Gabi na ng makauwi sa mansion si Mikaela. Nang pumasok siya sa kanilang silid ay napangiti siya ng makita ang kaniyang asawa na mahimbing na natutulog. Marahan ang mga hakbang na lumapit siya sa kama para pagmasdan ang maamong mukha nito. Hindi na niya ginawang gisingin ang asawa dahil mukhang malalim na ang tulog nito. Gusto man niyang halikan ang mapupulang labi nito ay pinigilan niya ang sarili na gawin iyon. Ayaw niyang maistorbo ang pagtulog nito. Minsan lang kung ito ay matulog ng maaga kaya hindi niya ipagkakait ang tulog na kailangan ng katawan nito.
Kumuha siya ng damit pantulog sa closet at tinungo ang banyo para maglinis ng katawan. Dahil masyado nang gabi at wala na siyang oras pa na mag-blower ng buhok kaya nag-half bath na lamang siya. Ang totoo ay antok na rin siya, sa dami ng ginawa niya kanina ay pagod na ang katawan niya at gusto nang magpahinga.
Paglabas niya ng banyo ay presko na ang pakiramdam niya. Sasampa na sana siya sa kama para tumabi ng higa sa kaniyang asawa ngunit, nang mabaling ang tingin niya sa maliit na lamesa sa gilid ng higaan ay may nakita siyang white envelop na nakaipit sa paanan ng lampshade. Na-curious siya kaya naman kinuha niya iyon at binasa ang nakasulat sa harapan nito. Galing sa ospital ang envelop, binuksan niya ito at kinuha ang mga papel sa loob at napag-alaman niya na ang laman nito ay mga resulta ng isinagawang test sa kaniya ni Dra. Garces. Kahit walang kinalaman sa medesina ang course niya ay madali naman niyang naintindihan ang nakasulat sa result. Maayos ang resulta ng mga test niya at walang nakita na kahit na anong diperensiya sa obaryo niya. Sinasabi sa result na siya may isang daang porsiyentong kakayahan na magkaroon ng anak.
Nayakap niya ang hawak na papel dahil sa labis na tuwa. Wala pala siyang dapat na problemahin dahil ayos naman ang kalagayan niya.
Hinanap niya ang test result ng kay Blaine sa loob ng envelop ngunit wala siyang nakita sa mga papel na iyon na nakapangalan sa kaniyang asawa, ang lahat ay sa kaniya. Inilinga niya ang mga mata sa paligid. Nagbakasakali na may makita pa siyang envelop na kagaya ng hawak niya, baka kasi naipatong lang iyon ni Blaine sa kung saan, ngunit wala talaga.
Ipinasya niya na itanong na lang bukas kay Blaine kung nasaan ang resulta ng mga test nito. Masaya ang puso niya ngayon kaya naman ng mahiga siya sa kama ay agad siyang yumakap sa kaniyang asawa. Hindi naman ito nagising, umiba lang ng posisyon.
Inumpisahan na niyang ipikit ang mga mata para matulog.
Ilang minuto lang ang lumipas, kagaya ni Blaine ay mahimbing na ring natutulog si Mikaela.
-
Kinabukasan maaga pa lang ay gising na si Blaine. Nagulat pa siya ng makita si Mikaela sa kaniyang tabi, nakayakap ang braso at binti nito sa kaniya. Noon lang niya naalala na nakatulog nga pala siya kagabi kahihintay sa kaniyang asawa, hindi na niya kinaya ang antok.
Hindi siya bumangon, pinagmasdan lamang niya ang maamong mukha ni Mikaela.
"I promise you, babe that I will do everything to make you happy," mahina at halos pabulong lang na sabi niya. Determinado siyang gawin ang lahat mabigyan lamang ng anak si Mikaela, na hindi dumadaan sa siyensiya, at sa siya mismo ang magpupunla ng binhi sa kaniyang asawa.
Ilang minuto pa niyang pinakatitigan ito bago nagpasiyang bumangon at asikasuhin ang sarili.
Alam niyang pagod ang kaniyang asawa at gusto niyang makabawi ang katawan nito kaya hinayaan lang niya itong matulog hangga't gusto nito.
-
Dahil sa nalaman ni Blake tungkol sa kaniyang kalagayan at sa kawalan niya ng kakayahan na magkaanak ay masyado siyang napaisip sa problema at nadala niya ang pag-iisip na iyon hanggang sa trabaho. Wala siya sa sarili habang panay ang salita ng mga kapwa niya kongresista sa harapan. Nakatingin lang siya sa mga ito ngunit hindi naman pumapasok sa isipan niya ang pinagsasabi ng mga ito.
Ang iniisip niya ay kung paanong pagtatapat ang gagawin niya sa kaniyang asawa? Ayaw niyang ma-disappoint ito, at lalong ayaw niya na magbago ang pagtingin nito sa kaniya. Ilang araw na siyang balisa sa kakaisip kung dapat nga bang ipagtapat niya kay Mikaela ang kalagayan niya o dapat na ilihim na lamang niya iyon?
"Hon, is there something wrong? May problema ka ba? Bakit parang napapansin ko na ilang araw ka nang wala sa sarili na para bang laging may malalim na iniisip?" Hindi na nakatiis si Mikaela na tanungin ang kaniyang asawa, panay kasi ang buntong hininga nito nang malalim.
Biglang napakislot si Blaine. Ang buong akala niya ay nasa banyo pa rin si Mikaela, hindi niya alam na nakalabas na pala ito at tapos ng maligo, kasalukuyan itong nakaupo sa harapan ng vanity mirror at sinusuklay ang mahaba at itim na buhok.
"Wa-wala naman akong problema, iniisip ko lang ang mga activity na gagawin bukas para sa piyesta ng bayan," pagsisinungaling niya.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Mikaela nang maalala ang espesyal na okasyon na iyon. "Ay, oo nga pala ano, bukas na nga pala iyon!" bulalas nito.
"Yes and I'm pretty sure na mas magiging masaya ang piyesta ngayong taon. Pupunta ka ba o may iba kang lakad bukas?" tanong niya.
"Siyempre pupunta ako, hindi ko pwedeng palagpasin ang piyesta rito sa bayan natin. Ang totoo noong isang araw pa ako nagpasabi sa foundation natin na hindi ako makakasama sa mga activity nila bukas."
"Ganu'n ba? Mabuti naman." Tumayo si Blaine at lumapit kay Mikaela, niyakap niya ito buhat sa likuran. Amoy niya ang mabangong buhok nito.
"You know what? I'm so happy to have you. Napakswerte ko talaga at nakilala kita. Hindi mo lang alam kung gaano ako ka-proud sa'yo.
Napakagaling mo sa pagma-manage ng Motreal Foundation, at napaka-hands on sa bawat project na ginagawa ng ating foundation. Hindi mo lang alam kung gaano kalaki ang tulong na nagagawa ng suporta mo sa mga advocacy ko. Behind my success is you. Hindi ko alam kung paano ako kapag wala ka. Para kang anghel sa buhay ko. Ikaw ang nagbibigay ng lakas sa akin para makalipad ng mataas. Thank you so much, babe."
"Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil mahal kita. Hindi mo ako dapat na pasalamatan dahil kusang loob ko itong ginagawa at masaya akong nakakatulong sa mga tao."
Minsan sa sobrang perpekto ng pagmamahalan at samahan nila ni Blaine ay wala nang maisip pa na dahilan si Mikaela para masira sila. Masyado nang matibay ang pagmamahalan nila na sa tingin iya ay hindi na matitibag pa ng kahit na anong pagsubok na daraan sa buhay nila. Pareho silang maswerte sa isa't-isa, iyon lang ang tanging masasabi niya.