Chapter 4

2011 Words
Macy’s Pov APAT NA taon ang nakalipas ay tapos na ako mag college. Ang daming nagbago sa ‘kin. Hindi lang sa itsura ko kundi pati na din sa boses at kilos ko. Sa apat na taon na yun ay nasanay na ako na ganito ako. Siguro ay may mga kaibigan akong tomboy at masaya ako na kasama sila. Naging tomboy na din ako. Kung noong high school ay kikay ako manamit pati na din ang buhok ko na halos pinapa curly ko pa. Ngayon ay maikli na ang buhok ko at may bangs na din ako na halos matakpan na ang kalahati kong mukha. Emo style ang pinili ko dahil nagustuhan ko ang style ng kaibigan ko din na tomboy. Two years na din na ganito ang buhok ko. Kapag papasok ako ng school ay palaging may eyeliner ang mata ko. Pati pananamit ko ay nagbago na din. Palagi ko ng suot ay malaking tshirt at malalaking short kapag nasa bahay lang ako. Kapag nasa school naman ay maong pants at malaking tshirt pa rin. Minsan nga ay sinasaway na ako ng tiyahin ko. Hindi daw bagay sa ‘kin dahil ang ganda ko pa naman daw tapos naging tibo lang daw. Kapag ba maganda.. hindi na ba pwedeng maging tomboy? Gusto ko sanang itanong yun sa tiyahin ko pero wag nalang dahil sabi ko sa sarili ko na pa mysterious type na ako. Nakapag tapos ako ng college dahil na din sa scholarship na nakuha ko. Nag part time job din ako sa library kung saan ako nag aaral. Yung mama at papa ko naman ay kahit papano ay may nabibigay naman sila na allowance ko kaya hindi ako masyadong nabibigatan. Pagdating naman sa mag project o bayarin sa school ay nagbibigay naman ang tiyahin. Minsan talaga mabait siya eh, pero minsan naman ay lumalabas ang sungay at sanay na ako do’n. Binibigyan niya din kasi ako dahil deserve ko naman daw bigyan ng pera. Tumutulong kasi talaga ako sa bahay ng tiyahin ko. Marunong naman ako tumanaw ng utang na loob. Kaya kahit simpleng linis lang sa bahay ay gagawin ko para makabawi sa tiyahin kong half tao, half dragon kapag nagalit. Nasa bahay lang ako ng tita ko. Kagigising ko lang kaya nagkakape muna ako. Ilang sandali pa ay lumabas na din sa kwarto niya ang tiyahin ko. Nauna pa talaga akong magising sa kanya. Sanay kasi talaga ako gumising ng maaga at magsaing ng maaga para pag gising nila tita ay may nakahanda na. “Aga mo nagising, Macy ah..” sabi ng tiyahin ko. Napangiwi ako sa sinabi niya. “Kapag hindi po ako gumising ng maaga ay alam ko nag e-evolve ka, tita.” Sabi ko sa tiyahin ko. Kumunot naman ang noo niya. “Anong evolve?” Tanong pa niya sa ‘kin kaya natawa ako. “Yung sa pokemon po, tita. Yung nag e-evolve. Ikaw po kasi nag e-evolve kapag galit. Nagiging dragon.” Saad ko kaya inirapan niya ako. “Siraulo ka talagang bata ka!” Sabi naman niya saka lumapit sa harap ng kalan para mag init siguro ng tubig. “Anong lulutuin almusal, tita? Nagsaing lang po ako ng kanin pero hindi po ako nagluto ng ulam eh,” sabi ko dahil ubos na ang stock ni tita. “Wala na bang sardinas diyan? Para sana igisa at lagyan ng itlog.” Sabi ng tiyahin ko. “Wala na po eh,” tipid kong sagot saka humigop ng kape. “Mamaya na lang natin problemahin ang ulam. Nagkakape pa naman tayo,” sabi ng tiyahin ko habang hindi nakalingon sa ‘kin. Hindi naman na ako sumagot at tahimik lang ako na nagkakape. “Nga pala, ano nga pala ang plano mo ngayon?” Tanong ng tiyahin ko na tinatanong na naman kung anong next step ko sa buhay. Ilang beses na akong nag apply pero laging tatawagan lang daw ako. Yung isa naman pasado daw ako pero gusto nila yung may experience. Sinabi ko na din na working student ako dati baka sakaling makalusot. Ngunit hindi daw pwede dahil kailangan daw talaga may experience na pitong taon. Shuta.. kung alam ko lang eh di sana hindi na lang pala ako nag-aral at nagtatrabaho na lang para may seven years akong experience. May isa pa din na nakakairita na nagyari sa ‘kin. Kailangan ko kasi ng valid id dahil hinihingian ako sa pinag-aaplayan ko. Pero punyeta lang dahil pagpunta ko do’n sa kukuhaan ko ng id ay hiningian ako ng valid id. Kaya nga ako kumukuha ng id para magka valid id ako eh. Kaya ang ending ay hindi ako nakakuha at hindi na ako pinabalik ng pinag applayan ko. Kumuha nalang ako ng id na iba para kung sakali man ay hanapan ako ay may maipakita ako. Puro gastos na nga lang ako sa pamasahe para lang makakita ng trabaho. Pero talagang wala pa rin. Napapatanong na nga ako sa sarili ko kung may balat ba ako sa pwet kaya ako malas sa pag aaplay ng trabaho. Papatignan ko sana sa tiyahin ko kung may balat ba talaga ako. “Magpapahinga lang muna ako ngayong araw, tita. Bukas na naman po ako maghahanap ng trabaho.” Sagot ko sa kanya. Napabuntong hininga naman siya. “Eh makakanap ka siguro ng trabaho agad kung ibalik mo dati ang pagiging kikay mo, Macy. Maganda ka kaya hindi malabong makapasok ka agad.” Sabi ng tiyahin ko na umupo sa katapat kong upuan. Napangiwi naman ako sa sinabi niya. “Grabe ka naman, tita.. kapag tomboy po ba hindi na tinatanggap ng trabaho? Yung kaibigan ko nga nasa office ang work po niya eh, pero mas tomboy pa po yun sa ‘kin.” Sabi ko sa kanya kaya nalukot naman ang mukha ng tiyahin ko. “Hindi naman sa ganun, Macy. Ang akin lang ay mas bagay sa’yo ang maging babae. Ang ganda- ganda mo dati, ang kikay-kikay mo pa manamit at laging fresh ka. Yung labi mo parang sinapak dahil sa pulang- pula kapag pumapasok ka sa school mo nong high school ka pa. Ano bang nakain mo at naging tomboy ja na ngayon?” Tanong ng tiyahin ko na halatang stress na sa itsura ko. Hindi ako nakasagot agad sa tanong ni tita. Kahit ako ay nabigla lang din. Nong una kasi ay na-aastigan ako sa porma ng kaibigan ko na tibo. Hindi siya dugyot na tibo na nasa mga kanto- kanto. Malinis siya at ang ganda pa ng gupit niya. Panlalaki kaya nagustuhan ko ang style niya. Eh kaso hindi ko magaya ang buhok niya at hindi ko na pinilit na mag pagupit ng ganun at baka pagsisihan ko pa sa huli. Kaya ang ginawa ko ay pinaputulan ko na lang hanggang sa balikat ko. At nag emo na din para astig din ako. Nahihirapan ako minsan dahil natatakluban ang mata ko pero keri lang naman. “Wala lang po, tita. Ito na po ang lumabas sa tawas eh.. kaya tanggapin mo nalang po na tomboy na po ako ngayon at hindi na kikay.” Sabi ko sa tiyahin ko kaya inirapan niya ako. “Bilhan kita ng craptop diyan eh,” dinig ko pang sabi niya kaya natawa ako. “Bilhan mo ako, tita. Para naman may bago tayong pang punas sa mesa.” Natatawa kong sabi. “Ewan ko talaga sa’yong bata ka. Napaka pasaway mo kahit kailan.” Sabi ng tiyahin ko saka humigop ng kape. Inubos ko nalang ang kape ko pero hindi pa rin ako umaalis sa kinauupuan ko. “Yung pinsan mo, Macy.. kausapin mo nga na wag muna mag b-boyfriend at baka maging lola ako ng maaga.” Sabi ni tita na tinutukoy ang anak niya na dalaga. “Tita.. relax.. mas mabuti yun para may kasama ka sa bahay pag wala kami,” biro kong sabi kaya inirapan na naman ako ng tiyahin ko. “Siraulo ka! Marami pa akong pangarap kay Carol. Pero nag jowa- jowa na ng maaga. Na stress talaga ako ng malaman ko na may jowa ang anak ko. Natatakot kasi ako na baka magaya sa ‘kin na nag asawa ng maaga.” Saad ni tita na halatang ayaw niya talaga na magka jowa si Carol. “Hayaan mo, tita, kakausapin ko po si Carol. At isa pa po, matalino si Carol. Alam naman niya siguro ang tama o mali.” Sabi ko sa tiyahin ko para kumalma na. “Kahit gaano ka pa katalino, Macy, basta pagdating sa love ay nagiging bobo. Ako nga first honor sa school dati pero nagkamali ng piniling lalaki. O tignan mo ko ngayon.. nganga.. bobo ko kasi pumili. Kaya gusto ko yung anak ko ay maging matalino sa pagpili ng lalaki. Aba.. kung matanda ang jowain ng anak ko pero mayaman ay talaga.. su-supportahan ko siya. Pero kung pareho naman na estudyante lang at naghihikahos sa buhay ay wag na uy! Dagdag problema lang.” Sabi ng tiyahin ko na parang machine gun ang bibig. “Kaya ikaw.. kapag bumalik ang isip mo sa katinuan at naging babae ka na ulit ay maghanap ka ng lalaking mayaman para umangat agad ang buhay. Isipin mo si mama at papa mo na subsob palagi sa putikan para lang magtanim ng palay. Tirik na tirik pa ang araw.” Pangangaral na naman niya sa ‘kin. Paano kasi.. gusto niya ako sumali sa mga online dating app para magkaroon daw ako ng kano. Pambihira talaga ‘tong tiyahin ko eh. Kahit siguro sundin ko siya ay baka lampasan lang ako ng mga kano kaya waley din. Hinayaan ko nalang ang tiyahin ko na satsat ng satsat. Para naman yata sa ikakabuti ng ekonomiya ang sinasabi niya. Sabi ko pa kanina ay magpapahinga ako pero mas gugustuhin ko pa yatang maghanap ng trabaho ngayon dahil sa bibig ng tiyahin ko na armalite. Matatawa na lang talaga ako kapag naririnig ko siyang ganyan. Ako lang nakikinig kasi sa kanya pero mga anak niya hindi. Kawawa naman kasi ang tiyahin ko kaya kailangan ko siyang pakinggan. Kahit ganyan ang ugali niya ay nagpapasalamat ako sa kanya dahil kung hindi nya pinaglaban ang scholarship ko ay hindi talaga ako makakapag tapos ng pag-aaral. Dapat kasi may kukuha ng pinaka last na scholarship. May limit kasi dahil sa sobrang dami namin no’n. Naka ilang balik ang tiyahin ko sa barangay para lang masiguro na sa ‘kin mapupunta ang pang huli na scholarship. Kaya nong mabigay sa ‘kin ay tuwang-tuwa kami ni tita. Kaya pinapangako ko talaga kapag nagka trabaho ako ay ipapa straight ko ang buhok niya. Tapos na ang tiyahin ko magkape kay hinugasan ko na muna ang baso na ginamit namin. Maglalaba daw muna siya kaya ako ay maglilinis nalang muna din ng bahay. Ang mga anak ni tita ay nasa school kaya kami lang talaga dalawa dito. Yung asawa naman ng tiyahin ko ay pahinante ng truck kaya minsanan lang kung umuwi dito sa bahay. Kaya kami lang talaga apat sa bahay. May kwarto ako dito na dating kwarto ng anak niyang babae. Ngayon kasi ay magkatabi na sila muna sa kwarto ng tiyahin ko. Mababait din naman ang pinsan ko pero minsan ay gumagana ang pagka demonyo nila pero ayos lang naman. Kaya ko namang sabayan mga kamalditahan nila. Ako pa ba! Mas siga pa nga ako maglakad kaysa sa mga tambay sa kanto eh. Yun nga lang ay tiklop ako kapag may dalaw ako at bibili ako ng napkin sa tindahan. Nahihiya ako eh. Kaya kapag bumibili ako ay hinihintay ko muna na umalis ang mga bumibili saka ako bibili ng napkin at itatago ko yun sa loob ng tshirt ko. Minsan kapag walang tupak ang tiyahin ko ay siya ang inuutusan ko na bumili. Binibigyan ko lang siya ng pambili ng sigarilyo niya. Nagsisigarilyo kasi ang tiyahin ko. Ganun lang ang buhay ko dito sa Manila. Sana nga ay makahanap ako ng trabaho agad. Gusto ko na talagang magkapera at mabili naman ang mga gusto ko pati na din ang gustong pagkain ng tiyahin kong dragon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD