CHAPTER 4

1346 Words
Ilang beses siyang nagpumilit na bumalik ng Balay Aisalah pero mahigpit na tumutol ang pamilya niya. Dinala siya ng mga magulang sa albularyong kakilala ng mga ito sa kabila ng kanyang madiing pagprotesta. Ang dating tirahan daw ng albularyo ay malapit lang sa kanila bago lumipat ang mag-anak sa ibang lugar. Kung anu-anong orasyon ang sinambit at kung anu-anong halaman ang inilapat ng matandang lalaking nagpakilalang Ka Erning sa kanyang noo. Pinahiran siya nito ng lana. Hindi ba at para sa aswang iyon? Inaswang ba siya? Hindi siya kumpurmi sa ginagawa ng albularyo. Pero ano ang magagawa niya? Nilingon niya ang Mommy at Daddy niya na nakaupo sa pahabang kawayang upuan sa gilid ng bahay. Ang kapatid niyang sina Celine at Raffy ay nag-uusap sa labas, sa ilalim ng punong mangga. Hindi siya makapaniwalang hinanap pa talaga ng Mommy niya ang lalaking albularyo para magamot siya at madasalan. Dumayo pa sila sa pagkalayu-layong lugar ng matanda. Maraming faith believers si Ka Erning at maraming testimonials ang nagpapatotoo na hindi ito pekeng albularyo. Napakislot siya nang biglang pumalatak si Ka Erning. Umiiling ito habang titig na titig sa kanya. Gusto niyang mailang. Bakit ba ganoon na lang katiim kung makatingin sa kanya ang matanda? "M-may problema ho ba?" tanong niya. "Inaangkin ka niya, ’Neng." Naguluhan siya sa sinasabi nito. Inaangkin siya? Nino? "Sino po ang umaangkin sa akin?" kulang sa interes niyang tanong. Wala siyang bilib sa ganitong uri ng panggagamot. Opinyon niya iyon. Pero kung taliwas sa pinaniniwalaan niya ang opinyon ng ibang tao ay ayos lang sa kanya. May kamag-anak kasi sila noong sumakit ang tiyan, dinala sa albularyo. Ang sabi, kinukulam daw. Pinainom ng kung anu-anong likidong gawa sa katas ng halaman. Nasuka at nagtae lang pero hindi naman gumaling. Pagkatapos noong dalhin na sa ospital, may ulcer pala. "Ang diablo mismo ng Krus Diablos." Napasinghap siya. Alam niya ang tungkol sa Krus Diablos. Maraming mahihiwagang kuwento na siyang narinig na nagmula pa sa mga naunang henerasyon. The crossroad demon. Alam niya ang tungkol sa ritwal na isinasagawa para tawagin ang demonyo ng pakrus na daanan. Pero bakit siya aangkinin ng demonyo ng Krus Diablos? Kung totoo man iyon. Hindi naman niya ito tinawag. Ano ang pakialam nito sa kanya? O siya dito? "Bakit naman niya ako aangkinin, Ka Erning? Imposible naman iyon." "Dahil tinawag mo siya." Seryosung-seryoso ang mukha ng matanda na kababakasan ng pagkahindik. Gusto na niyang matakot. Katunayan ay unti-unti nang nanunuot ang lamig sa kanyang mga kalamnan. Pilit siyang tumawa. "Ito namang si Ka Erning, hindi pa nga ako nagagawi sa bahaging iyon ng lugar namin." "Pag-aari ka niya, Aevia. Hindi ka niya pakakawalan." Tumayo ang mommy niya, tutop ang dibdib, narinig pala nito ang usapan nila. Pulang-pula ang mukha ng ginang at parang aatakehin ng altapresyon. "Ka Erning, gawin po ninyo ang lahat para palayasin at itaboy ang demonyong iyan!" Humugot lang ng malalim na paghinga ang matanda. "Hindi siya basta-basta lang, Selena. Malakas siya. At mas lalong pinagtibay pa ng daan-daang taong iginugol niya sa mundo natin. Kung lalabanan ko siya, papatayin niya ako." Tinapik ni Ka Erning ang balikat niya. "Mag-iingat ka lang, ’Neng. Isa sa mga araw na ito ay makikilala mo na siya." "Nonsense! Ano ba ang pinagsasabi mo, Ka Erning?" Halos mag-histerikal si Selena. Galit din ang nakikita niya sa mga mata ng amang si Redon. "Tumayo ka riyan, Aevia, dadalhin ka namin sa Roma kung kinakailangan." Nilisan ng mga Garci ang bahay ng albularyo. Kahit na nasa loob na ng sasakyan ay hindi pa rin mapakali si Aevia sa mga sinabi sa kanya ng matanda. Tinawag niya ang demonyo ng Krus Diablos? Kailan? Hindi niya matandaan. Sino ba talaga ito? _____ NAKAUPO SA KAMA si Aevia, nakasandig sa headboard at kandung-kandong ang laptop. Tinipa niya ang 'Balay Aisalah' sa search box. Hindi siya mapakali. Magmula nang manggaling siya sa lumang mansiyon ay naligalig na siya nang husto. There was something in that house that she needed to know. She clicked the topmost search result. Lumabas ang inkwell filtered picture ng malaking mansiyon. Black and white iyon at parang kuha talaga noong nakalipas na panahon. 'Balay Aisalah 1952.' Iyon ang nakasulat na caption. Nakasulat doon na si Señor Lucas Savatierre ang pangalawang nagmay-ari sa mansiyon, sa burol at sa malawak na lupaing nakapalibot sa malaking bahay. Pagkatapos ng World War 2 ay ipinagbili na ang property, pero hindi iyon nabenta kaagad. Sa haba ng mga taong lumipas bago ito napunta kay Señor Lucas ay halos gumuho na ang malaking bahay dahil hindi naalagaan. Ipinaayos iyon ni Señor Lucas para sa mahal nitong esposa. She scrolled down. Biglang nagsikip ang dibdib niya nang masilayan ang lumang portrait painting ni Señor Lucas Savatierre. Katulad na katulad iyon sa painting na nakasabit sa marangyang sala ng mansiyon. Wala sa loob na nahaplos niya ang screen. She zoomed in Lucas' picture and closed her eyes. Mabilis ang pagdagsa ng malalabong eksena sa kanyang isipan. Napamulat siya, habul-habol ang paghinga. Then her phone played a song in a music application: Thru Eternity. I never knew how much I could love. ’Til I met you my days were so blue… Nalunod na naman siya sa lumang tugtugin. Niyayapos siya ng malamyos na musika. Napakagaan sa tainga. Napakainit sa puso. And even with her eyes open, she could see two people dancing romantically in an old house while the sun was setting down. Naghahalo ang kulay kahel, pula at itim sa kalangitan. Pumatak ang mga luha niya. Ni hindi niya alam na umiiyak na pala siya. Bakit ang sikip-sikip ng dibdib niya? Bakit ang bigat ng kanyang dibdib? Mas lalong umigting ang pagnanais niyang masilayan ang mukha ng asawa ni Señor Lucas. Pinunasan niya ang mga luha at muling itinuon sa screen ng laptop ang mga mata. She searched 'Lucas Savatierre’s Wife.' Pipindot na lang siya sa enter key nang bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto. "Mommy?" "What are you doing, Aevia? Don't tell me na pinagkakaabalahan mo pa ring isipin ang tungkol sa demonyong sinasabi ni Ka Erning?" Bumuntong-hininga ito. "Huwag kang mag-alala, hija, dadalhin ka namin sa Roma ng Daddy mo." "No, Mom, I'm fine," giit niya. "Fine? Paano kung bigla na lang lumutang iyang katawan mo sa kama habang tulog ka? O bigla na lang umikot iyang ulo mo? Have you even watched any movies about exorcism?" Nagbuga siya ng hangin. Siya ang napapagod para sa mga magulang niya. She knew that bringing her to Ka Erning wasn't a good idea. Napapraning na ngayon ang parents niya. Maging ang mga kaibigan niyang sina Tanner at Tamara ay kinukumusta siya. May alam daw ang mga itong magaling na manggagamot sa Siquijor. Por Dios! Hindi niya kailangan ng manggagamot. "Mommy, please, let Aevia rest," singit ni Celine. Bumuntong-hininga ang ginang at makaraan ang mahabang sandali ay tumango rin sa wakas. "Mag-uusap tayong muli sa ibang pagkakataon. You rest now, hija." Lumapit sa kanya ang ina kaya mabilis siyang nag-switch tab para hindi nito makita ang pinagkakaabalahan niya sa laptop. Humalik sa noo niya ang ina at marahan siyang tinapik sa balikat. "Good night." Nakahinga siya nang maluwag nang lumabas na ang ina. Tumitig sa kanya si Celine. "Good night, Aevia. Sorry for the hassle. If it weren't for me bringing you to that—" "Celine," she cut her off. "Wala kang dapat ihingi ng sorry. I'm okay. Kung ano man ang narinig mong sinabi ni Ka Erning, hindi totoo iyon," kumbinsi niya sa kapatid. Tipid itong ngumiti sa kanya. "Okay, good night." Kinabig na nito pasara ang pinto ng kuwarto niya. In-off na rin niya ang laptop at ipinatong sa bedside table. Humiga na siya sa kama at itinaas ang kumot hanggang dibdib. She sighed. She missed him, the mysterious man in her dreams. Buhat nang tumuntong siya ng Balay Aisalah ay hindi na ito dumalaw pa sa kanyang mga panaginip. Tumingala siya sa kisame. "Please, visit me tonight. Please…" Ipinikit na niya ang mga mata at nagpahila sa antok kasama ang munting hiling na sana ay dalawin siya nitong muli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD