CHAPTER 3

1324 Words
Maalwang sala ang tumambad sa kanila pagkapasok ng mansiyon. Napatingala siya sa antique french glass chandelier. It looked bigger than life. Para bang ilang henerasyon na ang dinungaw niyon. Sa gitna ng sala ay pabilog na mesa na hindi niya matukoy kung gawa sa marmol o porselana na ang gilid ay brass. Napapalibutan ang lamesa ng mga silyang matataas ang sandalan at kahanga-hanga ang pagkakalilok ng disenyo. Sa magkabilang gilid ng malawak na sala ay may apat na pinto—dalawa sa kanan at ganoondin sa kaliwa. Bumungad din sa kanila ang napakalaking painting ng nagmamay-ari sa mansiyon. She froze. Sa loob ng mahabang sandali ay dumaloy ang kakaibang lamig sa mga ugat niya. Pamilyar sa kanya ang lalaki sa painting. Nakita na niya ito. Natitiyak niya. Kamukha ito ng lalaki sa kanyang mga panaginip. Paanong nangyari iyon? Napatitig siya sa mukhang ipininta pa ng mahusay na pintor ng panahon nito. Tila nakikipagtitigan ito sa kanya, hinihipnotismo siya. His eyes were dark as if they had witnessed the agony of condemned souls in hell, as if those eyes were made to punish. Matangos ang ilong ng lalaki sa painting, mapula ang mga labi na kay lupit kung ngumiti subalit sadyang kaakit-akit din. Mahaba ang buhok nito, maalon-alon. His hair was as black as the polar night in Norway—wild and untamed. Matipuno ang dibdib ng lalaki. Kung sa biglang tingin ay iisipin niyang naka-Equestrian outfit ito. Nakapa niya ang tapat ng dibdib. Nagsikip ang puso niya sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Hindi siya makapaniwalang nasa harapan niya ngayon ang mukha ng misteryosong lalaking laging laman ng isipan niya. Sino ba talaga ito? Ano ang kaugnayan nito sa kanya? Nagkataon lang bang kamukha ito ng lalaking dumadalaw sa mga panaginip niya? Lumapit sa kanya ang isang matandang babae at marahan siyang pinisil sa kamay. "Siya si Señor Lucas Savatierre—matapang, magandang lalaki, at wagas kung umibig." Wala sa loob na napalingon siya sa matanda. Ngumiti ito sa kanya. "Ako si Manang Juanilya, ang caretaker ng mansiyon at tagapangalaga ng mga naiwan dito ng pamilya Savatierre." Nasa ochenta na marahil ang edad ni Manang Juanilya, pero maaliwalas ang mukha at halatang may taglay na kagandahan noong kabataan nito. "Hello po, Manang Juanilya." Nakaramdam siya ng kakaibang init sa dibdib nang mamasdang maigi ang maamong mukha ng matanda. Itinuro nito ang gitna ng sala. "Dito tumatanggap ng bisita si Señor Lucas. Palaging may mga dalang regalo ang mga dumadalaw dito. Ang pintong iyan," turo nito sa pinaka-entrada ng mansiyon, "ay para sa mga panauhin. Ang pinto sa likod ay para sa mga kasambahay. Kapag gusto ni Señor ang bisita ay ang puro at espesyal na inuming tsokolate ang ipinapagawa nito sa amin." Hindi niya itinago ang pagkaaliw. Interesado siya at gusto pa niyang marinig ang ibang sasabihin ng matanda. "Tuwing hapon at papalubog na ang araw ay nakaupo sa labas si Señor Lucas at minamasdan ang kalangitan." "Parang ang dami n'yong alam, Manang. Matagal na po kayong caretaker ng mga Savatierre?" Marahang tumawa si Juanilya. "Aba'y oo, sixteen lang ako nang mamasukang kasambahay sa mga Savatierre." "T-talaga po?" Manghang-mangha siya at kumislap ang mga mata. Muli niyang ibinalik ang tingin sa painting. "So, nakilala n'yo po si Señor Lucas?" Nakimasid na rin ang matanda sa painting. "Oo, thirty-two si Señor Lucas nang dumating ako rito." "S-suplado ba itong si Señor Lucas?" hindi niya napigilang itanong. Malupit ang kislap ng mga mata nito at hindi na siya magtataka kung mapagmataas ito at hindi kapuri-puri ang ugali. Umiling si Juanilya. "Kung ang gusto mo talagang itanong ay kung malupit si Señor Lucas, ang sagot ko ay oo. Oo sa mga taong hindi nararapat sa kanyang kabutihan. Pero mabait siya sa mabubuting tao, lalo na sa kanyang esposa." "M-may asawa siya?" Tumango ito. Fondness was in the old lady's eyes. "Sobrang mahal na mahal niya." Huminga ito nang malalim. "Mahal na mahal niya si Señora. Walang hangganan at tukod-langit ang pag-ibig ni Señor sa kanyang asawa." "May picture ho ba kayo ng kanyang—" "Aevia!" biglang tawag sa kanya ni Celine, papasok na ito ng kabilang silid patungong komedor, kasama ni Professor Schaffen. "Tama nang kakatitig mo sa painting na iyan. Baka marahuyo ka kay Señor Lucas, sige ka. Halika na." "Oo, susunod ako." Binalingan niya ang katabing matanda pero wala na ito sa tabi niya. Nauna pa itong umalis. Bumuntong-hininga siya. Marami pa naman sana siyang gustong itanong dito. _____ HINDI SIYA INTERESADO sa mga antigong kagamitan o sa kung anong kahoy gawa ang mga iyon. Hindi niya rin gustong malaman ang halaga niyon na nasisiguro niyang hindi biro kung ibebenta at siguradong pag-aagawan. Sinubukan niyang tumipa sa notepad ng phone niya pero hindi siya makapag-concentrate. Nawawala siya sa focus at natatagpuan niya ang sariling lumilipad sa kung saan-saan ang isipan. Mas interesado siyang makausap pa si Manang Juanilya na ayon sa apo nitong si Jelia ay nagpapahinga na raw at sinumpong ng rayuma. Bata pa si Jelia at alam niyang hindi nito masasagot ang mga katanungan niya. Si Manang Juanilya ang gusto niyang makakuwentuhan. Gusto pa sana niyang itanong kung ano ang pangalan ng asawa ni Señor Lucas at kung may anak ang dalawa. Gusto niya ring itanong kung may lumang photo album ba ang pamilya na nasa pangangalaga pa ni Juanilya. Kausap pa rin nina Mr. Schaffen at Celine si Jelia. Nasa balkonahe sa pangalawang palapag sila malapit sa dirty kitchen ng malaking bahay. Nakatanghod ang tatlo sa malawak na lupaing pag-aari ng mga Savatierre. Lahat ng natatanaw ng mga mata nila mula sa burol ay pag-aari ni Lucas. Dati raw ay may mga alagang kabayo at baka pa ang lalaki. Nabagot siya at wala sa loob na bumaba sa sala. Iginala niya ang paningin sa paligid, pinaraanan niya ng mga daliri ang makinis na pader at haligi ng mansiyon, at muling minasdan ang painting ni Lucas Savatierre. Kung hindi niya lang alam na painting iyon ay iisipin niyang nakikipagtitigan ito sa kanya. Napaigtad siya nang biglang umikot ang lumang plaka sa isang gilid at pumailanlang ang lumang kantang 'Thru Eternity' ni Diomedes Maturan. Binalot ng lumang musika ang buong sala. I never knew how much I could love. ’Til I met you my days were so blue… Napakapit siya sa haligi at marahas na nilingap ang paligid. Binalot siya ng nakaraang panahon. Hindi kayang ipaliwanag ng utak niya ang pakiramdam na bumalik siya sa nagdaang mga taon. Nabuhay ang wala nang siglang mansiyon. Nililipad ng hangin ang puting kurtina mula sa nakabukas na bintanang Capiz. Ang alam niya ay umaga pa pero bakit papa-takipsilim na sa labas? Napasinghap siya nang mula sa likod ay may mga brasong pumulupot sa baywang niya. The man behind her was so tall. Dama niyang umabot lang sa dibdib nito ang likod ng ulo niya. Hinagkan nito ang tuktok ng kanyang ulo. Gustong mag-init ng kanyang mga mata. Dapat ay magalit siya at lumayo sa pangahas na estranghero pero sa halip ay napuno ng emosyon ang kanyang dibdib, parang sasabog iyon. Maraming emosyong nagkukumawala. That I love only you day by day thru eternity… Natagpuan niya ang sariling nakikipagsayaw na sa misteryosong lalaki sa mabagal na tugtugin. Humarap siya rito at pinaikot ang mga kamay sa leeg ng kasayaw. Nakasuot ito ng black organza barong tagalog. Hindi niya makita ang mukha nito kahit na anong gawin niya. Something was stopping her from seeing his face. Pero ramdam ng puso niyang mahalaga sa kanya ang lalaking ito. She closed her eyes and rested her head against his chest. Hinayaan niya ang sariling uguyin ng marahan nitong pagsayaw. She felt at peace. She felt finding something that had been taken away from her for so long. "Aevia!" Pumunit sa malamyos na musika ang malakas na tili ng kapatid niya. And everything vanished, including the mysterious man. Then, she found herself splayed out on the floor. Bago pa nakalapit ang kapatid ay nawalan na siya ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD