"ANG kapal naman talaga ng mukha ng lalaking 'yan!" nanggigigil sa galit na wika ni Jhanine.
"Nice naman oh, Babe pa daw ang tawag sa kanya." Tudyo naman ni Sam sa kanya. Isa ito sa mga malalapit niyang kaibigan at kababata. Halos kadikit lang ng bahay nila ang bahay nito.
"Alam mo Jhan, in fairness. Hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ka galit na galit kay Daryl noon pa. Ano bang ginawa n'ya dati sa'yo para ikagalit mo ng husto?" nagtatakang tanong ni Kim. Lalong nagsalubong ang kilay niya ng maalala ang nangyari sampung taon na ang nakakalipas.
Dahil sa abala noon ang mga magulang ni Daryl sa pulitika, sa mga Lolo at Lola muna siya iniwan ng mga magulang. Isang araw habang may activity sa school nila. Saglit niyang iniwan ang mga classmates niya para pumunta ng comfort room, at dahil ihing-ihi na siya dire-diretso siyang pumasok sa isang cubicle doon.
Ganoon na lang ang gulat niya matapos niyang umihi, pagbukas niya ng pinto ng cubicle ay may isang taong nakatayo doon. Mukhang natamaan pa nga yata ito ng pinto sa mukha. Umalingawngaw ang sigaw niya sa buong CR.
"May lalaki dito! Anong ginagawa mo?! Binobosohan mo ako, no?!" sigaw niya. Agad niyang kinuha ang floor map sa isang tabi, saka inambang ipapalo dito. Bahagya itong nakatungo at nakakapit sa ulo bilang protekta nito sa sarili, sakali man na ituloy niya ang paghampas dito.
"m******s ka! Namboboso ka ha!" pagpatuloy niya.
"Oy sandali Jhanine, ako 'to! Si Daryl!" pagpapakilala pa nito sa sarili, saka dahan dahang ininangat nito ang ulo, habang nakataas pa rin ang dalawang kamay nito.
"Daryl?" hindi makapaniwalang wika niya. Pakiramdam niya ay mabilis na umakyat ang dugo niya sa ulo. Akala niya ay kaibigan niya ito, dahil magkababata sila. Iyon pala'y babastusin siya nito.
"Walanghiya ka Daryl! Bastos ka!" galit na galit na sigaw niya. Mabilis na kumaripas ito ng takbo. Hinabol niya ito hanggang sa labas. Dahil sa nangyari, sa principal's office ang naging ending nilang dalawa.
Sa harap ng Prinicipal nila, pinagdiinan nito na hindi daw ito namboboso. Kaya daw ito naroon sa loob ng CR ng mga babae ay naglalaro daw sila ng taguan ng mga kaibigan niya. At iyon daw ang naisip niyang taguan, dahil inakala nito na wala naman tao.
"Ma'am, hindi naman po ako papasok doon kung alam kong may babae doon. Malay ko naman nandoon si Jhanine." Paliwanag pa nito.
"Talagang hindi ka dapat pumapasok doon dahil CR yun ng mga babae! Ang sabihin mo, sinadya mong pumasok doon para makapangboso ka!" giit niya.
"Hindi ako namboboso!" galit na rin tanggi ni Daryl.
"m******s!"
"Hindi ako m******s!"
"Bastos ka!"
"Excuse me lang ano? Kung ikaw rin lang, hinding hindi kita bobosohan! Yuck!" sabi pa nito.
Lalong nag-init ang ulo niya sa sinabi nito. Para na rin nitong sinabi na pangit siya. At kung makapag-yuck ito. Parang diring-diri sa kanya. Ininsulto siya nito, sa harap ng ibang teachers, principal at ng mga magulang nila. Kaya walang sabi-sabi na biglang umigkas ang palad niya dito. Sapul ito sa isang pisngi nito.
"Tama na 'yan! Narito kayong dalawa sa harapan ko nagbabangayan kayo! Pareho kayong suspended in three days!" galit na rin wika ng Principal. At iyon na ang naging ugat ng matinding galit niya dito.
"Hoy!"
Napakurap siya sabay lingon sa kumalabit sa braso niya. Paglingon niya ay naroon si Marisse. Ang kakambal ng isa sa magpipinsan, si Marvin. Isa ito sa mga malalapit niyang kaibigan doon.
"May kutsilyo kami sa bahay, gusto mong hiramin?" seryosong tanong nito sa kanya.
"Aanuhin ko naman ang kutsilyo?" inosenteng balik-tanong naman niya.
"Eh di panggilit sa leeg ni Daryl. Grabe kang makatitig ah!" sagot naman nito.
"Pwede ba? Kahit kapiraso lang, makagilit lang ako sa leeg niya." Nanggigigil ulit na wika niya.
"Ikaw Girl, magdahan-dahan ka diyan sa nararamdaman mong galit. Baka hindi mo namamalayan, may gusto ka na pala sa kanya." Sabi pa ni Kim sa kanya.
"Korek," sang-ayon naman ni Sam.
"Ay laking tuwa ko, kapag kayo ang nagkatuluyan. Bagay na bagay kayo!" kinikilig pang wika ni Marisse.
"Ay! Don't say bad words!" kontra niya sa mga sinabi ng kaibigan niya.
"Eh teka nga, maiba lang ako." Sabad naman sa usapan ni Sam. "Nagtataka lang talaga ako sa pamilya n'yo. Parang puro barako ang mga pinsan mo. Wala ka bang ibang babaeng pinsan?"
"Meron naman. Kaya lang, iilan lang kami." Sagot naman nito.
Ayon na rin mismo kay Lolo Badong, noong isang beses na makakuwentuhan nila ito. Nang magka-anak ito at si Lola Dadang ng babae. Ninais na ng mag-asawa ang anak na lalaki. Ngunit sa kakasubok ng mga ito, at sa tuwing mabubuntis noon ang huli. Palagi na lamang babae ang nagiging anak nila. Hanggang sa umabot sa sampu ang anak nito, hindi ito biniyayaan ng anak na lalaki. Pawang mga babae ang naging anak ng mag-asawa. Ayon na rin mismo sa matandang lalaki, hindi man daw siya biniyayaan ng anak na lalaki. Nagpapasalamat pa rin daw ito sa Panginoon, dahil pinagkaloob nito ang sampung magagandang anak na babae sa kanya. Kaya ganoon na lamang ang tuwa ni Lolo Badong, nang magsipag-asawa ang mga anak nito. Pulos lalaki naman ang naging apo nito. Bawing-bawi sabi nga ng ibang matatanda.
Saksi silang mga taga-Tanangco kung gaano kamahal ng mag-asawang Badong at Dadang ang mga apo nito. Lumaki ang mga ito ng mababait, magalang, may displina, may respeto sa kapwa at may takot sa Diyos. Isa pa sa nakakapagpasaya sa Pamilya Mondejar ay ang madalas na pangungulit ni Lolo Badong sa mga apo, lalo na sa asawa nito. Kung ano ang maisipan ng dalawang matanda, ay pinagbibigyan ng magpi-pinsan. Kagaya na lamang ng Carwash na iyon.
Balita nila na hilig daw talaga ni Lolo ang mga kotse. Sabi pa nga ni Marisse, may koleksiyon pa daw ito ng vintage cars sa mansion nito sa Pampanga. Kaya marahil ay walang magawa sa pera, nagtayo ng Carwash Shop si Lolo sa kalye nila. At mismong mga apo nito ang naghuhugas ng mga sasakyan. Kaya ang magpi-pinsang Mondejar ang binansagan sa kanila na, Carwash Boys.
Sa unang tingin, lalo na kapag nakatambay ang mga ito sa labas ng gate ng mansiyon ng mga Mondejar. Sa mga hindi nakakakilala sa magpi-pinsan, para lang itong mga tipikal na mga kalalakihang walang ginagawa sa buhay kundi ang magpasarap. Ngunit sa kanilang mga taga-roon. Isa ang mga ito sa mga may-sinabi pagdating sa pamumuhay.
Sa kabila ng galit ni Jhanine sa isang miyembro ng Carwash Boys. Hindi nawala ang paghanga niya sa kakaibang klase ng unity mayroon sa pamilyang iyon. At saksi silang mga kapitbahay ng mga ito sa mainit na pagmamahal ng bawat miyembro sa isa't isa.
"THANK you for calling Smith Technologies International, how may I help you?" bungad ni Jhanine, pagsagot sa incoming call. Nakasuot siya ng headset. Isang call center ang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. At siya, bilang isang Technical Support Representative. Tungkulin niyang tumanggap ng tawag para sagutin ang mga katanungan ng mga customers nila tungkol sa produkto ng kumpanya.
Isa yata siya sa mga masuwerteng nabiyayaan ng magandang schedule. Karamihan kasi sa mga call center agents ay panggabi. Mabuti na lamang ay may available pang slot sa umaga, kaya morning shift ang binigay na schedule sa kanya.
Napalingon siya ng maramdaman niyang may bahagyang tumapik sa likod niya. Eksakto naman natapos ang tawag na iyon ng isang customer. Si Marlon at Kate pala, ang mga ka-opisina niya.
"Breaktime na, tara! Kain na tayo." Yaya ni Kate sa kanya.
Agad siyang tumayo at sumama sa mga ito. Pagdating nila sa canteen, agad silang umorder ng pagkain.
"Malapit na pala ang Anniversary ng Company." Ani Marlon, nang makaupo na silang tatlo.
"Talaga? Kailan daw?" tanong naman niya.
"Ngayon darating na sabado daw." Sagot naman ni Kate. "Sabi pa nga ni Sir, meron daw special guest."
"Baka artista. Si Coco Martin." Hula pa niya.
"Aw! Grabe! Super crush ko 'yon. Kapag siya nga ang dumating dito, iuuwi ko na siya talaga!" kinikilig pang sabi ni Kate.
"Eh kaso joke lang daw 'yon sabi ni Sir." Pang-aasar pa niya.
Pabirong lumabi si Kate, sabay tawa naman ni Marlon. "Tse! Ikaw talagang babae ka. Lakas mong mang-asar!"
"Eh anong oras daw 'yung event?" tanong niya.
"Gabi daw, mga alas siyete."
Nagkibit-balikat siya. Kung pupunta ang mga ito, pupunta rin siya. Napaisip siya. Sino nga kaya ang special guest speaker na sinasabi ng mga ito?
Pagkatapos nilang kumain, agad silang bumalik sa working stations nila. Uupo pa lang sana siya ng marinig nila ang malakas na boses ng Department Head nila.
"Attention everybody!" anito.
Nagsitayuan sila at naghintay sa kung ano mang sasabihin nitong announcement.
"I just to talk to our Manager. And they are assigning our Department to welcome our special guest." Anito.
Nagkatinginan lang sila ni Kate, habang ito naman ay kinikilig. Tila ba ini-imagine nga nito na si Coco Martin nga ang darating.
"So, I'm hoping for the full cooperation of every member of this department." Anang Head nila.
"Yes Sir," sabay-sabay nilang sagot.
Napaisip siya muli. Mukhang kilala at may sinabi ang special guest na tinutukoy ng mga ito para pagtuunan masyado ng pansin ng kumpanya nila. Napailing siya, magtatrabaho na lang siya. Saka na lang niya iisipin kung ano ang mangyayari sa sabado. Sa ngayon, kailangan niyang maka-qouta para mas malaki ang suswelduhin niya.
SABADO ng gabi. Iyon ang araw na ipinagdiriwang nila ang tenth year Anniversary ng Smith Technologies International. Dahil sila ang sasalubong sa special guest, obligadong umattend ang buong department nila. Ngunit mukhang natataranta na ang Boss nila. Absent kasi ang Assistant nito na mismong magwe-welcome sa bisita nila, ayon sa mga kasamahan niya. Bigla daw itong sinumpong hika.
"Jhanine!" tawag sa kanya ng Boss niya. "Halika,"
Dali naman siya lumapit dito. Nagulat siya nang biglang iaabot nito ang bouquet of flowers.
"Sir, ano pong gagawin ko diyan?" tanong niya agad.
"Ikaw na lang ang mag-abot nito sa bisita mamaya." Natatarantang wika nito.
"Po?" nanlaki ang mata niya bigla. "Ayoko po," mariin niyang tanggi. Bigla tuloy niyang naisip, paano kaya kung si Coco Martin iyon? Baka magmukha lang siyang tanga sa harapan nito, dahil siguradong matutulala siya.
"Sige na Jhanine," anang Head nila. "Wala na akong panahon para maghanap pa ng iba. Madali lang naman ang gagawin mo, pagpasok nila dito sa lobby. Sasalubungin mo sila, tapos iaabot mo iyang bulaklak. Tapos sasabihin mo, Ma'am Sir, Welcome to Smith Technologies International. Thank you for accepting our invitation." Paliwanag nito.
"Iyon lang po?" tanong niya.
"'Yon lang."
Inulit niya sa isip ang mga sasabihin sa special guests nila. Nang makabisado niya iyon. "O sige Sir," pagpayag niya. "Basta, iyon lang ah."
"Oo nga."
"Okay."
"Ay thank you, Jhanine." Tila nakahinga ng maluwag na wika nito. Mayamaya ay binalingan nito ang dalawang bagong dating na dala ang tarpaulin.
"Ngayon lang 'yan dumating?" naiinis na tanong nito sa dalawa. "Ikabit n'yo na agad iyan, bilis! Mayamaya lang nandito na sila! Go!" natataranta na naman na utos nito.
Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya, kasabay ng pagsalubong ng dalawang kilay niya ng iladlad ng dalawa ang malaking tarpaulin. Malinaw pa sa sikat ng buwan ng gabing iyon ang nabasa niya ang mga katagang, "Smith Technologies Int'l. Welcomes Misis Dana Rivera and Prince Daryl Rivera." Tila wala sa sarili na sinundan na lang niya ng tingin ang tarpaulin hanggang sa maikabit iyon.
Gusto niyang ibalik ang bulaklak sa Boss niya at umuwi na lang. Sumama na naman ang timpla niya. Para sa kanya, isang masamang pangitain si Daryl. Sa tuwina na lang kasi nagtatagpo ang landas nila, palagi na lang may nangyayaring hindi maganda sa kanya. In short, minamalas siya.
"Hoy," untag sa kanya ni Kate. "Bakit parang nakakita ka ng kaaway?"
"Talagang nakakita ko ng kaaway." Aniya.
"Sino naman?"
Bago pa siya makasagot bigla ay narinig nila ang malakas na sirena, kasunod niyon ay ang pagdating tatlong black SUV. Bumaba doon ang mga bodyguards at si Misis Dana Rivera at ni Daryl. Agad na nagsalubong ang kilay niya ng makita niya ang kinaiinisan niyang lalaki sa balat ng kalalakihan. Kung hindi lang talaga niya kailangan gawin iyon, kiber na lapitan niya ang lalaking iyon. Saka pasalamat na lang ito at kasama nito ang Mommy nito na nuknukan ng bait.
"Jhanine, yung bulaklak." Senyas sa kanya ng boss niya.
Huminga muna siya ng malalim bago humakbang papalapit sa mga ito na hawak ang bulaklak. Nadagdagan ang inis niya ng magsiksikan ang mga tao doon na lahat ay gustong magpapicture kasama ang mga ito. Kahit ang mga bodyguards ng mga ito ay nahihirapan pigilan ang mga nagtitiliang fans ng mag-ina. Ang iba naman doon ay may bitbit ng magazine kung saan si Daryl ang front cover, mukhang balak pa nga yata ng mga ito na magpa-autograph.
"Excuse me," aniya.
Pero parang walang narinig ang mga ito kaya nilakasan na niya ang boses niya. "Excuse me! Ano ba?!"
Nakuha naman niya ang atensiyon ng mga ito. Agad na nagsitabi ang mga ito.
"Iyon! Makikinig naman pala kayo eh. Pinasigaw n'yo pa ako." Sabi pa niya.
Automatic na pinlasteran niya ng magandang ngiti ang mga labi niya paglingon niya sa mag-ina. Nakangiti din ang dalawa sa kanya. Magsasalita pa lang siya ng unahan siya ni Misis Dana Rivera.
"Jhanine," anito. Saka agad siyang niyakap.
Napangiti siya. Nang lumingon siya sa paligid ay pawang may pagtataka sa mga mukha ng mga kasama niya sa trabaho. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit siya kilala ng mga ito.
"Dito ka pala nagta-trabaho? Kelan pa?" tanong ni Madam Dana sa kanya.
"Two weeks ago pa po." Sagot niya.
"Daryl, say Hi to Jhanine. She's you're childhood sweetheart, 'di ba?" anito sa anak.
"Hi Jhanine, you look beautiful tonight. Hindi ko alam na mas maganda ka kapag naaayusan." Sabi pa nito, na may himig ng pang-aasar ang tinig.
Gustong gusto magbuhol ng kilay niya at mag-apoy ng ilong niya sa inis dito. Talagang pa-simple ang tirada ng pang-aasar nito sa kanya.
Ano ang gusto nitong palabasin? Na pangit siya kapag hindi nakaayos?! Impakto ka talaga Daryl! Pasalamat ka at nandito tayo sa harap ng maraming tao, kung hindi kanina pa kita nasapak! Tungayaw niya sa isip niya. Kasabay ng pag-imagine na pinopompyang niya ito ng takip ng arinola ni Lola Dadang.
"Ay, ang hiya ko naman sa'yo Sir. Ang guwapo mo kasi ngayon eh." Simpleng sagot niya na may himig din ng pang-aasar, habang pinagdiinan niya ang Sir.
"Thank you." Tila balewalang sagot din nito.
Binalingan na lang niya si Madam Dana, inabot niya dito ang bulaklak. "Welcome Ma'am Sir to Smith Technologies International. Thank You for accepting our invitation." Sabi niya.
"You're Welcome," sagot ni Daryl, sabay kindat sa kanya.
She mouthed. "Hambog."
Natawa lang ito. "This way please," sabad naman ng Boss niya. Naunang maglakad ang Ginang, kasunod si Daryl.
Nang mula sa likod niya ay may mga bagong fans na dumating. Bago niya malaman ang susunod na mangyayari, namalayan na lang niya na naitulak na sila ni Daryl. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya, nang makita na lang niya ang sarili na nakasubsob sa likod nito. Habang ginigitgit siya ng mga fans ng binata. Naramdaman niyang humarap ito. Mas lalong nagtilian at nagkatulakan ang mga ito, at dahil siya ang nasa pagitan nito at ng mga fans nito. Siya ang naitulak ng naitulak, hanggang sa sumubsob siya sa matipunong dibdib nito. Hindi sadyang sumiksik sa ilong niya ang kaiga-igayang amoy ng pabango nito. Napapikit siya ng langhapin ulit niya ang pabango nito.
"Daryl!" sigaw ulit ng mga fans nito. Napadilat siya ng itulak siya ng mga ito. At dahil sa pagtutulakan, pag-angat niya ng tingin dito. Eksakto naman na salubong ng mga labi nito sa labi niya. Natulala siya. Oh my God! Tili niya sa isipan niya.