"Hindi mo nai-kuwento sa akin na may kakambal ka pala, ngayon ko lang nalaman ang tungkol doon," bungad na sabi ni Mikaela kay Blaine.
Nang matapos silang kumain ng hapunan ay naglakad-lakad muna sila sa bakuran, hanggang sa makarating sila sa gazebo. Umupo siya sa upuang gawa sa narra na naroon at tumabi naman sa kaniya si Blaine.
"Yeah, sabi nga nila may kakambal daw ako, kaya lang ilang araw pa lang after kaming ipanganak ay namatay siya because of complications. "
"Ah ganu'n pala. I'm sorry about your brother."
Ngumiti si Blaine at kinuha ang kanang kamay niya na nakapatong sa kaniyang kandungan. Pinagsalikop nito ang kanilang mga kamay. Napangiti na rin siya inilapit niya ang mukha niya kay Blaine at pinagdikit nila ang kanilang mga noo. Saglit lang iyon at naghiwalay rin agad.
"Sorry dahil wala na akong iba pang maikukuwento sa'yo tungkol sa kaniya, because I don't have any memory of him at ayaw na ring pag-usapan ni Mama ang tungkol doon dahil nalulungkot lang siya kapag inaalala namin ang kapatid ko. Hindi ko nga alam kung ano ang nangyari ngayon at naalala siya ni Mama after 25 years."
"Maybe because she's lonely. Malungkot siya dahil masyado kayong lahat abala sa mga obligasyon ninyo at nawawalan na kayo ng time sa kaniya. I guess, Mama is longing for her loved once's attention."
"I think you're right. She's longing for our attention, that's why she's too emotional at the dining table earlier."
"Wala ka bang gagawin tungkol doon?" tanong niya.
"Kung meron mang higit na nagkukulang ng panahon kay Mama, hindi ako 'yon kung hindi si Ate Emily. We're living in one house at lagi naman natin siyang kasabay na kumain. Si Emily ang malayo sa atin at hindi siya pumapasyal dito sa bahay, kailangan pang magkaroon ng okasyon bago siya pumunta rito."
"Kahit na, bakit hindi mo minsan i-date si Mama, 'yung kayong dalawa lang. I'm sure magiging masaya siya kapag ginawa mo 'yon," suhestiyon niya.
Kinabig siya ni Blaine at saka niyakap. "Tama ka, dapat ko ngang bigyan ng oras si Mama. Ipapaayos ko ang schedule ko sa sectetary ko para one of these days ay maaya ko siya na mag-dinner kami together."
"Hindi na ako makapaghintay na mangyari 'yon. I want to see Mama's reaction," excited na sabi niya at tiningala ang kaniyang asawa.
Nagpang-abot ang kanilang mga mata at nginitian nila ang isa't-isa.
Makalipas ang kulang isang oras ay napagpasiyahan ng mag-asawa na umakayat na sa kanilang silid para matulog. Si Emily naman at ang asawa nitong si Dave ay hindi rin nagtagal at umuwi rin sa kanilang bahay ng gabing iyon. Kahit gusto ni Dave na manatili pa at magpalipas na lamang sila ng gabi sa mansiyon dahil may sariling silid naman sila roon kaya lang ay si Emily ang may ayaw. Ayaw nitong magkaroon ng pagkakataon na mag-kausap si Dave at Mikaela. Iyon ang pinakaiiwasan niya kaya hindi siya umuuwi ng mansiyon na kasama ang kaniyang asawa. Malaki talaga ang selos at insecurities niya kay Mikaela kahit hindi naman ito nakikipagkumpetensiya sa kaniya.
-
Maaga palang ay nasa mansiyon na ng mga Montreal ang mga kaibigan ni Claudia. Madalas silang magkita-kita sa bahay nito para mag-kwentuhan at mag-mahjong, isa iyon sa kanilang mga libangan. Ngayong araw ay nasa kusina sila at napagpasiyahan na mag-bake ng cake. Dahil nga isang magaling na chef si Claudia, kahit pa ang paggawa ng cakes at pastries ay kaya rin niya. Nagpaturo sa kaniya ang mga kaibigan. Karamihan sa mga ito ay walang alam sa pagluluto at inaasa lamang sa kanilang mga chef at kasambahay ang ganuong bagay. Matiyaga naman siyang magturo kahit saksakan ng kulit ang kaniyang mga kaibigan at mahirap makaintindi sa mga instruction dahil nga sa may mga edad na. Siya kasi ang pinakabata sa kanila.
"Paano ba ako magkakaroon ng ganito kagandang kitchen? This is like a dream kitchen ng lahat ng mga nanay. Nandito na ang lahat ng kailangan mo, Claudia." Humahanga ang itsura ni Mrs. Perez, habang pinapasadahan ng tingin ang malawak na kusina ni Claudia na para bang kusina sa isang sikat na restaurant.
"Hindi ako ang nagpagawa nito kung hindi ang asawa ko. Bago kami ikinasal ay alam naman niyang cooking is my passion, kaya mas inuna niyang ipapulido ang
kusina kaysa sa buong bahay. Ipina-renovate na lang ito ng panganay ko para maging modern at ipinagaya sa kusina ng isang sikat na five star hotel. You know my husband and my children loves to eat. Dati ay dito sa kusina ang tambayan namin. Marami kaming memorable moments dito lalo pa noong mga bata pa ang mga anak ko at wala pang mga asawa. Those memories are so precious to me," mahabang paliwanag ni Claudia na pinakikinggan naman ng husto ng kaniyang mga kaibigan.
Habang nag-uusap sila ay biglang may pumasok na isa sa mga kasambahay ng mga Montreal. May dala itong pumpon ng mga pulang rosas na kung bibilangin ay aabot sa tatlong dosena.
"Senyora, ipinabibigay po ni Sir Blaine," sabi nito sabay abot kay Claudia ng mga bulaklak.
Nagulat man ay nakuhang tanggapin ni Claudia ang bulaklak. Hindi makapaniwala ang kaniyang mga mata, nagniningning ang mga ito sa kasiyahan. Dinala niya sa kaniyang ilong ang mga bulaklak at saka inamoy.
"Oh, my gosh! I'm so envy. Napaka-sweet naman talaga ng anak mo Claudia!" may halong inggit na sabi ng isa sa mga amiga niya.
"Wait... look, may nakaipit na card." Turo ng isang ginang kaya napatingin siya. Kinuha niya ang puting card at binasa ang nakasulat doon, sulat kamay iyon ng kaniyang anak.
'My beautiful and very loving mother, can I take you on a date tonight? Can we have dinner together? —Blaine'
Iyon ang nakasulat sa card.
Nangilid sa luha ang mga mata ni Claudia. Hindi niya mapaniwalaan na gagawin ng anak niya ang ganu'n. Ni minsan ay hindi ito naging ganito ka-sweet sa kaniya. Mas malapit ito sa kaniyang ama. Parang sasabog tuloy ang puso niya sa sobrang kasiyahan.
"Oh, Blaine is such a sweet son!Gusto ko na talagang mainggit sa'yo Claudia. Sana binayayaan din ako ng anak na lalaki."
"Kaya nga. Sana ang anak kong si Paolo ay katulad din ni Blaine, kaya lang walang ibinigay ang batang iyon sa akin kung hindi puro kunsomisyon. Kahit pumuti ata ang uwak ay hindi ako makakatanggap sa anak ko kahit pa tangkay ng bulaklak."
Nagtawanan ang mga ginang sa sinabi ni Mrs. Castillo.
Ang lahat ng nangyayaring iyon ay nasaksihan ni Mikaela, nakatago lang siya sa isang sulok at kinukuhanan ng video ang reaksiyon ng kaniyang biyenan. Ang totoo ay siya ang may ideya niyon. Siya ang bumili ng mga bulaklak at pinasulat lang niya sa card si Blaine. Gusto niyang magkalapit ang kaniyang asawa at ang ina nito. Nararamdaman niyang nagkaroon ng malaking pader sa pagitan nila ng dumating siya sa buhay ng mga ito. Gusto niyang bumawi, gusto niyang maging maayos ang relasyon ni Blaine sa Mama niya. Para sa kaniya ay hindi pa naman huli ang lahat. Umaasa siya na kung maging maayos na ang samahan ng mag-ina ay matanggap na rin siya ng kaniyang biyenan.
Tinapos na niya ang pagkuha ng video at maingat na umalis sa lugar. Bumalik siya sa kanilang silid at pagkatapos ay ipinadala niya sa email ng kaniyang asawa ang nakuhanan niya. Gusto niyang makita ni Blaine ang reaksiyon ng kaniyang ina at kung gaano ito ka-overwhelmed at gaano ito na-touch sa ginawa niya.
Nang matapos niyang mai-send ang video ay napangiti siya. Masaya siya dahil pakiramdam niya ay may nagawa siyang taman ngayong araw.