Namumugto at namumula ang mga mata ni Rani na nakatago sa likod ng itim na sunglasses. Bangag ang kanyang itsura at namamalat ang tinig. Lutang din ang isipan at halos sumayaw na sa panginginig ang dalawang tuhod ng dalaga nang lumabas siya ng exit ng NAIA. Hila-hila niya ang katamtamang laki ng maleta. Nakasuot siya ng kupas na fitted na maong pants, may partner na black boots na umaabot sa kanyang tuhod. May taas na 2 inch ang manipis nitong bakal na heels. Ipinapakita ng kanyang suot na puting croptop ang kaaya-aya at ang makinis na balat niya sa tiyan na may palabas pa ng pusod.
Sa taas na 5’7 ay aakalain ng makakakilala sa kanya sa airport na siya ang sikat na modelong si Dani, ngunit dahil kumalat na sa bansa ang balita na nasa hospital ito kung kaya naman ay walang mag-aabala na tanungin kung sino siya. Kung may makapansin man noon ay ang iisipin nila ay kahawig lang siya ng modelo. Iba nga lang ang taste nilang dalawa sa pagsusuot at pagdadala ng damit. At kahit na nakasuot siya ng madilim na salamin sa kanyang mga mata ay hindi noon nagawang itago ang pamamaga nito bunga ng kanyang matagal na pag-iyak nang umabot ang balita sa kanya ng biglang pagpanaw ng kanyang kakambal. Mababanaag ang pagod sa hilatsa ng kanyang hitsura, ang pagod sa malayong biyahe na kanyang ginawa mula pa sa Dallas patungong Manila. Umabot iyon ng twenty hours, sa loob ng mga oras na iyon ay wala siyang ibang ginawa kung hindi ang umiyak nang dahil sa malupit na kapalaran na sinapit ng kakambal niya.
“Rani, anak...wala na si Dani...iniwan na niya tayo...” humahagulgol na sambit ng kanyang ina gamit ang namamaos na tinig nang pupungas-pungas na sagutin niya ang tawag nito bandang alas otso ng umaga ng araw ding iyon. Napukaw siya nito sa pagtulog. “Rani, naririnig mo ba ako? Iniwan na tayo ng kakambal mo, wala na si Danielle...”
“Hello? Mom? What are you talking about? Anong iniwan? Saan siya pumunta? Bakit ka umiiyak? Anong nangyari diyan sa Pilipinas?” sunod-sunod niyang tanong na agarang napabangon sa kama. Halos kakadilat pa lang ng kanyang mga mata at iyon na agad ang bumungad sa kanya. “Please enlighten me. Anong nangyari?”
Pumiyok na ang tinig niya pero hindi niya iyon ipinahalata sa kanyang ina. Ayaw niyang makadagdag ng bigat sa sitwasyon.
“Iniwan na niya tayo, Rani. Wala na ang kapatid mo, anak.” sagot nitong muli na namang umatungal ng iyak, nanikip na ang kanyang dibdib at nahirapan ng huminga.
“Mom? Make it clear, please! What do you mean na iniwan na niya tayo? Na wala na?”
Hindi niya agad na-proseso ang sinabi nito kaya ang buong akala niya ay nagbibiro lang ang kanyang ina. May hint na siya pero syempre, ayaw iyong tanggapin ng utak niya. Ayaw din tanggapin ng isipan niya dahil parang panaginip lang ang lahat ng ito.
“W-Wala na siya, Rani, wala na si Dani.”
Mabilis ng napakurap-kurap ang mga mata ni Rani, nahihimigan niya ang gusto nitong iparating ngunit in-denial lang siya ng mga sandaling iyon. Ramdam niya ang sakit sa tinig ng ina, pero ayaw niyang ikumpirma pa.
“Where did she go ba? Nauna na ba ang honeymoon nilang dalawa ni Figuro sa kasal, ha?” pagbibiro niya pa kahit na dinig na dinig niya ang pamamalat ng tinig ng ina, nais niyang idaan iyon sa biro at hilingin na bawiin ng ina ang mga sinabi nito kanina. Gusto niyang sabihin nito na pina-prank lang siya dahil sa hindi siya umuwi. Pilit siyang ngumiti, pinasaya pa ang tunog ng tinig niya. “Ang daya naman niya—”
“Wala na si Dani anak, umuwi ka dito Rani, p-pakiusap...umuwi ka muna dito...hindi ko na alam ang gagawin ko. Mawawala na ako sa tamang katinuan sa mga nangyayari dito.” muling hagulgol nito ng iyak na naging dahilan upang maputol ang sasabihin niya.
Napawi na ang mga ngiti sa labi ni Rani na agad namasa ang bawat sulok ng kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa mga narinig sa kanilang inang nagsimula na naman doong pumalahaw ng iyak.
“P-Paano siya nawala? Paano niya tayo iniwan?” tanong niya para kumpirnahin iyon. Pakiramdam niya ay para siyang nauupos. “Hindi ko maintindihan, M-Mommy.”
Isip-isip niya ay hindi naman siguro ito magsasayang ng maraming luha kung pina-prank lang siya. At wala ‘ding dahilan upang gawin iyon ng kanyang ina na gusto siyang umuwi nang mabilisan. Sa isip niya ay mukha nga yatang may kung anong nangyari sa Pinas at kailangang umuwi siya.
“Binaril siya Rani, sa mismong araw ng engagement party niya. Sa puso niya iyon tumama kung kaya naman kahit pilitin siyang isalba ay hindi na nagawa pa. Can you imagine that? Pinatay siya, Ranielle..” dagdag pa nitong naging dahilan upang higitin na ni Rani ang kanyang hininga, hindi na alam kung totoo pa ang naririnig niya o bahagi lang iyon ng masamang panaginip. “Pinatay nila ang kakambal mo anak, pinatay nila si Dani ng walang laban. Hindi ko ito matanggap, hindi ko matanggap Rani, na ganito lang mawawala sa atin si Dani. Hindi ko matanggap! Labis-labis ang hinanakit ko sa tadhana, at sa mismong fiancee niya!”
“M-Mom, you are not kidding, right? Hindi niyo ako binibiro ni Dani para lang umuwi? Huwag niyo naman akong takutin ng ganito!” nanginginig ang boses na pakiusap ni Rani sa ina, hindi siya nito sinagot na tanging malakas lang na pag-iyak ang naging tugon. “Mom? Tell me the truth! You are lying! How is that possible? Hindi iyan totoo! Paano mangyayari iyon eh, kahapon lang bago ako matulog ay kausap ko pa siya? Nangako pa siya na magkikita kami sa araw ng kasal.”
Hindi na namalayan pa ni Rani ang pagbagsak ng kanyang mga luha. Maya-maya pa ay pumalahaw na siya ng iyak na mas malakas sa iyak ng ina. Naisin man niyang yakapin ang ina upang maibsan ang kirot at sakit ng katotohanan ay hindi magawa dahil sa distansiyang naglalayo sa kanilang mag-ina.
“Rani...” patuloy nitong pagluha ng pagtangis sa kabilang linya, punong-puno iyon ng sakit at hinanakit sa mga nangyari sa isang anak, “Umuwi ka muna, umuwi ka muna dito...”
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Rani sa kanyang mga narinig. Hindi niya na naunawaan pa ang mga sunod na sinabi ng kanyang ina dahil nahulog na ang hawak niyang cellphone na nakadikit kanina sa kanyang tainga. Sa mga sandaling iyon ay para siyang nakalutang, nasa loob ng isang napakadilim na bangungot. Hindi niya pa rin mapaniwalaan ang mga bagay na kanyang nalaman buhat sa ina. Ayaw niya itong paniwalaan. Nasa in-denial stage pa rin siya.
“Hindi ito totoo, hindi totoo ang mga narinig at nalaman ko! Hindi totoong iniwan na kami ni Dani, buhay siya! Dadalo pa ako sa magiging kasal niya, dadalo pa ako doon!”
Natutop na niya ang bibig na kanina pa doon tinakasan ng dugo. Walang pakundangan na siyang naglupasay, isinipa-sipa ang mga paa na para bang kapag ginawa niya iyon ay maiibsan ang sakit na nararamdaman niya. Hanggang sa tuluyang humandusay na siya sa sahig habang hawak niya ang naninikip sa sakit na dibdib. Walang pagsidlan ang hinanakit na nakalarawan sa mukha sa pamamagitan ng mga luha niyang walang kapaguran sa pagbagsak at pagbaba. Masamang-masama ang loob niya sa kapalaran, sobrang sama nito to the point na paulit-ulit siyang mapamura at sisihin ang Tadhanang labis na makapangyarihan.
“Rani? Nandiyan ka pa ba anak?” tigmak sa luha pa ‘ring tanong ng kanyang ina mula sa kabilang linya, ilang beses na paulit-ulit na umiling si Rani habang patuloy pa rin sa kanyang malakas na pag-iyak. Hindi pa rin makapaniwala sa nabalitaan niya. “U-Umuwi ka muna dito anak, hindi ko ito kayang harapin nang ako lamang. Tulungan mo ako.”
Nang mamatay ang tawag ay malakas nang pinakawalan ni Rani ang kanyang mga hikbing pilit niyang pinigilan na kumawala kanina. Patuloy na nanlabo ang mga mata niya, hindi niya alam kung saan niya na huhugutin ngayon ang lakas ng loob. Ang kapatid na kasabay niyang iniluwal ng ina ay wala na, ang kapatid na kasama niya sa loob ng siyam na buwan sa sinapupunan ng ina. Ang kakambal na kausap niya pa bago pa maganap ang engagement party nito sa kanyang nobyo. Ang kakambal na araw-araw niyang ninanais na makita at makasama. Hindi na sila sabay na tatandang dalawa.
“D-Dani...anong nangyari? Bakit mo ako iniwan? A-attend pa ako ng kasal mo hindi ba? Magkikita pa tayong muli! Bakit naman ganito ang nangyari? Bakit ka bumitaw? Bakit ka pumayag na apihin ka nila ha?” walang patid ang pagbalong ng kanyang mga luha sa mata, hindi niya na napigil pa ang ragasa ng emosyon nang dahil sa balitang iyon. “I am sorry, kakambal ko, D-Dani...” patuloy niyang hagulgol na alam niyang tanging iyon lang ang magagawa.