Nakailang balik na sa ospital si Blaine para sa panibagong test na isasagawa ni Dra. Garces sa kaniya. Ang lahat ng bagay na may kinalaman sa pagpapagamot niya ay inilhim niyang lahat kay Mikaela. Kahit kanino ay wala siyang pinagsabihan tungkol dito. Siya at si Dra. Garces lang ang bukod tanging nakakaalam.
Sa bawat araw na lumilipas, sa bawat test at gamutan ay walang nakikitang magandang pagbabago sa kalagayan niya. Gusto nang mawalan ng pag-asa ni Blaine, ngunit sa tuwing nakikita niya ang masayahing mukha ng kaniyang asawa ay nabubuhayan siya ng loob para magpatuloy. Ayaw niyang makitang malungkot si Mikaela.
Nagulat siya ng biglang sumulpot sa kaniyang opisina ang kaniyang asawa. Nakangiti ito ng pumasok sa loob, may dala itong pagkain na pinamili sa isang sikat na fast food chain.
"Oh, what a surprise?!" bulalas niya, talagang nagulat siya sa walang pasabing pagbisita ni Mikaela sa kaniya. Agad siyang tumayo sa kaniyang swivel chair at sinalubong ng yakap ang asawa.
"May pinuntahan kami malapit lang dito sa opisina mo kaya nagpababa na ako rito para madalaw naman kita. It's been a long time. I think eight or nine months na akong hindi nakakapasyal dito sa opisina mo. Siya nga pala, dinalhan kita ng paborito mong chicken at burger. May fries at spaghetti rin akong binili. Kanina habang binibili ko ito, I am wishing na sana hindi ka pa nagmemeryenda para masaluhan mo ako."
"Wish granted, babe. Your arrival is perfect timing. I haven't snacked yet, and I was just thinking about what to eat. You're like my angel, picking up on my cravings without me saying a word. It's as if you can read my mind before I even speak."
"That's what you call love, honey. Magkarugtong na ang puso at isip natin kaya alam na natin ang nararamdaman ng isa't-isa. Halika na nga kumain na tayo habang mainit pa ang mga ito."
Inilapag ni Mikaela ang hawak na plastic sa working table ni Blaine.
"Huh! Mabuti na lang naubos ko nang basahin at pirmahan ang mga papeles na nandito kanina sa lamesa. Kung inabutan mo 'yon ay hindi tayo makakain dito."
"Okay, lang naman, di dun tayo sa sala, ang laki-laki ng sala mo, oh," ani Mikaela na sa tanggapan ng mga bisita ni Blaine nakatingin. May L shape sofa roon at malaking center table.
"Oo nga naman, pero mas komportable akong kumakain dito."
"Sabagay, mas masarap ngang kumain dito kesa do'n," sang-ayon ni Mikaela, sabay bungisngis. Napangiti na rin si Blaine sa ginawing iyon ng kaniyang asawa.
Pinagtulungan nilang ilabas ang mga pagkain sa may kalakihang plastic bag.
Naamoy pa lang ni Blaine ang prinitong manok ay nakaramdam na agad siya ng matinding gutom. Maganang pinagsaluhan nila ang masarap na pagkain habang masayang nag-uusap.
Bumalik tuloy sa ala-ala ni Mikaela noong mga panahon na teenager pa sila ni Blaine at masaya na silang kumakain na magkasama sa fast food. Iyon na ang pinaka-date nila noon pero hindi nawawala ang kilig sa kaniya. Kinikilig siya kahit doon lang siya kayang dalhin ni Blaine. Hindi kasi ito umaasa sa perang binibigay ng kaniyang mga magulang. Pagdating sa kanilang relasyon ang ginagamit nito ay galing mismo sa perang pinaghihirapan nito sa pagtatrabaho bilang isang part-time clerk sa isang law firm. Kahit naman kasi mayaman ang pamilya ni Blaine ay hindi siya pinalaki sa luho ng kaniyang mga magulang. Ang perang binibigay ng mga ito sa kaniya ay pinaghihirapan niya muna bago niya makuha. Ang katwiran kasi ng presidente, mas ma-a-appreciate niya ang halaga ng pera at magagamit sa tama kung paghihirapan.
Hindi umalis si Mikaela, hinintay niya hanggang matapos sa kaniyang trabaho si Blaine para sabay na silang uuwi.
Magkatabi silang nakaupo sa backseat, napangiti siya ng kantahin ni Blaine ang paborito nilang kanta simula noong mga bata pa sila. Sumabay siya sa pagkanta nito, maya-maya ay naramdaman na lamang niya na nakahilig na sa balikat niya ang kaniyang asawa at nakatulog na, napangiti na lamang siya at hinaplos ang mukha nito. Hinayaan niya itong matulog sa kaniyang balikat. Bago sila makarating sa mansiyon ay nagising naman na ito.
Nang sumapit ang hapunan ay ipinatawag ang mag-asawa ni Claudia para sabay-sabay silang kumain.
Kumpleto sa hapag-kainan ang pamilya Montreal, naroon ang presidenteng si Gustavo, si Claudia, si Lola Amelia at ang mag-asawang Emily at Dave. Kaya naman ng dumating sina Blaine at Mikaela ay nagulat pa ang dalawa ng makitang kumpleto ang miyembro ng kanilang pamilya. Ang kapatid ni Blaine na si Emily ay may sariling bahay, bihira pa sa patak ng ulan na pumasyal ito sa mansiyon.
"Ano ang meron, bakit kumpleto tayo?" takang tanong ni Blaine, habang ipinaghahatak ng upuan si Mikaela. Pinaupo niya ang kaniyang asawa at tumabi naman siya ng upo rito.
"Oh, really! Wala kang alam o baka naman talagang kinalimutan mo lang," may halong inis na sabi ni Emily. Kahit kailan ay hindi sila nagkasundo ng kapatid na si Blaine, inis kasi siya rito dahil kahit siya ang panganay ay laging ito ang pinapaboran ng kanilang mga magulang.
Napamaang si Blaine, wala siyang maisip na okasyon na meron ngayon na dapat i-celebrate. Nangyayari lang naman na kumpleto sila kapag may mga okasyon.
"Okay, fine mukhang hindi mo naman talaga gustong alalahanin. Today is the 25th death anniversary of your twin brother. Na-miss siya ni Mama, kaya gusto niyang magsama-sama tayo sa araw na ito. Ngayon alam mo na?" mataray na tanong ni Emily na nakataas pa ang isang kilay.
"I'm sorry, Mama, I forgot," paumanhin ni Blaine.
"It's okay, naisip ko lang na dapat kahit isang beses sa isang buwan ay maging kumpleto naman tayo na magkakasama sa hapunan and this is the perfect time to do that. Ipinaalala lang sa akin ng kapatid ninyo na si Blake na mas mahalaga pa rin ang pamilya. Masyado tayong nagiging busy sa kaniya-kaniya nating responsibilidad kaya nakakalimutan na nating magbigay ng oras para sa isa't-isa. Sige na, kumain na kayo, nagluto ako ng masarap na pagkain para sa ating lahat."
Natigilan si Mikaela. Nagulat kasi siya sa nalaman ngayon lang. Matagal na niyang kilala si Blaine pero ni minsan ay wala itong nabanggit sa kaniya na may kakambal pala itong namatay.
Sa buong oras na kumakain sila ay puro negosyo at politika ang pinag-uusapan nila. Tahimik lang si Mikaela at hindi nakikisali. Sumasagot lang siya kapag tinatanong dahil ayaw niyang masamain na naman ng kaniyang biyenang babae at hipag kung makikisali siya sa usapan ng pamilya.
Naiilang din siya at hindi mapakali dahil sa mga tingin sa kaniya ng asawa ni Emily na si Dave. Isa pang ikinagagalit sa kaniya ni Emily ay dating nagkagusto sa kaniya si Dave. Hindi naman ito nanligaw sa kaniya ngunit nakikita at nararamdaman naman niya noon na may pagtingin ito sa kaniya at iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay pinagseselosan pa rin siya ng kapatid ng kaniyang asawa.