Samantalang kabaligtaran naman ang mga nangyayari sa Pilipinas. Umaalingawngaw ang malakas na patuloy na serena ng ambulance na may dala ng katawan ng magkasintahan na parehong walang malay. Naliligo sila sa kanilang sariling dugo, habang magkatabing lulan ng sasakyan. Ang masaya sanang okasyong iyon ng dalawa ay nauwi sa nakaka-trauma at masaklap na pangyayari para sa mga taong dumalo sa nasabing engagement party. Ganun na lang ang iyak ng kanilang mga kapamilya na hindi alam ang paunang mga gagawin. Panay ang usal ng malakas na panalangin ng ina ni Dani na mugtong-mugto na ang mga mata.
Balisang-balisa ito habang panaka-naka ang sulyap sa kanyang anak na namumutla na. Hindi malaman kung papalahaw ba ng iyak o muling yayakapin ang katawan ng anak niya.
“Iligtas niyo po si Dani panginoon, iligtas niyo po ang a-anak ko. Hindi pa po ako handa na bitawan siya. Huwag niyo po sanang kunin siya agad sa akin. Napakarami pa pong pangarap ng aking anak. Hindi pa rin sila muling nagkikita ng kanyang kapatid. Ipag-adya mo po siya sa kung anumang kapahamakan ang nagbabadya sa kanila ngayon ni Figuro. Panginoon, dinggin niyo po ang kahilingan ko. M-Maawa po kayo. Huwag niyo po muna siyang babawiin sa akin.” tigmak sa luhang paulit-ulit na pakiusap ng Ginang habang nanginginig ang buong kalamnan at maging ang katawan.
Hindi pa rin niya magawang e-proseso ang mga nangyari na sa sobrang bilis ay parang hindi kapani-paniwala. Hindi niya lubos na maisip na sa loob ng isang kisap ng mata ay ganito na agad ang mangyayari sa kanila.
“P-Pakiusap po Panginoon, huwag niyo po muna siyang kukunin sa akin. Hindi pa ako handa. Hindi ko po iyon matatanggap.”
Mahigpit na magkadaop ang dalawa niyang palad na nababalot ng sariwang dugo ng anak. Iniyakap niya iyon kanina bago pa ito mabuhat ng mga rescuer na sumaklolo dito.
“Pakinggan niyo po sana ang pakiusap ko. Hipuin niyo po si Dani at Figuro ng sa ganun ay mabilis silang gumaling, Panginoon.”
Pagdating nila ng hospital ay ideneretso sa magkaibang operating room ang dalawa. Iyon ay upang tanggalin ang balang nasa ulo ni Figuro at ang mga balang nasa puso naman ni Dani, malalim na dito ay nakabaon. Habang nasa operasyon ang dalawa ay walang tigil pa rin sa pag-usal ng panalangin ang Ginang na nanatili sa labas ng operating room. Naniniwala at puno ng pag-asang naghihintay ng magandang magiging resulta.
Tumagal ng ilang oras ang operasyon bago lumabas ang doctor na sinubukang isalba pa ang buhay ng modelong si Dani, ngunit nabigo itong gawin iyon dahil sa halos malagutan na ito nang hininga nang dahil sa halos maubusan na ito ng dugo. Hindi lang isang bala ang nasa puso niya bagkus ay tatlong bala na siyang tuluyang tumapos at pumutol sa kaniyang huminga at lumaban, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
“I am sorry for your loss, Ginang. Ginawa na po namin ang lahat pero hindi na po talaga kinaya ng inyong anak ang balang bumaon sa kanyang puso. Lumaban siya. Inilaban din namin siya kahit sa katiting na pag-asa, pero hindi na kinaya ng katawan niya at halos maubusan na rin siya ng dugo nang dahil doon.” paliwanag ng doctor na maluha-luha pa sa masamang balitang iyon, kita rin ang panghihinayang sa buhay ni Danielle.
Isa siya sa libo-libong mga fans ni Dani, hindi niya man iyon tahasang aminin sa harapan ng ina nitong tulala na ngayon. Batid niya sa kanyang puso na mas malayo pa sana ang mararating ng modelong iyon.
“Hindi...hindi iyan totoo, doctor.” mariing paulit-ulit na pag-iling ng Ginang na hindi pa rin makapaniwala sa kanyang narinig dito.
Mabilis na muling nangilid ang kanyang masaganang luha. Kitang-kita ang pait sa kanyang mga mata, ang sakit ng inang nawalan ng minamahal niyang anak.
“H-Hindi totoong wala na ang anak ko! Hindi totoo ang sinasabi mo! Buhay siya! Doc, bawiin mo ang sinabi mo! Pakiusap!” hawak na nito sa gown ng doctor na nababalot ng sariwa pang dugo ng kanyang anak na si Dani. Pahisterikal na siyang pumalahaw ng iyak, hindi alintana ang nasa paligid niya. “Bawiin mo Doc! Sabihin mong hindi totoo!”
Umiling ang doctor, “Pasensiya na po Misis, ginawa po namin ang lahat ng makakaya—”
“Sinungaling kayo! Kung ginawa niyo ang lahat ng iyon, naisalba niyo sana ang anak ko! Pinabayaan niyo siya! Hinayaan niyo!” akusa niyang alam niyang mali pero wala siyang ibang masisi ng mga sandaling ito. “Hindi siya pwedeng pumanaw Doc, hindi pwede! Hindi siya pwedeng mawala sa ganitong paraan! Hindi ko matatanggap! Hindi ko kayang tanggapin ang nangyari!”
Napuno ng malakas na hagulgol, walang katapusang palahaw ng paghihinagpis at pagtangis ang buong hallway na iyon ng hospital mula sa Ginang na inulila ng kaniyang minamahal na anak nang hindi niya inaasahan. Walang pakundangang humandusay pa ito sa malamig na sahig ng hospital na parang kapag ginawa niya iyon ay magbabalik ang lumisang anak. Kaagad naman siyang sinaklolohan ng doctor na awang-awa pa rin ngayon sa Ginang. Kahit anong gawin doon ng Ginang ay hindi niya makayanan ang sakit, ang kirot sa nalaman. Ang pangungulila nito sa pumanaw na anak na kanina lang ay masayang-masaya pang mahigpit ang yakap sa kanya at paulit-ulit na nagpapasalamat sa pagiging mabuting ina.
“Misis!” sigaw ng Doctor nang mawalan ito ng malay-tao. Ilang minuto lang ang itinagal noon at nagkamalay din naman kaagad. “Kalamayin niyo po ang sarili niyo at baka kayo naman ang bumigay. Sino na pong mag-aasikaso sa inyo kapag nawala kayo?”
Habang patuloy na lumuluha ay namumuo na ang galit at poot sa dibdib ng Ginang sa pagiging hindi sobrang secure ng venue ng engagement party. Sa kanyang isipan ay naturingan pang maraming mga bodyguards ang naka-standby doon pero nagawa pa rin na may mangyaring sakuna sa area. Sa isip niya ay hindi sila handa o kung hindi naman ay sinadya ang trahedyang iyon. Hindi siya naniniwala na ang nangyari ay aksidente. Planado iyon at naniniwala ang Ginang na sinadyang gawin iyon sa kaniyang walang labang anak. Sinadya nilang ipapatay ito dahil kung hindi ay hindi sana sa dibdib ang tama ng bala ng baril. Hindi ito pupuruhan.
“Pagbabayaran niyo ang lahat ng ito! Hindi ako papayag na palampasin ang nangyari! Bibigyan ko ng hustisya ang pagkawala ni Dani, hahanapin ko ang gumawa nito sa kanya! Hindi man sila managot sa batas, sisiguruhin ko na mananagot sila sa akin!”
Nagngangalit ang ngipin na ubod lakas na siyang umiyak doon kasabay ng pangako niya sa katawan ng anak na wala ng buhay. Pagbabayaran nila ang ginawa nilang ito na masalimuot na pagpaslang kay Danielle.
“Magbabayad kayong lahat ng doble dito!”