Dahan-dahang iminulat ni Facu ang mga mata. Napangiti siya sa isa na namang bago at tahimik na umaga ang bumungad sa kanya. Napahugot siya ng hininga. Ito naman talaga ang gusto niya ang tahimik na umaga na walang magulong Pinya.
"Pero tama siya, nakakamiss din ang kakulitan niya, pero hindi iyong pagkamiss na iniisip niya." Medyo may pagka-defensive pa niyang saad. "Eh bakit? Totoo naman ah!" dagdag pa niya. "Hay naku! Ay ewan. Bakit ko ba kinakausap ang sarili ko? Langya." Nailing na lang siya sa sarili niya.
Bumangon na lang siya at nagtungo na lang siya ng banyo para maligo. Magtutungo pa siya sa farm sa araw na iyon. Mukhang magsasabay-sabay pa ang paghaharvest ng mga gulay. Kaya talagang dapat ay makapagsimula ng mas maagap.
Alas kwatro y medya pa lang ng umaga sa mga oras na iyon. Pagkababa niya sa kusina ay naabutan niya sina Ate Merly na nagluluto na ng agahan. Nakaupo lang naman sina Sol at Ale habang pinapanood si Ate Merly sa ginagawa
"Good morning sa inyo," bati niya sa tatlo na agad ding nagbaling sa kanya ng tingin
"Good morning din senyorito," sabay-sabay pang bati ng tatlo.
"Ang tahimik talaga ng bahay," ani Sol na biglang tumayo mula sa pagkakaupo nito. "Nakakamiss tuloy."
Hindi tuloy malaman ni Facu kung may ibig sabihin ang sinabi ni Sol. Nasa ilang araw na rin mula ng umalis si Aloha. Minsan ay naulit sa kanya ni Ate Merly na tumawag doon ang dalaga. Hindi naman siya interesado. Kaya naman binaliwala na lang niya ang sinabi nito. Ang mahalaga nakauwi ito ng maayos at ligtas.
"Senyorito may gusto ka bang kainin? Sinangag pa lang ang naluluto ko. May marhuyang balinghoy na dyan. Pero sisimulan ko pa lang lutuin ang ulam. Bakit kasi ang aga mong gumising?" tanong ni Merly ng maisip niya ang sinabi nito.
Palagi naman siyang maagang gumising. Kaya lang nakakapagtakang kahit halos magmamadaling araw na siyang nakakatulog ay mas maagap pa rin siyang nagigising. Dati naman ay hindi siya ganoon. Parang pakiramdam niya sa ngayon ay kulang siya sa tulog. Pero hindi naman siya makatulog.
"Hindi ko rin alam Ate Merly. Minsan nagtataka na rin ako kung bakit ganoon. Hindi naman ako ganito dati."
"Kasi kasi senyorito namimiss mo lang si Ms. Aloha," biglang sabat ni Sol na ikinatakip din nito kaagad ng bibig.
"Pardon?"
"Sabi ko senyorito, minsan kasi kung kailan ka mas pagod saka ka hindi makatulog. Tapos kung kailan nakatulog ka na. Mas maagap ka namang magising. Ganoon," paliwanag bigla ni Sol.
"Oo nga senyorito, ganoon nga iyon," pagsang-ayon naman ni Ale.
"Pero hindi iyan ang narinig kong sinabi mo."
"Iyon man, baka inaantok ka lang senyorito," biro ni pa Sol.
Napatango na lang si Facu. "Siguro nga, kaya lang hindi na rin ako makatulog kaya bumangon na ako."
Nakahinga naman ng maluwag si Sol ng tinanggap ni Facu ang sinabi niya.
"Ayan kasi ang mga bibig ninyo. Mabuti na lang," ani Ate Merly kaya naman napasimangot lang ang dalawa.
Si Facu naman ay hindi naiintindihan ang pinag-uusapan ng tatlo. Kay natahimik na lang siya.
"Kape mo senyorito." Napatingin na lang si Facu sa kapeng ibinaba ni Sol sa harapan niya. Doon lang niya napansin na kaya pala ito tumayo kanina ay para magtimpla ng kape para sa kanilang apat.
"Nagbago ka ba ng kapeng binili Ate Merly?" may pagtatakang tanong ni Facu.
"Bakit senyorito?" balik tanong ni Merly na ipinagtaka din niya ang sinasabi ni Facu.
Muling tinikman ni Facu ang kape na tinimpla ni Sol. Pakiramdam talaga niya ay may ibang lasa ng kape na hinahanap siya.
"Para kasing nag-iba," pag-amin niya.
"Hindi eh. Same brand din lang naman. Gusto mo bang kapeng barako senyorito?"
"Hindi. Ayos lang ako dito. Pero bakit parang iba talaga ang lasa ng kape? Parang may kulang?" aniya na may halong pagtatanong. "Pero hindi naman. Basta ganoon," pag-amin niya na hindi talaga niya maipaliwanag.
"Hindi ako sigurado, pero mula noong alagaan mo si Ms. Aloha, kahit noong hindi niya maikilos ang isang braso niya, tuwing magpapatimpla ka ng kape siya ang nagtitimpla ng kape mo," paliwanag ni Merly na hindi naman mapaniwalaan ni Facu.
"Parang ang imposible naman noon Ate Merly. Bakit hanggang kagabi iyong ipinatimpla ko ay kasing lasa pa rin noong kape na naiinom ko noong nakaraan. Eh umalis na si Pinya ng ilang araw na?"
"Paano senyorito, ay nag-iwan ng ilang timpla na si Ms. Aloha ng nakalagay sa plastic. Para pag magkakape ka raw ilalagay na lang namin sa tasa at lalagyan na lang ng mainit na tubig. Kaya lang mula ng umalis si Ms. Aloha, kumape ka na nang kumape. Ayan hindi nakaabot ng isang linggo, naubos mo na."
Hindi talaga mapaniwalaan ni Facu ang bagay na iyon kaya naman napatingin pa siya sa dalawang nananahimik habang nagkakape.
"Wag mo kaming tingnan ng ganyan senyorito, ay totoo nga iyong sinabi ni Ate Merly. Pauuwiin na ba namin dito si Ms. Aloha. Sabihin lang namin na namimiss mo siya ay naku. Baka walang ilang oras ang byahe noon narito na iyon," tukso pa ni Ale.
Umasim naman bigla ang mukha si Facu. Hindi niya gusto ang idea na iyon. Sinasabi nga niyang ayaw niya kay Aloha. Bibigyan pa niya ng pag-asa. No! As in never.
"Nagtanong lang ako kung nagpalit ng brand ng kape dami ninyong paliwanag. Eh saan namang galing itong marhuyang balinghoy?"
"Kahapon senyorito. Nang sumama kami ni Ale sa iyo. Galing kay Mang Kario. Ayan niluto ni Ate Merly ngayon. Ang sarap no," paliwanag pa ni Sol.
Napatango na lang si Facu at kumuha ng marhuyang balinghoy. Wala pa ring tatalo sa kape at marhuyang balinghoy na magkapartner. Kaya lang mas masarap lang talaga iyong kape niya noong nakaraan. Kung totoong timpla nga ng pinyang iyon ang masarap na kapeng iyon.
Napabuntonghininga siya. Naalala na naman niya si Aloha. Hindi niya alam kung ano pa ang kanyang gagawin para tigilan na siya nito sa kalokohan nito sa kanya.
Hindi pa sila tapos magkape ng ihayin ni Ate Merly ang umagahan nila. Napalunok siya ng makitang tocino at longganisa iyon at sunny side-up eggs.
"Kain na senyorito, isabay mo na sa pagkakape mo."
"Ay kayo?"
"Kakain na rin kami. Ang sarap talaga nitong ginawang tocino at longganisa ni Ms. Aloha. Kahit siguro ito na lang ang ulam sa araw-araw," puri pa ni Ale na mas nauna pang magsandok sa kanila.
"Hoy, bruha! Nauna ka pa kay senyorito," puna ni Sol.
"Sorry naman po. Kain ka na senyorito."
"Ayos lang sige na," sagot na lang niya at naki-agaw na rin siya sa pagkaing nakahayin sa kanila.
Tahimik lang silang kumakain. Pero sa loob-loob niya ay napakasaya ng puso niya sa bawat subo na ginagawa niya. Ito lang ang isang bagay na gusto niya kay Aloha. Masarap itong magtimpla ng tocino at longganisa.
Matapos silang kumain ay may natira pa silang ulam. Hindi naman niya masabing kakainin niya iyon mamayang tanghali. Ayaw talaga niyang maging tampulan ng tukso at baka ang maganda niyang umaga ay uminit pa ang ulo niya.
"Ate Merly pahingi pa ng isang kape, bago tayo umalis patungong farm," sa halip ay wika na lang niya.
"Okay senyorito. Magpapalit pa rin ng damit iyong dalawa," anito na ikinatango na lang niya. Sila na lang ang nasa kusina at pumasok na sa kwarto ng mga ito sina Ale at Sol. "Senyorito gusto mo bang initin ko itong tocino at longganisa mamaya? Babalik ako dito para makapagluto ng tanghalian natin mamaya, at ng lahat ng mga namumuti nang gulay. Kaya lang sabi kasi ni Aling Idang kahapon, magluto na lang ako ng pritong talong at nilabong okra. May ginataang bagoong kasi sila na niluto nila ni Mang Kario. Para naman hindi purong ganoon ang ulam mo ay iinitin ko ito. Ilalagay ko na rin sa ibang lalagyan para hindi ka na mahirapang kumain sa dahon ng saging. Gusto mo?"
Parang may anghel na biglang nagbigay liwanag sa kanina lang ay iniisip ni Facu. Napahugot siya ng hininga. "Walang problema Ate Merly, salamat," sa isip-isip niya ay normal lang iyon na sagot niya. Pero sa kalooban niya nagdidiwang siya. "Ang babaw lang talaga ng kaligayahan ko. Pagkain lang iyon ha," puna din naman niya sa sarili.
"Mabuti kung ganoon, salamat senyorito. Hindi na ako mag-iisip ng ipapaulam ko sa iyo mamaya. Mabuti na lang hindi ka talaga maselan tulad ng iba. Napakaswerte talaga namin sa iyo," ani Merly at ibinigay na sa kanya ang kape na hinihingi niya. Ipinartner ulit niya ang marhuyang balinghoy na natira nila kanina.
Pagkarating nila sa farm ay tumambad sa kanila ang mga patas-patas na talong at okra sa magkakaibang lamesa. Marami na rin ang naputi ng iba.
"Madami na pala kayong napitas," bati ni Facu sa mga naroon.
"Opo senyorito. Kaya lang nangangailagan ng dagdag na taga pitas ng sitaw. Mas madami po anv bunga pero konte lang sila ngayon doon."
Tinanaw naman ni Facu ang hindi kalayuang pinagbababaan ng pinitas na mga sitaw. Malayo ang taniman ng sitaw kaysa taniman ng talong at okra na halos magkarahap lang.
"Kaya na ba ninyo dito?" tanong pa niya sa ilang namimili ng okra at talong.
"Oo senyorito. Kami na ang bahala dito."
"Kami?" biglang tanong nina Ate Merly.
"Doon na lang kayo kina senyorito. Iilan talaga ang namimitas ng sitaw, wala pang namimili."
Sumunod na rin silang tatlo kay Rico.
"Ate Merly, Sol, Ale dito na lang kayo para may mamimili na ng sitaw. Madami na rin ito," ani Facu habang itinuturo ang mga sitaw na nakahayang sa lamesa na naroroon. "Ako na lang ang papasok sa loob para mamitas ng sitaw.
"Kami ng bahala dito," sagot na lang ni Merly. Nasundan na lang nilang tatlo si Facu habang papasok sa loob ng napakalawak na taniman ng sitaw.
"Kakaibang tagapagmana ng hacienda," puna ni Ate Merly.
"Tunay ka dyan Ate Merly. Isipin mo ang yaman-yaman pero hindi mo makikita o maririnig na nagmamataas. Magaling makisama sa mga trabahador niya. Higit sa lahat napakabait," puri pa ni Sol.
"Hindi lang yan. Kita niyong lahat ng gawain dito sa farm alam. Kahit ang magpaanak ng mga baka, kambing at kung anu-ano pa. Hindi katulad ng ibang mayaman na nakasahod lang palagi ang mga kamay. Isang hingi sa magulang okay na, may pera na. Pero si senyorito, bawat sentimo na meron siya. Pinaghirapan niya," dagdag pa ni Ale.
"Noong nag-aaral pa lang si senyorito nakwento iyon sa akin ng inay. Pangarap talaga ni senyorito na pamahalaan itong hacienda. Kaya naman ilang Agricultural courses ang kinuha daw ni senyorito. Paganyan-ganyan lang yan, pero matalino at magaling talaga si senyorito," ani Merly habang namimili sila ng sitaw.
Hindi nila napapansin na madami silang napapagkwentuhan tungkol kay Facu. Isang tikhim pa ang biglang nagpatigil sa kanila. Si Facu na may buhat ng isang malaking sako na puno ng sitaw na dapat pamilian.
Inilapag iyon ni Facu sa lamesa. Nagkatinginan pa ang tatlo at medyo nahiya. Alam nilang narinig ni Facu ang pinag-uusapan nila.
"Pasensya na senyorito." Si Merly na ang humingi ng paumanhin.
"Tss. Ayos lang po. Pero hindi ako matalino, masaya lang talaga ako sa kursong kinuha ko noon. Mas masaya ako dito sa hacienda. Kaysa ibang lugar." sagot pa ni Facu.
"Pero totoo naman iyon senyorito. Ang inay pa ang may sabi."
"Naku Ate Merly, huwag kang maniniwala kay yaya. Lalo na at alam mo namang paborito akong alaga ni yaya noon. Lahat na lang ng maganda sinabi na tungkol sa akin. Ay hindi naman ako ganoon," biro pa ni Facu kaya natawa na lang ang tatlo.
"Namiss ko bigla si Ms. Aloha," hindi napigilang saad ni Sol.
Natawa pa sila ng biglang umasim ang mukha ni Facu. Kitang-kita pa nila ang pag-ismid nito.
"Si senyorito naman. Ang killjoy mo," biro pa ni Ale na sinang-ayunan pa ng dalawa.
"Much better kung hindi na siya babalik dito. Mas tahimik kaya ang buhay ko ng wala dito ang makulit na Pinya na iyon."
"Totoo? Huwag kang ganyang senyorito. Baka magkatotoo."
Napakunot noo na naman si Facu sa sinabing iyon ni Ale. Pero agad ding binawi ang iniisip at nginitian ang tatlo.
"Madami pa po doon. Kukunin ko lang," sa halip ay sagot ni Facu sa mga ito.
"Sus iwas ka naman senyorito. Sige na senyorito, kami na bahala dito," sagot na lang ni Merly.
"Ate Merly talaga," ani Facu at tinalikuran na sila.
Nasundan na lang nila ng tingin si Facu habang pabalik sa loob ng taniman ng sitaw.
"Napakaswerte ng babaeng makakatuluyan ni senyorito," ani Sol ng ibalik niya ang tingin sa ginagawa.
"Kung may pag-asa lang sila ni Ms. Aloha. Bagay talaga sila," ani Ale na tumigil sa pamimili ng sitaw at ipinatas naman ang mga napili nila sa plastic na naroroon.
"Malay naman natin," sabat naman ni Merly.
"Malay talaga natin."