Nang araw na iyon ay hindi na pumasok si Rani sa opisina. Nilakad niya ang mga papers na kailangan niya sa biglaan niyang pag-uwi ng Pilipinas. Dumaan lang siya sa opisina upang ipabatid ang kanyang gagawing biglaang pag-uwi ng bansa, kinabukasan ng araw 'ding iyon. Walang nagtanong o naglakas ng loob na alamin ang kanyang mabigat na dahilan, iginalang ng mga employee ang naging pasya niya na mostly ay mga Pilipino dahil iyon ang ginustong i-hire ng yumao niyang ama.
Wala ‘ring nagtangkang mag-usisa pa nang makitang namumugto ang kanyang mga mata. Alam ng mga ito na kusa siyang magbubukas sa kanila kapag umayos na ang lahat o ang pakiramdam niya. Siya na mismo ang magsasalaysay sa mga nangyari sa buhay niya at hihintayin lang nila ang tamang pagkakataon upang makinig dito.
“Thank you very much sa inyong lahat,” naluluha na namang yukod niya sa kanila dahil sa na-appreciate niya ang gawi nila.
Malaki pa rin ang pasasalamat niya sa kanila na mayroong malawak na pang-unawa, lalo na ang mga branch manager ng coffee shops na halatang maaasahan sa lahat ng oras. Bukas-palad niyang ipinagkatiwala ang mga iyon sa kanila sa kanyang saglit na pag-alis ng bansa. Alam niyang magiging mahirap ang lahat, ngunit kailangan niyang tanggapin iyon at alalayan ang kanyang inang kagaya niyang naulila ni Danielle.
“Hindi ko alam kung hanggang kailan ako doon magtatagal ngunit pipilitin kong araw-araw na makipag-ugnayan sa inyo kahit through emails lamang or via zoom.”
Nang araw ‘ding iyon ay natapos niya ang kanyang mga papeles. Nakabili na rin siya ng plane ticket patungong Pilipinas. Hindi niya alintana ang pagod, ni hindi siya makaramdam ng gutom. Buong gabi bago ang kanyang flight ng madaling araw kinabukasan ay nanatiling nakamukmok siya sa sulok at gilid na bahagi ng kanyang kama. Walang patid na umiiyak. Sinasariwa niya ang mga naging huling alaala ng kanyang kakambal sa kanya. Paulit-ulit na binabalikan niya ito sa kanyang malabong isipan. Mga alaala na kailanman ay hindi na muling madadagdagan pa dahil wala na si Dani sa mundo. Lumisan na ito, sumama na sa paraiso kung nasaan ang kanilang ama.
“I am sorry, Dani, kung umuwi siguro ako ay hindi iyan mangyayari sa’yo. O kung nangyari man ay magagawa sana kitang iligtas, hindi mo sana kami agad iiwan ni Mommy dito.”
Marahas na pinalis ni Rani ang kanyang mga luha matapos na tanggalin ang suot na sunglass na nagkukubli ng kanyang magang-magang mga mata. Muli niyang ibinalik iyon nang mapansin ang kakaibang paninitig ng mga kapwa niya pasahero. Baka nakukuha na nilang may kamukha nga siya. Ayaw naman niyang sirain ang imahe ni Dani na kanyang iiwan sa kanyang tagahanga.
“Taxi!” para niya sa sasakyang dumaan.
Ang pag-uwi niyang iyon ay ibang-iba sa mga nakaraang pag-uwi niya kung saan ay palagi siyang may sundo sa katauhan ng kakambal. Ngunit sa pagkakataong ito ay wala. Bagay na lalo niyang ikinalungkot. Naisip niya na hindi lang ngayon iyon dahil sa mga susunod na pagkakataon ay mauulit pa na wala na talagang susundo sa kanya.
Walang imik na isinakay ni Rani ang kanyang maletang dala sa likod ng sasakyan. Pilit ang ngiting binalingan niya ang driver nang mapansing mariing nakatitig na ito sa kanya.
“Makati Medical Center,” banggit niya sa hospital kung saan matatagpuan ang ina at ang katawan ng kanyang kapatid.
Tumango lang ang driver, binuhay ang metro at ilang saglit pa ay umalis na sila sa NAIA.
Pagpasok pa lang ng entrance ng hospital ay muling bumabagsak na naman ang mga luha ni Rani. Hindi niya pa rin suka’t-akalain na ang muling pagkikita nilang dalawa ng kapatid ay sa ganitong paraan mangyayari.
“Ang saklap naman Dani, sa ganitong paraan tayo muling magkikitang dalawa.”
Bahagyang natigilan siya sa may entrance ng hospital at hinubad na ang suot na sunglasses upang palisin ang mga luhang hindi niya mapigilang bumaha. Bumubugso na naman ang kanyang damdamin na animo ay malakas na bagyo na anumang oras ay mananalasa sa buong katawan. Mababakas sa mga mata ang labis na sakit na hinaluan ng matinding hinanakit sa mga pangyayari.
Gumilid pa si Rani sa may pinto at tumalikod sa daanan ng mga taong labas-pasok sa nasabing entrance ng hospital. Pagkasakay niya ng taxi kanina ay nag-text na siya sa inang patungo na siyang hospital. Ala-una pa lang iyon ng madaling araw kung kaya naman kakaunti ang mga taong dumadaan.
“Rani!” mahigpit na yakap ng kanyang ina sa kanya habang humahagulgol muli ng iyak na para bang walang kapaguran sa pagluha. Walang pag-aalinlangan na ginantihan na niya ito ng mahigpit na yakap. “Wala na si Dani, anak. W-Wala na ang kapatid mo.” sumbong nitong halos ay matumba na doon.
Mababanaag sa Ginang ang ilang gabing wala itong tulog at pahinga. Pilit niyang nilalabanan ang masakit na trahedyang nangyari sa isa niyang anak.
“M-Mommy...” ganting yakap ni Rani sa ina, mababakas ang pananabik na muli itong mayakap at makita na kagaya ngayon. Iyon nga lang ay may kaagapay iyong masakit na katotohanang nangyari sa kapatid niya.
“Wala na ang kapatid mo, Rani, wala na...” patuloy nitong pagtangis na halos takasan na ng lakas at panawan na ng ulirat.
Ang pinipigilang pagluha ni Rani ay hindi niya na nagawa nang patuloy na gantihan niya ng mahigpit na yakap ang kanyang ina. Malakas na rin siya doong umiyak na tanging kanyang magagawa upang ilabas ang lahat ng sakit at hinanakit niya dito. Binitawan niya na ang handle ng maleta at ipinatong ang baba sa balikat ng inang lumung-lumo pa rin ng mga sandaling iyon. Animo ang hangin sa kanilang paligid ay naging makapal at makaubos ng kanilang hininga. Ngayon ay mas lalo pa nilang naramdaman ang lungkot, ang pangungulila sa biglaang paglisan ni Dani sa mundo.
“Paano iyon nangyari, Mommy? B-Bakit iyon nangyari sa kanya? Bakit?” paulit-ulit niyang tanong kahit na alam niyang hindi rin alam ng kanyang ina kung paano ito sasagutin.
Masakit ang bawat tunog ng kanyang mga hikbi. Pakiramdam niya ay wala ng silbi ang kanyang buhay ngayon, lalo pa iyong tumindi nang lumabas sa kanyang balintataw ang pagpanaw ng kanyang ama. Marahil ay naging handa nga siya doon dahil nagpaalaga pa ito, ngunit iba ang naging kaso noong kay Danielle na bigla na lang nangyari. Hindi nila napaghandaan ng ina.
“Bakit naman biglaan?”
Napuno pa ng masakit na tunog ng kanilang mga iyak ang bandang iyon ng ospital. Walang nagawa ang kanyang ina kung hindi ang aluin siya, haplusin ang kanyang likod at ang hanggang balikat niyang buhok. Hindi nito magawang punasan ang kanyang mga luha dahil ang mga luha nito sa mukha ay patuloy ‘ding bumabaha. Naging sandigan nila ang bawat isa ng mga sandaling iyon.
“H-Hindi ko matanggap, Mommy. Hindi ko kayang tanggapin ang nangyari! Kailangan na mabigyan ng hustisya ang pagkawala ni Danielle. Ang bata pa niya! Ang lakas pa niya. Ni wala rin siyang kahit na anong sakit kung kaya bakit?” pagwawala pa doon ni Rani, hindi alintana ang mga dumadaang napapatingin na sa kanilang mag-ina.
Kulang na lang ay maglupasay siya doon upang ipakita sa Tadhana ang galit niya; ang sama ng loob niya sa mga nangyari!
“Hindi ko kayang tanggapin na bigla na lang naging ganun ang kapalaran niya...”
Doon na hinawakan ng Ginang ang magkabilang balikat ni Rani at inilayo ito sa kanya. Nagtagpo ang kanilang mga matang kapwa namumula, namamaga at parehong hilam pa rin sa mga luha ng sandaling iyon. Hindi rin kayang ilarawan sa kanilang mga tunog ng hikbi ang paghihinagpis na nararamdaman. Walang katumbas na kahit na anong mga salita ang sakit at paghihinagpis na kanilang pinagdadaanang mag-ina. Ganunpaman ay wala silang choice kung hindi ang tanggapin ang nangyari bagama’t dinudurog sila nito ng paulit-ulit.
“Hindi ko rin matanggap ang nangyari sa kanya, Rani, hindi ko rin matanggap anak.” pag-amin ng Ginang na muling bumaha ang mga luhang walang pagkaubos, hindi kayang ipaliwanag ng mga hikbi nito ang sakit na pinagdadaanan niya. “Ang dami niya pang pangarap, may magandang bukas pang naghihintay sa kanya kung hindi lang siya nagmadaling magpakasal kaagad sa kanyang nobyong si Figuro.”
Patuloy na bumaha ang mga luha ni Rani, hindi niya na mapigilang ikuyom ang dalawang kamao. Nilalamon ang puso niya ng matinding galit. Medyo nakokonsensiya rin siya dahil feeling niya siya ang may sala kung bakit naging malapit din ang dalawa. Hindi maitatanggi ang sama ng loob niya sa nobyo nitong hindi man lang siya nagawang protektahan ng mga sandaling iyon. Hindi man lang nito nagawang iligtas ang kanyang kakambal ng tinatawag nitong labis niyang pagmamahal. Walang nagawa iyon dahil kung mayroon man, bakit ganito ang sitwasyon nila? Bakit binawian ng buhay ang kakambal niya? Bakit hinayaan niyang mangyari ito? Bakit hinayaan ni Figuro?
“Kung hindi lang sana siya nagmadali, Rani, kung nakinig lang sa akin ang iyong kakambal ay sigurado akong buhay pa siya ngayon. Hindi sana tayong dalawa nahihirapan ng ganito sa sitwasyon.”
“M-Mommy, pangako hahanapan natin siya ng hustisya. Bibigyan ko ng katarungan ang pagkawala niya. Hahanapin ko ang may gawa nito sa kanya at pagbabayarin ko sila ng doble-doble sa ginawa nila sa aking kapatid. Pagbabayaran nila ang lahat! Ako ang maniningil sa kasalanan nila kay Dani!”