprangkahan na sabi ni Isabel. "Aray, ang sakit mo namang magsalita! Kahit na ganito ang itsura ko malinis ako sa katawan. Bakit naamoy mo na ba akong mabaho? Pawis ko pa lang pabango na," may halong pagmamalaking sabi ni Fiero. "Correction Kuya, wala naman akong sinabing mabaho ka, ang sinabi ko lang ay madumi kang tingnan." "Marumi at mabaho parehas na rin 'yon." "Okay sige, mukha ka lang putukin pero mabango ka." Pagkaklaro nito sa kaniyang sinabi. Sinamaan niya ito ng tingin. "Pero seryosong tanong Kuya. Ano kaya ang magiging itsura mo kapag inahit mo na 'yang bigote at balbas mo, tapos pagupitan mo ng barber's cut 'yang buhok mo? Simula ng mamatay si Itay ay hindi ka na nag-ahit at nagpagupit ng maiksi. Mahigit pitong taon na ring ganiyan ka kaya nakalimutan ko na kung ano ang itsura mo kapag wala kang mga buhok sa mukha," curious na sabi ni Isabela. Nasunugan kasi sila noon, konti lang ang mga naisalba nilang gamit, walang natira sa mga larawan nila na pinakatatago ng kanilang ina. Ang lahat ng iyon ay kasamang natupok ng apoy. "Tsh! Huwag mo nang alamin dahil hindi naman mangyayari na aahitin ko itong balbas at bigote ko na 'to, lucky charm ko yata ito," may halong pagmamalaking sabi ni Fiero habang hinihimas pa ang kaniyang balbas. "Ah bahala ka na, Kuya. Malaki ka na at buhay mo naman 'yan." Sinukuan na lamang ni Isabel ang pangungumbinsi sa kaniyang kapatid dahil alam naman niyang matigas pa sa bato ang ulo nito. Hindi siya susundin ng Kuya Fiero niya, kung ang inay nga nila na nakiusap din na mag-ahit na ito at magpagupit ay hindi nito pinakinggan siya pa kaya na kapatid lang? "Kaya nga, huwag mo na akong pakialaman sa gusto ko. Kung saan ako komportable ay doon ako. Mas komportable ako nang ganito." Pinaikot-ikot niya ang pedal ng bike para umikot din ang kadena. Ilang ikot pa at maayos nang nakaposisyon ito kaya tinigilan na niya ang pag-ikot sa pedal. "O, ayan may sisirain ka na naman. Hindi ko na gagawin 'yan sa susunod." Tumayo siya at itinulak ang bike papalapit sa kapatid. "Thank you, Kuya, you're the best talaga!" tuwang sabi ni Isabel at humalik pa sa pisngi ng kapatid, ngunit napasimangot din at pinunaspunasan pa ang mukha ng mga kamay. "Kuya, mag-ahit ka na kasi ng balbas at bigote mo. Papunta ka na sa pagiging ermitanyo, eh," reklamo nito. Sa gaspang kasi ng mukha ni Fiero ay wala talagang mangangahas na humalik dito. "Di ba sinabi ko na sa'yo na huwag mo akong pangunahan? Aahitin ko 'to kung kailan ko gusto," yamot na sabi niya. "Oo na! Sige na!" padaskol na wika ni Isabel, sabay dila kay Fiero. Sumakay ito sa bike at iniwan ang kaniyang kapatid, tinahak nito ang kalsada, papunta ito sa kaniyang mga kaibigan na limang bahay lang naman ang layo sa kanila. Natatawang tinanaw na lamang ni Fiero ang nakababatang kapatid. "Fiero, anak!" Napalingon siya sa kaniyang likuran ng may marinig siyang nagsalita. "Ikaw na muna ang bahala rito sa bahay, aalis lang ako," sabi ng kaniyang ina na hindi niya namalayan na nakalapit na pala sa likuran niya. "Saan naman ang punta ninyo, Nay?"tanong niya habang pinapasadahan ng tingin ang ina. Naka blusa itong puti at itim na palda na lagpas tuhod ang haba. Naka sandalyas itong kulay brown at may sukbit na hindi kalakihang itim na bag sa balikat. Nakaipit sa kili-kili nito ang pulang di-fold na payong at pagkatapos may hawak namang pamaypay na di tiklop ang kanan nitong kamay. "Pupunta ako nang simbahan, magmimisa si Father Arthur ngayon. Dadaanan ko si Imang at sabay na kaming pupunta roon,"tugon nito. "Ganu'n po ba? Sige po umalis na kayo at baka mahuli pa kayo sa misa ako na pong bahala rito," pagtataboy niya sa kaniyang ina. Tiningnan siya nito ng may pagdududa. "Ako ay diskumpiyado sa'yo na bata ka. Baka naman lumayas ka rin at iwanan mong nakabukas ang bahay natin?" Umiling siya. "Hindi ako aalis, wala akong lakad. Ako na ang bahala kahit gabihin kayo sa pag-uwi, magsasaing na ako at magluluto ng ulam." Napangiti si Aling Wilma, tinapik nito sa balikat ang anak. "Salamat, anak. Maasahan ka talaga sa lahat ng bagay, huwag ka lang maaya sa inuman ni Inggo at siguradong iiwanan mo ang lahat ng trabaho mo rito." Natawa si Fiero. "Hindi ako mag-iinom, Inay. Nangako na nga ako 'di ba? Areglado na ang lahat pag-uwi ninyo. Mag relax lang kayo at huwag n'yong isipin ang mga gawain dito. Day off niyo ngayon at ako naman ang incharge." Tinapik sa balikat ni Wilma ang anak sabay tango. "O siya sige, aalis na ako." Tinanaw niya ang ina hanggang sa makalayo na ito. Nang mawala na sa kaniyang paningin ang ina ay saka pa lang siya pumasok sa loob ng bahay para maghugas ng maruming kamay. Araw ng Linggo ngayon at kapag ganitong araw ay binibigyan niya ng oras ang kaniyang ina at kapatid na lumabas kasama ng mga kaibigan at siya naman ang nagta-trabaho sa bahay. Kapag may ekstrang pera naman siya ay lumuluwas sila sa bayan para mamasyal sa mall at kumain." Nakatapos na siyang maglinis ng bahay, kasalukuyan naman niyang kinukuha ang kanilang mga nilabhang damit sa sampayan para tiklupin, nang dumaan si Inggo. "Fiero!" malakas na tawag nito sa kaniya. Nilingon niya ito, at iminuwestra naman nito na lumapit siya rito kaya ang mga nakuha niyang damit ay ipinatong muna niya sa upuang kawayan. Lumakad siya papalapit sa kanilang bakod. "Ano, bakit may patawag-tawag ka pa d'yan?" kunot noong tanong niya kay Inggo. "Bukas ng umaga may mga mamimigay ng relief goods sa court. Papuntahin mo si Isabel para pumila, sayang din 'yon, limang kilong bigas delata at noodles ang ipamimigay," pagbabalita nito. "Ah, ganu'n ba, sige sasabihin ko mamaya pag-uwi." "Papuntahin mo ng maaga para mauna sa pila. Pasabayin mo na kaya Imang." "Oo, sige, salamat, tol," sabi niya rito. "Pupunta nga pala ako sa birtdeyan, gusto mo bang sumama?" aya nito. Umiling siya. "Pass muna ako ngayon. Wala si Inay at Isabel, kaya ako ang nakatoka sa bahay. Nakita mo naman siguro kung gaano karami ang mga tiklupin ko sa sampayan?" Itinuro niya ang mga damit nilang nakasampay, binalingan naman iyon ng tingin ni Inggo. "Okay, sige na, aalis na ako. Hindi na kita pipilitin dahil baka makutusan na naman ako ni Aling Wilma." "Mabuti pa nga. Magbagong buhay ka na kasi, kung hindi mga alagang manok ay pag-iinom naman ang inaatupag mo," kantiyaw niya rito. "Mabait na nga ako ngayon. Pag-aalaga na nga lang ng mga manok at pag-inom ang bisyo ko, hindi na ako nagsusugal at nambababae," may halong pagmamalaki na sabi nito. "Siguraduhin mo lang na hindi na dahil yari ka kay Imang. Alam mo namang siga sa lugar natin ang asawa mo." "Oo na, alam ko 'yon at hindi ko kinakalimutan. Tatlong shot lang at uuwi na rin ako." "Tsh! Maniwala ako! Sige umalis ka na nga ng makarami ka ng inom. Hintayin mo na lang ang asawa mo na sunduin ka," aniya sabay tawa nang malakas. Nakitawa na rin si Inggo, maya-maya ay sumenyas ito na lalarga na. Tumango naman siya at binalikan ang naiwang trabaho na pagkuha ng sinampay. Pagkatapos niyang tiklupin ang mga iyon ay magsasaing na siya ng kanin. Ang ulam nila ngayong gabi na lulutuin niya ay ginisang sardinas na may talbos ng kamote.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD