Bagama’t butil-butil na ang pawis sa mukha ng magkasintahan ay mababakas pa rin ang saya ditong nakalarawan. Saya na mas nadiligan pa ng paghahangad nilang maging isa na. Mahigpit na magkahawak ang kanilang mga palad na tila nagpapahiwatig na anumang mangyari, ay walang bibitaw. Walang bibitaw dahil ang daan na kanilang tatahakin ay simula pa lang ng landas na kanilang nais na lakbayin ng magkaagapay at magkasabay. Daan patungong hinaharap.
“Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat, sa pagpapaunlak na pumunta sa okasyong ito na pareho naming napagkasunduan ni Figuro.” ani pa ni Dani na halos magkabuhol-buhol na ang dila sa lumulukob na kaba sa loob ng dibdib niya.
“Yes, thank you so much. Aasahan naming magiging saksi rin kayo sa magiging kasal naming dalawa na hindi na rin naman magtatagal mula sa araw na ito. Hindi na talaga kami makapaghintay na gawin pa iyon sa susunod na taon.” salu na dito ni Figuro na halata ang kumpiyansa sa kaniyang tinig na sanay magsalita sa harapan ng maraming tao, may nararamdaman ‘mang kaba ngunit hindi niya ito hinayaang lamunin ang kaniyang buong pagkatao. Hindi rin naman magtatagal at matatapos na ito. “Let’s enjoy the party! Once again, thank you for coming.”
Malakas pang ikinapalakpak iyon ng mga taong dumalo sa kanilang engagement. Kitang-kita na ang galak sa mukha ng mga taong malalapit sa kanilang dalawa. Ngayon pa lang ay masayang-masaya na sila sa kanilang dalawa na may relasyon na kumbaga ay perpektong-perpekto na. Walang issues, walang kulang at ang lahat dito ay sapat na. Nagsimula na silang magpasalamat at magbanggit ng mga importanteng mga tao na nasa kasiyahan.
Salit-salitan silang nagsalitang dalawa hanggang sa dumako na sila sa pinaka-main event ng nasabing okasyon sa pagitan nilang magkasintahan. At nang muli pa nilang itaas ang dalawa nilang kamay ay muli pang dumagundong ang masigabong palakpakan ng mga taong dumalo at naroon. Mababakas sa kanilang mga mukha ang kaligayahang hangad para sa kanila.
“Once again, congratulations to the new engaged Miss Danielle Simmons and Mister Figuro Abarca!” saad na ng MC na kinukuha na sa kanilang dalawa ang mikroponong kanilang ginamit, magalang na yumukod dito ang magkasintahan bilang pagtanggap dito.
Kapagdaka ay hinapit na ni Figuro ang fiancee sa kaniyang beywang upang igiya na ito pababa ng stage at simulan nila ang kasiyahan sa pamamagitan ng isang sayaw na hiling sa kanila ng MC at ng mga manonood bago simulan ang kasiyahan. Walang pakundangang yumakap naman ang isang kamay ni Dani sa beywang ng kaniyang fiancee nang maramdaman ang marahang pagpisil nito sa gilid ng maliit niyang beywang. Saglit pa silang nagkatitigan at kapagdaka ay napangiti na sa bawat isa. Dinala siya ni Figuro sa gitna ng dance floor upang sumayaw.
Muli pang pumailanlang ang madamdaming awitin na themesong nilang dalawa. Tila ba ang bawat liriko noon ay dinadala sila sa kanilang kabataan habang umiindak sa JS Prom ng kanilang paaralan kung saan ay first dance nila ang bawat isa. Maraming first sa kanilang buhay ang pinagsaluhan nila ng magkasama. Ibinabalik sila ng kanta kung saan at paano sila unang nagsimula. Paano umusbong ang pagmamahalan na nagawa nilang mapayabong hanggang sa mga sandaling iyon.
“I love you, Figuro...” puno ng pagmamahal na usal dito ni Dani na iniyakap pa ang kaniyang dalawang bisig sa leeg ng kaniyang fiancee na kaagad na mas hinapit ang katawan niya papalapit pa sa kaniya. Kumurba na ang ngiting kakaiba sa kaniyang labi. “Sana ay ito na ang unang hakbang natin sa ating kaligayahan at pagsasamang walang hanggang na noon pa man ay ating inaasam.” ngiti ni Dani na nakahinang pa rin ang mga mata kay Figuro na abot-tainga na ang mga ngiti sa nakaawang niya pang labi.
“Yes, Babe, ito na ang simula noon. At wala ng makakapigil pa sa ating dalawa.” hapit pa ni Figuro sa beywang ni Dani na kulang na lang doon ay kaniyang yakapin, habang umiindak silang dalawa. Makikita ang labis niyang pagsamba at pagmamahal sa babaeng kasayaw niya. “Mahal na mahal din kita Dani, sobra-sobra.” walang hiyang hinalikan niya ang noo nito, bagay na ikinakilig ng mga bisitang patuloy na nagmamasid sa kanila kahit pa mukhang mayroon na silang sariling mundong nilikha sa kanilang pagitan habang sumasayaw.
Lingid sa kanilang kaalamang dalawa na ang araw na iyon ay ang huling araw din ng kanilang pagsasama at paghihinang ng mga mata. Ang huling titigan at huli na ‘ring lapat ng kanilang mga labi. Dahil sa malayong abandonadong building na katapat ng convention na kinaroroonan nila ay prenting naka-pwesto ang isang assassin kung saan inaayos nito ang baril na gagamitin sa kanila. Ang baril na napipintong tumapos sa buhay ng modelong ang buong akala ay wala ng katapusan ang kaniyang kasiyahan; kay Dani, na wala ritong kamalay-malay.
“Ikaw ang pinakamagandang bagay na nangyari sa aking buhay, Figuro. At sa mga sandaling ito ay wala na akong mahihiling pa na kahit ano.” malambing pang turan ni Dani na idiniin pa ang kaniyang sarili sa kasintahang medyo naguguluhan sa kanya.
“Hey, Babe, mayroon ka bang ibang lihim na sasabihin sa akin at ganyan ang tono mo?” nagtataka na doong tanong ni Figuro sa kasintahang ngumiti lang ng malungkot sa kaniya ngayon. Bagay na lalong ikinalukot ng kanyang noo. “O mayroon kang bagay sa akin na hihilingin?” pilyo pa nitong tanong kahit pa umaahon na rin ang kaba sa kaniyang dibdib nang dahil sa gawi at hitsura ng kaniyang fiancee ngayon.
“Nothing, Babe...” iling ni Dani kahit mababakas ang lungkot sa kanyang mata.
Lingid sa kaalaman ni Figuro ay napansin na ni Dani ang kulay pula at maliit na ilaw na ilang beses na magalaw na nakatutok sa kaniyang dibdib pagbaba pa lang nila ng stage. Naisin niya mang humingi ng tulong at sabihin iyon dito ay alam niyang huli na. At kapag ginawa niya ay baka marami pang madamay. Maluwag na sa kaniyang puso na tinanggap na sa kabila ng masayang araw niyang ito kasama ang nobyo ay may kapalit pqla agad iyong trahedya at hindi niya rin alam kung makakaligtas pa siya after nito.
“No, there is something wrong with your eyes, Dani. What is it, Babe? Tell me.”
“I love you, Figuro. In case na magising pa ako sa tabi mo after nito, please love me more than you do today and take good care of me. Alright?” anitong muling hinalikan sa kaniyang labi si Figuro na hindi pa rin makuha kung ano ang ipinapahiwatig niya.
“What do you mean—”
Bago pa magawang sagutin ni Figuro ang tinuran ng kaniyang fiancee ay nagkagulo na sa loob ng convention center. Nagtakbuhan ang mga bisita palabas roon nang dahil sa sunod-sunod na alingawngaw na putok ng baril na hindi nila malaman kung saan na ito galing at kung saan din ito unang tumama.
Natatarantang hinawakan ni Figuro ang kamay ng fiancee, akmang kakaladkarin na ito palabas upang tumakas habang ang mga mata ay nagpapalinga-linga na sa mga nangyayari sa paligid. Nang hindi niya ito mahawakan ay nilingon niya na ito upang magulat lang sa tumambad sa kaniyang nasaksihang hitsura na ng kasintahan niya.
“Dani?!” nahihintakutang bulalas ni Figuro sa kasintahasang kaagad na bumulagta sa sahig at bumakas na ang kulay pulang likido sa dibdib ng suot niyang peach na gown. “Babe?! Danielle!” umaalingawngaw niya pang tawag sa pangalan ng fiancee niya.
Walang kakurap-kurap niya itong mahigpit na niyakap habang nanlalabo na ang paningin niya sa kanyang mainit na luha. Alam niya sa kanyang sarili na sumisigaw siya, humihingi ng tulong pero hindi niya marinig ang sarili niyang tinig. Bago pa man niya ito mabuhat at tuluyang umalis sa lugar ay nagpasukan na doon ang mga hindi kilalang lalake na nakasuot ng bonet at pinaulanan pa silang muli ng mga bala.
“No! This is not happening! It was just a dream! A nightmare!” malakas na sigaw ni Figuro na isinangga ang kaniyang katawan sa nobyang unti-unting lumulupaypay ang katawan habang ang dugo nito ay patuloy sa pagdanak na parang nakabukas na gripo. “Babe wake up! Danielle, don't leave me! Pakiusap, Dani, l-lumaban ka! Pakiusap!”