Kakaiba ang naglalarong ngiti sa labi ni Ira na napipinturahan ng pulang lipstick. Matamang tinititigan ng mga mata niya ang susi ng sasakyan ng kanyang amo na ngayon ay nasa palad niya. Sinadya niyang huwag itong isauli sa kanya kanina. Ang buong akala niya ay magpapahatid itong muli mamaya sa bahay nila. Hindi niya inaasahang magiging okay agad sila ni Ycel nang dahil lang sa pabulaklak nito. Nakaisip na rin siya ng magiging palusot oras na tumawag ang amo at hanapin nito ang susi ng sasakyan. Hindi rin maaaring hindi ito taawag dahil walang susi ang sasakyan nito, kaya sigurado si Ira dito. “Ayaw mong makuha sa santong dasalan? Pwes, kukunin ko ang atensyon mo kahit na sa maling paraan. Pinatikim mo ako ng atensyon na hindi ko hinihingi, hindi ako papayag na basta mawala na lang iyon.”