Napahugot ng hiniga si Aloha ng marinig pa niya ang pagtawag sa kanya ng mga katabi niya sa pamimili ng talong kanina. Narinig din niya ang sigaw nina Ate Merly kaya naman matapos niyang sagutin ang tawag ng mga ito ay nagmadali na siyang maglakad paalis.
Ngunit ng makalampas siya sa pick-up truck ni Facu ay binagalan niya ang paglalakad. Umaasa siyang susundan siya ng binata.
Oo nga at hanggang sa mga oras na iyon ay nakakaramdam talaga siya ng pagkapahiya. Pero kung susundan siya ni Facu ay lulunukin na lang niya ang pagkapahiyang kanyang nadarama.
Pero habang tumatagal ay wala man lang Facu na sumunod sa kanya. Pakiramdam niya ay pinabayaan na siyang talaga ni Facu.
"Wala ba talaga siyang balak sundan ako?" tanong niya sa sarili ng sandali siyang tumigil sa paglalakad, para tanawin pabalik ang pinanggalingan niya. Ngunit walang pahimakas ng isang Facu na sumunod man lang sa kanya.
Sa mabagal na paghakbang ay ipinagpatuloy na lang niya ang paglalakad niya na walang tamang direksyon na pupuntahan. Wala pa rin naman siyang balak umuwi sa bahay.
Nang sa tingin niya ay masyado na talaga siyang malayo na siya sa may talongan ay doon na bumuhos ang kanyang mga luha.
"Ang sensitive niya. Wala talagang pakialam sa akin ang Pako na iyon. Bakit naman kasi unang kita ko pa lang sa lalaki na iyon nagkagusto na kaagad ako. Kahit alam kong ayaw niya sa akin sa dahilang hindi ko alam." Napahugot siya ng hangin. Kahit pigilan niya ang sarili na huwag nang umiiyak at nagtuloy-tuloy pa rin ang pag-agos ng kanyang mga luha.
Pakiramdam tuloy ni Aloha ay ang laking kahihiyan ng nangyari sa kanya. Sa harap ng lalaking gustong-gusto niya. Nais niyang makita lang nito ay ang magagandang bagay sa kanya. Ngunit kabaliktaran pa ang nangyari. Hiyang-hiya siya kay Facu ng pagtawanan siya nito habang puro putik ang mukha. Ayaw na nga nito sa kanya, mukhang nadagdagan pa ito ng dahilan para mas lalong ayawan siya.
"Hindi naman ako lampa eh," reklamo pa niya habang patuloy lang siya sa paglalakad ng walang kasiguraduhan. "Halos ibalandra ko nga ang kagandahan ko sa Pako na iyon. Kaya lang kitang-kita ko na tuwang-tuwa pa siya sa kadugyutang kinahantungan ko kanina," napahugot siya ng hangin. "Kasalanan ito ng batong iyon e. Tapos, sa halip na tulungan nga ako, pinagtawanan pa ako," angal ni Aloha habang patuloy pa rin ang pagluha.
Malayo na ang kanyang narating sa patuloy na paglalakad habang patuloy lang din sa pagnguyngoy. Pero bigla siyang nahinto sa paghakbang ng makaramdam na siya ng pagod. Mahaba na rin naman ang kanyang nalakad at halos hindi na niya malaman kung gaanong katagal.
Natigilan pa siya ng ilibot niya ang paningin ay napagtanto niyang hindi siya pamilyar sa lugar. Doon ay nakaramdam siya ng takot. Pero minabuti niyang kalmahin ang sarili. Binalikan na lang niya ang kabilang dulo ng daan kung saan siya nagmula.
Kahit pagod na sa paglalakad ay sinikap niyang hanapin ang dinaanan niya kanina. Pero bigo siya ng sa gitna ng kanyang paglalakad tumambad sa kanya ang tatlong magkakasangang daan.
"Alin dito ang dinaanan ko kanina?" tanong pa niya sa sarili. "Kailangan ko bang isa-isahin kayo? Pero pagod na talaga ako. Kaliwa? Kanan? O gitna? Hindi ko talaga alam ang sagot. Saan ba ako galing kanina?" Pero kahit anong isip niya hindi talaga niya maalala kung saang siya galing sa tatlong magkakasangang daan na iyon. Gawa na rin ng sobrang pagod ay ipinasya na lang muna ni Aloha na mamahinga sa isang malaking puno sa tabi ng daan.
"Siguro naman ay may daraan dito mamaya. Ayaw na talagang humakbang ng mga paa ko," aniya habang ipinapahinga ang paang halos hindi na niya maigalaw at nakakaramdam na rin ng pangangatal.
Inilibot niya ang paningin sa mga mabeberde at nagtatayugang mga puno na hindi niya alam ang pangalan. "Masarap talagang manirahan dito sa probinsya. Kung bibigyan lang sana ako ng pagkakataon. Mas gugustuhin kong dito tumira. Kung gusto lang sana ako ni Facu, di sana ay---," nahinto si Aloha sa nais niyang sabihin at mapait na napangiti. Hindi talaga niya alam ang dahilan kung bakit parang may allergy si Facu pag nakikita siya. Gayong wala naman siyang ginagawa ditong masama. Hanggang sa nakasanayan na lang niyang nakawan ito ng halik. Sanay na rin naman siya sa reklamo nito. Wala rin naman itong magawa pag nagawa na niya. Napangiti na lang siya habang nakatingin sa kagubatang kanyang natatanaw.
Gawa na rin ng labis na pagod ay hindi namalayan ni Aloha na ang kanyang simpleng pamamahinga ay aabot sa makakatulugan niya.
Bigla namang naalimpungatan si Aloha mula sa malalim na pagkakatulog. Nakaramdam pa siya bigla ng takot at kaba. Napahawak pa siya sa dibdib sa tapat ng kanyang puso. Hindi niya maipaliwanag kung saan nagmumula ang takot niya.
Kahit nakakaramdam pa rin ng antok sa kabila ng takot ay inilibot agad niya ang paningin sa paligid. Dumidilim na ang kalangitan. At may panaka-naka ng patak.
"Nagsisimula ng pumatak ang ulan. Kailangan ko ng makaalis dito," aniya at mabilis na ikinurap ang mga mata para alisin ang antok na kanyang nadarama.
Pero hindi ang pagkurap ang nakapagpawala sa antok na nadarama. Kundi ang naramdaman niyang malamig at mabigat na bagay na dumadagan sa paa niya.
Doon mas lalo siyang nakaramdam ng takot. Ayaw man niyang isipin pero isang bagay lang ang isinisigaw ng isipan niya kung ano ang bagay na iyon. Dahan-dahan niyang ibinaling ang kanyang mga mata sa bagay na nagbibigay bigat at lamig sa kanyang mga paa. Gusto niya tuloy pagsisihan ang pamamahingang kanyang ginawa. Naiiyak na naman siya.
Halos mawalan ng kulay ang mukha ni Aloha ng mapansing tama ang nasa isipan niya. Isa iyong malaking sawa. "A-anong g-gagawin ko?" naiiyak na tanong ni Aloha ng isa-isa ng pumapatak ang ulan. Hanggang sa bigla na lang iyong lumakas. Lalo ng dumilim ang paligid.
Gusto na lang niyang mawalan ng malay sa mga oras na iyon sa takot na kanyang nadarama. At ipaubaya na lang ang kanyang kapalaran sa guhit ng tadhana sa palad niya sa mga oras na iyon.
"F-Facu. H-hon," nauutal pang tawag ni Aloha sa binata kahit alam niyang hindi naman siya nito maririnig. Patuloy lang siyang umiiyak sa labis na takot.
Hindi na talaga niya malaman kung ano ang gagawin. Paano niya aalisin ang pagkakadagan ng sawa sa paa niya? Kung paano sisigaw at hihingi ng tulong. Gayong sobrang lakas na ng ulan at siguradong walang magtatangkang lumabas ng bahay para lang gumala sa gubat. Isa lang gustong gawin ni Aloha sa mga oras na iyon. Ang makatakbo at makalayo sa ambang panganib na dulot ng sawa na nakadagan sa kanyang paa.
Humugot ng hangin si Aloha. Halos nasa isang metro pa ang pabuntot ng sawa ang nasa paa niya at lalampas na ito. Nanginginig man ang katawan niya ay pipilitin niyang makatakbo. Ngunit sa halip na tumuloy ito sa pag-usad paalis ay parang naramdaman pa ng sawa ang takot na kanyang nararamdaman, dahil bigla itong huminto.
"U-umalis ka na please," pakiusap pa ni Aloha. Pero sa halip na umalis na ay naramdaman niya ang biglang pagbigat ng buntot nito na parang pinipigilan siyang makatakbo.
"Facu!!" malakas na sigaw ni Aloha habang mabilis na hinugot ang mga paa sa pagkakadagan ng sawa. Doon naiwan na niya ang suot niyang maliit na bota kaya nakapaa na lang siya ngayon. Kahit hindi na niya makita ang daan dahil sa malakas na ulan ay pinilit ni Aloha na makatakbo.
"H-hon! H-hon, F-Facu," paulit-ulit lang na tawag ni Aloha kay Facu kahit alam niyang hindi siya maririnig nito sa mga oras na iyon. Gusto man niyang pagsisihan ang ginawang pagpapahinga sa may puno. At ang paglalakad ng walang humapay kaya siya ay naligaw ayhindi na niya maibabalik pa ang mga pangyayari. Sobrang takot na takot na siya.
Hindi na malingon ni Aloha ang pinanggalingan. Pakiramdam niya ay mabilis siyang sinusundan ng sawa. Kahit malakas ang ulan ay parang naririnig niya ang hagibis ng paggapang ng sawa.
"Hon!" tawag pang muli ni Aloha habang tumatakbo ng mabilis.
Dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan ay hindi napansin ni Aloha ang daang tinatahak niya.
"Facu!" malakas niyang sigaw ng bigla na lang siyang dumausdos pababa sa bangin.
Sumabit pa ang kanyang buhok sa isang nakausling ugat. Kaya kahit papaano ay nagkaroon siya ng pag-asa. Ngunit biglang nakalas ang puyod niya. Hanggang sa wala na siyang makapitan at patuloy lang siya paggulong pababa. Hanggang sa mawalan na siya ng malay.
Samantala, hindi malaman ni Facu kung saan siya magsisimula ng paghahanap kay Aloha. "Nasaan ka na bang Pinya ka! Huwag mo naman akong pag-alalahanin ng sobra." Kahit minsan ay naiinis siya sa pamemeste ng dalaga ay hindi naman niya kayang maatim sa sarili na mapahamak ito. "Please, Pinya magpakita ka na. Sana Po ay ligtas si Aloha," taimtim pang dalangin ni Facu.
Kahit malakas ang buhos ng ulan ay walang tigil si Facu sa paghahanap kay Aloha. Hindi siya gumamit ng sasakyan at pinilit na lang niyang maglakad para mas mapasok niya ang mga maliliit na daan na maaaring puntahan ni Aloha.
Hanggang sa kanyang paglalakad ay narating niya ang magkakasangang daan.
"Pinya!" tawag pa ni Facu ng mapansin niya ang isang bagay na nasa ilalim ng malaking puno. "Tangna! Pinya! Aloha!" malakas na sigaw ni Facu ng mapagtantong iyon ang suot na bota ni Aloha kanina.
Nilibot pa niya ang paligid pero hindi niya makita si Aloha. Patuloy pa rin siya sa pagtawag sa dalaga. Hanggang sa mapansin niya ang mga nakahapay na damo. Mariin niya itong pinagmasdan. Hindi iyon gawa ng patak ng ulan, kundi naapakan kaya humapay iyon.
"A-Aloha," nag-aalalang tawag ni Facu sa pangalan ng dalaga. Parang sumasakit ang puso niya sa kung anu-anong senaryo na nagsasalimbayan sa utak niya. Pero pilit pa rin niyang kinakalma ang sarili.
Sinundan niya ang bakas na iyon hanggang sa bigla na lang nawala. "Aloha nasaan ka na? Aloha!" malakas na sigaw ni Facu ng mapansin niya ang makinang na bagay pababa sa bangin.
Doon siya mas tinubuan ng kaba habang pinagmamasdan ang bagay na iyon. Hanggang sa naging malinaw sa kanya kung ano iyon. Iyon ang pamuyod ni Aloha. Kulay itim iyon na may nakasabit na mga kristal.
"Aloha! Pinya!" paulit-ulit na sigaw ni Facu hanggang sa may mapansin siyang gumalaw sa ibaba ng bangin.
Mariin pa niyang pinagmasdan kung ano iyon. Dahil sa lakas ng ulan ay hindi niya iyon kaagad mapagtanto kung ano. Hanggang sa maaninag na niya ng mas malinaw.
"Sh*t! Aloha!" sigaw ni Facu ng makita niyang bulto iyon ng dalaga.