Sa isang okasyon na pinuntahan ni Mikaela ay nagkataong naroon din at special guest ang asawa ni Emily na si Senator Dave Morales. Ang nasabing okasyon ay graduation day ng mga kababaihan nang Yakap at Kalinga Foundation. Isa itong non-governmental organization na pinapatakbo ng isang mayaman at mabait na philanthropist na si Dra. Anastacia Ramos.
Karamihan sa mga kababaihan na naroon ay iyong mga wala ng mapuntahan, inabuso at inabandona ng kanilang mga asawa. Mga dalagang ina at mga kabataang babae na itinakwil ng kanilang pamilya at iba pang mga suliranin na nagdala sa mga ito para takasan ang buhay na kinagisnan nila. Iba-iba ang kuwento ng bawat isa sa kanila at bawat kuwento ay kumukurot sa puso ng bawat taong naroroon.
Si Mikaela, sampu ng mga kasapi ng Montreal Foundation ay sumusuporta rin sa mga kababaihan ng Yakap at Kalinga Foundation.
Bilang isa sa mga founder ng Montreal Foundation ay kasama rin si Dave sa mga taong inimbitahan ng philanthropist na si Dra. Anastacia Ramos, para magbigay ng speech sa nasabing okasyon.
Hindi pinalampas ni Dave ang pagkakataon na iyon na hindi makausap si Mikaela. Humanap siya ng magandang pagkakataon para makalapit dito. Wala naman siyang ibang intensiyon kung hindi ang batiin at kamustahin lamang ito.
Habang ang lahat ay abalang kumakain ng mga pagkain na mismong si Dave ang nag-donate para sa selebrasyon ng mga kababaihan sa Yakap at Kalinga, si Mikaela naman ay ngayon pa lang kumukuha ng pagkain para sa kaniyang sarili. Mas inuna kasi niyang tumulong sa pagse-serve ng mga pagkain para sa mga kababaihan.
Nang lalapit na siya sa lamesa ay nagulat na lamang siya ng sumulpot sa harapan niya si Dave, inabutan siya nito ng plato na may kasamang kutsara at tinidor.
Nilingon ni Mikaela si Dave, nginitian niya ito at tinanggap ang ibinibigay nito.
"Salamat po, Senator Morales," magalang na sabi niya. Kahit naman hindi sila nagkakalayo ng edad ni Dave at magkapatid ang kanilang mga napangasawa ay naging pormal pa rin ang pakikiharap niya rito, dahil isa itong senador na may mataas na katungkulan sa bansa na dapat igalang.
Nginitian siya ni Dave, sabay tango. May hawak din itong plato para sa kaniyang sarili at sumasabay kay Mikaela sa pagkuha ng mga pagkain na nakahain sa ibabaw ng lamesa.
"Kamusta nga pala ang foundation natin?" tanong ng senador, habang sumasandok ng kanin at inilalagay sa kaniyang plato.
"Ayos naman po, Senator. Sa ngayon ay marami na tayong natatanggap na tulong galing sa iba't-ibang mga private sector. Nakuha na rin natin sa wakas ang tiwala ng mga pribadong kompanya. Nadadag-dagan na ang mga pondo natin at lumalawak na ang mga natutulungan natin. Nakakarating na rin sa iba't-ibang panig ng bansa ang mga staff natin para mamigay ng tulong pinansiyal at medikal sa mga baranggay at mga indibidwal na nangangailangan ng ating tulong. Marami-rami na ring may mga sakit ang natulungang ipagamot ng ating foundation at nadagdagan na rin ang ating mga scholar. Sa ngayon ay nasa isang daang kabataan na ang napapa-aral natin sa kolehiyo. Layunin ng foundation na dumoble pa ang matulungan natin na mga kabataan sa susunod na mga taon," mahabang sagot niya.
Dahil isa si Senator Morales sa mga original founder ng Montreal Foundation at siya naman ang kasalukuyang namamahala nito ay ginawa niyang mag-report sa senador upang magkaroon ito ng kaalaman sa mga nangyayari sa kanilang foundation.
"That's a good news! I'm so happy that you've taken on the responsibility of managing our foundation. Your hard work and dedication has made it stronger and increased our funds significantly," masayang sabi ni Dave, bakas sa mukha nito kung gaano siya ka-proud sa naabot ng kanilang foundation.
Ngumiti lang si Mikaela at ipinagpatuloy ang pagkuha ng pagkain. Matapos iyon ay sa isang lamesa lang sila naupo.
Maliban sa mga special guest at may kinalaman sa Yakap at Kalinga, naimbitahan din ni Dra. Ramos ang ilang piling reporter para kumuha ng larawan at magbigay ng balita sa publiko tungkol sa mga kaganapan sa kaniyang foundation.
-
Galit na galit ang itsura ni Emily, matapos kasi niyang buksan ang kaniyang laptop ay dumagsa sa news feed niya ang mga balita mula sa naganap na graduation day ng mga kababaihan sa Yakap at Kalinga Foundation at hindi nakaligtas sa matatalas niyang mga mata ang larawan ng kaniyang asawa at ni Mikaela. Kahit maayos naman ang pagkakakuha at wala namang makikitang malisya sa bawat kilos ng mga ito, na nagkataong nakuhanang nag-uusap at magkatabing kumakain sa iisang lamesa ay si Emily na ang nagbigay ng ibang kahulugan sa mga iyon.
Hindi siya mapakali. Nang mga oras na iyon ay hindi pa umuuwi ang asawang si Dave.
Hindi nawawala sa kaniya ang pagselosan si Mikaela kahit pa asawa na ito ng kapatid niyang si Blaine.
Ayaw man niyang aminin sa kaniyang sarili ngunit alam niyang talo siya ni Mikaela sa lahat ng bagay. Maganda ito, matalino, mataas ang kumpiyansa sa sarili, magaling makisama at kinagigiliwan ng mga tao.
Ang totoo ay kinamumuhian niya si Mikaela. Ginagawa silang pagkumparahin ng mga tao at hindi niya gusto iyon. Hindi niya matanggap na mas mataas ang tingin nila kay Mikaela kaysa sa kaniya. Kung hindi naman dahil sa kaniyang kapatid at sa kanilang pamilya ay hindi ito makikilala ng mga tao. Isa pa rin sana itong ulila ngayon na ninirahan sa bahay ampunan, kung hindi nakakabit sa pangalan nito ang apelyidong Montreal ay isa pa rin sana itong basura hanggang ngayon. Ang tingin niya kay Mikaela ay manggagamit, isang social climber. Nakikisabit sa kasikatan nila.
Ang ikinaiinis pa niya pati ang pagiging asawa niya ay ginagawa pa ring ikumpara ng mga tao kay Mikaela. Sinasabi nilang mas mabuting asawa si Mikaela, mas maasikaso, mapagmahal at kung ano-ano pa. Mas pinapaboran ng mga tao ang relasyon nila Blaine at Mikaela bilang mag-asawa kaysa sa kanila ni Dave.
Makalipas ang isang oras ay dumating na rin ang kaniyang asawa at magkasabay silang kumakain ngayon ng hapunan sa kanilang dining table.
Wala siyang imik at pinakikiramdaman lang niya ang mga kilos ni Dave, hanggang sa hindi na siya makatiis.
"Bakit parang wala kang ganang kumain? Mas masarap ba na kasabay kumain si Mikaela kaysa sa akin?" tanong niya na may tonong pang-iinsulto.
Nagngunot ang noo ni Dave at bumaling ng tingin sa asawa. "What are you talking about, Emily?" tanong nito.
"Aminin mo na kasi na hanggang ngayon ay may gusto ka pa rin sa babaeng iyon. Kaya naman excited kang umalis kanina para pumunta sa Yakap at Kalinga Foundation, dahil alam mong naroon din si Mikaela at magkikita kayo. Gumising ka nga sa katotohanan, Dave. Gusto ko lang ipaalala sa'yo na may asawa na si Mikaela at kapatid ko pa ang asawa niya. Baka naman nakakalimutan mo rin na may asawa ka na, kaya kung makaasta ka ay akala mo isa ka pa ring binata. Pwede ba mag-move on ka na kay Mikaela!" inis na sabi niya.
Nagdilim ang mukha ni Dave, dahil sa mga hindi magagandang lumalabas sa bibig ng kaniyang asawa.
"Sa tingin ko ay ikaw ang hindi maka-move on. Matagal nang panahon iyon at pilit mo pa ring inuungkat. Pwede ba huwag ka ng bumalik sa nakalipas at ang isipin mo ay ang future natin? Kaya hindi tayo magkaanak-anak ay dahil sa ibang bagay ka naka-focus. Ayusin mo ang sarili mo at huwag mong ipakitang talunan ka. Huwag mo akong pinag-iisipan ng masama dahil wala akong ginagawa. Hindi ako tanga para sirain ang sarili ko at ang pangalan na inaalagaan ko. Huwag lang mangyari na ikaw ang sumira nito dahil hindi talaga kita mapapatawad," galit na sabi ni Dave.
"Excuse me, aakyat na ako sa taas, nawalan na ako ng ganang kumain." Mabilis na tumayo ito at walang lingon na iniwan ang asawa.
Natigilan naman si Emily. Hindi niya mapaniwalaan na nag-walk out ang kaniyang asawa. Ngayon lang niya nakita itong nagalit nang ganu'n, madalas naman ay mahinahon ito.
Dahil sa nangyari ay hindi niya mapigilan na sisihin ang kaniyang sarili. Pinairal na naman kasi niya ang kaniyang selos at dahil doon ay naungkat na naman ni Dave ang hindi nila pagkakaroon ng anak. Siya ang sinisisi nito dahil siya naman talaga ay may problema sa kanilang dalawa.
Hindi niya namalayan na nagbagsakan na pala ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi masarap kumain ng mag-isa at lalong hindi masarap kumain na may dinadala kang sama ng loob.
Sa pagkakataong iyon ay mas lalo siyang nakaramdam ng galit kay Mikaela. Mas lalo niyang kinamuhian ito dahil pinagmumukha siyang miserable nito sa harapan ng kaniyang asawa.
Mahal na mahal niya si Dave. Alam niyang hanggang ngayon ay galit ito sa kaniya dahil ginawa niyang pikutin ito para lang mapilitan itong pakasalan siya. Iyon lang ang tanging paraan na alam niya para mapasakaniya ang lalaking minamahal. Nakuha nga niya ito ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin napapasakaniya ang puso nito.
Pinilit niyang kumain kahit nawalan na rin siya ng gana. Hindi dapat siya nakipagtalo sa kaniyang asawa sa harapan ng pagkain. Nadala siya masyado ng kaniyang emosyon. Nilamon siya ng selos kaya nagawa niya ang mga bagay na iyon. Kahit kailan ay hindi siya makakapante, hanggang nakikita niya si Mikaela na nasa paligid lang ay hindi niya makukuha ang puso ng kaniyang asawa.