Madaling araw pa lang ay nagpapaalam na si Aloha sa mga magulang niyang magtutungo na siya ng probinsya. Kaya naman hayon at napakaagap ring magising ng mga ito.
"Anak, talaga bang dapat ganitong kaaga?"
Napatingin pa si Aloha sa relos na nakasabit sa dingding. Naroon din sa salas ng kanilang bahay ang tatlo nilang kasama sa bahay at ang daddy niya. Nakaupo lang ito sa pang-isahang sofa at pinapanood ang drama nilang mag-ina.
"Mommy nagpaalam na po ako sa inyo kagabi di ba? Isa pa naipagluto na ako ni Yaya Amila ng biko. Anong gagawin ko doon? Mapapanis iyon pag nagtagal."
"Huwag ako Aloha Zoraida Montecillo. Kahit tatlong araw iyang biko ay hindi kaagad yan napapanis." Napanguso tuloy siya sa sinabi ng ina. Nakapagpaalam na siya tapos ngayon naman ayaw na naman kaagad siyang payagan.
"Anak kahit mga isang linggo pa. Para naman maka isang buwan ka dito. Kailan ka ulit babalik? Ilang buwan na naman," reklamo pa ng mommy niya.
"Mag-aasawa na po ako pagbalik ko dito. Promise mommy, daddy!" Natigilan naman si Zenny. Pati ang daddy niya ay napatayo sa sofa.
"Anong sinasabi mo anak? May sakit ka ba?" Hinawakan pa ng mommy niya ang noo niya. Pati ang daddy niya ay sinalat ang kanyang leeg.
"Napaka-supportive parents talaga ninyo. Nakakainis," reklamo ni Aloha. Hindi naman mapigilan ng mommy at daddy niya na matawa. Pati na rin ang tatlo pa nilang kasama.
"Ikaw lang naman ang inaalala namin anak," nag-aalalang tinig ng daddy niya.
"Pero totoo po ang sinasabi ko. Pagbalik ko dito mag-aasawa na ako," pangungulit pa niya, kahit alam naman niyang napakaimposible pang mangyari ng bagay na iyon. "Kung susuyuin lang sana ako ng Facundo na iyon," bulong pa niya.
"Mag-iingat ka sa byahe anak. Ayaw mo na ba talagang magpahatid?" tanong ng daddy niya. Niyakap siya nito at hinalikan sa noo.
Napatingala tuloy siya dito. "Ayos lang ako daddy. Huwag po kayong mag-alala. Ipapaalam ko na lang po sa inyo pag naroon na ulit ako."
"Anak mamimiss ulit kita. Basta kahit anong mangyari, huwag ka ng maglilihim ulit ha. Kung may problema sabihan mo agad kami ng daddy mo," makahulugang wika ni Zenny. Tumango na lang si Aloha bilang sagot. Hindi naman niya sinasadya noong maglihim siya. Ayaw lang niya talagang umuwi sa kabila ng bali na natamo niya. Masaya siyang inalagaan siya ni Facu.
"Sige na po. Para hindi na rin ako abutin ng tanghaling tapat sa daan. Aalis na po ako."
"Bye anak, mag-ingat ka."
"Salamat po Yaya Amila."
"Ingatan mo ang sarili mo."
"Opo Yaya Lorna."
"Basta palagi mong tatandaan narito lang kaming lahat para sa iyo."
"Yaya Nely naman. Parang ang layo ng pupuntahan ko. Ilang oras lang po ng byahe ang pagitan ng probinsya nina Facu at dito. Pero salamat po."
"Bye mommy, daddy. Magpadala po ako ng mensahe pag naroon na ako."
Tinanaw na lang nila ang papalayong sasakyan ni Aloha. Napangiti naman si Aleho habang unti-unting nawawala sa kanyang paningin ang kulay pulang ilaw ng hulihan ng sasakyan ng anak.
"Anong nginingiti mo dyan?" tanong ni Zenny habang nakakunot ang noo.
"Hindi mo ba napapansin? Ibang-iba na si Aloha mula ng magpunta siya ng Quezon. Ang mga ngiti niya noon. Pilit at tipid. Pero ngayon walang halong pagkukunwari.
Inalala ni Zenny ang ngiting iyon na sinasabi ng asawa. Tama ito, ibang-iba. "Malaking tulong ang ibang kapaligiran sa kanya. Masaya akong bumalik ang masayahing si Aloha."
"Tama kayong mag-asawa. Hindi ko na makita ang anak niyong, palaging tahimik at wari mo ay palaging iiyak. Malaki na ang ipinagbago ni Aloha," ani Yaya Nely.
"Kaya masaya kami para sa inyo," sabat pa ni Yaya Lorna.
"Ako man," dagdag pa ni Yaya Amila.
"Tara na sa loob. Magpahinga po muna kayo. Pwede po kayong bumalik sa pagtulog. Kami man ay matutulog ulit."
"Oo nga po. Napakakulit na bata. Pero kahit sabihing nasa tamang edad na si Aloha. Siya pa rin ang nag-iisang baby ko Aleho."
"At kayong dalawa ang prinsesa at reyna ko," sagot ni Aleho sa asawa, bago ito inakay papasok sa loob ng bahay.
Iniligpit lang nina, Nely, Lorna at Amila ang mga ginamit nila sa kusina. Masyado pang maagap lalo na at alas tres pa lang ng madaling araw. Kaya muli silang nagbalik sa kwarto nila. Para makapagpahinga munang muli.
Nasa kalagitnaan ng byahe si Aloha ng mapansin ng kanyang mga mata ang bagong flower shop sa tabi ng daan. Matagal na niyang nakikita iyon, pero hindi naman siya doon nakakabili. Kung sakali ay ngayon pa lang. Madaming mga bagong dating na bulaklak. Sa tingin niya ay magugustuhan iyon ni Facu.
Matapos niyang itabi ang sasakyan ay pumasok siya sa loob ng flower shop. Binati pa siya ng babaeng naroroon, maganda ito at sa tingin niya ay ito rin ang may-ari ng shop. Wala naman itong ibang kasama. Matapos maipasok lahat ng bulaklak ay lalo siyang namangha sa dami noon at fresh na fresh talaga.
"Madami akong bagong dating ngayon. Kita mo naman siguro kanina," anito na ang tinutukoy pa nito ay itong ipinapasok pang mga bulaklak. "Anong gusto mo? Roses? Tulips? Lily's pili ka lang. Para ba kanino?" nakangiting tanong pa nito.
Muling inilibot ni Aloha ang paningin. Hindi talaga niya alam kung ano na naman ang bibilhin niya ngayon. Mukhang nananawa na sa roses si Facu. Last time na nagdala siya kinagalitan pa.
"Hindi ko talaga alam. May flowers ka bang about pure and everlasting love?" aniya na ikinatango nito. "Talaga?"
"Oo. Para kanino ba? Mother mo, kapatid, father mo kaibigan lola, lolo? So kanino para maiayos natin. And sa tanong mo. I offer the baby's breath for everlasting love. And the white carnation for pure love. Pwede ko siyang gawing bouquet. Depende sa gusto mo. Or naka arrange siya na parang nasa isang vase. Lahat ng maisip mo, basta kaya kong gawin ay gagawin ko."
"Sige gusto ko na lang iyong parang nasa isang plate, ganoon. Tapos pwede siya sa small table. Iyong sa bedroom. Parang ganoon ba," paliwanag niya. Hindi rin naman kasi siya sure kung paano sasabihin ang naiisip niya.
"Okay sige ako nang bahala. Sana magustuhan mo? Para kanino ba ito? Mukhang napaka espesyal naman ng makakatanggap nito," pag-uusisa pa ng babae sa kanya.
"Para sa nililigawan ko," pag-amin niya ng bigla itong sumigaw.
"Aray!" anito na ikinagulat niya.
"Why? Anong nangyari sa iyo?" nag-aalala niyang tanong ng ipakita nito sa kanya ang daliring nasugatan. "Sorry."
"Oi! Bakit ka naman nagsosorry? Wala kang kasalanan. Nabigla lang ako sa sinabi mo. Kasama na pati sa business ko ang minsang masugatan pag ginugupit ko ang tangkay ng mga bulaklak. Pero maiba ako. Sa ganda mong iyan," sinuri pa siya nito mula ulo hanggang paa. "Ikaw ang nanliligaw. Huwag mong sayangin ang biyayang ipinagkaloob sa iyo bilang isang Eva. Kung ako lang ang nabiyayaan ng kanyang kakinis na balat at mala dyosang mukha at katawan. Ay naku, sinasabi ko sa iyo miss. Maghahanap ako ng gwapong Adan at hindi ko na pakakawalan."
Hindi naman malaman ni Aloha kong matatawa ba siya sa sinabi ng babae. Maganda ito para sa kanya. Kulang lang ito sa ayos. Masyadong simple kung manamit at hindi biniyayaan ng tangkad. Sa height niya. Mataas pa siya dito ng ilang pulgada. Pero totoong maganda ito.
"Hindi naman sa ganoon. Adan nga iyong nililigawan ko. Suplado, pakipot, mainitin ang ulo, allergy sa akin, pero may nakatagong kabaitan at gwapo. Kaya hindi ko maiwasang hindi magkagusto sa kanya kahit ipinagtatabuyan ako," pag-amin niya. Nahihiya man siya ay iyon naman kasi ang katotohanan.
Napatingin naman siya sa babae ng may iabot itong bulaklak sa kanya. Hindi tuloy niya alam kung para saan iyon. Lalo na at hindi niya alam kung anong bulaklak iyon. Basta napakaganda noon at kulay pula.
"Take it for free. It's a red dahlia, it symbolize the power and strength, to boost your confidence. Kailangan mo yan. Hindi na talaga uso ngayon ang babaeng manonood na lang basta na makuha ng iba ang lalaking minamahal niya. Kung gusto mo suyuin mo. Pagnagawa mo na ang lahat at ayaw pa rin sa iyo. Well, ipatapon mo na lang sa Africa. Ipalapa mo na lang sa lion ang arte eh," anito na ikinatawa niya. "Mas bagay sa iyo ang nakangiti. Ayan na, sa iyo na iyan. Basta pinanghihinaan ka ng loob. Isipin mo ang red dahlia, para maging matatag ka. Hmm," dagdag pa nito.
Muling bumalik sa pwesto nito ang babae at sinimulan ang naudlot nitong ginagawa. Nakatitig lang siya dito ng bigla itong huminto.
"Bakit?"
"Nakalimutan kong magpakilala. Ang gaan kasi ng loob ko sa iyo. By the way I am Daffodil. Daffodil Rosaryo. Bulaklak pa rin no," anito habang sinisimulan muli ang ginagawa. "Daffodil symbolize rebirth and eternal life. Ang weird noh, pero iyon talaga ang ipinangalan sa akin ng tatay ko. Tatay ko na hindi ko talaga tatay. I'm a rapist daughter. Tanggap ko na iyon. Mula pa noong nagkaisip ako. Nagmamahalan ang mga magulang ko. Hanggang sa bago ang kasal nila, nangyari ang malagim na insidente na iyon. Sa halip na iwan ng tatay ko ang nanay ko. Inalagaan niya ang nanay ko. Pero pinabayaan ng nanay ko ang sarili niya, mula ng malaman niyang may buhay sa sinapupunan niya. Mula sa taong sumira ng buhay niya. Maswerte na rin na nabuhay ako bago ako iwan ni nanay. Ayon dahil mabait talaga ang tatay ko. Minahal niya ako bilang tunay na anak. Nang mag-asawa ulit si tatay minahal naman ako ng step-mother ko. Binigyan pa ako ng flower shop. Kaya ito na iyon Daffodil," pagkukwento pa nito.
Parang may tumusok na kutsilyo sa puso niya sa narinig. Hindi man siya ang nasa sitwasyon ni Daffodil pero nasaktan talaga siya.
"Oi, ito naman. Nagdadaldal lang ako. Kung naaawa ka sa akin. Sinasabi ko sa iyong huwag mo iyang gagawin. Kung iniisip mong nabubully ako noong bata pa ako. It's a yes. Mahirap pero tuloy lang ang buhay. Wala silang ambag sa buhay ko. May time na alam mo na. Kasi alam nilang anak ako ng taong iyon. Pero syempre, papatalo ba ako? Hindi! Tuloy ang buhay. May napakabait akong tatay at maunawaing stepmother. Masaya ako sa buhay ko. Tulad ng red dahlia na hawak mo. Laban lang huwag susuko."
Napangiti siya sa sinabi ni Daffodil. Parang bigla siyang natuto kahit wala naman itong itinuturo sa kanya. Napatingin siya sa ginagawa nito. Noon lang niya napansin na halos matatapos na ito sa ipinapagawa niya.
Napahugot siya ng hangin. Ayaw niyang maramdaman ni Daffodil na naaawa siya. Lalo na at ayaw nito noon. Mas gusto niyang maramdaman nito na masaya siya para dito sa mga oras na iyon. "Ako nga pala si Aloha. Aloha Zoraida Montecillo," pagpapakilala niya.
"Talaga?" anito at biglang humarap sa kanya. "Montecillo ang apelyido mo?"
"Bakit? May problema ba?"
"Wala naman may naalala lang ako na palaging nagpapadeliver ng bulaklak galing dito. Kilala mo si Mr. Aleho Montecillo?"
"Oo. Anak niya ko. At daddy ko siya."
"Oi, small world. Suki ko kaya si Mr. Montecillo. Palagi siyang nag-oorder sa akin ng bulalak para kay Mrs. Zenny Montecillo. Itinatawag lang niya. Tapos ipapadeliver ko na lang. Kaya hindi ako nawawalan ng costumer. Nakakatuwang makilala ang anak nila."
"Hindi ko akalaing sweet si daddy. Pero palagi nga akong nakakakita ng mga bulaklak sa bahay. Palaging may bagong bulaklak sa vase namin sa salas every two or three days."
"Ayon. Galing iyon dito sa shop ko. Ito okay na. Papasa na ba sa panlasa mo?"
Hindi naman maipaliwanag ni Aloha ang nararamdaman ng makita niya ang ginawa ni Daffodil sa arrangements ng bulaklak na ipinapagawa niya. Basta ang masasabi lang niya ay napakaganda. Iyong arrangement sa isipan niya, parang isinabuhay ni Daffodil sa harapan niya.
"Sobrang ganda," hindi niya mapigilang bulalas.
"It's my pleasure, Aloha. Sa susunod ulit. Here is my calling card. Tawag ka lang pag gusto mong magpadeliver ng bulaklak. Sana ay maging kayo na ng iyong sinisinta," tukso pa nito.
"Sana nga."
"Sa akin ka na lang kumuha ng bulaklak sa kasal mo ha."
"Advance ka naman."
"Mas mabuti iyon. Good luck."
"Thank you."
Matapos makapagbayad ay inihatid pa siya ni Daffodil sa sasakyan niya. Hindi maipaliwanag ni Aloha ang excitement nararamdaman niya.
"Siguro excited lang talaga akong makita at muling makasama si Facu. Hay Facundo. Mahalin mo na ako please," bulong pa niya at pinausad na niya ang sasakyang minamaneho niya. Sinulyapan pa niya ang bulaklak na nakapatong sa passenger seat.
Napangiti pa siya. "Sana naman dahil sa inyo, hindi na niya ako magawang i-reject."