Pagod na sa kabubuhat ng banye-banyerang isda si Fiero. Nangangapal na ang balikat niya sa kalyo. Gusto na niyang tumigil, nakakaramdam na kasi siya nang panghihina dahil sa gutom, kaya lang ay hindi pa niya maaring gawin iyon. Hindi sila pwedeng tumigil hangga't hindi nila natatapos na isakay sa truck ang apat na banyera pang isda na natitira. Nagmamadali ang truck dahil may oras itong sinusunod.
"Hah! Kung alam ko lang na mapapasubo tayo ng ganito dinamihan ko na sana ang kain ng almusal kanina. Ang mali ko ay isang order na tapsilog lang ang binili ko, dapat pala ay nagpadagdag pa ako ng isang order pa na kanin," sabi ni Inggo, ang kasamahang kargador ni Fiero.
Tatlong truck kasi ang nakapila kanina, natapos na nilang hakutan ang dalawa at ang panghuling truck na ngayon ang pinupuno nila.
"Tsh! Buti ka pa nga nalamnan ang sikmura, ako kape lang ang ininom ko kanina," reklamo ni Fiero.
"Di bale, apat na banyera na lang, tig-dalawa tayo, tapos puwede na tayong kumain," pakunswelong sabi niya.
"Oo nga, kaya lang parang sumusuko na ang katawan ko, mukhang hindi na talaga niya kaya ang magbuhat," daing ni Inggo.
Buhat sa pagkakaupo ay tumayo siya at tinapik ito sa balikat. "Kaya mo 'yan, ikaw pa! Sige, yung isang banyera na lang ang isampa mo sa truck at ako na ang bahalang mag-akyat ng tatlong natitira para matapos na tayo at nang makakain na rin."
Napangiti si Inggo. "Salamat tol! Aminado naman ako na ikaw ang pinakamalakas na kargador dito sa pier."
"Tsh! Huwag mo na akong bolahin, ginagawa ko lang 'to para mapadali ang trabaho natin." Nauna na siyang lumapit sa mga banyera at sumunod naman si Inggo.
Sa edad ni Fiero na bente singko ay bata pa siya at malakas, kaya kahit may iniinda ay nagagawa niyang balewalain na lamang iyon.
Natapos din ang kanilang trabaho at agad silang nagtunggo ni Inggo sa suki nilang karinderiya sa palengke.
"Ano ang gagawin mo pagkatapos nito?" tanong ni Inggo kay Fiero.
Tinungga muna ng binata ang softdrinks nito na nasa bote bago nilingon si Inggo.
"Uuwi na siyempre, magpapahinga muna ako. Bakit ikaw may ibang raket ka pa ba?"
Umiling si Inggo. "Wala, uuwi na rin ako, kulang na sa himas ang mga manok kong panabong, sila naman ang aasikasuhin ko."
"Tsk! Yari ka na naman sa misis mo niyan, pinag-iinitan pa naman nu'n ang mga alaga mo."
"Kung bakit ba kasi hindi ako maintindihan ni Imang?Libangan ko lang naman ang pag-aalaga ng manok. Napapasaya nila ako."
"Paano ka maiintindihan ng asawa mo, mas malaki pa kasi ang budget mo sa mga manok mo kaysa sa sarili mong pamilya."
"Hindi naman, Fiero," mariing tanggi nito.
"Ano'ng hindi, mas mahal pa ang pagkain ng mga manok mo kaysa sa pagkain ninyo, sino ba namang asawa ang matutuwa sa ganu'n? Pagdating sa pamilya mo ay tinitipid mo," sermon niya sa kaibigan. Madalas kasi niyang marinig na dumadaing ang asawa nitong si Imang sa kaniyang ina. Malapit kasi sa isa't-isa si Imang at ang Inay niya.
Bago umuwi ay bumili muna ng bigas at pang-ulam si Fiero. Sumabit siya sa jeep para makalibre ng pamasahe pauwi. Pwede naman sanang lakarin kaya lang may bitbit siyang limang kilong bigas at talagang masakit na ang balikat niya.
Pagdating sa bahay ay sinalubong agad siya ng kapatid na si Isabel. Disisyete anyos na ito at kasalukuyang grade 12. Ilang buwan na lang ay graduation na nito at pagkatapos ay magka-college na. Ayaw niyang matulad sa kaniya ang kapatid na walang natapos. Hanggang senior highschool lang ang inabot niya at hindi na nakapag-kolehiyo dahil biglaan ang nangyaring aksidente sa kaniyang ama. Nasagasaan ito ng truck habang nangangalakal, nawalan ng preno ang truck at isa ang kaniyang ama sa mga nasuyod nito sa tambakan ng basura. Nagdesisyon siyang tumigil na sa pag-aaral at akuin ang naiwang responsibilidad ng kaniyang ama. Pinagsisikapan naman niyang bigyan ng maayos na buhay ang kaniyang kapatid at ina. Kahit anong raket ay ginagawa niya para lang hindi sila mawalan ng pagkain na ihahain sa lamesa.
"Magandang hapon, Kuya!" bati ni Isabel sa kaniya. Tumango siya at ginulo ang buhok nito.
"Si Inay?" agad na tanong niya.
"Nandoon si Inay kina Aling Patring, nagrerepak ng bawang."
"Huh! Sinabi ko nang tigilan na niya ang pagrerepak ng bawang dahil lagi na lang dumadaing na masakit ang likod, hindi pa rin tumigil," dismayadong sabi niya.
Dumiretso siya sa kusina at ipinatong ang bitbit na bigas at iba pang plastic na may lamang pinamili sa lamesa.
"May tinapay at mainit na pansit d'yan, magmeryenda ka muna. Pagkatapos mong kumain ay ayusin mo ang mga pinamili ko, magsaing ka at i-adobo mo ang manok, ihihiga ko muna itong katawan ko."
"Sige, Kuya, magpahinga ka lang muna ako na ang bahala rito, gigisingin na lang kita mamaya kapag hapunan na."
Tumango siya at iniwan na ang kaniyang kapatid. Ang barong-barong nila ay luma na, may butas na ang bubong at may tagni na ang mga ding-ding. Dahil medyo malaki ang kinita niya ngayon ay balak niyang bumili ng panapal sa butas bukas. Napapadalas na rin kasi ang pag-ulan, natapat pang ang tulo ay nasa kaniyang higaan.
Nagpunta muna siya sa banyo at nagpunas ng labakara sa buong katawan. Nagpalit ng preskong damit, sandong puti na nagninisnis na sa kalumaan at board short na kupas. Pumasok siya sa maliit niyang silid na walang ibang makikita kung hindi papag at isang maliit na drawer na lagayan ng kaniyang mga damit. Matigas ang papag dahil wala namang kutson, ngunit sanay na ang katawan niya, kumportable pa nga ang tulog niya.
Habang nakahiga ay napatitig siya sa kanilang bubong, wala iyong kisame kaya naman kapag tag-araw ay mas lalong mainit dahil sa yerong bubong. Natanawan pa niya ang butas sa yero, may pumapasok kasi na liwanag sa butas.
Alam niyang hindi uubra na habang buhay na lang siyang maging kargador. Hindi habang buhay ay malakas ang katawan niya. Gusto sana niyang magkaroon ng maayos at permanenteng trabaho kaya lang sa kalagayan niya na hindi man lang nakatuntong ng kolehiyo ay walang magandang trabaho na makukuha. Iniisip din niya ang edukasyon ng kaniyang kapatid, alam niyang hindi biro ang magpa-aral ng kolehiyo.
Tanggap niya kung ano'ng buhay ang meron sila, kaya lang ay may pangarap siya para sa kaniyang pamilya. Hindi siya papayag na habang buhay na lang silang mahirap. Kapag nakikita niya ang kanilang bahay at kung gaano ka-payak ang kanilang pamumuhay ay hindi niya maiwasan na hindi mangarap. Wala namang masama kung mangarap ka nang magandang buhay, ang mas masama ay iyong walang pangarap.
Ilang araw na rin siyang nag-iisip kung ano ang gagawin. Balak sana niyang magtinda-tinda ng fishball, tukneneng at iba pang tusok-tusok sa palengke, kaya lang ay kailangan niya ng malaki-laking puhunan para sa pambili ng kalan at tangke, pati na rin sa pagpapagawa ng kariton at iba pang kakailanganin niya sa pagtitinda. May natatabi siya pero hindi pa sapat, kaya hangga't hindi pa siya nakakaipon ay hindi muna siya titigil sa pagiging kargador.