NAKAILANG beses nang nagpabaling-baling sa hinihigaang kama si Jhanine. Ngunit hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Paano ba naman kasi? Laman ng isipan niya ang nangyari ng nagdaang gabi. Para siyang engot na pinaghahampas ang hinihigaang kama. Sabay takip ng unan sa mukha niya, saka doon tumili. Nang mapagod ay saka niya inalis ang unan. Habang habol ang hininga ay biglang nag-replay ang mga nangyari.
Dahil sa pagtutulakan ng mga tagahanga nito, hindi na halos na-control ito ng mga bodyguards nito. Pati siya ay naitulak, sa pagkakagulo ng mga fans nito. Nakagitgitan. Hanggang sa sumubsob siya sa dibdib nito. Namalayan na lang niya na magkalapat na ang mga labi nila. Pagkatapos ay hindi na niya alam ang mga sumunod na nangyari. Natagpuan na lang niya ang sarili na nasa loob ng venue. Tulala at walang naintindihan sa buong programa.
"Kahit kailan ka talaga, Daryl Rivera. Malas ka sa buhay ko!" nanggigigil na wika niya.
Pero aminin. Nag-enjoy ka sa kiss niya. Tudyo pa ng isang bahagi ng isip.
Wala sa loob na napahawak siya sa mga labi niya. Iyon ang first kiss niya, nagka-boyfriend siya noon kaya lang hindi naman siya nagpahalik dito. Mahalaga kasi sa kanya ang unang halik. Natatandaan pa niya na minsan nagdasal siya. Humingi siya ng sign sa Diyos. Hiniling niya na kung sino ang unang lalaking hahalik sa kanya sa lips. Iyon ang lalaking tinadhana ng langit sa kanya. Napabalikwas siya ng bangon sa isiping iyon.
"Hindi puwede 'yon!"
Hindi maaaring si Daryl Rivera ang lalaking matagal na niyang hiniling sa Diyos. Hindi ang lalaking kinaiinisan niya. Bigla ay napaisip siya, marami nga palang media doon. Maraming nakasaksi sa mga naganap. Marami ang media sa event na iyon. Huwag lang niyang malalaman na madya-diyaryo sila dahil talagang mag-aamok siya.
NASA bilyaran si Daryl kasama ang mga pinsan niya, pag-aari ni Jefti ang bilyarang iyon. Kapag walang customer sa carwash, doon sila madalas tumatambay. Habang abala ang mga pinsan niya sa paglalaro ng bilyar, siya naman ay nakaupo sa mataas na silya sa bar counter. Laman pa rin ng isipan niya ang pangyayari sa pagitan nila ni Jhanine. Panigurado sa mga oras na iyon, umuusok na ang ilong nito sa galit sa kanya. Hindi niya maintindihan kung paano nangyari na nahalikan niya ito.
"Hoy!"
Napalingon siya sa tumapik na iyon sa balikat niya. Bumungad sa kanya ang mga pinsan niyang pawang nakakunot ang noo.
"O? Bakit ganyan ang mga tingin n'yo?" tanong niya.
Tatawa-tawang umupo si Karl sa tabi niya. Inabutan siya nito ng isang bote ng beer. "Mukhang malalim masyado ang iniisip mo." Anito.
"May problema 'tol?" tanong naman ni Wesley.
Umiling siya. "Nothing."
"You look bothered." Sabi naman ni Marvin.
"Kilala ka namin, Daryl. Lumaki tayo ng sabay-sabay. Alam namin kung problemado ka o hindi." Wika naman ni Mark.
"Wala 'to. I'm okay." Tanggi pa niya.
"Oy, Daryl!" tawag-pansin sa kanya ng bagong dating na si Miguel. Nakasuot pa ito ng uniporme ng pulis. Galing ito marahil sa duty nito. "Hindi ka na talaga nagtanda. You love making a scene. Gustong gusto mo na nasa headlines ang mukha mo."
Kunot-noong napalingon siya sa pinsan niya. "Ha? Ano bang sinasabi mo?" naguguluhan niyang tanong.
"This," sagot ni Jefti, sabay hugot ng diyaryo mula sa likod na bulsa ng suot nitong pantalon.
Agad niyang kinuha iyon. Napatayo siya bigla ng makita ang larawan niya na nasa front page pa. At ang masaklap doon, ang mismong eksena kung saan ng halos magkadikit ang katawan niya at ni Jhanine sa gitna ng maraming tao at magkalapat ang mga labi nila ang naka-imprenta sa dyaryo.
"Patay!" aniya.
"Patay ka talaga kay Jhanine. Lalo mo lang binigyan ng dahilan 'yun para magalit sa'yo." Singit naman ng bagong dating na si Jester. Hawak nito ang isang dyaryo din.
Parang nanghihinang napaupo siya saka niya natakpan ang mga mata. "Damn!" galit na wika niya.
"Is this intentional?" tanong pa ni Gogoy.
Hindi siya nakakibo. Dahil ang totoo, hindi rin niya alam ang pumasok sa isip niya para halikan niya si Jhanine sa harap ng maraming tao. He was mesmerized by her beauty, the moment their faces were almost an inch apart. Para siyang nahipnotismo sa ganda ng mga mata nito. Until he found himself, kissing her in front of the public. Ganoon nga yata ang lakas ng tawag ng pag-ibig niya para sa dalaga.
"Hey, hindi ka na nakasagot." Pukaw sa kanya ni Gogoy.
"Of course not!" pagdadahilan niya. "Hindi sadya iyon."
"Do you think maniniwala si Jhanine diyan sa reason mo?" tanong pa ni Wayne sa kanya.
Napabuntong-hininga siya. Sigurado na kapag nakita siya nito. Aawayin na naman siya nito. Hindi niya alam ang gagawin niya. Bukod dito, umaatikabong sermon na naman ang matatanggap niya mula sa mga magulang niya at sa Lolo't Lola na. Bukod pa sa sasabihin ng mga press sa kanya. Nahilot niya ang magkabilang sentido niya ng wala sa oras. Ano na naman kaya ang idadahilan niya sa media kapag tinanong siya ng mga ito?
Mayamaya ay dumating si Marisse ang pinsan din nila at kakambal ni Marvin.
"Hey Daryl, you're here pala." Kalmadong sabi nito, sa maarteng tono ng boses.
"Why?" tanong niya.
"Tito Ben is here. Hinahanap ka niya. Tawagin daw kita, mukhang galit eh. Tungkol yata sa latest scandal mo." Balewala pang wika nito. Tila hindi nito alintana ang nangyayari sa kanya.
"This is it," aniya. Bago siya tumayo ay nilagok muna niya ang note ng beer niya. "Puntahan ko lang si Daddy." Bago siya makababa, muli siyang tinawag ni Marisse.
"Bakit na naman?" naiirita nang tanong niya ulit.
"By the way, nandoon din pala si Jhanine. She looks angry nga eh."
"Damn!"
"Ayos! Sama na tayo, sigurado may eksena 'to." Sabi pa ni Marvin.
"'Tol, kapag sinapak ka. Halikan mo!" pambubuyo pa ni Wesley sa kanya. Pabiro itong binatukan ni Karl.
"Loko loko! Kaya ka nababaldugan ni Lolo ng tungkod sa ulo eh!" sabi pa nito.
"Hindi lang ako." Ani Wesley. "Pati iyong isa diyan, mamaya." Natatawa pang pang-aasar nito. Alam niyang siya ang tinutukoy nito.
"Ang sarap ninyong sikuhin! Imbes na palakasin n'yo loob ko eh." Reklamo niya.
"'Tol, kaya mo 'yan." Sabad pa ni Jester sa kanya.
"Tama, kaya mo 'yan. Kaya mong takbuhan si Jhanine kapag hinabol ka n'ya ulit ng floormap." Dagdag pa ni Jefti, sabay hagalpak ng tawa.
"Malay mo insan, hindi na floormap ngayon. Samurai na!"
"Magtago ka na lang sa ilalim ng saya ni Lola!" dagdag pa ni Marvin.
"Manahimik nga kayo!" naiinis nang singhal sa mga ito. "'Langya naman oh! Salamat sa suporta ha!"
Nagtawanan lang ang mga ito saka nag-high five pa 'yong iba. Hindi na niya pinansin ang mga ito. Dumiretso na siya ng baba, saka lumabas ng restaurant ni Jefti. Agad niyang nakita ang mga nakakalat na bodyguards ng Daddy niya sa buong paligid. Bukod pa ang mga usisero't usisera na mga kapitbahay nila doon.
Pagdating niya sa bakuran ng bahay ng Lolo niya. Agad niyang nakita ang galit na galit na mukha ni Jhanine, habang halos malukot sa kamay nito ang hawak na diyaryo.
"Yari ka Daryl, goodluck na lang sa'yo." Bulong pa ni Miguel sa kanya.
Tinapik pa siya ni Mark sa balikat. Tila ba pinapalakas nito ang loob niya. Dahil base sa nakikita niya sa mukha ni Jhanine, mukhang kahit na anong oras ay gigilitan siya ng leeg nito.
Paglapit niya dito. "Jhanine, I can explain." Salubong agad niya dito.
"Mag-explain ka sa mukha mo! m******s!" sigaw nito sabay suntok sa kanya, tumama ang kamao nito sa panga niya. Bulagta siya, at para siyang nakakita ng mga kalahi ni tweety bird na umiikot-ikot sa ulo niya. Kasunod niyon ay narinig niya ang pagbibilang ng mga pinsan niya.
"...six, seven, eight, nine....ten! Eng!" malakas na sabi ng mga ito.
"And the winner is the lightning! The sss! Jhanine Tuaño!" narinig pa niyang sigaw ni Marvin.
Nagpalakpakan ang iba habang naghagalpakan ng tawa ang mga ito. Habang ang iba niyang pinsan ay natatawa pa rin nang alalayan siyang tumayo. Bahagya pa niyang pinilig ang ulo. Isa lang ang napatunayan niya, malakas sumuntok ito. Ginalaw-galaw niya ang panga, pakiramdam kasi niya ay na-dislocate iyon.
"Heh! Mga tinamaan kayo ng lintik! Tahimik!" saway ng Lolo nila, sabay amba angat ng tungkod nito. Mabilis pa sa alas-kuwatro na tumahimik ang mga ito. Muli niyang hinarap si Jhanine. Bukod sa galit na nakikita niya dito. Daryl saw the sadness in her eyes. She must be really upset. Ayaw niyang nakikita itong malungkot, at handa siyang pawiin iyon, at pasayahin ito. Makita lang niya ulit ang ngiti ng dalaga, na matagal na nitong pinagkait sa kanya.
HINDI maipaliwanag ni Jhanine ang nararamdaman niyang galit kay Daryl. Noong mga bata pa sila ay ipinahiya siya nito sa harapan ng school principal, mga teachers at mga magulang nila. Ngayon naman ay sa buong Pilipinas na siya nito pinahiya. Kaya hinding-hindi na niya mapapalagpas iyon.
Agad na umakyat ang dugo niya sa ulo matapos niyang makita ang mukha ni Daryl. Wala siyang pakialam kahit na nasa teritoryo siya nito. Ito ang may atraso sa kanya. Kaya gagawin niya ang sa tingin niyang makakapagpaalis ng galit niya sa mga nangyayari ngayon.
Halos ibato niya ang hawak na diyaryo sa mukha nito. "Anong ibig sabihin nito, Daryl?" galit na tanong niya.
"Oy bff, chill." Pagpapakalma sa kanya ni Kim.
Para siyang walang narinig. Nagpatuloy siya sa pag-kompronta dito.
"Ano ba talaga ang nagawa ko sa'yo?" tanong ulit niya. Nagsimula nang mangilid ang luha niya. Labis ang sama ng loob niya sa nangyari. Ano na lang sasabihin ng mga taong kilala niya? Ang mga kaibigan at mga ka-opisina niya. Wala na siyang mukhang maihaharap dito. At iyon ay dahil sa kagagawan ng lalaking nasa harap niya ngayon.
"Jhanine,"
"Huwag mong mabanggit banggit ang pangalan ko! Bakit lumabas sa diyaryo ang nangyari?"
"Look, I don't know. Pati ako nagulat!" katwiran nito.
"Eh kung tadyakan kaya kita! Ang pagmumukha mo ang palaging suki ng mga diyaryo! You should know kung lalabas ang nangyari sa dyaryo! May media doon! Imposibleng hindi mo alam!" patuloy niya sa pagtutungayaw.
"Jhanine, will you please calm down?" tila naiiritang pakiusap nito.
"Calm down? Tingnan mo nga ulit ang diyaryo! Tingnan mo kung ano ang hitsura natin dalawa diyan! O kahit huwag na ikaw dahil sanay ka na sa ganyan. Tingnan mo ang hitsura ko!" sigaw niya dito. "Pagkatapos saka mo sabihin sa akin na calm down!"
Umagos ang mga luha sa pisngi niya. "Alam mo ba kung anong klaseng kahihiyan ang dinala mo sa akin? Sa pamilya ko!"
"It was an accident." Anito.
"Ang magkapalit halos ang mukha natin dahil sa pagtutulakan puwede ko pang mapaniwalaan 'yon. Baka matanggap ko pa. Pero ang halikan ako, hindi ako maniniwala sa'yo! Pinlano mo lahat 'yun para mapahiya ako! You took advantage of me!"
"And why would I do that? Wala akong alam sa mga sinasabi mo!"
"Noon pa man, Daryl." Patuloy niya sa pag-iyak. "Noon pa man, palagi mo na akong pinapahiya. Mga bata pa lang tayo, ganito ka na sa akin. Tuwang-tuwa ka kapag nakikita mo akong napapahiya."
"Jhanine, it's not what you think."
"Tama na, Daryl. Just don't explain anymore. Hindi rin naman ako maniniwala sa'yo. Isa lang ang pakiusap ko sa'yo. Please lang, layuan mo ako. Huwag na huwag ka ng lalapit sa akin."
Agad siyang tumalikod. Hinabol pa siya nito at nahagip siya sa kanyang braso. Mabilis niyang pinalis ang kamay nito, saka humarap dito sabay sampal ng malakas sa isang pisngi nito.
"Sapat na sigurong patunay 'yan para malaman mong seryoso ako sa pagsabihing layuan mo ako." Wika niya. Pagtalikod niya dito, nakita niyang naroon nakatayo sa may gate ang mga magulang nito.
"Jhanine," ani Misis Rivera.
"Magandang Hapon po," bati niya sa mga ito.
"Hija, I'm sorry for everything." Sabi naman ni Senador Ben Rivera.
"Hindi n'yo po kailangan humingi sa akin ng tawad. Wala po kayong kasalanan, ang anak po ninyo ang may kasalanan ng lahat." Wika niya. "Mauna na po ako."
Nang makalabas siya, lalong umagos ang mga luha niya. Paano pa siya makakapagtrabaho ng maayos? Kung magiging tampulan siya ng tukso at tsismisan ng mga kasamahan niya. Hindi yata niya kaya iyon. Simple lang naman ang gusto niya. Ang maging maayos at simple ang buhay niya. And she doesn't deserve to experience all this humiliation.
"JHANINE, hindi kaya sobra naman ang ginawa mo kay Daryl?" tanong ni Sam sa kanya.
Humalukipkip siya, sabay upo sa wooden bench. Naroon sila sa tapat ng tindahan ni Kim. Kasama nila ang huli, si Marisse pati si Inday.
"Kulang pa nga iyon kung tutuusin." Sagot niya na may bahid pa rin ng galit sa kanyang tinig.
"Kulang pa ba iyon? May sapak na, may sampal pa." sabi naman ni Kim, na nasa loob ng tindahan nito.
"Kim, lalaki siya. Sa eskandalong iyon, walang mawawala sa kanya. Ako ang babae, ako ang dehado. Ako ang magmumukhang tsipipay sa isyung 'yan." Pagtatanggol pa niya sa sarili.
"Jhan is right," sang-ayon naman ni Marisse. "Hayaan mo na 'yang si Daryl. Kakastiguhin ni Tito Ben 'yan."
"Pero day, bilib din naman ako sa'yo ah. Nakaya mo 'yon? Sinuntok at sinampal mo si Daryl sa harapan mismo ng mga magulang niya." Komento pa ni Inday.
"Oo nga, hindi ka ba natatakot?" tanong pa ni Sam.
"Bakit naman ako matatakot? Ang anak nila ang may atraso sa akin." Sagot naman niya, pagkatapos ay kinuha niya ang bote ng softdrinks at sumipsip sa straw.
"Nandoon na tayo, but still, nasa bakuran ka ng mga Mondejar ng ginawa mo iyon. At anak pa rin nila si Daryl." Sabi pa ni Kim. "Patay kang Jhanine ka, puwede kang kasuhan ng Trespassing at Physical Injury."
Napahinto siya sa pagsipsip ng softdrinks mula sa straw. Oo nga naman. Bakit ba hindi niya naisip agad iyon? Nabulagan kasi siya ng sobrang galit. Kaya hindi na siya nakapag-isip ng maayos.
"Natatakot ka no?" tanong ni Inday.
"H-hindi ah," kandautal na tanggi niya.
"Weh! Kaya pala bigla kang namutla diyan." Tudyo pa ni Sam sa kanya.
"Hindi ako natatakot. Ako ang nasa tama." Giit pa niya.
Lihim siyang huminga ng malalim. Dahil ang totoo, bigla siyang nakaramdam ng kaba. Paano nga kung ganoon ang mangyari? Paano kung papanagutin siya ng Senador sa ginawa niya sa anak nito. Natatandaan pa niya, naroon ito. At ito mismo ang nakakita ng ginawa niya kay Daryl.
Patay kang Jhanine ka! Aniya sa sarili.
KAHIT mahirap ay pinipilit pa rin ni Jhanine na mag-concentrate sa trabaho. Iyon na marahil ang pinakamahirap na araw sa buhay niya. Habang papasok siya ng opisina kaninang umaga. May mga taong nakakilala sa kanya. Agad niyang sinuot ang dalang shades para kahit paano'y hindi siya makilala ng mga ito.
Pagdating naman niya sa mismong opisina. Halos lahat ng madaanan niya ay nakatingin sa kanya. Kung maaaring lang na pumunta ng opisina niya ng pagapang, ginawa na niya. May mga bulong kasi siyang narinig kanina habang naghihintay siya ng pagbukas ng elevator. Some of them call her flirt, makapal ang mukha and worst, they call her b***h. Naalala niya ang sagot niya sa mga ito kanina.
Kung naiinggit kayo, magpahalik din kayo sa harap ng media!
"Girl, okay ka lang?" tanong ni Kate sa kanya.
Bumuntong-hininga siya, sabay iling. "No."
"Grabe naman kasi ang nangyari. Ang dami naman pwede gawin front page, iyon pa talaga ang napili nila!" paghihimutok pa nito.
"Oo nga eh. Nabubuwisit nga ako eh. Gusto kong silaban lahat ng diyaryong nakikita ko. Isama na rin natin ang buwisit na Daryl Rivera na iyan!"
"Hoy Jhanine, totoo ba talagang kababata mo siya? Ang suwerte mo naman." kinikilig pang tanong nito.
"Hay naku Kate, sa kasamaang palad. Oo, magkababata kami. At hindi ako suwerte. Malas ako, dahil malas sa buhay ko 'yang Daryl na 'yan. Noon pa man, palagi na akong napapahamak ng dahil sa kanya." Reklamo pa niya.
"Baka naman nagpapapansin lang 'yon sa'yo." Singit pa ni Marlon sa usapan.
"Magpapansin? Sapakin ko kaya siya ulit!"
"What?! Sinapak mo siya?!" gulat na tanong ni Marlon.
"Oh my God! Sayang ang kaguwapuhan n'ya!" ani Kate.
"Sinampal ko pa kamo!"
"And I think you're in trouble." Sabi pa ni Marlon.
"Anong trouble? Talagang trouble ang dala sa akin ng lalaking iyan!"
Naramdaman pa niya ng bahagya siyang sikuhin ni Kate. "Hindi Girl, I think you're in trouble talaga." Bulong pa nito. Nang tingnan niya ito, may nginuso ito sa bandang likuran niya. Ganoon na lang ang bigla niyang pagtayo ng makita ang mga lalaking pamilyar sa kanya. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang mga bodyguards ng Senador. Kasunod ng mga ito ang isang babaeng may edad na, naka-office attire ito at pormal ang dating.
"Good Morning," bati nito.
"Good Morning din po,"
"Miss Jhanine Tuaño, right?" tanong nito.
"Yes,"
"I am Mrs. Bartolome. Executive Secretary of Senator Benjamin Rivera. The Senator would like to talk to you."
"Naku Jhanine, lagot ka talaga." Bulong pa ni Kate sa kanya.
Pakiramdam ni Jhanine ay nagkulay suka ang mukha niya. Bigla ay nanlamig ang buong katawan niya. Iyon na nga yata ang sinasabi ng mga kaibigan niya. Katapusan na yata ng buhay niya.
Diyos ko po!