KASALUKUYANG nasa Green Haven Farm si Vel kasama ang mga high school friends niya. It was an early get-together with her long-time girl friends—sina Aycee, Jheymie, Jayda, and Myka. Nakasama niya ang mga ito sa isang school organization noong high school. And since that day, napanatili nilang buo ang kanilang samahan. Through the years of friendship, none of these girls turned her down. Halos nga pati mga magulang ng mga ito ay magulang na rin niya. But among the girls, pinakamalapit siya kay Jheymie.
It was a fine morning. As usual, tambay na naman sila sa bahay nina Myka sa loob ng bonggang Green Haven Farm with some cup of coffee and toasties. Nasa balcony area sila ng villa. Mula roon ay tanaw ang magagandang facilities ng farm. Not to mention the scenic view of Taal Lake and Volcano. Somehow, nakatulong ang lugar na iyon para makalimutan saglit ni Vel na may gagawin siyang major assassination attack against Jam mamayang gabi.
“Ay buti na lang, Vel, at nahila ka namin sa get-together na ito. Nakakaloka ka, hindi ka nagpaparamdam. Trabaho na lang lagi ang ginagawa mo. Mabilis kang tatanda ano?” hirit ni Aycee sabay higop ng kape.
“Nagsalita ang hindi workaholic.” She took her first sip of hot coffee.
Aycee was a popular singer. In fact, concert queen na nga ito. Nag-iisang anak si Aycee ng sikat na pianist at music arranger, Mr. Vlad Cerio.
“Kung alam mo lang ang nakakaloka kong pinagdaanan. Pinatapon ako ng boss ko sa liblib na lugar sa Laiya, San Juan for a special project,” kuwento niya rito.
“Pinatapon ka ni Tito Golen?” sabat ni Jayda. She was the daughter of the famous chef of Neryz Ennael, Hershey Castillo na kapatid naman ng big boss niya sa ZLCD.
“Hindi, ano. Mabait kaya si Sir Golen. Iyong bago naming project manager, iyon ang halimaw. Pinatapon niya ako do’n tapos sinundan ako. Kaloka, ’di ba?”
“Eh, fafable ba?” tanong ni Jheymie.
She was the daughter of the famous business tycoon, Miguel Catacutan. And as one of the heirs, she managed the foundation built by the Catacutan and Ferrer Clan, the Organ for New Life Foundation. Ito rin ng foundation kung saan nag-donate ng mata at puso ang kanyang kapatid. Dati itong pinamamahalaan ng mga lola ni Jheymie at Myka. At ngayon, third generation na ng institution sa pamamahala ng kanyang best friend.
“Oo, crush ko nga, eh. Kaso ang heartless niyang magtrabaho. Wala siyang pakialam kung ano’ng pinagdaanan ng empleyado niya masunod lang ang gusto niya. Na-experience kong ’wag kumain, matapos lang ang pinapagawa niya. Tapos ang ending, ire-reject lang niya. ’Pag ganyang mga moment, nahuhulas iyong pagka-crush ko sa kanya.”
Tumawa ang mga kaibigan niya.
“Akitin mo na lang para magka-love life ka naman,” hirit ni Myka.
Myka Marinel Catacutan, is the Queen of Green Haven Farm. Ito ang sumunod sa passion ng ina nito towards plants. Isa itong botanist. Anak ito nina Limien and Hamiel na miyembro ng dating sikat na banda, ang Karisma Band. At dahil bongga ang ganda ng Green Haven Farm, doon sila madalas tumambay mula pa noong high school pa lang sila.
“Sus, hindi na iyon kailangan. Mukhang may gusto sa akin iyon kaya ako tinatambakan ng trabaho, eh. Pero hanggang crush lang ako. Ayoko ng love life. Nakasisira iyan ng buhay.”
“Correction your honor! ’Wag kang ganyan sa love. Kung walang love, wala ka sa mundong ito at wala tayong lahat. Kaya dapat, positive lang ang views sa love. ’Di ba, Jheymie?” baling ni Aycee dito.
All the girls turned their attention to Jheymie. “So, may love life na between you and Mr. Lover Boy?” tanong ni Vel.
“Iyong lalaking iyon? Ung Mapagmahal na iyon? Wala iyon!” mataas na tono ni Jheymie na halatang defensive. Recently, this friend of her encountered a guy with Mapagmahal surname. And all of them find him cute. “Naaawa lang iyon sa babaeng nakasaklay.”
Jheymie was indeed a person with disability. Ayon sa kuwento nito, bata pa ito nang maaksidente ito at mula noon ay hindi na ito makalakad ng walang saklay or kinakailangan n anito ang wheel chair. But despite being like that, Jheymie grew up with a positive attitude. She could do a lot of things better than those who could walk and run properly.
“Hep! ’Wag ganon, Jheymie. Alam nating behind that saklay of yours is a powerful woman. May napadala ka na sa ospital dahil sa powerful saklay mo, remember?” Jayda said.
Naalala tuloy ni Vel ang pangyayari noong high school pa lang sila. May nagtangkang dumukot kay Jheymie. Bilang mga anak ng napakayamang businessmen, hindi iisang beses na naka-encounter ang mga kaibigan niya ng k********g incident. But none of them went successful dahil lahat sila, pati si Vel ay marunong ng martial arts. And among that k********g incident, pinaka-epic ang nangyari kay Jheymie. The kidnappers ended up in the hospital after nitong paghahampasin ang mga iyon ng saklay nito using her arnis de mano skill.
Napatawa tuloy silang lahat. “Oo nga ano? But anyway, wala naman talagang special sa amin ng Cedric Mapagmahal na iyon. Ayoko din ng love life! Pareho kami ni Vel.” Nag-high five pa silang dalawa.
“Ano iyan? Best friends goals?” hirit ni Myka.
Nag-beep ang cellphone niya kaya dinampot niya iyon sa center table. Baka work-related iyon kaya mainam nang mabasa niya agad bago pa siya sabuyan ng asido ng kanyang halimaw na fafable boss. Sa isang unregistered number galing ang text message:
Hi Vel. Doctor Kent here. Kumusta na ang mata mo?
Bigla siyang kinabahan. Pinaalala ng text na iyon ang bagay na gusto niya muna sanang kalimutan kahit sandali lang. Natigilan tuloy siya habang nakatitig sa text message na iyon sa cellphone niya.
“Uy, problema?” tanong ni Jayda.
Ibinaba niya ang cellphone sa center table at binalingan niya ang mga kaibigan. Kailangan niyang ikuwento ang lahat tungkol kay Kent—este Jam. Dahil kung hindi niya ito mailalabas, baka kung ano’ng magawa niya sa lalaking ito mamayang gabi.
“Girls, I have a major problem,” simula niya. “Remember the guy na nakasagasa sa ate ko ten years ago? I finally faced him again.” Natigilan ang lahat at natahimik. Isa-isang inilapag ng mga ito sa center table ang kani-kanilang cups of coffee at taimtim na nakinig sa kanyang kuwento.
From the start ay alam ng mga ito ang trahedyang nangyari sa kanya. Hindi siya iniwan ng mga kaibigan nang mga oras na iyon. At maging ang madalas na pagpapadala ng bulaklak at paghingi ng tawad ni Jam sa kanya ay alam ng mga ito.
She started telling the story, mula sa unang encounter niya kay Jam na nagpakilalang Kent sa elevator, ang project na ginagawa niya para sa resort nito, hanggang sa kung paano niya natuklasan na si Doctor Kent at si Jam ay iisang tao lang.
She showed the pen light to them. “I regret na hindi ko maalala ang mukha niya. Kung na-recognize ko lang sana siya agad, wala sanang ganitong drama. Inihahanda ko na ang sarili ko na makikita ko siya soon dahil sa project na iyon. Magpe-present ako sa kanya ng project and I have nothing to do with that. Hindi ko iyon maiiwasan kaya hinanda ko na ang sarili para doon. Pero hindi ako ready kagabi. Akala ko, puwede ulit akong magtiwala sa ibang tao. And it turned out to be another mistake from Dr. Jamison Kent Pelesso. Kasumpa-sumpang pangalan. Dumoble pa tuloy ang sama ng loob ko sa kanya.”
“Pelesso . . . Dr. Pelesso . . .” Jheymie acted like thinking about something. “Ito ba iyong doctor na may secretary-driver na babae?”
“Yes, Jheymie. How did you know?” tanong niya.
“Ahm . . . katrabaho siya ni Arthwil and I think he’s a good friend of my brother,” malungkot na sambit nito. “But we never get along.”
“So, what’s the assassination plan?” tanong ni Jayda.
“Grabe, assassination agad?” alma ni Myka.
“Eh, ’di ba, nagplano nga tayo ng ganyan dati?” tanong ni Aycee. “Si Jheymie pa nga ang mag-hire ng killer!” biro pa nito.
“Tapos si Jayda na ang bahala sa paglilinis ng ebidensya!” hirit ni Jheymie sabay tawa.
“Si Myka ang bahala sa pagdidispatya ng bangkay!” hirit din ni Jayda.
“Si Aycee ang bahala sa dramatic look mo, Vel, habang tumatawa ka ng pangkontrabida at kumakanta ng. ‘Ako ang Nagwagi!’” sabi ni Myka.
Napuno ng tawanan ang veranda. Hindi niya ma-imagine kung ano’ng polluted air ang pumasok sa ulo nilang magkakaibigan at minsan nga nilang naisipang gumanti noong college pa lang sila . . . less iyong sinabi ni Myka of course.
“So ano’ng plano? May dinner kayo mamaya, ’di ba? ’Wag mo siyang lalasunin, ah. Masama iyon!” sabi ni Myka.
“Kahit naman gusto ko siyang patayin sa imagination ko, hanggang doon lang iyon. I can’t do that,” sabi niya.
“Pero Vel, ano ba talaga ang gusto mong mangyari?” tanong ni Aycee. “It’s been years. Siguro naman sa mga oras na ito ay okay na ang ate mo sa langit. Baka naman, puwede mo na siyang mapatawad.”
Nagkibit-balikat siya. “I actually don’t know.”
Ano nga ba? Kahit sa sarili niya hindi alam kung ano ang sagot sa tanong na iyon. Gusto ba niyang gumanti? Anong klaseng ganti? Gusto ba niyang masagasaan din ito? O ang mamatay ito? A part of her mind was yelling a lot of no’s in her head. Hindi siya masamang tao. Hindi siya ang tipo ng taong gugustuhin may mamatay para lang sa katarungang hinihingi sa pagkawala ng kapatid. Hindi siya ang tipo ng taong kinain ng poot at galit para pag-isipan ng masama ang ibang tao.
Isa lamang siyang taong natatakot na magtiwala sa iba. Isang babae na takot nang maiwang mag-isa, pagod nang malungkot, at pagod nang magluksa. Ilang taon siyang bilanggo ng sama ng loob. Alam niyang ang tanging paraan para lumaya siya sa ganoong sitwasyon ay ang matutunang magpatawad. Ngunit hindi niya alam kung saan hahagilap ng lakas ng loob para patawarin si Jam at ang sarili niya. Mas gugustuhin pa siguro niyang lumayo na lang ito sa kanya tulad nang dati niyang hininging pabor sa magulang nito kaysa ang patawarin ito. Dahil ang presensiya nito ay nagpapaalala sa kanya kung gaano kasakit at kahirap ang maging isang ulila.
***
“WINONA, have you seen my pen light?” tanong ni Jam dito.
He was looking for it the whole day. Balik clinic na siya nang bigla siyang ipatawag ng Tolentino-Ferrer Medical Center para sa isang emergency operation ng isang pasyenteng biktima ng car accident. Kahit ’di pa tapos ang bakasyon niya ay wala na siyang nagawa. Gano’n naman talaga ang mga doctor, wala na silang magagawa once ma-on call.
Matapos ang matagumpay na operation ay mga medical consultation naman ang inasikaso niya. Saka lang niya napansin na nawawala ang pen light niya nang gagamitin niya iyon. Buti na lang, may spare siya sa clinic.
“Inilagay ko iyon sa medical kit mo,” sagot ni Winona.
“I think I misplaced it.”
Tapos na ang clinic hours. Wala na din siyang pasyente. He’s resting a bit bago niya bisitahin ang ilan niyang pasyenteng naka-confine. He picked up his phone to check kung nag-reply si Vel sa kanya. Bahagya siyang nalungkot nang wala itong reply.
Bakit kaya ’di siya nag-reply?
Bigla siyang natigilan. Ginamit nga pala niya noong nakaraang gabi ang pen light nang tingnan niya ang mata ni Vel. What if naiwan pala niya iyon sa bahay nito? The pen light had his name engraved on it. Iyon ba ang dahilan kung bakit hindi siya sumasagot sa text ko? Lagot!
“Damn it!”
“Huh?” Binalingan siya ni Winona with a knotted forehead.
“Naiwan ko ata sa unit ni Vel iyong pen light kagabi.”
“At ano’ng ginagawa mo sa bahay niya?” malisyosang tanong nito.
“She asked for my help. Nagkaroon siya ng styes. I checked her eyes in her unit.”
“Iyon lang?”
“Win!” sita niya rito.
Tumawa lang ito. “Eh, baka naman kasi nauwi sa kissing scene iyong checkup. Hinihintay ko sanang ikuwento mo iyon—”
“Kahit magka-kissing scene, hindi ko ikukuwento sa ’yo iyon, ano!” mataas na tonong sagot niya.
“So, umaamin ka na ba sa lagay na iyan na more than forgiveness ang habol mo kay Vel?” she grinned.
Tiningnan niya ito nang masama. “Tigilan mo nga ako. Sesesantehin kita!”
Tumawa lang ito dahil alam naman nitong hindi niya gagawin iyon. “Pikon si Boss Pogi, oh! Unahan mo na.”
“Wala akong balak halikan siya, okay!” Mataas pa rin ang tono niya. Hindi niya kasi mawari kung bakit ang tingin ni Winona sa kanila ni Vel ay isang love team gano’ng alam naman nitong malabo iyong mangyari.
At disappointed ka? Bet mo rin ba? Isa ka pa rin namang kung ano-ano ang iniisip tungkol kay Vel, he said to himself.
Tumawa si Winona na nagpabalik sa huwisyo niya. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Napapaghalata ka rin, eh. What I mean is, unahan mo na siya. Tell her the truth bago pa niya isampal sa pagmumukha mo iyong pen light na naiwan mo sa bahay niya.”
Napangiwi siya. Biglang nag-beep ang cellphone niya indicating a text message received. Nag-reply si Vel sa text niya.
Hi, Doctor Kent. My eyes are okay. See you later.
Napabuntonghininga siya para mag-ipon ng lakas. He was about to face a battle later on.