Magmula noon ay palagi ng kinakausap ni Figuro si Rani na ang buong akala niya ay si Dani na kanyang kaklase. Tuwing nakikita niya ito sa park o kung saan man ay walanghiyang nilalapitan niya ito hanggang sa hindi niya na namamalayan na nahuhulog na ang loob niya dito. Ilang beses niyang inamin na ang una niyang nagustuhan ay ang mga mata nitong bukod sa madaling mabasa ay punong-puno iyon ng kakaibang kinang. Nasa iisang subdivision lang sila nakatira kung kaya naman ay hindi naging mahirap para kay Figuro na araw-araw na makita si Rani na panay ang labas tuwing hapon upang maglakad-lakad at kung saang park pa tumatambay upang magpalipas lang ng oras. Hindi siya sanay na manatili lang sa loob ng bahay, lalo na at wala rin doon ang kanyang ina. Nasa trabaho ito, kung kaya naman sinasabayan niya rin itong umalis.
“Tapos alam mo ba Dani, one time nagulat na lang ako bigla na lang siyang tatabi sa upuan ko at magsasalita. Parang sira, kung may sakit lang ako sa puso baka inatake na ako sa moves niya na parang isang multo.” patuloy na kwento pa ni Rani na nilakipan pa iyon ng malakas na pagtawa, kagaya ng kakambal niya ay halatang aliw na aliw ito sa katauhan ni Figuro. Sino nga bang hindi magigiliw dito sa angkin nitong kagwapuhan? “Tapos iyon unti-unti ay hindi namin namalayan na nakabuo na pala kami ng friendship gamit ko ang pangalan mo.” proud na saad ni Rani sa kakambal niya.
“Kaya naman pala sobrang feeling close niya sa akin dahil ganun ang mga nangyari, Rani. Sinong mag-aakala na noong magpasukan na kami ay kung sinong close niya sa akin. Muntik ko pang isipin na baka nasapian siya.” paimpit na tili at saad ni Dani na gumugulong na noon sa kanyang higaan, habang kagat ang labi at yakap ang unan.
Hindi niya man aminin ay kilig na kilig siya sa mga nangyayari sa kanilang dalawa nito.
“Pagkakataon mo na iyan Dani, huwag mo ng palagpasin pa at baka lumipad, sige ka!”
“Tama ka diyan Rani, hindi ko dapat na palagpasin ang pagkakataon. Maraming salamat sa’yo!” hagikhik pa nitong itinaas na ang dalawang paa at isinipa-sipa sa hangin. “Ikaw ang aming tulay at kupidong dalawa!”
“You’re always welcome, Dani. Wait a minute, I need to hang up now Dani. Narito na si Daddy.”
“Alright, ingat kayo diyang dalawa ni Daddy.” may lungkot man ay pagpayag na rin nito.
“Kayong dalawa rin diyan ni Mommy, Dani.”
“Okay. Tawagan mo lang ako kapag may pagkakataon ka ulit. Sasagutin ko, Rani.”
Napadalas pa silang mag-usap na dalawa, nakasubaybay si Rani sa pag-iibigan nilang dalawa ni Figuro. Hindi niya man iyon nakikita, masaya siya para sa kakambal. Naghiwalay man ang kanilang mga magulang ay hindi nila pinutol ang koneksyon nila bilang magkapatid. Patuloy na gumagawa sila ng paraan para mag-usap.
“I hope you were here, Rani...” mahinang usal sa hangin ni Dani na patuloy pa rin sa kanyang mabagal na paghakbang.
Hindi niya maiwasang makaramdam ng emosyon ng lungkot ng mga sandaling iyon. Tanging ang kanyang ina ang naroon, ang PA niya at ilang mga naging kaibigan sa industriyang kanyang ginagalawan. Bahagya pang naulinigan iyon ni Figuro ngunit hindi niya na pinansin pa lalo na nang tawagin na silang dalawa ng MC upang umakyat na ng entablado. Magsasalita sila doon at pagtitibayin ang panimula ng nasabing okasyon na patungkol sa engagement.
“Kayong dalawa sana ni Daddy, Rani, kaya lang ay imposible na iyon. Ilang taon na nang magpahinga si Daddy sa heaven.”
“Are you okay, Babe?” mahinang tanong ni Figuro sa nobya nang marinig niya ang mahinang pagsinghot nito, “Is there something wrong?” hindi niya maarok kung bakit ngayon ay mayroong lungkot na dito.
Mabilis ang ginawang pag-iling ni Dani.
“I am fine...” ngiti niya pa na pilit itinatago ang gumagapang na lungkot sa kanyang puso, sa mga oras na iyon ay hinahangad niyang sana ay dumating ngayon si Rani.
“Are you sure?”
“Hmmn...”
Kasabay nito ay ang pagbaha ng mga sinabi ng kaniyang kakambal sa kaniya nang sabihin niyang kailangan niyang umuwi ng Pilipinas para sa engagement party niya.
“Pasensiya ka na Dani kung hindi talaga ako makakapunta. Huwag kang mag-alala, sa kasal mo ay sisiguraduhin kong darating ako upang maging maid of honor mo. Pangako iyon. Hindi kita bibiguin sa araw na iyon.”
Malakas na umalingawngaw sa buong paligid ang masigabong palakpakan nang kunin na nina Dani at Figuro ang mikropono upang magsalita na sa pambungad na pagtitipon. May panginginig man nang dahil sa kabang kanilang nararamdaman ay agad iyong natakpan ng matingkad nilang mga ngiti. Punong-puno ng umaapaw na pag-ibig ang palitan ng kanilang mga titigan, titigan na tanging sila lamang dalawa ang tanging nakakaalam ng tunay nitong kahulugan.
Tumigil na rin ang instrumental na awitin na pumapailanlang sa kanilang paligid upang bigyan sila ng kalayaang makapagsalita, makapagpasalamat sa lahat ng mga pumunta. Nasundan pa iyon ng mga pagsipol na halatang nanggaling sa ilang empleyado ni Figuro na naroon at masayang-masaya sa mga nangyayari ngayon. Halos mapuno ang venue ng mga bisita na nakasuot lahat ng pormal attire. Hindi mapigilan ng mga bisitang mapatayo nang makita nila ang pagtayo ng magkasintahan sa unahang entablado.
Kaalinsabay noon ay ang kislapan ng mga camera ng mga photographer na ini-hire ng kompanya upang makunan ang makasaysayang araw na iyon at ng mga reporter na nakikiusyuso sa kanila. Samahan pa ng hiwayan ng mga kapwa modelo ni Dani na may haplos ng inggit ang mga mata, lahat ng kaniyang mga nakasama sa trabaho ay dumalo na kung tawagin ng mga ito ay engagement party ng taon. Para sa kanila ay sobrang swerte na ng kaibigan nilang si Dani ngayon na nakatagpo ng lalakeng mamahalin siya nang buong-buo. Maswerte siyang maiituring dahil ang ibang nakatagpo ng kagaya nito ay nauwi lang sa hiwalayan.
“Good evening, ladies and gentlemen!” kuro nilang saad ni Figuro na bahagya pa doong naghinang ang mga mata na punong-puno ng umaapaw na pagmamahal.
Wala mang ibang mga salitang mamutawi sakanilang mga bibig, tinginan pa lang ay alam na nila kung ano ang nais na ipahiwatig at iparating ng kanilang mga mata. Pintig ng puso ang nag-uusap sa kanilang dalawa at hindi ang kanilang mga tinig. Bagay na minsan lang matagpuan sa dalawang taong tunay na nagmamahalan.
“Thank you for coming sa araw na ito kung ay saan ay ia-anunsyo namin ang nalalapit naming kasal. Sana ay hindi kayo mawala sa araw na iyon upang saksihan pa ang pagpapatuloy ng aming pagmamahalang dalawa.” patuloy ni Dani na bagama’t may hiya sa kaniyang tinig ay may confidence pa rin, iyon ay nang dahil sa nobyong si Figuro.
“Ah, yes, thank you for giving us time. Alam naming busy kayo pero mas pinili niyo pa rin ang dumalo at magtungo dito.” segunda na doon ni Figuro na nakangiti pa rin habang lumilibot na ang kaniyang nakangiting mga mata sa kabuohan ng paligid.
Hinahanap nito ang table ng kaniyang mga magulang at ng nag-iisang nakakatandang kapatid na lalaki. Nang matagpuan na iyon ay malawak na siyang ngumiti, higit pang lumapad ang kaniyang mga ngiti sa labi nang itaas ng kapatid ang baso ng hawak niyang alak na simbolo nang pagbati nito sa kanya. Minsan lang sila kung magkita dahil nananatili ito sa Spain, at kung magkita man sila ay kung may mahahalagang okasyon lang iyon na kagaya na lang ngayon.
“Thank you for coming Kuya Florentin,” banggit niya pa sa pangalan ng kapatid na nasundan ng malakas na palakpakan.
Hindi sila madalas na magkasundo nito tungkol sa mga bagay-bagay, ngunit nag-uusap pa rin naman silang dalawa ng casual at kapag tungkol sa negosyo nila. Marahil ay dahil iyon sa malaking agwat ng kanilang edad, at ng magkaiba nilang pananaw sa buhay na kanilang tinatahak.
“Mukhang mauuna ako sa'yont ikasal, Kuya.”
Umani pa iyon ng malakas na tawanan mula sa kanilang mga kamag-anak na para kay Figuro ay isang biro lang, ngunit para naman kay Florentin ay isa iyong pang-iinsulto nito.