✓Chapter 1

3236 Words
Chapter 1 Zyair's POV Katitigil ko rito sa tapat ng classroom namin nang bigla kong maalala ang pagmumukha ng pinsan kong si Aika kaninang bago ako umalis ng bahay. Sobrang haba ng nguso habang nakikisuyo sa aking bumili ng ticket sa concert ng idol daw niyang si... Never mind! Nakalimutan ko na ang pangalan! Ewan ko ba sa batang 'yon? Masyadong addict sa mga idols niya. Sino lang naman sila? Mga tao lang din namang katulad namin! Kunsabagay, ako nga na hindi sikat ay idol nila sa school, 'yong artista or singer pa kaya? "Tch!" Basta ako, wala akong idol na ibang tao! Sarili ko lang ang iniidolo ko! Bakit hindi? Ang guwapo ko kaya! Sikat ako rito sa school campus namin. Bakit? Because according to them, nasa akin na ang lahat! Naniniwala akong hindi lang mga artista ang sikat sa mundong ito. Want some proofs? Because Zyair Rois Ford Alejann exists! A rare me, lives! Ngumisi ako dahil sa iniisip ko. Umatras ako at naglakad papunta sa gate two. Maaga pa naman kaya nagdesisyon akong huwag tumuloy sa loob ng classroom. Kahit labag sa loob ko ay pagbibigyan ko ang magaling kong pinsan. Paminsan-minsan lang siya kung humingi ng pabor kaya pagbibigyan ko na kaysa naman matalakan na naman ako pag-uwi sa bahay. Kinapa ko sa loob ng bulsa ko ang papel kung saan isinulat ni Aika 'yong bilin niya. Sigurista talaga! "VJ Blake live concert ticket, twenty twenty one." Kumunot ako ng noo habang napapaisip. "Sino naman kaya 'tong VJ Blake na kinababaliwan ni chanak?" Nang makarating ako rito sa pinakamataas ng floor ng mall ay agad kong hinanap ang stall na pinagkukunan ng ticket. Puwede naman kasi siyang bumili online pero she insisted to me to buy it in person. Limited daw kasi ang ticket at binebenta lang 'yon sa mga physical ticket centres. Dahil maaga pa ay saktong kabubukas lang ng mga stalls dito. Bale, panglima ako rito sa pila. Itinuon ko na lang ang atensiyon ko sa apat na taong nasa harapan ko. Tumaas ang kaliwang kilay ko nang mapagtanto kong may isa pa palang babae ang nakapila sa unahan. Hindi ko siya napansin kanina dahil natatakpan siya ng apat na tao rito sa harapan ko. Mabilis lang ang pag-usad ng pila hanggang sa wakas ay narito na ako mismo sa harapan ni Miss kahera. "Isa lang, Miss. Iyong VIP," agad kong sabi kahit hindi pa niya ako tinatanong. "Ah, eh," kumakamot niyang ani. "Ubos na po, Sir Pogi, eh... Sold-out na." What? Sinabihan pa akong pogi tapos sasabihin lang pala niyang wala na. Umay na umay na ako sa alyas pogi na 'yan! "What? Talaga!" hindi makapaniwalang sambit ko. "Are you joking? Panlima ko pa lang dito sa pila. Anong naubos agad? Ang dami pang mga taong nakapila rito sa likuran ko." Nagtaka tuloy ako sa inakto ko. Pakialam ko naman kung ubos na? Ang aga kong pumunta rito para lang sa letcheng ticket. Talagang pinilit kong pumunta para lang pagkauwi ko ng bahay mamaya ay tahimik na chanak ang madadatnan ko. As if namang paniniwalaan niya ako 'pag sasabihin kong naubusan ako kahit maaga akong pumila. Pinakaayaw ko 'yong nagsasabi ako nang totoo tapos hindi ako paniniwalaan. "Sorry po, Sir. Pinakyaw po ni Ma'am. 'Yong pinakaunang pumila kanina." "Huh?" Parang narindi 'tong pandinig ko sa naging paliwanag niya. "Kahit na, Miss. Isa ka ring walang konsiderasyon diyan. Hindi ka na naawa sa amin. Sana naman ini-distribute mo 'yong mga tickets. Hindi 'yong ibinigay mo sa isang tao," nagpipigil sa inis kong sermon sa kaniya. "Sorry po talaga, Sir Pogi." Umiling-iling ako at nagkukunwaring tinatakpan ang mga tainga ko. "Oo na. Sige na. Alam ko na 'yan, Miss. Hindi mo na kailangan ipamukha." "Sorry po talaga, Sir. Nawala naman na po sa isip ko. Wala naman po kasi sa order na i-distribute po ang mga tickets," katwiran naman niya. May point naman siya kaya napabuga na lang ako ng hangin bilang pagsuko. "Lagot ako kay chanak nito," ang nasabi ko na lang sa sarili Mukhang narinig naman niya. Mayamaya pa ay bigla na lang nagliwanag ang mukha ni Miss. "Baka puwede n'yo pa po siyang sundan, Sir. Pakiusapan n'yo na lang po na bibilhin n'yo po 'yong isa. Ang dami po kasi niyang binili." Napamaang na lang ako sa suhestiyon niya. "As if alam ko naman kung saan nagpunta 'yon, Miss." "Alam ko po kung saan naka-park 'yong sasakyan niya, Sir. Nasa square garden lang po, malapit sa may acacia tree. 'Yong sa tapat mismo ng malaking tower, Sir. Kasama ko kasi siyang naghihintay na bumukas 'tong mall kaninang umaga roon. Sigurado po akong hindi pa nakalalayo 'yon. Takbuhin n'yo na lang po." "Sige," sabi ko na lang kahit wala naman akong planong gawin ang suhestiyon niya. Ano ako, baliw? Magpapakapagod dahil lang sa ticket? No! Naglakad na lang ako papunta sa escalator. Pababa na ako nang may mapansin akong babae na sa tingin ko ay ka-edad lang ni Aika sa harapan ng restaurant. Nagwawala ito habang sinusuntok-suntok 'yong balikat ng lalaking kasama niya. Halatang nag-aaway sila. Para akong nakakain ng ampalaya habang pinapanood ko sila. Sadistang bata! Ganoon na ganoon si Aika kapag nagagalit. Kahit labag sa kalooban ko ay dumiretso ako palabas ng mall at tinahak ang daan papasok sa loob ng square garden. Ang mabilis kong lakad ay naging takbo na. Nagpalinga-linga ako nang makarating ako mismo sa harapan ng acacia tree na tinutukoy ni Miss. Hinihingal akong yumuko para kumuha ng suporta sa mga tuhod ko. "Loko-loko naman 'yon. Hindi naman niya sinabi 'yong kulay at brand ng sasakyan." Napailing na lang ako. Laglag ang dila ko habang naglalakbay ang mga mata ko sa mga sasakyan na nakaparada rito. Umupo na lang ako sa malapit na damuhan dito para makapagpahinga. Nang makabawi ako ng lakas ay tumayo na ako. Akmang maglalakad na ako pabalik nang mahuli ng mga mata ko ang bulto ng isang babae sa may maliit na bridge sa gitna ng artificial lake rito sa garden. Mag-isa lang siya roon at tila nasa malayo ang tingin. Siya 'yong babae kanina. "Mukha naman siyang mabait kaya bakit hindi ko subukan, 'di ba? Mas mabait ang itsura niya kaysa kay Aika." Huminga muna ako nang malalim bago nagpasyang lapitan siya. "Hey!" tawag ko sa kaniya nang nakatayo na ako rito sa bungad ng bridge. Mabilis naman siyang tumingin sa akin. Walang mababasang kahit anong emosyon sa mukha niya. Poker face! I cleared my throat first before speaking again, "Pabili ako ng ticket. Ikaw raw ang pumakyaw ng mga concert tickets ni..." Pilit kong inaalala ang pangalan pero parang lumipad palabas ng utak ko. "Basta 'yong ticket. 'Yong best selling ngayon." "Ito ba ang tinutukoy mo?" Itinaas niya ang mga tickets. Napamaang na lang ako sa sumunod niyang ginawa. Pinunit niya ito nang minsanan sa gitna. At hindi pa siya nakuntento, pinunit pa niya ulit sa gitna, pahalang. Hindi ko alam kung magagalit, maiinis o maiinsulto ako sa ginawa niya? Gusto ko siyang lapitan para suntukin. Sayang, eh! Sayang! Ang dami kaya niyang pinunit. Pakiramdam ko ay nasa one hundred thousands din 'yong perang nagastos niya roon. Akala ko pa naman ay idol na idol nitong balahura at sakim na babaeng 'to 'yong VJ Blake na 'yon dahil sa pamamakyaw niya ng mga tickets kanina. Ayon, naalala ko rin iyong pangalan! Ang haba ng pila kanina pagkatapos ay ito lang ang ginawa niya. "Bakit mo pinunit?" Nakanganga na ako ngayon. "Pakialam mo?" matapang naman niyang balik na tanong sa akin. Napamaang muli ako. Magpasalamat siya dahil may nagrorondang pulis dito. Kung wala lang ay baka dumapo na 'tong kamao ko sa pagmumukha niya. Ayaw kong sinasagot ako nang pabalang. Paduduguin ko talaga ang bibig kahit babae pa! "Binili ko naman ang mga 'to kaya wala kang pakialam!" Para siyang tigreng galit na galit! "May paki ako dahil napakaangas mong magsalita! Sinabi kong bigyan mo ako kahit isa lang! Babayaran ko naman, ah!" Tumaas na rin ang tono ng tinig ko. "Hindi ko nga binebenta!" malakas niyang sigaw at halos maiyak na siya. Nabanat siguro 'yong ugat niya sa leeg. Ang lakas ng pagkakasabi niya, eh. Halos mapasulyap pa sa 'min 'yong mga ibang dumadaan. "Kung tutuusin, kulang pa nga 'to, eh. Kung puwede ko lang pakyawin lahat ng tickets niya na nagkalat sa buong mundo ay ginawa ko na! Para kahit sold-out ang mga tickets niya, wala namang pupunta!" may halong hinanakit niyang bulalas. Halos maging isang linya na ang mga kilay ko dahil sa pagkakadikit ng mga ito. Ano ba'ng ipinaglalaban niya? Kitang-kita ko ang hinanakit sa mga mata niya. Natatawa na lang ako sa kaloob-looban ko. Bakit ba ako curious? Pakialam ko naman sana! Hindi ko naman siya kilala. Ang habol ko lang naman ay 'yong ticket. "Huwag mo akong sinisigaw-sigawan diyan, ah! Hindi ako bingi." Pinanlakihan ko siya ng mga mata. Parang bigla naman siyang natauhan. Wala naman siyang mga luha pero binanat-banat niya pataas ang mga pisngi gamit ang mga kamay niya. Pinipigilan niya sigurong huwag maiyak sa harapan ko. "May problema ka ba kay VJ, ha? Basher ka niya, 'no?" Kung close lang kami ay baka kanina ko pa siya inaasar. Matiim lang na tingin ang ipinukol niya sa akin. Para tuloy akong na-curious sa pagkakatitig ko sa kaniyang mga mata. Iyon na yata 'yong pinakamalungkot na mga matang natitigan ko sa buong buhay ko. Estranghero siya para sa akin pero hindi 'yon pinalampas ng mga mata kong mabusisi. Malay ko naman, 'di ba? Hindi ko naman siya kilala personally. "Wala kang pakialam, okay? Wala akong dapat ipaliwanag sa 'yo," nanginginig ang mga mata niyang sabi. Bago pa ako makapagsalita ay tinalikuran na niya ako. Sinundan ko na lang siya ng tingin habang naguguluhan sa inasal niya. Ito 'yong unang pagkakataong may nag-walk out sa 'kin. Gusto ko mang hayaan na lang pero hindi, eh! Nakabababa ng confidence iyong ginawa niya. Si Zyair Rois Ford Alejann kaya 'to! Hinaharap ako at hindi tinatalikuran nang basta-basta! Huwag na huwag lang talagang magtatagpo ang mga landas namin ulit! End of Zyair's POV Taira's POV "Taira, apo... kumain ka na. May niluto akong dinengdeng doon sa kusina," ang narinig kong tinig ni Tatay sa labas ng pinto ko. Ang paborito kong ilocano food ang tinutukoy niya. Lagi niya akong nilulutuan ng kahit na anong mga gulay. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya kumakain masyado ng gulay. Nagluluto lang siya para sa amin. Madalas ay karne at kung anu-anong mga masasarap ang gusto niyang ulamin. Matanda na kasi siya kaya puros masasarap na ang gusto niyang kainin. Simple lang si Tatay. Laki siya sa hirap kaya kahit maganda na ang buhay niya ngayon ay simpleng pamumuhay pa rin ang gusto niya. Pinunasan ko muna ang mga luha ko bago ako tumayo para pagbuksan siya ng pinto. "Tatay, busog pa po ako." Pinilit kong ngumiti sa kaniya. Naglakad na ulit ako pabalik sa kama ko. Iniwan ko na lang na nakabukas ang pinto ko para makapapasok pa rin siya kung gusto niya. Hindi nga ako nagkamali. Sumunod siya sa akin. Maingat siyang umupo sa kama ko. Tiningnan niya ako at bahagyang nginitian. "Kumain ka na... baka magkasakit ka niyan." "Mamaya na lang po, Tatay." "Ikaw ang bahala. Basta huwag kang matutulog na walang laman ang tiyan mo." "Opo... Tatay, tumawag pala si Mommy. Ipinapatanong niya kung kailan daw po kayo babalik sa US." Noong magdesisyon akong umuwi rito sa Pilipinas ay nagpasya rin siyang sumama sa akin. Tatay ang tawag ko sa kaniya dahil iyon ang sinabi niyang itawag ko sa kaniya noong bata ko. He's not really my real grandfather. Ama siya ng step-mother ko. How ironic people sometimes. Hindi niya ako kadugo pero itinuring niya akong parang tunay na apo. Sa salita man o sa gawa, ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin. Mahal na mahal niya ako. At hindi ko alam kung saan niya hinugot ang pagmamahal niyang iyon sa akin. "Gusto ko munang manatili rito, apo. Sasamahan muna kita." "Pero, Tatay... hinahanap na po kayo ni Mommy. Nag-aalala siya sa inyo. Pumayag na ako na ihatid n'yo ako rito. Ngayon ay kailangan n'yo na pong bumalik." "Paano naman kita iiwan dito sa ganiyang kalagayan? Nagpapagaling ka pa lang ng sugat gawa ng mga surgeries mo. Saka broken hearted ka pa..." Napangiti ko nang malungkot. "Strong ako, Tatay. Hindi na ako katulad ng dati na mahina. Kaya ko na po ang sarili ko." "Alam ko naman 'yan. Ako lang naman ang may ayaw na iwan ka rito. Bigyan mo lang ako ng panahon hanggang sa ma-realized at makita kong kaya mo na talagang i-deal 'yong bagong buhay mo rito." "Mas gusto ko na po 'yong bagong buhay ko rito. Malayo sa pinanggalingan ng mga sakit na nararamdaman ko ngayon. Feeling ko, maka-mo-move on agad ako kasi hindi ko nakikita 'yong mga makapagpapaalala ng mga masasakit na nakaraan ko," matatag kong sabi. "Saka nandito naman po si Mama Carol, eh... Alam kong hindi niya ako pababayaan. Tutulungan niya akong makapag-adjust." Si Mama Carol ang Yaya ko noong one years old ako hanggang five years old ako. Siya rin ang tunay kong ina pero hindi niya alam na alam ko ang lahat. Natuklasan ko iyon noong sampung taong gulang ako. Noong gabing narinig ko silang nag-aaway ni Daddy. Akala nila ay tulog na ako. Narinig ko lahat. Itinago ko lang sa sarili ko lahat ng mga nalalaman ko dahil ayaw kong masira ang pamilya namin. Noong magkasakit ako at mag-break kami ng boyfriend ko ay ang tunay kong ina ang unang pumasok sa isip ko. Gusto ko siyang puntahan para makilala ko naman siya. Ang nakamamangha lang ay hindi niya alam na alam ko nang siya ang biological mother ko. Noong una ko siyang makita matapos ang ilang taon ay tila lumiwanag ang mundo ko. Parang humilom lahat ng mga sugat sa katawan at sa loob ko. Iba pa rin talaga kapag lumukso 'yong dugo mo sa taong nagbigay sa iyo ng buhay. Masasabi ko talaga sa mga oras na iyon na siya ang tunay kong ina. "Akala ko ay umalis ka dahil sa pagiging mahigpit ko sa 'yo." Tumawa siya nang marahan. "Sinabi ko naman kasi sa 'yo noon na huwag ka munang mag-bo-boyfriend. Masyadong guwapo naman kasi 'yong lalaking 'yon. Sikat pa kaya habulin talaga ng babae." Tumigil siya. Mukhang napansin niyang sobrang sakit na ng mga namumutawi sa kaniyang bibig. "Hindi naman sa wala akong tiwala sa ganda mo, apo. Maganda ka, walang duda, pero ang lalaki ay lalaki. Iba ang mga kabataan sa US. Masyadong silang liberated." Sumilay ang kontentong ngiti sa kaniyang mga labi. "Mabuti na lang dahil filipinang-filipina ang pagpapalaki namin 'yo. Hindi ka naimpluwensiyahan ng mga batang laki sa layaw roon. Kaya ka hindi maintindihan ng lalaking 'yon dahil hindi ka makasabay sa mga ugali nila. Twenty years old lang siya pero engaged na siya agad. Akalain mo 'yon!" Tuluyan na akong napayuko. Hindi ko mapigilan ang pagragasa ng mga magaganda ngunit ngayon ay mapapait ng mga alaala. Parang natutuluan ng katas ng dayap ang mga sugat na dulot ng taong una kong minahal. Walang kasing hapdi... "Hayaan mo na siya. Siya ang nawalan at hindi ikaw," wika niya upang tuldukan ang mahaba pa niya sanang sasabihin. Naalala ko noong una kong ipakilala sa kaniya 'yong ex ko. Unang tingin pa lang niya noon ay ayaw na niya rito. Masyado raw kasing guwapo, baka ipagpalit at saktan lang daw ako sa huli. Hindi nga siya nagkamali. Nagkatotoo nga. Ang pinagkaiba lang ay naghanap ng iba 'yong ex ko pagkatapos naming mag-break kaya hindi masyadong masakit. Sobrang nasaktan lang ako dahil tatlong linggo pa lang kaming hiwalay ay may bago na siya. Talagang pinili niya akong mas durugin pa habang nagpapagaling ako sa magkakasunod kong kidney surgeries. Napangiti na lang ako nang mapait, "Last na 'yon, Tatay. Sa susunod ay magiging mas maingat na ako. Ang focus ko ngayon ay ang pag-aaral ko." "Tama 'yan," tumatango naman niyang ani. "Ngayon ay mararanasan mo na talagang mag-aral sa loob ng school. Wala ka na sa homeschooling. Mararanasan mo na rin maging malaya at makisalamuha sa mga ordinaryong tao. Masayang-masaya ako para sa iyo..." Wala sa ulirat akong napangiti. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ni Tatay ay parang nagiging magaan ang lahat sa akin. Kahit hindi ko naman siya kadugo ay ang gaan-gaan ng loob ko sa kaniya. "Thank you po... Lagi kayong nandiyan para sa akin. Kahit hindi n'yo naman ako tunay na apo..." Dahan-dahan akong yumuko. Ayaw kong salubungin ang mga mata niya. Ayaw na ayaw niya kasing sinasabi ko 'yon sa kaniya. "Wala sa dugo ang pagmamahal, nasa puso..." That is my favorite motto from him. Maikli at simple lang pero napakaganda ng kahulugan. "Kaya nga po sobrang thankful po ako sa inyo." Tiningnan niya ako nang buong pagmamahal. Para bang kontentong-kontento na siyang nakamasid lang sa akin. Napamulat na lang siya nang bigla siyang may maalala. "Saan ka pala galing kanina, apo?" "Ah..." Tumigil ako upang panandaliang mag-isip. "Dumaan lang po ako sa school, Tatay." Totoo namang nagpunta ako roon kanina pero saglit lang. Ang sinadya ko talagang puntahan kanina ay sa mall. "May inasikaso lang po ako." "Oh... Kaya pala." Base sa reaksiyon niya ay parang naniwala naman siya. "Akala ko ba ay may pasok ka na ngayon?" nagtataka niyang tanong. "Mayroon po." "Oh!" gulat niyang sambit. "Bakit nandito ka sa bahay?" Humihingi ako ng paumanhin sa kaniya nang palihim dahil magsisinungaling na naman ako sa kaniya. "Masama po kasi 'tong pakiramdam ko," pagsisinungaling ko. Ang totoo ay ayaw ko lang pumasok dahil masyado akong na-stress sa lalaking nakaengkuwentro ko kanina. Mabuti na lang dahil hindi ko pa sinuot 'yong uniform ko. Magkaparehas kami ng logo at kulay ng uniform. Isa lang ang ibig sabihin niyon, pareho kami ng school na pinapasukan. Magka-schoolmates kami. Okay naman ako kanina. Magaan 'yong pakiramdam ko not until lumitaw siya at sabihing basher ako ni VJ. Bumalik lahat ng mga bagay na hindi dapat. Kahit papaano ay thankful ako sa kaniya. Dahil sa kaniya, napunit ko 'yong mga tickets. Ang sarap lang sa pakiramdam dahil pati ang masamang bungungot kong karanasan kay VJ ay tila nawasak din nang bahagya. Parang nakaganti na rin ako sa paraang hindi ko siya masasaktan nang pisikal. Mas na-stress pa ako sa kaniya kaysa sa paghihintay ko nang matagal sa labas ng mall. "Taira!" medyo malakas na tawag sa akin ni Tatay. Mula sa mukha ko ay bumaba ang tingin niya sa tapat ng tiyan ko. "Sumasakit pa rin ba? Gusto mo bang samahan kita sa hospital?" nag-aalala niyang tanong. Umiling ako. "Hindi na po, Tatay. Maganda na po ang pakiramdam ko. Magpapahinga lang po ako. Bukas ay ready na po akong pumasok." "Mabuti naman," tila nabunutan ng tinik niyang usal. "Magpahinga ka muna kung ganoon, apo." End of Taira's POV
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD