Chapter 22

1331 Words
Lumabas ng kusina si Fiero, inutusan siyang pumunta sa stock room para kunin ang sako ng repolyo. Pasan niya sa kaniyang kaliwang balikat ang sako. Habang naglalakad ay hindi niya inaasahan na bigla na lamang may babangga sa kaniya, laking gulat niya ng mapagsino ang bumangga sa kaniya. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na magku-krus pang muli ang landas nila ng babaeng sa unang kita pa lamang ay hinangaan na niya. Ang babaeng iyon ay walang iba kung hindi ang volunteer na namimigay ng relief goods na dumalaw sa kanilang bayan sa San Marcelino. Napangko siya sa pagkakatayo, nakatitig lamang siya sa mukha ng magandang babae. Kita niya ang labis na pagkabigla sa mukha nito. Hindi niya alam kung natatandaan pa siya nito ngunit base sa reaksiyon ng mukha nito ay parang naaalala nga siya nito. "Ma'am, a-ayos ka lang ba?" tanong niya, gusto niya sanang siguraduhin na hindi ito nasaktan sa pagkakabangga sa kaniya ngunit hindi niya maibaba ang pasan na sako, hindi rin niya nagawang makalapit dito dahil bigla na lamang itong umatras. Alanganing tumango si Mikaela, tila ba bumalik siya sa reyalidad nang marinig niyang nagsalita ang kaniyang kaharap. "Ah, oo... ayos lang ako. Pasensiya ka na, kasalanan ko, hindi ako tumitingin sa dinaraanan ko. Si-sige, mauuna na ako," may pagmamadaling sabi niya. Nilagpasan niya si Fiero at walang lingon likod na iniwan ito. Nagtataka naman si Fiero sa ginawing iyon ni Mikaela. Gusto pa sana niya itong kausapin ngunit para bang iniiwasan siya nito. Nakaramdam tuloy siya ng panliliit sa kaniyang sarili, inisip niya na sino nga ba siya para kausapin ng babaeng iyon? Baka nga kaya nagmamadaling umalis iyon ay dahil magpupunta sa banyo para maglinis ng katawan dahil nadikit ang balat nito sa kaniya nung magkabanggaan sila. Hindi niya maiwasang isipin na nandidiri ito sa kaniya kaya agad na lumayo. "Fiero! Bilisan mo, kailangan na ni Chef Calvin ang cabbage!" Napalingon siya sa pinto ng sumilip buhat doon ang assistant chef na si Marky. "O-oo, nandiyan na!" Nagmamadali siyang lumakad papasok sa kusina. Inilapag niya ang pasan na sako ng repolyo sa sahig at bumalik na kaniyang puwesto, may nakatambak na namang hugasin sa lababo kung saan siya nakatoka. Abala ang lahat sa kani-kanilang gawain kaya inabala na lang din niya ang sarili kahit paminsan-minsan ay sumasagi sa isip niya ang mukha ng magandang babae. Sa tingin niya ay isa sa mga bisita ng may kaarawan ang babaeng iyon. Dahil sa naganap ay hindi tuloy siya mapakali, gusto niyang lumabas para sana muling makita ang babaeng hinahangaan kaya lang ay bawal siya sa mismong ginaganapan ng party, silang mga naka-assign sa kusina ay dapat sa kusina lang, lalo na siya na dishwasher at walang kinalaman sa pagse-serve ng mga pagkain, iyon ay gawain ng mga waiter at iba pang staff. Ang laki ng panghihinayang niya, wala naman siyang magawa dahil hindi puwedeng makita siyang pakalat-kalat sa labas, tiyak na mapapagalitan siya ng kanilang manager. Natapos ang party na hindi niya muli pang nakita ang babae, nag-alisan na ang mga bisita pati na ang may kaarawan at pamilya nito, silang mga empleyado na lamang ang natira at naglilinis ng mga iniwang kalat at hugasin ng mga bisita. Pag-uwi niya sa kanilang tinutuluyan ay saka siya nakaramdam ng pagod nang nasa higaan na siya. Hindi na niya nagawang makapagmuni-muni dahil ng ipikit niya ang kaniyang mga mata ay nakatulog na agad siya. - Kinabukasan, abala sa kaniyang trabaho si Fiero. Tinitibag nila ni Inggo ang lumang poste dahil papalitan ito ng bago. Gamit ang maso ay panay ang pukpok nila, ngunit hindi man lamang natitinag ang poste na gawa sa purong semente at bakal. "Mukhang matibay ang pagkakagawa ng isang ito, ah, kanina pa tayo kapupukpok kung bakit ba naman ayaw matibag?" Pinanggigigilan ni Inggo ang pagmamaso sa poste. Nauubusan na ito ng pasensiya. "Tiyaga lang, ganiyan talaga, kailangang pukpukin ng pukpukin, nakita mo naman ang mga guhit na iyan 'di ba, nagsisimula ng magkalamat, iyan ang puntiryahin natin ng pukpok para tuluya nang magiba," ani naman ni Fiero na para bang balewala lang sa kaniya ang kanilang ginagawa. "Huh! Ang tiyaga mo talaga," napapailing na sabi ni Inggo. Gamit ang kaniyang braso ay pinunasan ni Fiero ang pawis sa kaniyang noo. "Tiyagaan lang talaga, mahirap nang makahanap ng trabaho rito sa Maynila ngayon kaya dapat minamahal natin ang ating trabaho," tugon naman niya. "Nabanggit mo na rin lang ang trabaho, kamusta na ba ang trabaho mo bilang dishwasher sa restaurant?" tanong ni Inggo. Dalawang buwan na rin kasi simula ng matanggap siya bilang tagahugas ng pinggan sa isang sikat na fine dining restaurant. "Ayon, ayos naman, unti-unti ko na ring nakakasundo ang mga ka-trabaho ko," tugon niya. "Ganu'n ba, eh, paano 'yang bigote at balbas mo, hindi ba naman nasita 'yan? Mabuti at hindi pinaahit sa'yo, pati nga pala 'yang buhok mo ang haba-haba na rin." "Ayaw ng manager ang may bigote at balbas, gusto niya ay malinis ang mukha, pati ang buhok kaya lang hinayaan na niya kasi sa paghuhugas ng mga pinggan naman ako naka-assign at hindi sa mismong pagkain. "O, bakit ayaw mo bang magpagupit? Matagal na rin namang ganiyan ka, bakit hindi mo kasi baguhin ang imahe mo? Hindi nga naman presentableng tingnan na mabuhok ang mukha ng empleyado lalo na kung sa restaurant nagtatrabaho." "Alam ko naman, kaya lang hindi ko pa pwedeng tanggalin ang balbas at bigote ko. Isang pangako iyon, kailangang umabot ng walong taon bago ko ipatanggal ang mga ito," paliwanag niya. "Ha! Walong taon? Grabe ang tagal naman!" bulalas ni Inggo. "Oo, pangako ko kasi iyon na papuputulan ko ang buhok ko at papatanggal ang balbas at bigote ko makalipas ang walong taon." "Huh! Ano'ng pangako iyon at para saan?" takang tanong ni Inggo. "Kay Itay, ipinangako ko sa kaniya iyon bago siya mawala sa mundo. Ang ibig sabihin lang noon kapag sumapit na ang walong taon ay natupad ko na ang pangako ko sa kaniya na bibigyan ko ng magandang buhay si Inay at Isabel." "Tsh! Nakailang taon na ba?" "Magwawalo na, dalawang buwan na lang." "Ano, dalawang buwan na lang? Eh, paano 'yan, wala naman nagbago sa buhay mo, hindi ka pa rin naman umasenso. Ano kailangan mo pang i-extend 'yan ng i-extend hanggang sa umasenso ka? Paano kung hindi ka na umasenso, magiging ermitanyo ka na lang at mamumundok ganu'n ba?" "Hanggang walong taon lang ang pangako ko. May mangyari mang pagababago o wala sa buhay ko ay kailangan ko nang pagupitan ang buhok ko at ahitin ang balbas at bigote ko." Napakamot ng ulo si Inggo. "Ay naku! Ang hirap intindihin ng mga pinagsasabi mo, may pangako pa, pero hindi naman natupad," yamot na sabi nito. "Hindi mo talaga maiintindihan dahil kami lang naman ni Itay ang nagkaintindihan." "Mukha nga, ang hirap mong intindihin eh." "Hahaha!" Natawa na lamang si Fiero. Sa tingin niya ay lalo lang niyang dinagdagan ang stress ng kaniyang kaibigan, pinoproblema na nga nito kung paano nila matitibag ang poste tapos ay gusto pa niyang ipaintindi rito ang magulong dahilan ng pagpapahaba niya ng buhok, balbas at bigote. "Tama na nga, ayusin mo na lang ang trabaho mo. Lakasan mo kasi ang hampas, parang wala kang kinain, samantalang ikaw nga ang nakaubos ng ulam natin kanina," may himig panunudyo na sabi niya. "Tsk! Sino ba naman ang hindi gugutumin agad sa bigat ng trabaho natin?" "Oo na, ayaw mo nun, macho ka na oh. Ilang buwan pa lang tayo rito bato-bato na ang katawan mo, pag-uwi ng San Marcelino ay mas lalo pang mai-inlove sa'yo niyan ang asawa mo." Ngumiti si Inggo ngunit mabilis ding nagpalit ang reaksiyon ng mukha nito. Kumunot ang noo nito at sumimangot ng maalala ang asawa. "Huh! Wala namang mahalaga kay Imang kung hindi ang perang maiuuwi ko. Hindi ko na aasahan na magiging sweet siya sa akin dahil alam ko namang nag-asawa ako ng demonya." Hindi mapigilan ni Fiero ang matawa. Iiling-iling naman na ipinagpatuloy ni Inggo ang pagtitibag ng poste.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD