"Ikaw na ang bahala dito Tamar. Tulad ng palagi kong paalala. Wag kang magpapapasok dito ng hindi mo itinatawag sa ak--."
"Wag akong magpapapasok ng kahit na sino dito sa bahay mo. Kahit magpakilalang mommy mo, daddy mo higit sa lahat ay kapatid dahil solo ka lang na anak. Huwag ding magpapapasok ng kahit na sinong magpapakilala na empleyado ng kompanya mo boss, kasi kung may kailangan ka ay ipapahanap mo sa akin at iiwan ko lang doon sa mailbox sa labas, para doon kuhanin ng pag-uutusan mo. Bawal makipag-usap sa ibang tao, kung nandito ako sa loob ng bahay at baka kinukuha lang ng mga iyon ang kalooban ko. Hindi lahat ng akala mo ay mabait ay totoo sayo. Ang iba ay masama pala ang iniisip sayo. Kaya lahat ng mangyayari dito sa bahay mo nakakaiba. Itatawag ko muna sayo bago ako magdesisyon." Pagtutuloy ni Tamar sa sinasabi ng boss niya.
Napailing na lang si Alarik ng pangunahan siya ni Tamar sa pagsasalita. "Mabuti at hindi mo nakakalimutan." Ani Alarik.
"Boss, sa loob ng tatlong buwan, araw-araw ko ng naririnig sayo iyan. Parang musika ko na nga sa umaga ang mga habilin mo. Kaya po promise. Safe ang bahay mo sa akin. At kung biglang emergency naman at kailangan ko ding lumabas ng bahay magpapaalam po ako sayo. Lalo na at nakasulat naman doon sa may telepono ang numero ng opisina mo."
"Bakit naman kailangang lumabas?"
"Luh, kasi boss ganito yan. May mga bagay kasi na babae lang ang nakakaalam na minsan bigla na lang dumadalaw ng hindi ko inaasahan. Get my point boss. Kaya naman po so alam mo na." Nakangisi pang wika ni Tamar na ikinatango na lang ni Alarik.
"Basta wag kang lalabas ng bahay ng walang paalam at hindi sinasabi sa akin kung saan ka pupunta, maliwanag." Ani Alarik nanikinatango ni Tamar.
"Areglado sir." Sagot ni Tamar.
Umalis na rin si Alarik sa harap ni Tamar at nagpatuloy na ng paglabas ng bahay. Tinungo na rin niya ang kotse niya.
"Bye boss pogi." Sigaw pa ni Tamar bago bumukas ang gate para makalabas ang kotse ni Alarik. Nagbusina pa ng sasakyan si Alarik ng makalabas ng gate bilang paalam sa dalaga.
Nailing at nangiti na lang si Alarik kay Tamar. Maganda ito at masasabi niyang napakainosenteng dalaga. Kaya kahit papaano ay naging magaan ang loob niya dito. Sa edad nitong dalawampo ay bata itong kumilos. Parang hindi pa rin nawawala dito ang ugali ng babaeng taga probinsya.
Nang makaalis si Alarik ay sinimulan na ni Tamar ang maglinis ng bahay na malinis. Wala naman kasi siyang makitang kahit kaunting alikabok sa bahay na iyon. Mula ng dumating siya ay naglinis na lang siya ng naglinis kahit walang lilinisin. Ang labahin naman ng boss niya ay mabilis lang niyang nalalabahan. Ang kobre kama, punda ng unan at kurtina, ay tuwing sabado naman niya nilalaban. Katulong pa niya ang automatic washing machine kaya hindi rin nakakapagod gaano.
Tuwing linggo ang day off ni Tamar. Kaya naman malaya siyang pumunta kung saan at hindi na kailangan na magpaalam pa sa boss niya.
Matapos ang lahat ng gawain ay naupo si Tamar sa isang upuan malapit sa may pool. Katatapos lang kasi niyang alisan ng mga nalaglag na dahon iyon galing sa mataas na halaman ng san fransisco. Kulay berde na may batik na dilaw ang dahon ng halaman na iyon. Nakakapagbigay lilim ito sa pool tuwing hapon at katingkaran ng init ng araw.
Napatingin si Tamar sa kanyang binti na mayroong pasa. Hinaplos niya iyon pero hindi naman masakit. "Saan ba kayo galing? Noong isang araw sa braso, tapos ngayon nandyan ka naman. Mabuti na lang kahit maputi ako hindi iyong parang labanos. Kasi kung ganoon, kitang-kita talaga kayo." Pagkausap pa niya sa kanyang pasa na akala mo naman ay sasagot.
Halos nasa isang taon na rin mula ng mapansin niya na nagkakaroon siya ng panaka-nakang pasa na hindi niya malaman kung saan nanggaling. Haplos ang binti na may pasa ng maalala niya ang kanyang Nanay Tasing.
Flashback
Matapos mamatay ang kanyang pamilya ay ang Nanay Tasing na niya ang umalalay sa kanya. Nasa labing pitong na taon na siya ng makatapos siya ng elementarya. Sinubukan naman niyang pumasok noong ng high school pero dahil malayo, pagkakatapos ng isang buwan ay tumitigil din siya.
Naka tatlong taon siya noong sumubok na mag-aral sa edad na dalawampo ay nakatapos naman siya ng unang taon. Ngunit ng malaman nila na tumataas ang presyon ng kanyang Nanay Tasing ay mas pinili na lang niyang hindi umalis sa tabi ng matanda. Nagtatanim na lang sila ng mga gulay na pwedeng ibenta kahit paunti-unti. Pandagdag din sa bigay sa kanila, para makaraos sa araw-araw.
Hanggang sa isang araw ay napansin na lang ni Tamar na may mga pasa na lumalabas sa kanyang katawan. Ipinagtataka din naman niya iyon lalo na at hindi naman siya nasasaktan o tumatama sa matigas na bagay ang parteng iyon.
Hindi na lang niya iyon pinansin lalo na at hindi naman masakit. Pero ng makita iyon ng kanyang Nanay Tasing ay bakas dito ang pag-aalala. Anak na rin kasi ang turing nito sa kanya.
"Tamar saan mo nakuha iyang pasa mo?"
"Hindi ko po alam nay. Basta ko na lang po nakita na may pasa po ako eh." Paliwanag ni Tamar at hinagip ng ginang ang braso niya.
"Baka kung ano na iyan anak. Halika sa center at patitingnan natin."
Ayaw man niya pero hindi pumayag ang nag-aalalang matanda sa kanya. Doon ay sinabi ng nurse na nakaduty doon na anemic siya. Binigyan naman siya ng vitamins para doon.
Isang buwan pa lang siyang umiinom ng vitamins ng wala na siyang makitang pasa sa katawan niya. Kaya naman ipinagpatuloy niya ang paghingi ng vitamins sa barangay. Libre naman iyon kaya naman kahit papaano ay hindi nila naging problema.
Hanggang sa isang araw na naglalakad sila ni Nanay Tasing pauwi ng bahay ay bigla na lang itong nawalan ng malay sa daan.
"Nay? Nay! Ano pong nangyayari sa inyo?" Tanong ni Tamar sa matanda pero wala pa rin itong tungon.
"Mabilis lang po ako nay. Hihingi po ako ng tulong." Iniwan muna ni Tamar ang matanda sa may daan. Wala gaanong dumaraan sa daang iyon kaya walang nakakita sa kanila.
Wala pang limang minuto ay nakabalik na si Tamar sa Nanay Tasing niya kasama ang mga nahingan niya ng tulong.
"Wag kang mawalan ng pag-asa hija. May awa ang Panginoon." Wika ng nurse na nagbibigay ng vitamins niya at ng maintenance ng kanyang Nanay Tasing.
Mabilis nila itong isinugod sa ospital pero idineklara na dead on arrival na ang matanda. Dahil na rin sa katandaan inatake sa puso ang kanyang Nanay Tasing. Walang sintomas at umiinom din nga ito ng maintenance galing sa center. Kaya hindi akalain ni Tamar na mangyayari ang bagay na iyon.
Matapos ang libing naramdaman ni Tamar ang pag-iisa. Umiiyak siya tuwing gabi. Nawala ang pamilya niya ng dahil sa pagkakalason. Ngayon naman ay ang kanyang Nanay Tasing na nawala sa kanya dahil sa atake sa puso.
Sa ilang linggo ng pag-iisa ay naglakas loob siyang tumungo sa Maynila. Wala siyang alam sa lugar na iyon. Pero kailangan niya ng kahit papaano ay maayos na trabaho. Hindi siya nakapag-aral pa matapos ang elementarya, at ang unang taong ng sekondarya. Ang ibinibili ng pagkain nila noon ng Nanay Tasing niya ay bigay pondong galing sa munisipyo. At ang kaunti nilang tanim na naiibenta. Pero ng mawala ang matanda ay nawala na rin ang suporta dito.
Ang natirang pera kay Tamar ang ginamit niyang pamasahe patungong Maynila iyon nga lang pag dating niya ay nawala pa ang perang dala niya. Hanggang sa mapunta nga siya sa boss niya ngayon.
End of flashback
"Inay, itay, Dates, Nanay Tasing, gabayan po ninyo ako ha." Aniya at tumingin pa sa kalangitan.
"Ano 'to?" Muli niyang tanong ng mapansin ang isang maliit na pasa din sa may braso niya. "Bakit dumadami na naman kayo?"
Mula ng lumuwas siya ng Maynila ay hindi na nakainom pa ng vitamins si Tamar. Nasa tatlong buwan na siya doon kaya ganoong katagal na rin siyang walang vitamins.
Mabilis na tumayo si Tamar at hinayon ang kinalalagyan ng telepono. Dalawang ring lang at sinagot na rin siya kaagad ng nasa kabilang linya.
"Boss labas po ako ha."
"Saan ka naman puputa?"
"Girl issue boss, wala akong reserba." Aniya at dinig naman niya ang pagbuntong hininga ng kanyang boss. Nakikini-kinita pa niya ang pag-iling nito.
"Make sure na nakalock lahat ng pintuan ng bahay at gate. Magdala ka din ng susi ng bahay. Alam mo naman kung nasaan."
"Areglado boss. Bye."
Hindi na niya hinintay ang sasabihin pa ng boss niya at ibinaba na niya ang telepono.
Mabilis din siyang nagpalit ng damit. Naghintay lang siya ng taxi sa labas ng subdivision at nagpahatid sa isang clinic na nakikita niya pagnamamalengke siya.
"Ano pong resulta dok?"
"Masyadong mababa ang red blood cells mo hija. Habang napakataas ng resulta ng white blood cells mo. Need mo ng magpasecond opinion sa malaking ospital. Hindi ako sigurado. Pero mas accurate ang pang test nila. May kilala akong bihasa sa sitwasyon mo, doon kita irerekomenda. Ipanalangin din natin na sana mali ako." Malungkot na anunsyo ng doktor na ikinakaba ni Tamar.
"Ano pong ibig po ninyong sabihin?"
"Base sa laboratory test mo hija at sa reaction sa balat mo ay may possibility na may leukemia ka. Pero ipanalangin nating nagkakamali ako hija. Malakingbgamutan ang sakit na iyon. At maaari mo ding ikamatay kung mapapabayaan."
Napatango na lang si Tamar, sa sinabi ng doktor. Binigyan muna siya nito ng vitamins. Sinabi din niyang linggo lang ang day off niya sa trabaho. Kaya naman linggo ang ibinigay na schedule sa kanya ng doktor na espesyalista sa sitwasyon niya, ng kausapin ito ng doktor sa telepono.
Mapait siyang nagpaalam sa doktor at laglag ang balikat na lumabas ng klinika na iyon.
Hawak ang referral paper sa doktor na muling susuri sa kanya na mula sa malaking ospital.
"Nay, tay, bunso. Ano po ba itong nangyayari sa akin? Pero pipilitin ko pong ipaglaban ang buhay ko sa abot ng aking makakaya. Tulad po ng bilin ninyo kay Nanay Tasing noong kasama ko pa po siya. Hindi ko po hahayaan na igupo lang ako ng isang karamdaman. Gagawin ko po ang lahat, para mabuhay."