Malapad ang mga ngiti ni Dani sa kanyang labi nang magsimula na siyang humakbang papasok ng maingay na bulwagan ng convention na kanilang inarkila. Dito idadaos ang engagement party nila ng kanyang nobyong si Figuro. Salit-salitan ang kislap ng camera sa kanilang harapan, kaalinsabay iyon ng mga papuring paulit-ulit niyang naririnig mula sa mga taong dumalo at nasa kasiyahan. Sanay na sanay na siya doon bilang isang sikat na modelo na tinitingala halos ng karamihan, kung kaya naman ay wala ng pagkailang na makikita sa kanyang kumikinang sa gandang mga mata.
Mabagal ang ritmo ng pumapailanlang na paborito nilang awitin. Isa ito sa mga awitin na niluma na ng panahon pero para sa kanila ay uso pa rin iyon. Ang bawat alaala na mayroon silang dalawa ay kapwa nila binalikan sa kanilang isipan. Halos sumasabay iyon sa kanilang paghakbang at paggalaw ng laylayan ng suot niyang gown. Napapalibutan iyon ng mga palamuting nakadagdag pa sa kaniyang angking ganda.
Mahigpit ang hawak sa kamay ni Dani ni Figuro. Kasalukuyang papasok na sila sa bulwagan ng convention kung saan mas dumami pa ang kislap ng mga camera. Malapad din ang ngiti ni Figuro na proud na proud sa hitsura ng mahal niyang nobya. Marahang pinisil-pisil niya ang palad ni Dani habang panaka-naka ang tingin sa maamo nitong mukha. Mababanaag sa kanilang mga matang dalawa na simbolo ng wagas na pagmamahalan na kahit na anong maging hadlang ay walang makakatibag.
“Babe, gaano ka kasaya ngayon?” paanas na bulong ni Figuro habang tinatahak pa nila ang hallway na nalalatagan ng mga nilagas na petals ng mga puting rosas.
Ang daang itinuturo noon ay patungo at tinutumbok ang naghihintay sa kanilang marangyang entablado. Matikas ang tindig ng lalake na lalo pang lumitaw ang pagiging magandang lalake nito sa kanyang suot na navy blue na tuxedo. Makikita ang pares ng kanyang mga mata ang kahandaan sa event. Kahandaan na dalhin na sa kabilang level ang kanilang ilang taong relasyon ng kanyang nobyang sikat na modelong si Dani.
“Dahil ako, sobrang saya ko ngayon, Dani.”
Kumibot-kibot na ang labi nito na may bahagya pang nginig. Pilit niya mang itago pero hindi ito nakaligtas sa mga mata ni Dani na ngayon ay bahagyang namamasa.
“Hindi ko magawang itago ang saya ko.”
Ilang beses umikot sa ere ang mga mata ni Dani, natatawa na sa reaction ng nobyo niya.
“Tigilan mo nga ako Figuro, engagement pa lang natin ito at hindi pa mismong araw ng ating kasal.” may himig nagbibirong pakli ni Dani na sa loob niya ay naaantig na rin dito ang damdamin, maliit pa niyang kinurot ito.
Ipinakita pa ng hapit na kulay peach na dress ang magandang hubog ng kanyang katawan sa mga taong naroroon. Isa siyang modelo kung kaya naman ay hindi na kataka-taka na mayroong katawan siyang kahanga-hanga ang kurba, hubog at may napakagandang mukha. Isa siya sa mga modelo na in demand sa industriya ngayon. Ilang beses na rin siyang nabigyan ng offer na pasukin ang pag-aartista na palagi niyang tinatanggihan, aniya ay sapat na sa kaniya ang kung anong mayroon siya ngayon. Alam niya sa kanyang sarili na mabubungkal ang buong katauhan niya oras na mangyari iyon, at ayaw niya namang ilagay sa ganung sitwasyon ang kanilang pamilya lalo ang kakambal niyang tahimik na namumuhay sa Dallas. Lumawak pa ang mga ngiti niya nang mamula ang mukha ng kaniyang nobyo.
“Baka mamaya sa araw ng kasal natin, naglalakad pa lang ako ay humahagulgol ka na. Ayoko ng ganun, Babe, baka mamaya hindi na ako tumuloy sa paglalakad, sige ka.”
Pagak na tumawa si Figuro, nasa kalahati na sila ng hallway kung saan mas maraming mga matang nakatingin sa kanila. Hinihimay at sinusuri ang kanilang bawat mga galaw. Bumaba na sa gilid ng beywang ni Dani ang isang palad ni Figuro upang ipakita sa lahat na ang babae ay pag-aari niya. Ang ginawa niyang iyon ay umani ng mas malakas na sigawan ng mga kaibigan nilang dumalo, ng mga employee ng kompanya nila, at ng mga kilalang personalidad sa buong bansa. Bukod sa isang sikat na modelo ang kanyang nobya ay isa rin siyang bagong tanyag na CEO ng kanilang kompanya na may pangalang Abarca Chains of Hotels, kung kaya naman ang halos ng kanilang kamag-anak ay naroon dahil sa ito ay double celebration. Kabilang na doon ang kanyang kapatid na nanggaling pa mismo ng Spain dahil mas pinili nitong doon na mamalagi.
“Alam mo, hindi iyon malabong mangyari, Babe.” naka-angat ang isang gilid ng labi na pagpatol ni Figuro sa sinabi ng nobya niya, kumagat pa ito sa labi niya at bahagyang pinapungay ang kanyang mga mata. “Minsan lang iyon mangyayari sa ating dalawa, bakit ko pipigilin ang emosyon ko?”
Mahinang tumawa na si Dani, lalo pang napapamahal ang kanyang nobyo sa kanya na simula't sapul naman ay gusto niya na. Hinding-hindi niya malilimutan kung paano siya niligawan nito matapos niyang lihim na magbakasyon sa piling ng kanyang ama. Pasukan na nila iyon bilang grade twelve. Lihim na nakipagpalit siya sa kanyang kakambal upang makapiling panandalian ang kanilang ama, ganundin ang hangarin ng kanyang kakambal na miss na ang ina nila.
Noong una ay nagtataka pa siya kung bakit dikit ito nang dikit sa kanya magmula nang magsimula ang pasukan, ang huling natatandaan niya ay hindi naman sila nagpapansinan nitong dalawa kahit na magkaklase sila. Nahihiwagaan siya sa mga galaw nito na hindi na kagaya pa ng dati.
Hanggang isang araw ay nalaman na lang niyang nagpapaalam na itong manligaw sa kanya. At dahil may lihim siyang pagtingin dito ay hindi niya na pinalagpas ang opportunity na iyon. Tumuloy siya, sumugal sa pag-ibig nito kahit na alam niyang hindi naman talaga siya ang unang nagustuhan nito kung hindi ang kakambal niyang si Rani. Hindi niya na inusisa pa kung paano iyon nangyari, ang mahalaga ay siya na ang nilalapitan nito at hindi na siya ang nagpapapansin pa dito. Umalis siya noon na may lihim na pagtingin dito at bumalik na gusto na rin siya nito, kung kaya naman ay ganun na lang ang pasasalamat niya sa kakambal niyang si Rani nang magkausap silang dalawa patungkol sa bagay na iyon.
“What do you mean by that, Dani?” ilang ulit na naguguluhang at puno ng kuryusidad na tanong ng kakambal niya sa kabilang linya.
Bumalik na sila ng kanilang ama sa Dallas USA ngunit hindi pa rin naman naputol ang kanilang communication na magkapatid. Nagpatuloy pa ang kanilang tawagan na animo ay nasa bakasyon lang sila kung kaya hindi magkasama. Ginagawa na nila iyon ng ilang taon at lingid pa rin iyon sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
“Ibig mo bang sabihin sa akin dati ay hindi ka pinapansin ng lalakeng iyon? Seryoso ka diyan?” pangungulit pa ni Rani na malakas ng tumawa sa sumunod na sinabi niya.
“Oo, anong ginawa mo sa kanya ha? Ano bang ipinakain mo sa crush ko, Rani?”
“Wala ah! Nagulat nga ako nang bigla na lang siyang lumapit sa akin. Ang akala ko naman ay magkakilala kayong dalawa.” hindi na mapigilang mapahagikhik ni Rani sa kabilang linya sa kanyang mga nalaman.
Nagkahiwalay sila noong nasa edad sampu pa lang sila ngunit hindi iyon naging hadlang upang hindi na sila mag-usap pa. Sumama si Rani sa kanilang ama na amerikano samantalang si Dani ay naiwan sa Pilipinang ina. Nagkahiwalay man silang dalawa, ang pusod nila ay nananatiling magkarugtong.
“Pumipili ako noon ng flavor ng ice cream na aking bibilhin, tapos bigla na lang siyang sumulpot sa tabi ko at tinanong ako kung masarap ba iyong flavor na dinampot ko.”
“Tapos? Anong sinabi mo?” hindi na makapaghintay ng sagot na tanong ni Dani, namumula na ang mqgkabilang pisngi.
Kung alam lang niya na iyon lang ang magiging daan ng pagkakakilala nila dati pa ay nahilig na rin siya sa flavor ng ice cream na gustong-gustong kainin ng kambal niyang si Rani.
“Ano? Bilis na, Rani. Sabihin mo sa akin!”
“Syempre ang sabi ko ay masarap. Favorite ko yata iyon!” tugon nitong muli na namang humagikhik habang inaalala pa ang sandali.