Maliwanag na ang paligid habang binabagtas ni Aloha ang daan patungong hacienda. Natatanaw na rin niya ang tulay na naghahati sa dalawang hacienda. Alam niyang parehong mga Alonzo ang nagmamay-ari ng dalawang hacienda na iyon. Nakapunta na rin siya sa kabilang hacienda noong kasal ng apo ng Don Alponce, ang pinsan ni Don Fernando. Hindi naman niya napagtuunan ng pansin ang bride ni hindi niya maalala kung nakaharap ba niya ito.
Bigla siyang pinamulahan ng mukha. "Kasalanan kasi iyon ng Pako na iyon. Kung hindi niya ako inasar hindi ko na sana hahalikan sa pisngi ang groom. Mabuti na lang at hindi iyon nagalit." Napabuntonghininga siya. Naalala lang naman niya iyon ngayon. Matagal na rin namang nangyari. Halos ilang taon na ang nakakalipas. Pero nakakaramdam siya ng hiya pagnaaalala niya.
Papasok na siya sa bakuran ng bahay-hacienda hacienda ni Don Fernando. "Ang ganda talaga dito. Kailan kaya ako pakakasalan ng Pako na iyon." Napatingin pa siya sa dala niyang bulaklak. "Ang gaganda ninyo talaga. Sana magustuhan kayo ni Facu," pagkausap pa niya sa mga bulaklak. Animo ay sasagot sa kanya.
Pagkaparada pa lang ng kanyang sasakyan sa garahe ay bumukas na kaagad ang pintuan ng malaking bahay. Sunod-sunod na lumabas sina Ate Merly, Ale at Sol.
"Namiss ka namin Ms. Aloha. Wala ka man lang pasabing uuwi ka na rito. Namiss ka namin," ani Ale na niyakap pa siya.
"Akala ko nga rin magtatagal pa ako. Hindi ako nakauwi sa palugit na sinabi ko. May ginawa pa kasi ako. Kaya naman ngayon hindi na ako nag-aksaya ng pagkakataon."
Niyakap din siya ni Sol. "Namiss talaga kita Ms. Aloha."
"Ako man ay namiss kayo. Ikaw din Ate Merly. May pasalubong pala ako sa inyo. Biko gawa ni Yaya Amila. Wala kasi akong maisip na pasalubong sa inyo. Tapos iyong isang maliit na bilao para kay Facu. Iyong malaki ang sa inyong tatlo. Nariyan ba siya?" excited niyang saad. Halos gusto na niyang makapasok sa loob ng bahay para puntahan si Facu.
Sa tingin naman niya ay hindi pa ito nakakaalis ng bahay. Kahit naman maliwanag na ay maaga pa rin.
"Naku senyorita, wala na dito si senyorito. Masyadong busy nitong nakaraan. Nagsabay-sabay ang pag-aani ng gulay. Naki sabay pa ang panganganak ng ilang baka," paliwanag ni Merly.
"Isa pa, sabi nga ng ilan. Lagari talaga ang kawatan ni senyorito. Wala pa iyong maayos na pahinga," dagdag pa ni Sol.
Bigla tuloy siyang nakaramdam ng awa kay Facu. Hindi niya akalaing ganoon itong kabusy ngayon. Noon naman ay busy na ito. Pero hindi katulad ngayon na halos sabay-sabay.
"Ganoon po ba? Hindi po ba kayo tutulong sa farm? Pwede po akong tumulong."
"Ms. Aloha hindi na kami pinatulong ni senyorito. Nanghiram na siya ng mga trabahador sa kabilang hacienda. Kaya naman dito na lang kami para makapagluto ng meryenda nila."
"Ganoon ba Ate Merly? Tutulong na lang ako sa pagluluto."
"Ms. Aloha, magpahinga ka muna. Marami pang araw na pwede kang tumulong sa farm. Malayo ang naging byahe mo. Huwag kang pasaway."
"Sige na nga. Pero tulungan ninyo muna akong maiakyat ang mga gamit ko."
"Oo naman," sabay pang sagot ni Ale at Sol. Si Ate Merly naman ang nagbitbit ng biko na pasalubong niya sa mga ito.
"Ang ganda naman niyan Ms. Aloha." Ang tinutukoy ng mga ito ay ang bulaklak na ipinaayos ni Aloha kag Daffodil.
"Magustuhan kaya niya?"
"Sure yan Ms. Aloha. Napakagagandang mga bulaklak. Tapos ang ganda ng pagkakaayos. Bagay na bagay yan sa table ni senyorito sa kwarto niya," hindi mapigilang puna ni Ale.
"Iyan din ang nasa isip ko ng ipinapa-arrange ko iyan. Salamat at nagustuhan ninyo. Dadalahin ko na ito sa kwarto niya."
Naiwan si Merly sa kusina. Sila namang lahat ay nagtungo sa itaas ng bahay. Tumuloy na si Ale at Sol sa kwarto niyang ginagamit pag naroon siya. Ang mga ito na ang nagpasok ng maletang dala niya.
Siya naman ay pumasok sa kwarto ni Facu. Hindi naman iyon naka lock. Pagbukas pa lang ng pintuan ay sumalubong na kaagad sa kanya ang bango ng kwarto. Sabi nga kahit hindi mo kilala si Facu at minsan mong naamoy ang natural nitong bango at nakapasok ka sa kwarto nito. Hindi mo maiipagkaila na kay Facu ang kwartong pinasok mo. Ganoon ang impact ng bangong naiiwan ni Facu sa kwarto nito.
Ibinaba niya ang bulaklak na dala niya sa center table sa kwarto nito. "Sana magustuhan kayo ni Facu. Ang gaganda ninyo talaga," aniya ng mapatingin siya sa malaki nitong kama. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng antok. Napatitig pa siya sa kama na wari mo ay inaakit siya.
"Magagalit ka ba kung dito ako matutulog?" tanong niya kahit wala namang sasagot. "Hon dito na ako matutulog ha. Bigla akong nakaramdam ng antok. Hindi man kita makatabi sa pagtulog. Naaamoy naman kita," nakangiti pa niyang saad.
Inalis ni Aloha ang sandals na suot niya at marahang sumampa sa kama.
"Ms. Aloha."
Napabaling pa siya ng tingin sa may pintuan ng may tumawag sa pangalan niya. "Bakit?" tanong pa niya kay Sol at Ale na nasa bungad ng pintuan.
"Matutulog ka na dyan? Hindi pa namin napapalitan ng kobre kama iyang higaan ni senyorito."
"Iyon na nga ang gusto ko. Ang naaamoy ko siya. Hindi naman iyon uuwi. Dito na muna ako magpapahinga."
"Sige Ms. Aloha. Tatawagin ka na lang namin sa pananghalian. Magpahinga ka muna."
Hindi na nagawa pang sumagot ni Aloha sa dalawa ng basta na lang siyang igupo ng antok.
Napailing na lang si Ale at Sol.
"Mukhang namiss talaga ni Ms. Aloha si senyorito. Nakatulog kaagad," puna ni Ale na siyang nagsasara ng pintuan.
"Kaya nga Ale. Tutulong pa daw sa farm. Si Ms. Aloha talaga," ani Sol na sabay lang na ikinatawa ng dalawa.
Hapon na ng dumating si Facu sa bahay. Kagagaling lang niya ng farm sa mga oras na iyon. Papasok sana siya sa kwarto niya ng marinig niya ang pagtawag ni Ale.
"Bakit?" nagtataka niyang tanong ng pigilan siya nitong pumasok sa sariling kwarto niya.
"Senyorito. Dumating na po si Ms. Aloha."
Napatango na lang siya. "Hay ano na namang kayang gulo ngayon ang dala niya. Hindi na nanawa. Walang kasawa-sawa," napailing pa siya. Bubuksan na sana niya ang pintuan ng kwarto niya ng muli siyang pigilan ni Ale.
"Bakit na naman? Wala naman akong magagawa kung narito na naman ang Pinyang iyon. Papasok lang ako sa kwarto ko. Gusto kong maligo. Sobra naman akong nanlalagkit sa maghapong pagtulong sa pamimitas ng gulay. Isa pa nag-oover time pa ang iba. Pero bukas ko na lang ulit ipapatuloy. Kaya bakit ayaw mo akong papasukin sa sarili kong kwarto?" walang buhay na wika ni Facu. Pagod talaga siya. Gusto na niyang maligo.
"Eh nariyan po si Ms. Aloha. Pagkarating niya kaninang umaga, tumuloy siya dyan at nahiga sa kama ninyo. Tapos hindi na rin nakapananghalian at tulog na tulog."
"Ang Pinyang iyon talaga!" inis niyang bulalas.
Pabagsak niyang binuksan ang pintuan ng kwarto niya. Napasinghap pa si Ale sa ginawang iyon ni Facu. Pero wala naman siyang magagawa. Kwarto iyon ni Facu at ito pa rin ang may-ari ng bahay. Katulong lang siya.
Inis na nilapitan ni Facu ang natutulog na si Aloha. Kaya lang ang inis niya dito at ang balak niyang paggising dito ay hindi natuloy.
Muli niyang napagmasdan ang mukha ni Aloha. Natulog lang ito maghapon ayon kay Ale, pero sa himbing nito habang nakadapa sa kama at yakap ang isa pang unan niya ay parang nawalan siya ng lakas para abalahin ang pagtulog nito.
"Mukhang anghel na hindi na hindi gagawa ng kapilyahan. Pero saksakan naman sa dami ng kapilyahang alam," komento ni Facu. Kahit naririnig ni Ale ay wala siyang pakialam. Totoo naman.
Sa halip na gisingin si Aloha ay binalingan niya si Ale. Nagulat naman ito ng titigan niya.
"Huwag kang aalis dito. Hayaan mong bukas ang pintuan. Baka mamaya pagnagising ang Pinyang iyan ay may gawin pa iyang hindi maganda. Baka kahit kababalik lang niyan dito palayasin ko yan," ani Facu na ikinatango lang ni Ale.
Nasundan na lang ni Ale ng tingin si Facu ng kumuha ito ng damit sa damitan nito at pumasok sa banyo.
"Sus si senyorito. Daig pang Dalagang Pilipina. Siya na ang Binatang Pilipino," napailing pa si Ale sa komento niya.
Kinuha na lang ni Ale ang maliit na table sa tabi ng pintuan ni Facu sa labas ng kwarto nito at doon naupo.
"Anong ginagawa mo dyan?" tanong ni Sol ng mapadaan ito sa pwesto niya sa may pintuan. "Bakit bukas ang kwarto ni senyorito?"
"Ayon dumating na si senyorito. Hindi mo ba nakita?" anito na ikinailing ni Sol. "Napaka conservative. Natutulog pa rin si Ms. Aloha. Baka daw magising ay gumawa ng hindi maganda. Baka mapalayas pa si Ms. Aloha. Ayon naging guwardya pa nga." Natawa naman si Sol sa sinabi niya.
"Hay, bagay na bagay naman sila, kailan kaya magigising si senyorito. Iyon bang damdamin niya kay Ms. Aloha. Kitang-kita naman na mahal siya ni Ms. Aloha. Ano kaya ang ikinaaayaw niya?"
"Iyan din ang tanong ko. Wala ka namang ibang hahanapin ka kay Ms. Aloha. Ang perfect na nga niya para sa akin."
"Sa akin man," sang-ayon pa ni Sol.
Matapos ang ilang minuto ay lumabas na rin ng banyo si Facu. Nakabihis na ito ng simpleng black jeans at gray v-neck t-shirt. Nakapaa lang ito. May hawak itong towel na siyang ginagamit nitong pantuyo ng buhok.
"Senyorito," sabay pang wika ni Ale at Sol.
"Sige na salamat. Kaya ko na ito," sagot na lang ni Facu at nagpaalam na rin ang dalawa.
Muling inilabas ni Ale ang maliit na lamesa na inupuan niya. Si Sol na ang nagsarado ng pintuan ng kwarto ni Facu.
Habang nagtutuyo ng buhok ay naupo muna si Facu sa sofa na nasa loob ng kwarto niya. Ipapatong pa sana niya ang paa sa ibabaw table na naroon ng mapansin niya ang nakapatong na bulaklak. Hindi niya iyon napansin kanina.
Hindi siya pamilyar sa bulaklak na iyon. Kaya mas inilapit pa niya ang sarili ng maamoy niya ang bango ng bulaklak. Para tuloy siyang namatanda. Hindi niya malaman kung bakit parang bigla na lang siyang nakaramdam ng hilo habang parang kinakapos siya ng hininga.
Ilang beses pa siyang napatingin sa pintuan. Sarado iyon at parang nakulong siya sa maliit na kahon. Ganoon ang pakiramdam niya. Parang biglang sumikip ang paligid niya. Unti-unti siyang tumayo sa sofa.
Ilang beses pa siyang napaatras hanggang sa bumangga siya sa malaking salamin. Sa lakas ng impact niya sa salamin ay natumba iyon at biglang nabasag.
Doon biglang nagising si Aloha. Napabigla siya ng bangon kaya nakaramdam siya ng hilo. Parang umiikot ang kanyang paligid. Hanggang sa mapansin niya si Facu.
"H-hon," ani Aloha habang nakatingin kay Facu na nakaluhod sa tabi ng basag na salamin. May ilang galos pa ito sa braso na sa tingin niya ay nahiwa ng bubog nito.
"F-Facu," tawag muli ni Aloha sa kabila ng hilo na nararamdaman niya ay pinilit niyang lapitan ang binata.
Dahan-dahang hinawakan ni Aloha ang mukha ni Facu, para iharap sa kanya. "N-naghahabol ka ng paghinga. H-hon b-bakit? N-natatakot ako para sa iyo. Facu," naluluhang saad ni Aloha sa labis na pag-aalala.
"A-Al----," nauutal na saad ni Facu.
"Hon! Facu!" Sigaw ni Aloha ng bigla na lang bumagsak si Facu sa sahig. Kitang-kita niya ang pagbagsak ni Facu sa kanyang harapan. Hanggang sa unti-unti nitong ipinikit ang mga mata. Nawalan ito ng malay.
"Hon!" muling tawag ni Aloha kay Facu. Naiiyak na siya. Hindi niya malaman kung anong nangyayari.
Sakto namang bumukas ang pintuan. Pumasok ang tatlong kasama nila sa bahay na kababakasan ng labis na pag-aalala.