Chapter 2
Zyair's POV
Nang malapit na ako sa parking area ng school ay binagalan ko ang pagpapatakbo nitong sasakyan ko. Ipinark ko nang maayos 'to sa nirerentahan kong parking space rito. Ito 'yong pinaka-best na space rito kung parking lot lang ang pag-uusapan. Hindi ako nahihirapan ipasok at ilabas 'tong sports car ko.
Lalabas na sana ako ng sasakyan ko nang biglang tumunog 'tong cellphone ko rito sa bulsa. Ipinaikot ko muna ang mga mata ko bago padabog na kinuha ito.
"Oh," ani ko.
Sinagot ko na ito agad kahit hindi sigurado sa taong tumatawag. Itinapat ko ito agad sa tainga ko.
"Anak, Zyair Rois..."
Napapikit na lang ko nang mariin. Si Mama talaga! Kulang na lang ay isali na niya pati middle name at last name ko sa tuwing tatawagin niya ako.
"Oh, Cristina Palma Daez? Ano'ng maipaglilingkod ko po sa inyo?" preskong tanong ko naman sa kaniya.
"Anak, dadaan ka ba mamaya sa mall?"
Parang maamong tupa sa lambing ang pagkakatanong niya.
"Hindi," mas mabilis pa sa takbo ng cheetah kong sagot.
Alanganing tawa ang umalingawngaw sa kabilang linya. "Ang sungit mo naman, anak! Makikisuyo lang naman ako, eh. Isang bag lang naman..."
Bago pa niya matapos ang sinasabi niya ay tinapos ko na lang sa pamamagitan ng pagpatay ko sa tawag. Simpleng housewife lang naman si Mama sa mansion at paminsan-minsan lang kung magwaldas ng pera pero sa tuwing naiisipan niyang gumastos ay tila tinig ni Lesly sa Mobile legends ang naririnig ko. "One shot, one kill!" Gano'n na gano'n si Mama. Sa isang gastusan ay one million ang magagastos niya. Isang bag lang 'yon, ha! Ganoon katindi ang taong pinagkakautangan ko ng hininga ko.
Mataas ang respeto ko kay Mama, mas mataas pa sa bulkang taal. Biro lang. Inere-respeto ko si Mama at mahal na mahal ko siya sa kabila nang napakakomplikado naming buhay. Wala eh, kahit ilang beses kong bali-baliktarin ang mundo, ina ko pa rin siya. Kahit pa mistress siya ng ama ko na naging dahilan para maging bastardo akong anak, mananatiling dugo at laman pa rin niya ako.
Kung gaano siya kahina para harapin ang mapanghusgang mundo ay siya ko namang tapang. Kailangan, eh. Sino'ng magtatayo sa ina ko kapag dumating ang araw na susubukan siyang patumbahin ng mga taong galit sa kaniya? Sino'ng magpupunas ng mga luha niya kapag sinubukan siyang paiyakin ng mga nag-aabang na mga pagsubok sa buhay namin? Ako lang... dahil ako lang ang kakampi niya simula noong una hanggang sa huli. Hindi iyon dahil sa gusto kong kunsintihin ang pagkakamali na nagawa nila ni Daddy noon, iyon ay dahil sa pagmamahal ko sa kaniya bilang anak niya.
I must be prepare all the time. I have been prepared all my life. Wala akong karapatang itatwa siya hangga't ginugusto kong huminga.
Kaya ayaw ko siyang inaalala kapag nandito na ako sa school, nawawala kasi ako sa focus. Huminga ako nang malalim bago binuksan ang pinto ng sasakyan ko at lumabas.
"Dre!" tawag sa akin ni Rio. Katulad ko ay kalalabas din niya ng kotse niya.
First cousin ko siya sa father side. Malapit din kami sa isa't isa simula noong mga bata pa lang kami. Wala naman akong problema sa kaniya, ako lang 'tong parang napapaso lagi sa tuwing nandiyan siya.
Hindi naman tago sa mga malalapit naming mga kamag-anak ang tunay kong pagkatao. Hindi lang maiwasan na pag-usapan nila kami kapag nakatalikod na kami. Mabuti na lang dahil mayaman si Daddy. Siya ang dahilan kaya nananatiling nakabaon sa lihim sa publiko ang katotohanan sa pamilya namin. Marami silang utang kay Daddy. Kung tutuusin ay si Daddy ang bumubuhay sa kanilang lahat. Siya ang laging sumasalo sa kanila sa tuwing pumapalpak ang mga negosyo nila. Kaya todong pampo-protekta ang ginagawa nila kay Daddy at sa amin dahil once na bumagsak siya, kasama silang lahat.
Pero ewan ko ba? kahit may malaki akong pinanghahawakan para hindi nila kami ilaglag ay hindi pa rin maalis-alis ang pag-aalinlangan dito sa loob ko. Ito ang dahilan kaya wala akong pinagkakatiwalaan maliban sa sarili ko.
"Aw! Dala mo si Furious ngayon, ah," ngingiti-ngiti niyang puna sa sports car ko.
Kaya mas gusto naming mag-park dito dahil walang makapapasok na ibang estudyante. Kung sa ordinaryong parking space lang ako nag-parked ay malamang sa malamang ay nagkakagulo na roon.
Being one of the Elejanns, there is this fame you can't escape.
"Magkikita pa naman tayo sa classroom. Doon na lang tayo mag-usap," ani ko bago ko siya tinalikuran.
"Wait lang, Zyair!"
Lilingunin ko sana siya ngunit narinig ko siyang tumakbo papunta rito kaya hindi ko na lang itinuloy.
"Ano 'yon?" pormal kong tanong.
Ibinuka niya ang bibig pagkatapos ay isinara din agad. "Tumawag kasi si Tita. Tumawag ba siya sa 'yo? May ipinapasabi kasi siya sa akin sa 'yo."
"Nag-usap na kami," agap ko namang sabi.
"Pero pinatayan mo raw siya ng tawag," balik naman niyang tugon.
"Busy kasi ako. Huwag mo na lang siyang intindihin. Magkikita rin lang kami sa bahay mamaya."
"Alam ko naman 'yan, 'insan! Ang akin lang..." Tumigil siya at napakamot na lang sa ulo. "Sa akin kasi siya nakikisuyo."
"Oh, di sabihin mong sinabi mo na sa akin. Problema ba 'yon?"
"Hindi 'yan, 'insan." Kinamot-kamot pa niya lalo 'yong anit niya habang napapapikit. "May ipinapabili siyang bag sa mall. Ako na lang daw muna ang mag-abono. Babayaran na lang daw niya mamaya kung madadaan ako sa inyo." Problemado ang mukha niya akong tiningnan. "Saan naman ako kukuha ng one million, 'insan? Kauutang nga lang namin sa inyo, eh. Hindi pa nga nababayaran, binabawasan na naman ni Tita," tila natataeng sabi niya.
Kung hindi ko lang Nanay 'yong sangkot ay baka kanina pa ako natawa sa itsura niya. Si Mama talaga!
"Oh, sige. Ako na ang bahalang kumausap sa kaniya mamaya. Huwag mo na lang siyang replayan sa ngayon." Bumuntong-hininga ako nang malalim. "Sabihin mong magkasama tayo para hindi ka na niya kulitin. Tell her, I'm mad right now."
"Okay!" Inilabas na niya ang cellphone at nag-umpisang mag-compose ng message. "Sorry na lang sa 'yo, Tita. Mahal kita pero hindi ko afford magpautang ng one million," wika niya habang abala sa pagta-type.
"Sasabay ka ba sa akin?" tanong ko sa kaniya.
"Susunod ako," sagot naman niya. "Tatapusin ko lang 'to," tukoy niya sa message.
Tumango ako at nagpatuloy sa pahakbang. Pagkapasok ko rito sa classroom namin ay para akong na-estatwa rito sa kinatatayuan ko nang makita ko ang isang babaeng natutulog sa ibabaw ng table ko. Malalaking mga hakbang ang ginawa ko nang makabawi ako sa pagkabigla.
"Hey! Upuan ko 'yan!" malakas kong sabi sabay kalampag ng table ko nang matigil ako rito sa tabi niya.
Nag-umpisang umingay sa paligid dahil sa sari-saring bulungan ng mga kaklase namin.
Medyo nag-angat siya ng ulo pero hindi ko pa rin nakikita ang buong mukha niya dahil nakayuko pa rin siya. Natatakpan ng mga ilang hibla ng buhok ang mukha niya.
Ayaw na ayaw ko sa lahat ay 'yong pinapakialaman ang upuan ko. Call me nut but I have my own table and chair sa classroom namin. Kahit saan pa ako mapunta na classroom ay dala-dala ko ang mga ito.
"Hoy! Ikaw ang kinakausap ko!" Itinaas ko ang daliri ko para ituro siya.
"Tangina, natutulog pa ang tao," inaantok ang boses niyang wika.
Parang napintig 'tong mga tainga ko dahil sa pagmura niya sa akin
"Minura mo ako?" hindi makapaniwala na tanong ko. "Talagang minura mo ako!"
Hindi pa rin ako makapaniwala. Ngayon lang ako namura sa tagal ko na rito sa school!
"Gaano ka ba kamahal para hindi ko murahin?" Bigla siyang nag-angat ng mukha.
Siya 'yong babae sa mall kahapon!
Ngayon ay kitang-kita ko na ang buong itsura niya. May mapupungay siyang mga mata dahil siguro inaantok pa siya. May pagkasingkit siya at parang may lahing korean o japanese. Nabuhaghag ang ilang mga hibla ng buhok niya dahil siguro sa matagal niyang pagkakayuko kanina. May ilong siyang katamtaman lang ang tangos. Ang mga maninipis niyang mga labi ay medyo namumutla. Hindi ko sure kung may sakit siya or talagang anemic lang. Sa itsura niya ay parang wala pa siyang ideya na isinilang na siya sa mundo.
Ngayon ko lang siya nakita rito sa school. Hindi ko naman kabisado lahat ng nag-aaral dito sa Kerrigan kaya hindi ko alam kung matagal na siya rito pero hindi ko lang napapansin. Ang alam ko lang ay ngayon ko lang nakita ang mukha niya.
Dahil ayaw kong sirain ang araw ko ay nagpigil na lang ako.
"Alcohol mo?" Inilahad ko ang palad ko.
"Huh?" Nagtaas siya ng kilay sabay tingin sa palad ko.
"Masyado kang malaking bacteria kaya mag-provide ka na lang ng alcohol kung gusto mong palipasin ko 'tong inis ko sa 'yo," nagtitimpi sa inis kong sabi.
"Kung bacteria ako sa paningin mo... Bakit sana ako magdadala ng alcohol?" relax na relax niyang tanong. "Papatayin ko 'tong sarili ko, gano'n?"
Napasinghap ang mga tao ritong nakarinig sa sinabi niya. Muling umingay ang buong paligid dahil nagsisidatingan na rin ang iba pa naming mga kaklase.
Ngayon ko nakumpirma sa sarili na new student lang siya rito dahil kung hindi ay kanina pa sana siya kumaripas ng takbo para kunin ang ipinapakuha ko. First day of school kahapon. Hindi ko siya napansin kahapon kaya malamang ay um-absent siya.
"Sige... Pagbibigyan kita since bago ka lang," mahinang sabi ko.
Ibinaba ko 'tong bag ko at mabilis na binuksan para kunin 'yong alcohol ko. Pagkakapa ko rito ay malakas ko itong inihagis sa kaniya.
"I-spray mo 'yan sa upuan at mesa ko!" utos ko sa kaniya. "Bilisan mo dahil upong-upo na ako!"
Kung may pangil lang ako ay kanina ko pa sana ipinakita sa kaniya para matakot naman siya.
Tiningnan lang niya ako nang blanko. Ngumisi ako nang hawakan niya nang mahigpit 'yong alcohol mula sa mga kamay ko. Nanunukat ang tingin kong inilahad ang kamay ko sa gawi ng table at upuan ko.
"Go," wika ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang sunod-sunod niyang ini-spray ito sa buong katawan niya nang hindi man lang pumipikit. Ang kalma niyang tingin sa akin ay mas lalong nagpasiklab sa inis na nararamdaman ko.
Sinasabi ba niyang siya ang nadumihan sa pagkakaupo niya sa upuan ko? Nagtagis ang mga bagang ko. Parang nasapok 'yong ego ko sa ginawa niya. Nakaiinsulto!
"Ikaw ang sa tingin ko ang madumi sa atin," seryoso niyang sabi. "Your girlfriend is cheating on you with someone. Baka nahawakan o nahalikan ka niya lately. Disinfect yourself too because para sa akin, madumi rin ang hinahawakan o kahit nilalapitan ang taong palihim ka palang niloloko."
Halos hindi na ako huminga habang sinasabi niya ang mga iyon. Ang lahat ay napasinghap at katulad ko rin ay gulat na gulat. Wala sa sariling iniangat ko ang kamao ko at malakas siyang sinuntok.
Nagulat ang lahat sa malakas kong pagsuntok sa mukha niya. Halos tumigil sa pag-ikot ang mundo sa pakiramdam ko habang tinitingnan ko siya. Tumagilid ang mukha niya sa lakas ng suntok ko. Para sa akin ay katamtamang lakas lang naman ang pagkakasuntok ko sa kaniya pero dahil babae siya ay malakas na 'yon. Ang tagal na nasa ganoong posisyon ang mukha niya.
Pigil-pigil ko ang hininga ko nang dahan-dahan siyang humarap at tumingin sa akin. Walang kasing init ang mga mata niyang nakatunghay sa akin. Para siyang si Naruto pero hindi siya ang kaharap ko ngayon. Para akong nakikipagtitigan sa demonyo sa katawan ni Naruto, si Kyuubi...
Ang ilang hibla ng kaniyang buhok ay bahagyang tumakip sa mukha niya. Kasabay ng paghawak niya sa gilid ng tiyan niya ang pagtulo ng dugo sa kaliwang butas ng ilong niya. Napalunok ako nang bale-wala niya itong pinunasan gamit ang likod ng kamay niya. Yumuko siya upang pagmasdan ang bakas ng dugo roon.
"Sa tingin mo, mahal na mahal ka ng girlfriend mo?" Ngumisi siya habang tila may naglalarong nakalolokong apoy sa kaniyang mga mata.
Muli siyang humarap sa akin saka niya ako tiningnan nang seryoso. Ni wala akong makitang sign na may iniinda siyang sakit. Ikinuyom ko na lang ang mga kamay ko habang nagwawala sa inis 'tong kalooban ko.
"At bakit mo dinadamay ang girlfriend ko rito?" nagtitimpi sa galit kong tanong sa kaniya.
"Dahil wala naman akong alam tungkol sa 'yo maliban sa katotohanang pinagloloko ka ng girlfriend mo," kalma niyang sagot sa akin.
Ipinagdiinan niya talaga ang salitang pinagloloko.
Kalma lang siya kung magsalita ngunit kung tititigan mo siya nang matagal sa kaniyang mga mata ay makikita mo ang imahe ng taong hindi magpapatalo.
"Huwag mong idamay rito si Nikki."
"So, Nikki ang pangalan niya? Pinagloloko ka ng girlfriend mong si Nikki."
Akala ko ay nagbibiro lang siya kanina sa sinabi niya ngunit bigla akong kinabahan noong ulitin pa niya. Hindi ako magagawang lokohin ni Nikki. Ni sa panaginip ay hindi ko naisip 'yon. Mahal na mahal niya ako. Mahal niya ako higit pa sa pagmamahal ko sa kaniya. Nababaliw na siya! Wala siyang alam tungkol sa amin ni Nikki.
Tinitingnan niya lang ako na para bang ang dami niyang alam tungkol sa akin na hindi ko alam. Naguguluhan ako sa kakaibang tingin niya sa mukha ko. Dapat ay matuwa siya at mag-celebrate ako dahil napakasakit ng mga sinabi niya pero hindi. Given na 'yon pero ang hindi ko lang maintindihan ay ang awa na nababasa ko sa kaniya.
Naaawa siya sa akin!
Awa, iyan ang pinakaayaw ko na nakapaskil sa pagmumukha niya ngayon. Ayaw na ayaw ko 'yong kinakaawaan ako. Hindi ang isang katulad niya ang makapagpapababa sa tingin ko sa sarili ko.
"Tangina mo! Huwag mo akong umpisahan!" nanggigigil kong banta sa kaniya nang hindi ko makayanang pigilin ang galit ko.
Nginitian niya lang ulit ako nang nakaloloko. "Sino ba'ng nag-umpisa?" Tinaasan niya ako ng kilay.
Sh*t! Ang kapal lang ng mga kilay niya. Kasing kapal ng tapang niya. Hindi na niya kailangan gumamit ng eyebrow enhancer sa kapal. Ang sarap lang kalbuhin. Nakaaasar!
Ipinipikit ko na lang ang mga mata ko sa inis. "Bawiin mo ang sinabi mo," kalma ngunit may halong pagbabanta kong utos.
"Nasabi ko na. Walang magbabago kahit pa bawiin ko."
"Ang sabi ko, bawiin mo ang sinabi mo!" nanlilisik ang mga matang utos ko ulit sa kaniya.
Hindi ko matanggap ang mga sinabi niya at mas lalong hindi ko matatanggap na pinapanindigan niya ang mga sinabi niya. Hindi maalis sa isipan ko ang imahe ni Nikki na may kasamang iba. Ang sakit... Para akong pinapatay kahit pa hindi ako sigurado sa mga ibinibintang niya.
"Tahimik ang buhay natin pareho pero ginulo mo ang nananahimik kong mundo," mahina ngunit malinaw niyang sabi.
"Ikaw ang unang nanggulo," pagtatama ko naman. "Ginamit mo 'yang upuan at table ko nang walang paalam!"
"Pero ikaw ang unang nanakit, physically!" sumbat naman niya sa katamtamang lakas.
"Pero ikaw ang unang nanakit, verbally!" malakas kong turan. Halos manginig ang mga kalamnan ko.
"Hindi ko alam na sa iyo 'tong mga 'to! Sana sinulatan mo ng, no trespassing!" galit na rin niyang sagot. "Ni wala akong ipinabawi sa mga ginawa at sinabi mo sa 'kin. Wala kang narinig sa akin. Ito lang... Alam mo, sana okay ka lang. At sana magiging okay pa rin sa mga susunod na araw. Hindi naman para saktan ka ang mga sinabi ko. In fact, I gave you warning. Sa kabila ng mga ginawa mo sa akin, advantages mo isinukli ko. Masakit nga lang... Pero at least may idea ka na. Malay mo, pasasalamatan mo ako balang araw."
"At talagang confident kang paniniwalaan kita?" Napamaang ako.
"Bakit hindi ba?" nanghahamon naman niyang balik na tanong sa 'kin.
Humakbang ako palapit sa kaniya. Tinititigan ko siya nang seryoso para ipaalam sa kaniyang hindi ko na nagugustuhan ang mga lumalabas sa bunganga niya.
"Wala naman akong pakialam, paniwalaan mo man ako o hindi," walang katakot-takot niya pang dagdag na saad.
At nagawa pa niya talagang mas parubrubin ang apoy na nabuo sa pagitan namin? Kung gaano ka-intense ang titig ko sa kaniya ay mas dinoble naman niya ito ngayon. Talagang sira ang ulo ang babaeng 'to!
Sinuntok ko siya para makulog ang utak niya at matauhan, hindi para mas tumapang!
Ngumiti siya nang nakaloloko kalaunan ngunit nandoon ang malungkot na imahe sa kaniyang mga mata.
"Ikaw ang dapat na may paki sa mga sinasabi ko. Ikaw ang dapat maguluhan, magtaka at gumawa ng aksiyon bago pa mahuli ang lahat. Kung paminta ka man, piliin mong maging buo kaysa durog. Parang butil ng isang pamintang buo, mahalo-halo man sa niluluto mo ay may maiiwan pa ring kaunting lasa sa loob nito kaysa sa durog na talagang kakapit ang lasa, walang maiiwan at lahat kumakapit. Mauubos ang lahat sa 'yo." Tumigil siya sa pagsasalita at ipinukol sa akin ang nagtatanong niyang mga mata. "Pipiliin mo ba'ng maging durog o buo? Kung buo, then take my words seriously. Dump her," walang kakurap-kurap niyang sabi.
Tanga ba siya? Halos hindi na ako makapagsalita dahil sa totoo lang ay kamao ko na lang ang gusto kong kausapin niya. Hindi ko rin naman maitatanggi ang sakit, pagkalito at panghihina ko sa kabilang banda sa akin.
What if she's telling the truth?
Pero hindi talaga kayang tanggapin ng buong sistema ko lahat ng mga sinabi niya. At nararamdaman kong nababasa niya 'yon sa akin.
"May mga tao talagang nakatadhanang ibasura natin, hindi sa basurahan kundi sa limot," makahulugan niyang sabi. "Hindi mo man makalimutan, at least inalis mo na siya sa buhay mo at hindi ka na niya muling masasaktan pa."
"Tumigil ka na!" matigas ngunit may halong pakiusap kong bitaw.
"Buo o durog?" ang huli niyang tanong bago niya ako tinalikuran.
Halo-halong emosyon ang nararamdaman akong napayuko. Unti-unti akong nag-angat ng mukha nang maramdaman kong parang lumingon ulit siya sa akin. Hindi nga ako nagkamali.
"Isa lang ang dapat mong piliin," tila nagpapaalala niyang bilin bago niya ako tinalikuran ulit at naglakad paalis.
Ngayon lang ako pinakanasaktan sa mga salita ng taong estranghero. Naghihimagsik ang kalooban ko dahil nagpadala ako sa katulad niyang wala namang alam sa buhay ko.
Ang sakit dahil pinagbibintangan niya ang babaeng nag-iisang naniniwala sa mga pinaglalaban ko sa buhay...
Ayaw na ayaw ko 'yong pinagsisinungalingan ako dahil itong pagkatao ko palang ay malaki nang kasinungalingan...
Sana hindi totoo. Sana gawa-gawa lang niya ang mga 'yon.
Siya ang nakatikim ng kamao ko pero bakit parang ako ang napuruhan dahil lang sa isinalita niyang wala namang sapat na basehan?
End of Zyair's POV