Matapos ang gabing ‘yon ay nalaman ng lahat na magnobyo na sina Zeno at Anne. Ayaw pa nga sana ni Anne na ipaalam ni Zeno ang kanilang relasyon dahil nahihiya siya pero dahil na rin sa ito na mismo ang nag-announce sa kanilang kompanya ay marami nga ang nagtaasan ng kilay.
Kahit nga ang kaibigan ni Anne na si Danica ay nagulat dahil hindi nito akalaing papatulan nga ng kanilang amo si Anne. Noong una ay duda pa siya sa intensiyon ng kanyang amo sa kanyang kaibigan pero nung makita niya kung gaano kasaya ang dalawa ay napagtanto niyang nagmamahalan nga ang dalawa.
Pero katulad nga ng inaasahan, mayroong mga tao na hindi tanggap ang pag-iibigan nina Zeno at Anne. Iyon ay walang iba kundi ang mommy mismo ni Zeno, si Ma’am Andrea.
Nung dinala ni Zeno ang kanilang cleaner sa kanilang bahay para ipakilala bilang girlfriend ay nagulat talaga siya. Hindi niya akalaing ang pinakamamahal niyang anak ay papatol sa isang cleaner lamang.
Hindi naman sa hindi niya gusto si Anne. Gusto niya ito bilang cleaner sa kanilang kompanya dahil mabait at masipag naman ito pero ang mapabilang sa kanilang angkan- hindi siya papayag.
Kilala niya ang dalaga at medyo may pagka-shunga shunga ito. Hindi ito nakakaintindi ng malalalim na English kaya nga nadismaya siya dahil ganda lamang ito, wala namang utak. Kaya hindi talaga siya makakapapayag na mahaluan sila ng shunga-shunga.
Kailangan gumawa siya ng paraan para mapaghiwalay ang dalawa.
Isang hapon ay pauwi na ng trabaho si Anne. Tapos na ang kanyang trabaho at mag-isa lamang siyang uuwi ngayon dahil nagkasakit na naman si Danica.
Matagal-tagal na rin siyang nag-aantay ng masasakyan ng biglang may huminto na isang sasakyan sa kanyang harapan. Bumaba ang salamin nito sa passenger seat at tinawag siya ng taong nakaupo.
Nagulat pa si Anne ng makilala ang tumawag sa kanya.
“Ay, Ma’am Andrea, kayo po pala. Good evening po!” Bati ni Anne sa mommy ni Zeno.
Tumingin muna sa paligid ang mommy ni Zeno atsaka kinausap si Anne.
“Pwede ba tayong mag-usap. Saglit lang naman at ihahatid din kita sa inyo.” Seryosong wika nito.
Saglit na nag-isip si Anne pero pumayag din siya.
“Ah, okay po!”
“Pumasok ka na dito sa loob at sa ibang lugar tayo mag-uusap.” Utos ng mommy ni Zeno kaya kaagad na tumalima si Anne, pumasok ito sa kabilang side at pinaharurot na ng driver ni Ma’am Andrea ang kanilang sinasakyan.
Halos isang oras din silang bumiyahe at pumasok sila sa isang kilalang restaurant.
Ayaw sanang pumasok ni Anne pero nakakahiya namang tumanggi sa kanilang Ma’a Andrea kaya nagpatianod na lamang siya. Kapag pina-order siya nito mamaya ay tubig na lamang ang kanyang oorderin dahil hindi siya marunong magbasa.
Doon naman sila pumwesto sa sulok na hindi masyadong matao.
Nang dumating ang waitress ay kaagad na nag-order na si Ma’am Andrea kaya nakahinga ng maluwag si Anne.
“Um-order na ako para sa ating dalawa. Alam ko namang hindi ka marunong magbasa kaya baka ipahiya mo pa ako sa mga tao dito sa paligid, kaya ako na.” nang-iinsultong wika nito.
Medyo nasaktan naman si Anne sa sinabi ni Ma’am Andrea pero hindi na siya sumagot pa dahil iniisip niya si Zeno.
Alam naman ni Anne na hindi siya gusto ng pamilya ni Zeno lalong-lalo na ang mommy nito dahil noong pinakilala nga siya ay umakyat lamang ito sa kanilang kwarto at hindi na lumabas pa. Kahit sa opisina ay ayaw na rin siyang makita o makausap nito kaya nga iwas na iwas din siyang makasalubong ito. Kaya nga ng kinausap siya kanina ng mommy ni Zeno ay kinabahan na siya dahil iba na ang kanyang kutob.
“While waiting for our food, mag-usap na muna tayo.” Tumingin ito ng matalim kay Anne at saka nagsalita, “Hindi kita gusto para sa anak ko. Gusto kong layuan mo ang anak ko. Hiwalayan mo siya!”
Hindi kaagad nakapagsalita si Anne sa kaprangkahan ni Ma’am Andrea. Totoo nga na ayaw nito sa kanya dahil ngayon ay gusto silang paghiwalayin pero hindi siya susunod sa gusto nito dahil mahal na mahal niya rin si Zeno.
“P-pasensiya na po, Ma’am Andrea, pero hindi ko masusunod ang pinag-uutos niyo sa akin. Nagmamahalan po kami ni Sir Zeno. Ang sabi pa niya kapag kinausap niyo ako at gustong paghiwalayin ay huwag na huwag daw akong pumayag.”
“Name your price. Alam kong pera lang ang habol mo sa amin. I will give you ten million pesos, layuan mo lamang si Zeno!” Kumuha ng cheke si Ma’am Andrea at nagsulat sa papel.
Nagalit naman si Anne sa sinabi ng mommy ni Zeno. Hindi niya akalaing sobrang baba ang tingin nito sa kanya.
“Pasensiya na po, Ma’am Andrea, pero hindi po pera lamang ang habol kay Sir Zeno. Mahal ko po siya kaya ipaglalaban ko ang pagmamahalan namin. Sa inyo na lamang po ang inyong pera. Uuwi na po---”
Natigil sa akmang pagtayo si Anne ng may inabot na envelope sa kanya ang mommy ni Zeno.
“Tingnan mo ang loob ng envelope na ‘yan atsaka mo sabihin sa akin na totoong mahal ka ng anak ko.” May diin na sabi ni Ma’am Andrea kaya napilitang kunin ni Anne ang envelope.
Binuksan niya iyon at gano’n na lamang ang galit niya ng makita ang nilalaman ng envelope.
“Kuha ‘yan ng bodyguard ni Zeno. Hindi alam ng aking anak na pinapasundan ko siya sa bodyguard dahil ayoko nang mangyari ulit na muntik na siyang mawala sa amin. Tatlong araw na siyang hindi pumapasok ‘di ba. Dahil ‘yan sa babaeng kasama niya sa litrato. ‘Yan ang girlfriend niya sa Amerika. Buntis na ngayon at tingin ko ay malapit nang manganak. Kung susumahin mong maigi, ilang buwan pa lamang kayong magkakilala ni Zeno, right? At kung titingnan mong maigi ang mga pictures, halata na ang tiyan ng babae kaya malamang na nabuntis niya ang babae noong pumunta siya ng Amerika—”
“P-pero.. a-ang sabi niya sa akin ay wala na siyang girlpren. H-hiwalay na daw sila,” unti-unti nang pumatak ang luha sa mukha ni Anne. Hindi nagsisinungaling ang nasa larawan. Kuha iyon sa iba’t ibang lugar dito sa Pilipinas- meron sa kainan, meron sa mall at meron din sa park. Masayang nag-uusap ang dalawa at may isang picture pa na hinalikan ni Zeno ang babae sa pisngi. Ang pinakamatindi na nagpasakit sa kanyang dibdib ay ang isang picture na hinawakan ni Zeno ang tiyan ng babae at nakangiting nakatingin pa dito.
“Babae din ako, iha. Kahit na hindi kita gusto para sa anak ko, hindi ko naman maatim na lokohin ka niya dahil naranasan ko din ang maloko kaya nga pinapalayo na kita sa kanya dahil ayokong malaman mo na niloloko ka lamang niya—pero dahil wala na akong choice kaya pinakita ko na sa’yo ‘yan para malaman mo ang totoo.” Kunwari ay concern ang boses ni Ma’am Andrea na napapangiti na lamang dahl kita nito ang pag-iyak ni Andrea habang nakatingin sa mga larawang binigay niya.
“Sinungaling siya! Manloloko! Aalis na po ako, Ma’am Andrea. Pakisabi din kay Sir Zeno na hihiwalayan ko na siya. Hindi na din ako papasok simula bukas.” Malakas na sigaw ni Anne at nagtatakbo palabas ng restaurant.
Nang tuluyang makalabas ng restaurant ay napangisi na lamang si Ma’am Andrea. Sa wakas ay napaghiwalay niya rin si Zeno sa kanilang cleaner. Siguro siyang hindi na iyon magpapakita pa at pwede na niyang ireto ang anak ng kanyang amega dahil ito naman talaga ang gusto niyang mapangasawa ni Zeno.
Samantala dahil sa galit at sakit na nararamdaman ay umiiyak na nagtatakbo palabas ni Anne.
Hindi nito alintana ang mga rumaragasang sasakyan na dumadaan dahil hilam na siya sa luha. Dire-dretso lamang ito sa pagtakbo na hindi tumitingin sa kalsada at hindi napansin ang mga taong nagsisigaw sa kanyang paligid.
“Miss, masasagasaan ka!”
Iyon lamang ang huling naaalala ni Anne bago niya naramdaman ang pagtama ng malakas na bagay sa kanyang katawan at tuluyan na siyang nawalan ng malay.