Matamang pinagmasdan ni Ycel ang likod ni Froylan na siyang nakaharap sa kanya. Nagtatangka na itong umakyat ng hagdan, patunay ang isang kamay nitong nakahawak na sa hawakan ng hagdan. Ilang segundo pang nagngalit ang kanyang mga ngipin ni Ycel nang makita ang tanawing iyon nang hindi napapansin ni Froylan. Hindi niya na mapigilan na sumama pa ang loob sa ipinapakita nitong ugali. Mukhang wala itong pakialam kung anuman ang kanyang nararamdaman. Wala itong pakialam, dahiul bukod sa wala itong reaction ay wala rin itong sorry.
“Hindi ka man lang ba magpapaliwanag kung bakit ka ngayon ginabi?” hindi niya na doon napigilan na isatinig habang pilit pa rin niyang pinipigil na lumabas ang tunay niyang nararamdaman, hindi niya dapat ito atakehin sa emosyonal na paraan. “Ang sabi mo sa akin kanina ay uuwi ka ng maaga, hindi ba? Gaano ba kahirap iyong mag-text ka man lang sana sa akin o saglit na tumawag, Froylan? O sige, ipagpalagay na nating busy ka, hindi man lang ba sumagi sa isipan mo na patawagan ako saglit sa secretary mo at sabihin na baka gabihin ka? You’ve changed a lot. Hindi na kita kilala.” medyo kalmado pa niyang dugtong pero hindi niya na mapigilan na pahagingan ang asawa kung gaano siya nasasaktan sa ginawa nito na sa palagay niya ay mukhang hindi naman apektado kahit na kaunti doon.
Hindi pa rin lumingon sa kanya si Froylan pero natitigilan na ito sa kanyang paghakbang. Halatang malinaw na naririnig ngayon ang mga sinasabi niya. Napalunok na siya ng sariling laway upang supilin pa ang nagbabadyang mga luha.
“Alam mo ba kung anong oras na, Froylan? Wala ka man lang bang katiting na pakialam kung sino ang naghihintay sa'yo dito? Ano mo ba ako? Hindi ba at nangako ka kanina sa akin bago ako umuwi? Okay lang naman sa akin na gabihin ka, pero sana nagsabi ka. Hindi ka naman pinipigilang uminom o kung anuman ang gustong gawin mo right after ng trabaho, pero magsabi ka! Ipaalam mo sa akin nang hindi ako nag-aalala. Sabihin mo para alam ko! Anong silbi ng cellphone mo? Anong oras na? Ni hindi pa ako kumakain dahil hinihintay kang dumating!” pumiyok na ang kanyang tinig, at hindi na maiwasang mangilid ang mga luha.
Maya-maya pa ay hindi na mapigilan ni Ycel na bumalong ang mga luha. Sa sobrang sama ng loob niya sa asawa ay hindi niya na napigilan ang maging emosyonal at tuluyang umiyak. Pakiramdam niya ay nababalewala na siya nito. Hindi na mahalaga sa asawa kung anuman ang nararamdaman niya na dati-rati naman ay siya ang inuuna nito, kahit na kumpara iyon sa kanyang trabaho.
“Parang wala kang asawang naghihintay!” maanghang niyang patuloy, kinagat-kagat niya pa ang kanyang labi doon upang huwag na tuluyang lumakas ang pag-iyak niya. Subalit kahit na anong pigil niya, hindi niya pa rin maiwasang maluha bunga ng mas sumama pang loob niya. “Kung alam ko lang Froylan, eh, ‘di sana kanina pa ako kumain at natulog nang maaga. Hindi sana ako nag-abalang hintayin ka! Alalahanin kung nasaan ka na! Hindi sana ako nag-aksaya ng oras.”
Agad na humarap si Froylan sa kanya nang marinig ang mga hinaing niyang iyon. Kapagdaka ay nahimasmasan ito at tila nawala ang tama ng espiritu ng alak sa katawan. Napakurap-kurap na siya ng kanyang mga matang mapungay pa rin. Oo na, mali na siya pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit ang lalim ng galit nito sa kanya. Uminom lang naman siya. Wala naman siyang ibang kabalbalang ginawa. Ni hindi naman siya pumasok ng bar. Kaya bakit ganito na lang ito kagalit? Kumibot-kibot na ang kanyang labi doon. Nais nang linawin ang mga akusasyon.
“Ycel, minsan lang naman akong—”
“Oo minsan lang, pero bakit hindi ka man lang nag-text? Bakit hindi mo sa akin ipinaalam? Para akong sira na tawag nang tawag sa'yo, ni hindi mo iyon magawang sagutin! Ano? Mali ko pa rin ba ang mag-alala sa’yo kung ganun ang ginawa mo? Sino ang hindi mag-aalala na baka may nangyari na sa'yong masama? Hindi mo man lang ba naisip na mag-aalala ako sa’yo? Hindi ka naman ganyan, Froylan! Lahat ng ginagawa mo ipinapaalam mo sa akin! Ano bang mahirap doon?!” sigaw na doon ni Ycel sabay marahas na pinalis ang ilang butil pa ng luhang tuloy-tuloy lang sa pagbaba. Masama pa rin ngayon ang timpla niya ng kalooban. Galit na galit siya sa kanyang asawa. “Hindi ba at kasama mo ang secretary mo, sana man lang ay pinatawagan o text mo ako sa kanya. Ano bang silbi niya? Wala ka man lang pakiramdam!” hikbi niya na doon na ikinaawang lang ng labi ni Froylan, noon lang niya nakitang magalit ito nang ganito sa kanya.
“Ycel, kung tungkol na naman ba ito sa insidenteng nangyari kanina kung kaya ka nagagalit sa—”
“Hindi ito tungkol doon, Froylna! Tungkol ito sa hindi mo pagpaalam sa akin na late kang uuwi ngayong gabi sa kabila ng usapan natin kanina. Huwag mong palabasin na nagsesselos lang ako kaya ganito ang reaction ko, dahil alam mong hindi iyan totoo!” muli pang putol niya sa mga sasabihin ng asawa, kulang na lang ay mapatid ang mga litid niya sa leeg nang dahil doon. “Stress na stress ako habang nag-aalala sa’yo, tapos ikaw pala ay naroon at nagpakasayang lumalaklak! Sinong hindi kukulo ang dugo sa mga pinaggagawa mo ha? Sino? Sabihin mo?!” muli niya pang sigaw, hindi na alintana kung lumabas man siyang eskandalosa. Hindi niya na magawang pigilin pa ang lahat na kailangang mailabas.
Gumalaw-galaw na ang panga ni Froylan habang nakatingin pa rin sa mukhang lulumuha ng kanyang asawa. Hindi niya pa rin ngayon maintindihan kung bakit ganito na lang ang galit na lumalamon sa kanya. Ang sama-sama niya sa paningin nito. Oo, aaminin niyang mali nga siya pero hindi naman niya kailangang umiyak sa labis na galit. Hindi niya rin doon kailangang sumigaw dahil sa hindi siya bingi.
“Ycel...”
Umatras siya nang humakbang si Froylan palapit sa kanya at akma siyang yayakapin. Sa isip niya ay hindi mapapawi ng isang yakap lang ang galit niya dito. Ang kailangan niya ay panahon at oras upang humupa ang galit niya sa asawa.
“Nagbago ka na, Froylan. Hindi na ikaw iyan. Never mong pinasama ang loob ko noon lalo na pagdating sa mga munting bagay.” patuloy niyang saad, umiiling pa.
“Fine. Sige. Nagkamali ako, pero hindi naman sana ganyan ang reaction mo. Intindihin mo rin naman sana ako, Ycel, tao lang din ako at nagkakamali.” patol na sa kanya ni Froylan na hindi na napigilan ang kanyang sarili. Nagdulot pa iyon ng matinding sakit sa puso ni Ycel, lumalabas na siya pa ang may mali sa kanilang dalawa. “Tama na itong pag-uusap na ito, bukas na lang natin ito ituloy dahil—”
“Tingnan mo! Sa halip na mag-sorry ka sa akin dahil sa mga kasalanan mo, sasabihin mo ngayon na bukas na lang natin ito pag-usapan? Ni hindi mo nga ako ayain na kumain tayo kahit na sinabi kong hinintay kitang kumain. Anong klaseng isip ka mayroon ha? Wala ka na talagang pakialam sa akin!” histerikal na bulalas na doon ni Ycel na pulang-pula na sa galit ang buo niyang mukha, “Fine, bukas na lang! Kung iyan ang gusto mo, ibibigay ko sa’yo! Ako na iyong mahihiya, Froylan!”
Napaawang na ang bibig doon ni Froylan. Ang buong akala niya ay aayos na ito kapag hindi niya pinatulan pero mas lalo lang iyong nagpalala sa sitwasyon nilang mag-asawa. Padabog na umakyat si Ycel ng hagdan at iniwan doon si Froylan na mataman lang siyang pinapanood na umakyat. Nais niya sana itong habulin at muli pang magpaliwanag, ngunit alam niyang mas magiging kumplikado ang lahat. Ngayong umuusok na ang bunbunan nito sa galit, kaya mahirap na itong amuin. Gaano pa man pagpapakumbaba ang kanyang gawin. Hindi niya rin ito maaayos. Ganunpaman ay sinubukan niyang kunin ang atensyon nito, nagbabaka-sakali siya na muling lumambot ang kanyang puso at muling bumaba upang ayusin ang gulo.
“Ycel, hindi ba at nag-uusap pa tayo? Huwag mo akong talikuran! Isa! Dalawa!” sigaw niya na sa seryosong tinig, ngunit wala iyong epekto sa asawang nagagalit.
Hindi man lang siya lumingon, dere-deretso pa rin ang hakbang niya paakyat ng ikalawang palapag ng kanilang bahay. Nagngangalit pa rin sa galit ang kanyang mga ngipin. Kung aayain man siya nitong kumain, paniguradong hindi rin naman niya iyon malulunok sa sama ng loob. Maaaring tama ito na huwag na muna silang mag-usap, pero hindi siya papayag na gani-ganitu’hin na lang basta. Kung hindi pa niya sinabi kung ano ang kailangan niya ay hindi ito matatauhan. Naiintindihan niya na lasing ito, pero hindi iyon ang rason para saktan nito ang damdamin niya.
”Ito ang gusto niya? Pwes, ibibigay ko! Magkasubukan kami ngayong dalawa!”
Pagdating ng silid ay walang imik na tinungo ni Ycel ang closet. Namumula pa rin ang kanyang mga mata, at ang tungki ng kanyang ilong. Nasa iisang linya ang kanyang labi na kagaya ng kanyang dalawang kilay. Padarag na kumuha siya ng isang tindig ng damit doon ni Froylan at inilagay iyon sa labas ng pintuan. Ito ang damit na gagamitin niya sa trabaho bukas. Ni hindi siya nag-abalang kunan ito ng damit na pantulog. Matapos noon ay nagmamadali niya ng isinara ang pinto ng silid at tahimik na humihikbing nahiga sa kama, katabi ng dalawa nilang anak na walang kamalay-malay sa mga nangyayari. Gumalaw ang paa ni Fabian kung kaya ay agad niyang mariing kinagat ang labi para hindi ito tuluyang magising sa tunog ng munti niyang mga hikbi. At sa halip na suminghot ay hinayaan niyang magbara ang kanyang ilong. Sa pakiwari niya ay hindi siya makakatulog ng gabing iyon nang dahil sa sama ng loob sa asawa, gutom at halo-halong emosyon sa katawan niya.
“Iyong magpaliwanag lang siya kung bakit siya ginabi na may kaunting sorry ay lulubag na ang loob ko. Pero anong ginawa niya? Parang ako pa ang may kasalanan kung bakit kami nagkakaganito ngayong araw. Ako na nga ang parang tangang naghintay sa kanya, tapos bakit parang mali ko pa?! Kung doon siya masaya sa secretary niya, eh, ‘di sige doon siya tumira! Magsama silang dalawa!”
Hindi man aminin ni Ycel ay isa iyon sa nagpapasama ng loob niya ngayon. Iniisip niya na baka kung ano na ang namamagitan sa kanilang dalawa, kung kaya naman may mga pagbabago na kay Froylan. At bilang praning sa kanyang nasaksihan ay hindi nakatulong ang patuloy na pag-iisip niya sa bagay na iyon. Lalo lang noong dinidiligan ang munting galit niya sa puso na para kay Froylan. Pinapalala, at alam niya na kapag hindi niya tinigilang mag-isip ay ito ang makakasira sa relasyon nila.
“Iyong mag-sorry lang siya at yakapin ako okay na sa akin, pero maging pati iyon ay nakalimutan niya na. Alam niya na kahit anong galit ko, lambing lang ang katapat noon. Ganun ko siya kamahal, pero bakit mukhang nakalimutan niya rin?”
Ilang buntong-hininga ang pinakawalan ni Froylan habang nasa harapan ng kanilang silid. Pag-akyat niya doon kanina ay tumambad ang kanyang isang tindig na damit na alam niya na kung ano ang ipinapahiwatig. Alam niyang masama ang loob ng asawa, ngunit hindi niya naman kailangang sipain siya palabas ng silid. Naiintindihan niyang galit ito, pero ang hindi siya patulugin sa kama nila ng gabing iyon ay parang hindi naman na tama. Ilang ulit na tinangka niyang kumatok pero palaging nabibitin sa ere ang kanyang kamao dahil naiisip niya na baka mabulabog ang dalawang anak na paniguradong tulog na. Tiyak na mag-aalburoto sila oras na magising at mapukaw sa kanilang mahimbing na pagtulog. Ayaw naman niyang pahirapan si Ycel na alagaan ang dalawang iyon lalo na kapag nagsisipag-iyakan. Sa hindi ayos na tindig ay kapansin-pansin pa rin ang espiritu ng alak na animo ay panandaliang nawala lang sa katawan niya kanina, humahapay pa rin ang katawan niya na patunay na lasing siya. Ganunpaman ay pinili niya pa ‘ring marahang kumatok sa pinto. Nagbabakasakali na pagbuksan niya nito at maging ayos na sila.
“Ycel? Buksan mo na ang pinto, sige na, halika, mag-usap tayong dalawa. Halika sa kusina, sasamahan kitang kumain. Hindi pa rin naman ako kumakain. Kain tayo.”
Walang sumagot. Nanatiling katahimikan ang bumabalok ngayon sa buong paligid.
“Ayaw mo ba talaga akong kausapin?” kalmado niya pa ‘ring tanong sa asawa, baka makukuha niya ito sa pagiging mahinahon ng tinig. “Sige, sa kabilang silid na lang muna ako matutulog. Ihalik mo na lang ako ng good night sa mga bata. Hindi mo man lang ako nilabasan ng pangtulog na damit. Bahagi ba ito ng parusa mo?”
Hindi pa rin ito sumagot. Walang mapagpipilian ay dinampot na ni Froylan ang mga damit niya. Lumalim pa ang hugot ng buntong-hininga nito na tinungo na ang kabilang silid upang matulog. Sa loob ng ilang taong pagsasama nila ni Ycel ay iyon lang ang unang pagkakataon na sumama ang loob nito sa kanya nang malala at pinatulog siya sa labas. Kung nagkakaroon ng lamat ang relasyon nilang dalawa dati ay mabilis nilang naaayos iyon. Walang matutulog sa kanilang dalawa na may sama ng loob. Pero ngayon, ewan niya ba. Biglang parang nagbago na lang ang lahat. Nagagawa na siyang tikisin ni Ycel. Siguro ay dahil sa malalim din ang kasalanan niyang nagawa sa asawa ngayong araw at naputol na ang pisi ng pasensiya nito. At naiintindihan niya naman iyon. Pabagsak na siyang nahiga sa sofa, pinagkasya ang sarili doon. Ilang minuto pa ay umangat na ang gilid ng labi ni Froylan habang nakatingin sa kisame ng silid. Binuhay niya doon ang ilaw at ang aircon. Kahapong umaga lang ay iba ang senaryo sa silid na iyon sa kanilang dalawa ng asawa. Pero sa gabing iyon ay kabaligtaran ang nangyari na sa kanila. Ginawa niyang unan ang kanyang isang braso at hinayaang lamunin na ng antok.
“Huhupa rin ang galit niya bukas. Alam kong mawawala rin iyon.”
Ilang sandali pa bunga ng pagod at ng espiritu ng alak ay maririnig na ang munting mga hilik ni Froylan. Tulog na siya. Samantalang sa katabi nitong silid ay dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Ycel. Patuloy na naglalabas ng matinding sama ng loob sa pamamagitan ng kanyang mga luha. Maya-maya pa ay sumagi sa kanya ang hitsura doon ng asawa. Ni hindi niya naisip na bigyan ito ng kumot at kahit isang unan. Walang imik na bumangon na siya, muling tinungo ang closet upang kumuha ng spare na kumot at unan na tahimik ipupuslit niya sa kabilang silid.
“Mabilis siyang kapitan ng ubo at sipon,” bulong niya habang naglalakad patungo ng pintuan yakap ang comforter at isang unan na nilagyan niya ng punta.
Galit man siya sa sawa ay hindi niya pa rin pwedeng balewalain ang health nito. Siya rin naman ang mahihirapang mag-alaga dito oras na magkasakit. Idagdag pa na mapapabayaan ang kanilang law firm kapag nagkasakit ito. Ginagawa lang niya ito bilang responsableng asawa niya.
“Hindi naman ako maninikluhod na makipagbati, ibibigay ko lang ito sa kanya. Siguro naman ay tulog na siya. Kung gising pa siya at magso-sorry, sino ba naman ako para tumanggi? Syempre makikipagbati na rin ako sa kanya. Ganun talaga.”
Nagpakawala pa nang malalim na hininga si Ycel nang madatnan niyang tulog na ang asawa. Nais niya sanang gisingin ito dahil mukhang nahihirapan sa posisyon, subalit nagdalawang isip siya doon. Maingat na lang niyang inilagay ang unan sa ulo nito at nilagyan na ito ng comforter. Aagahan na lang niyang gumising kinabukasan para naman bago ito pumasok ng trabaho ay magkaayos na silang mag-asawa. Hindi rin siya papayag na mas lumawig pa ang kanilang away nang dahil sa mababaw na dahilan.