Habang nasa kaniyang opisina ay tahimik na nag-iisip si Blaine. Kahit ano ang gawin niya ay hindi na niya mababago pa ang katotohanan na baog siya at walang kakayahan na mabigyan ng anak ang kaniyang asawa. Araw-araw ay iyon ang bumabagabag sa kaniyang isipan. Gusto na niyang sabihin kay Mikaela ang totoo, ngunit may isang bahagi sa puso niya ang pumipigil sa kaniya na gawin iyon. Napabuntong hininga siya nang malalim.
Ang ginawi niyang iyon ang eksena na nadatnan ni Dave, si Dave ang senador na asawa ng kaniyang kapatid na si Emily at matalik niyang kaibigan simula pa noong nasa elementarya sila.
"You look so serious, is there any problem?" tanong ni Dave. Sanay na siya na kapag pumapasyal sa opisina ni Blaine ay dire-diretso lang at hindi na ginagawa pang kumatok.
Agad naman napabaling ang tingin ng kongresista sa hindi niya inaasahan na bisita, sumilay ang ngiti sa kaniyang labi ng makita ang kaniyang kaibigan. Matagal-tagal na rin simula ng huli silang magkita. Kahit maraming okasyon sa kanilang pamilya ay hindi nila nagagawang makapagkwentuhan, dahil abala naman sila sa pakikipag-usap sa ibang tao na lumalapit sa kanila.
Agad siyang tumayo at sinalubong ang papalapit pa lang na kaibigan. "Senator Morales, what a surprised! It's good to see you again. Anong hangin ang nagdala sa'yo rito?" may halong panunudyo na tanong niya.
Napangiti si Dave sa sinabi niyang iyon. "Wala lang, may biglaang meeting sa kabilang building, dumaan na rin ako rito para kamustahin ka kaya lang mukhang hindi ka okay, ang lalim ng buntong hininga mo kanina. May problema ba sa mga projects ng nasasakupan mo ngayon?"
Umiling si Blaine. "Wala naman, kung may problema man ay maliliit na bagay lang at kaya namang solusyunan."
"So, ano ba kasi ang bumabagabag d'yan sa utak mo?" curious na tanong nito.
Hindi sinagot ni Blaine ang tanong na iyon ni Dave, sa halip ay iniba niya ang usapan para hindi na ito mgangulit pa, dahil wala naman siyang balak na sabihin sa kaibigan ang problema niya, hindi dahil sa hindi niya ito pinagkakatiwalaan ng kaniyang mga sekreto, kaya lang pagdating sa bagay na may kinalaman sa hindi niya pagkakaroon ng kakayahan na magka-anak ay gusto niyang walang ibang dapat na makaalam maliban sa kaniya at sa mga doktor na tumitingin sa kaniya.
"Tutal matagal-tagal na rin tayong hindi nagkita, bakit hindi na lang tayo kumain sa labas? Malapit na ang lunch, It's my treat," aniya sabay akbay sa kaibigan.
"Huh! Basta libre hindi ko tatanggihan, sige doon tayo sa paborito nating kainan," ani naman ni Dave.
"Okay, sige, doon nga rin ang iniiisip ko na puntahan natin," sang-ayon naman ni Blaine.
Sabay na lumabas ng opisina ang magka-ibigan, lahat ng makasalubong nila na naglalakad sa corridor ay binabati sila, ang iba ay nakikipag-usap pa sa kanila kaya naman hindi nila maiiwasan na hindi tumigil, medyo matagal bago sila nakarating sa parking.
Sa sasakyan ni Dave sila sumakay habang ang mga bodyguard naman nila ay nakabuntot sa likuran nila sakay ng ibang sasakyan.
-
"Hindi pa ba tayo aalis?"
Napaigtad si Mikaela nang sumulpot sa harapan niya si Badet, isa ito sa mga volunteer ng Montreal Foundation, ito ang pinakamalapit sa kaniya at itinuturing niyang isa sa kaniyang mga kaibigan. Kokonti lang ang kaibigan niya, mabibilang lamang sa daliri. Ang mga pinipili niyang kaibiganin ay iyong mga taong alam niyang totoo sa kaniya at hindi siya pinaplastik. Kahit napapalibutan siya ng mayayaman at makapangyarihang mga tao ay wala siya isa man sa kaibigan na ganun ang estado, hindi naman niya nilalahat, ngunit napapansin niya na ang mga taong ito ay maganda lang ang pakikitungo sa kaniya dahil asawa siya ni Blaine, dahil kung hindi ay mamaliitin lamang siya ng mga dahil sa pinanggalingan niyang buhay.
Nang makabawi sa pagkagulat ay tiningnan niya ang oras sa kaniyang suot na relo.
"Ah-oo, halika na, baka ma-late na tayo." Dali-dali siyang tumayo, inayos ang mga gamit sa kaniyang lamesa at isinukbit ang kaniyang bag sa balikat.
"Ang cellphone mo, hindi mo ba dadalhin?" Napansin ni Badet ang cellphone ni Mikaela na nasa gilid ng lamesa.
"Ay, oo nga, buti ipinaalala mo." Kinuha niya iyon at ipinasok sa kaniyang bag.
Mula sa 5th floor kung saan ang opisina niya bilang managing director ng Montreal Foundation ay sumakay sila ng elevator papuntang ground floor kung saan naroon ang parking. Sumakay sila ng sasakyan, patungo sila sa supermarket, isa ang Hanson Supermarket sa sponsor ng kanilang foundation. Pupunta sila roon para personal na tanggapin ang mga grocery supplies na donation ng kompanya. Ang mga ito ay ibibigay nila sa mga nasunugan sa Sta. Maria.
Nang mga oras na iyon ay kasalukuyang nasa Hanson Supermarket din sila Fiero at Inggo. Araw ng suweldo nila ngayon kaya naman naisipan ng magkaibigan na mamili ng kanilang mga personal na pangangailangan. May kani-kaniyang basket na bitbit ang dalawa. Si Fiero ay bumili ng mga personal hygene at ilang pagkain, samantalang si Inggo naman ay inatupag ang pagbili ng beer at ilang mga alak.
"Tsh! Bakit mas malaki pa ata ang budget mo sa alak kaysa sa pangangailangan mo para sa sarili mo?" tanong ni Fiero sa kaibigan, napansin kasi niya na halos mapuno nang alak ang basket na dala nito. Samantalang ang binili nito para sa sarili ay isang katamtamang laki ng sabong pampaligo lang at isang maliit na plastic bottle ng shampoo at toothpaste.
"Hindi naman sa akin manggagaling ang ipambabayad dito, si Franco ang nagpabili, para raw may stocks tayo sa bahay," pangangatwiran nito.
Habang nagsasalita si Inggo ay nawala ang atensiyon ni Fiero rito, nabaling ito sa grupo ng paparating na mga tao.
Sa pangatlong pagkakataon ay nakita na naman niya ang hinahangaang babae na hanggang ngayon ay hindi pa niya nakikilala, kahit ang pangalan nito ay hindi niya pa alam. Kasama ito ng mga staff ng supermarket. May nagaganap na pictorial, may hawak itong checke at sa lapag naman ay ang mga sako-sakong bigas at sari-saring grocery supplies.
"Hoy, Fiero, ano ba ang tinitingnan mo d'yan? Kanina pa ako salita nang salita hindi ka naman nakikinig." Sinundan ni Inggo ang tinutumbok ng mga mata ni Fiero.
"Oh, 'di ba, 'yan yung crush mo? Tingnan mo nga naman, taga Maynila pala siya," sabi ni Inggo, ngunit si Fiero ay parang walang naririnig, nakatitig lang ito kay Mikaela.
Nang sandaling iyon ay para bang hindi mapakali si Mikaela, para kasing may mga matang nakatingin sa kaniya. Alam naman niyang maraming tao sa supermarket at hindi maiiwasan na hindi sila pagtinginan ng mga taong namimili roon dahil kasalukuyan nilang tinatanggap ang pera at mga grocery supplies na donation ng Hanson Supermarket. May mga kumukuha ng picture na staff ng supermarket sa kanila, si Badet din at ilan pang media na naroon ay kumukuha ng larawan habang tinatanggap niya ang checke.
Hindi siya komportable. Naramdaman na niya ang ganuong pakiramdam noon. Hindi niya napigilan na ilibot ang kaniyang mga mata at hanapin sa paligid ang nakatingin sa kaniya, may hinala na siya kung sino dahil parehong-pareho ang pakiramdam niya noon at ngayon. Inaasahan na niyang makikita si Fiero sa paligid ngunit hindi pa rin niya napigalan na hindi magulat nang makita nga niya ito sa wine section, nakatayo ito roon may bitbit na basket at nakatitig sa kaniya.
Sa muling pagkakataon ay nagkatagpo na naman ang mga mata nila ng lalaking nakita niya sa San Marcelino at nabangga niya sa Claudia's Kitchen.
Hindi niya alam kung bakit ganu'n ito makatingin sa kaniya. Napapaso siya sa mga tingin nito kaya siya na mismo ang agad na umiwas. Ibinaling niya sa manager ng supermarket ang kaniyang atensiyon at nakipag-usap dito. Nagpasalamat siya at kinamayan ito, ngunit habang ginagawa niya iyon ay dama niyang nasa paligid pa rin si Fiero at nakatingin sa kaniya kaya naman hindi siya komportable.
Malakas na tinapik ni Inggo sa balikat si Fiero.
"Hoy, Tol! Tama na ang kakatingin mo, baka naman matunaw na 'yan. Alalahanin mo, hindi na dalaga 'yang crush mo, may asawa na 'yan."
"Alam ko. Bakit masama bang humanga?" tanong niya sa kaibigan.
"Hindi naman, kaso kung makatingin ka naman kasi para namang inaangkin mo na siya sa mga tingin mo. Tingnan mo nga parang hindi siya komportable at parang natatakot na tuloy, baka akalain niya kidnaper ka."
Napamaang si Fiero sa sinabing iyon ni Inggo. Hindi na siya naka-apela pa. Hinatak na kasi siya nito patungo sa counter para magbayad ng kanilang mga pinamili. Nang lingunin naman niya ang kinaroroonan ni Mikaela ay wala na ito roon.
Napapailing na lamang siya. Ngayon lang siya humanga ng ganu'n sa isang babae. Gustong-gusto niyang makilala ito ngunit imposible.
Lumabas sila ng supermarket na hindi na muling nakita pa si Mikaela. Nanghihinyang siya sa pagkakataon na nagkakatagpo sila nito na wala siyang ginawa para makilala niya ito ng personal. Isa pa, mailap sa kaniya ang babae, marahil na rin sa itsura niya. Hindi naman kasi normal ang may makapal na bigote at balbas. Tama nga si Inggo, akala siguro nito ay masamang tao siya kaya naman natatakot ito sa kaniya.
"Malapit na... malapit ko nang ahitin ang balbas at bigote ko," wika niya na ang sarili lang ang kausap.
"Huh! Ano ang sinasabi mo d'yan?" tanong ni Inggo na narinig pala ang pagsasalita niya. Kaslukuyan silang naglalakad sa eskinita papasok sa kanilang inuupahan, bitbit ang mga plastic bag ng pinamili.
"Wala... wala naman akong sinasabi," maang na sagot niya.
"Wala ba? Para kasing may narinig akong sinabi ka hindi ko lang naintindihan," anito.
"Wala nga," aniya
Nagkibit balikat na lamang si Inggo.