Chapter 3

1791 Words
AWARE si Victoria kung ano ang nangyari sa lalaki. Hindi nito alam kung ano ang nangyari dito, kung bakit ito na-aksidente, kung bakit hindi nito maalala ang pangalan nito at kung bakit wala itong maalala tungkol sa buhay naging buhay nito. "Anong tawag do'n, Victoria? Iyong walang maalala. Ali...Alimer ba?" tanong ng Nanay niya sa kanya nang lumabas sila ng kwartong tinutuluyan ng estranherong lalaki noong makatulog muli ito dahil sa sakit ng ulo. "Alzheimer po, Nay," pagtatama niya sa gustong sabihin ng Nanay niya. "Pero hindi po alzheimer iyong kondisyon niya. Amnesia po," sagot naman ni Victoria sa Nanay niya. Sumang-ayon naman si Victor sa sinabi niya. "Amnesia?" Balik tanong ng Nanay niya. "Nangyayari po iyon, Nay. Kapag may head injury ang isang tao. Nawawala po ang memorya niya. Baka ganoon po ang nangyari sa lalaki kasi 'di po ba noong nakita siya ni Tatay may sugat siya sa ulo," paliwanag niya dito. Sigurado si Maria Victoria na may amnesia ang lalaki dahil noong tanungin ito ng Tatay niya kung sino ito o kung ano ang nangyari dito ay wala itong maalala, hindi sila nito masagot. Napansin nga din niya na pilit nitong inaalala ang nangyari, kung sino ito pero bigla itong nagreklamo ng biglang sumakit ang ulo nito. Nataranta nga silang lahat ng sapo-sapo nito ang ulo habang dumadaing. His face shows signs of pain. Hindi nga nila alam kung ano ang gagawin para matulungan ito. Hanggang sa lumapit siya sa lalaki. Inalis niya ang kamay nitong nakawak sa ulo nito at minasahe niya iyon and murmur that everything will be okay. Napansin naman niyang unti-unting nawawala ang lukot sa mukha nito, mukhang nakatulong ang ginawa niyang pamamasahe sa ulo nito para maibsan ang sakit na nararamdaman nito hanggang sa muli na naman itong nakatulog. Hinayaan lang naman nila ang lalaki para muli itong makapagpahinga. "Paano po iyan, 'Tay? Hindi niya maalala ang sarili niya, kung ano ang pangalan niya. Ibig sabihin, hindi pa siya makakabalik sa kanila?" tanong naman ni Victor sa Tatay niya. Huminga naman ng malalim ang Tatay niya. "Siguro?" sagot ng Tatay niya, mukhang hindi din sigurado sa naging sagot. "Paano kung masamang tao pala siya, 'Tay?" mayamaya ay tanong ulit ni Victor. "Paano po kung hinahabol siya ng pulis? Kaya niyo siya nakita na palutang-lutang sa dagat ay dahil may tinatakasan siya?" pagpapatuloy pa na wika nito, nanlalaki din ang mga mata nito. "H-hindi naman siguro." Hindi naman napigilan ni Maria Victoria na sabihin iyon sa kapatid. Ewan niya pero malakas ang kutob niya na hindi masamang tao ang lalaki. Kanina noong nakatingin siya dito, habang nakatingin siya sa mga mata nito. He looked like a lost child. He looks vulnerable, his eyes said so. Iyong bang tipo na naghahanap ito ng kalinga. Iyon ang nakikita niya sa mga mata nito. At sigurado siyang hindi ito masamang tao. "Victor, huwag tayong mag-isip ng masama sa isang tao kung hindi pa natin siya lubusan na kilala," sabi naman ng Tatay niya. "Sorry po, 'Tay," paghingi naman ni Victor ng paunmanhin sa Tatay niya. "Anong gagawin natin sa kanya, Vicente?" tanong naman ng Nanay niya. Saglit namang hindi nagsalita ang Tatay niya, mukhang nag-iisip ito kung ano ang gagawin sa estrangherong lalaki. "Dito muna siya sa atin habang wala pa siyang maalala tungkol sa sarili niya," desisyon ng ama. "At habang hindi pa siya hinahanap ng pamilya niya. Sigurado naman akong aware ang pamilya niya na nawawala siya. At sigurado din ako na hahanapin din siya. Pero habang hindi pa nangyayari iyon ay dito muna siya sa atin," dagdag pa na wika nito. "Kakausapin ko din si Pareng Allan kung pupunta siya sa kabihasnan, sabihin ko sa kanya na report niya sa pulis ang lalaki kung may naghahanap ba dito." Tumango-tango naman sila bilang pagsang-ayon sa sinabi ng ama nila. "Ate." Napatingin siya sa kanyang kapatid ng tawagin nito ang atensiyon niya. "Bakit?" tanong naman nito sa kanya. "Anong itatawag natin do'n sa lalaki?" tanong nito sa kanya. "Hindi niya maalala kung sino siya, pati pangalan niya ay hindi maalala. Hindi naman pwedeng 'lalaki' ang itawag natin sa kanya?" May punto si Victor. Sa loob ng isang linggo na tulog ito ay lalaki ang tawag nila dito. Hinihintay kasi nila itong magising para tanungin ang pangalan nito. Pero ngayon, gising na ito ay hindi naman nito alam ang sarili nitong pangalan dahil nga sa pagkakaroon nito ng amnesia. Kaya kailangan nila itong bigyan ng pangalan. Saglit naman siyang nag-isip kung ano ang pansamatalang ipapangalan nila sa lalaki. "Callum," mayamaya ay wika niya. "Callum?" balik tanong ng kapatid niya. Tumango siya. "Callum ang ipapangalan natin sa kanya." "VICTOR, tawagin muna ang Kuya Callum mo. Sabihin mong kakain na." Narinig ni Maria Vicroria na utos ng Nanay niya sa kapatid nang maihanda nila ang agahan nila sa mesa. "Opo, Nay," sagot naman ng kapatid niya. Umupo naman na sila sa silya sa harap ng mesa. Hindi pa sila nag-umpisang kumain, hinihintay nila ang pagdating ng dalawa. At makalipas ng ilang segundo ay nakita niya ang kapatid niyang pumasok sa kusina nila, tumingin naman siya sa likod nito nang makita niya si Callum. Napansin niya ang gitla sa noo nito. Bumaba nga din ang tingin niya sa suot nito. Nakasuot ito ng puting T-shirt at kupas na pantalon. Pinaglumaan iyon ng Tatay niya. At dahil hindi naman masyado matangkad at matikas ang Tatay niya. At naging fit kay Callum ang suot nito. Bakat sa suot nitong T-shirt ang matitipunong dibdib nito at ang muscle nito sa braso. Mukhang alaga sa gym ang katawan nito. Well, nakita at nahawakan naman na niya iyon dahil minsan ay siya ang nagpupunas ng katawan nito. Pero sa upper body lang naman nito. Tinatawag niya ang kapatid o kung hindi kaya ang Tatay niya kapag sa ibabang bahagi na ng katawan nito ang susunod na pupunasan. Nag-angat naman siya ng tingin kay Callum. At hindi niya napigilan ang mapaawang ang labi nang makita niya na nakatitig ito sa kanya. Hindi pa din nagbabago ang ekspresyon ng mukha nito. His bloodshot eyes were staring at her intently. Pasimple naman niyang iniwas ang tingin sa lalaki. At kahit na hindi siya nakatingin sa sariling repleksiyon sa salamin ay alam niyang pulang-pula ang magkabilang pisngi niya dahil sa hiya na nararamdaman ng mahuli siya nitong nakatitig dito. "Victor, Callum, maupo na kayo para makakain na tayo," tawag naman ng Tatay niya sa dalawa. "Tara na, Kuya Callum," wika naman ng kapatid dito. Si Victor ang nagsabi sa lalaki noong magising itong muli kung ano ang itatawag nila dito since hindi nito maalala ang pangalan nito. Sinabi din ni Victor dito na siya ang nag-isip ng pangalan na iyon. Wala namang sinabi ang lalaki, at mukhang okay lang iyon dito dahil kapag tinatawag itong Callum ng kapatid ay lumilingon ito. Lumapit naman ang kapatid sa mesa, walang imik na sumunod naman si Callum. Umupo ang kapatid sa tabi niya, nasa harap naman nila ang lalaki. Ipinikit naman ni Maria Victoria ang mga mata nang magpasalamat ang Nanay niya sa mga pagkain na nakahain sa mesa nila. "Amen," halos sabay-sabay na sambit nila maliban kay Callum na hanggang ngayon ay tahimik pa din. "Kain na," wika naman ng Tatay niya. Kumuha naman na si Maria Victoria ng fried rice. "Bakit, Kuya Callum?" Napatigil naman siya mula sa pagkuha ng daing na isda ng marinig niya ang boses na iyon ng kapatid. Nag-angat naman siya ng tingin patungo sa lalaki. At kita niya ang kunot ng noo nito habang nakatingin ito sa mga pagkain na nakahain sa mesa. Napatingin naman si Maria Victoria sa mga pagkain. Usual breakfast nila iyon. Daing na isda, nilagang okra at talbos ng kamote. May ginawa din siyang sawsawan, bagoong na nilagyan niya ng kalamansi. Masarap naman iyon lalo na kapag kakain ka na nakakakamay. Pero base sa kunot ng noo nito at mukhang hindi pamilyar sa lalaki ang mga nakahain sa mesa. Mukhang hindi ito sanay sa pagkain na mga ganoon. Well, kahit na walang maalala si Callum ay pansin niya na hindi lang ito simpleng tao. Para kasi itong anak mayaman. Sa hitsura at sa kutis lang nito, parang hindi ito mahirap. Hindi lang iyon, sa paraan ng pagsasalita nito, tunog mayaman din. At iyong suot nito nang makita ito ng Tatay niya. Pati na din ang relong suot nito. Branded at alam niyang hindi biro ang halaga niyon. Itinago nga niya iyon at balak niyang isauli iyon sa lalaki. "Ayaw mo ba sa mga pagkain, Kuya?" tanong ni Victor kay Callum. Nag-angat naman ito ng tingin. At mas lalong naging visible ang gitla sa noo nito nang mapansin nitong nakatitig sila dito. Kinagat naman niya ang ibabang labi. Sa kanya naman napunta ang tingin nang tumayo siya mula sa pagkakaupo niya. "Excuse me lang po," paalam niya. Hindi naman na niya hinintay na magsalita ang mga kasama niya sa mesa. Umalis siya do'n at pumasok siya sa kwarto niya. Binuksan naman niya ang maliit na drawer niya at kinuha ang box na pinaglagyan niya ng ipon niya. Kumuha siya doon ng isang daang piso. Lumabas siya ng kwarto at sa halip na bumalik sa kusina ay dumiretso siyang lumabas ng bahay. Nagtungo si Maria Victoria sa maliit na karenderya malapit sa bahay nila. Tiningnan naman niya kung may lutong ulam na ba do'n na pwedeng maging almusal ni Callum. May nakita naman siyang sunny side up na itlog at corned beef kaya bumili siya niyon. Agad din naman siyang bumalik sa bahay ng mabili niya iyon. "Saan ka pumunta, Victoria?" nagtatakang tanong naman Tatay niya sa kanya. Hindi pa nagsisimula ang mga ito na kumain, mukhang hinintay siya. "Kay Aling Fecing po," sagot naman niya. Si Aling Fecing ay ang may-ari ng karenderya na pinagbilhan niya ng ulam. Inilipat naman niya sa lalagyan ang binili niyang pagkain. Pagkatapos niyon ay dinala niya iyon sa mesa at ipinatong niya iyon sa harap ni Callum. "I-iyan na lang ang kainin mo," wika niya sa lalaki sa mahinang boses. Nang tingnan niya ito ay nakita niyang titig na titig ito sa kanya. Wala siyang mabasang anumang ekspresyon sa mukha nito habang nakatitig ito sa kanya. Tumikhim naman siya bago niya iniwas ang tingin dito. Bumalik na din siya mula sa pagkakaupo niya. "Kumain na kayo," wika naman ng Tatay niya sa kanila. At nang silipin ni Maria Victoria si Callum ay nakita niyang nag-uumpisa na din itong kumain sa pagkaing binili niya sa karenderya. Hindi naman niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa labi niya. Hindi nga iyon maalis-alis habang kumakain siya. At mayamaya ay naramdaman niya na parang may nanunuod sa kanya. At nang mag-angat siya ng tingin ay nag-freeze ang ngiti sa labi niya nang makitang titig na titig sa kanya si Callum.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD