“Nay, alis na po ako.” Paalam ni Anne sa kanyang nanay. May sakit ito kaya siya ang pupunta sa bahay nina Mrs. Garcia para maglaba.
“Sige, mag-ingat ka. ‘Wag na ‘wag mong iwawala ‘yong papel ha dahil diyan nakasulat ang address nina Ma’am Garcia. Kapag nawala ka, tawagan mo lang ako.” Paalala ng nanay ni Anne. Alam ng nanay niya na hindi ito maalam sa mga lugar na bago pa lamang sa kanya. Kahit na bigyan ito ng address ay palaging nawawala kaya nga dapat kapag may pupuntahan ito ay kailangan may kasama muna bago nito makasanayan ang isang lugar.
“Opo.”
Sinunod naman ni Anne ang lahat ng bilin ng kanyang nanay papunta sa bahay nila Mrs. Garcia. Malayo iyon sa kanila at kailangan pang sumakay ng bus at jeep dahil nasa subdivision ito nakatira.
Nang may makitang bus ay kaagad naman na sumakay si Anne. Hindi niya muna tiningnan kung saan iyon papunta basta sumakay na siya.
“Miss, saan po kayo?” tanong ng konduktor kay Anne nang tumapat na ito sa kanya.
“Guadalupe po. Magkano bayad, Kuya?” balik-tanong naman ni Anne.
“Miss, hindi ito ang bus papuntang Guadalupe. Magbayad ka na lang ng hanggang sa kabilang eskinita. Tapos lakaran mo papunta sa kabila at may bus doon papuntang Guadalupe.”
“Ha? Mali pala ang nasakyan ko,” napakamot ng ulo si Anne dahil kakaalis pa lang niya sa kanila ay mali na kaagad siya. “Kuya, pwede bang ibaba niyo na lang ako sa kabilang eskinita. Baka kasi kulangin ang pamasahe ko kapag binawasan ko pa ang pera ko.” Pakiusap ni Anne. Lagot talaga siya sa nanay niya kapag nalaman nito na namali na naman siya ng bus na sinakyan.
“Hindi ko na kasalanan kung maling bus ang nasakyan mo. Hindi ka kasi nagbabasa muna!” Galit na sabi naman ng kundoktor.
“Sige na, Kuya. Ganito nalang… p-pahingi na lang ng discount para umabot pa ako sa pupuntahan ko.. sige na po,” muling pakiusap ni Anne at lumuhod pa sa konduktor.
“Ano ba namang babae ‘to. Sige na nga. Pasalamat ka at mabait ka. Magbayad ka na lang ng kinse. Bumaba ka na sa sunod na eskinita ha. At basahin mo muna ang karatula para hindi ka mamali ng masakyan ulit,” Mabuti at naawa ang konduktor kaya nagbayad na si Anne.
“Maraming salamat po, Kuya.” Nginitian pa ng todo ng Anne ang konduktor bago bumaba dahil kahit papa’no ay naawa pa ito sa kanya at kinse lang ang siningil.
Katulad ng sinabi ng konduktor ay bumaba sa eskinita si Anne. May nakita siyang maliit lagusan kaya naman naglakad na ito para makarating sa kabila.
Nasa kalagitnaan na ng eskinita si Anne ng mapansin niya ang tatlong lalaki na may karay-karay na isa pang lalaki. Pansin niyang binubugbog ng tatlong lalaki ang isang lalaki na nakapang-opisina kaya mabilis siyang nagtago sa tatlong malalaking drum na lagayan ng mga basura.
“Lord, sana hindi nila ako makita para hindi din ako magaya sa lalaking binugbog nila. Pamasahe lang po ang dala kong pera. Baka kapag nakita nila ako at wala silang makuha sakin ay ako naman ang kunin nila.. kaya sana, gabayan niyo po ako. Amen.” Panalangin ni Anne sa kanyang sarili.
Ilang minuto din na nagtago si Anne sa drum hanggang sa napansin niyang wala ng ingay kaya lumabas na siya sa kanyang painagtataguan.
Paglabas niya ay tumingin muna siya paligid para masigurong wala na nga ang mga lalaki.
Wala na nga ang mga ito pero napansin niya ang lalaking binugbog ng mga ito kanina. Wala itong malay na nakadapa sa lupa kaya naman kinabahan siya.
“Lord, mukhang patay na ‘tong lalaking ‘to. Bakit ba lagi na lang akong nakakakita ng patay?” Natakot si Anne dahil baka may makakita sa kanya at siya pa ang mapagkamalang pumatay sa lalaki kaya akma na sana niya itong iiwan ng biglang gumalaw ang lalaki at hawakan ang paa niya.
“Multo! Multo! Tulong! Bitawan mo ang paa ko! Patay ka na! Nasaan na ba ang rosary na laging dala-dala ko!” Mabilis na binuksan ni Anne ang kanyang lumang bag at kinuha doon ang rosary na lagi niyang dala-dala.
“Tumahimik ka multo ka. H-huwag mo’kong isama sa impiyerno dahil buhay pa ako. Kapag namatay ako, mas gusto ko sa langit mapunta ang aking kaluluwa kaya nga hindi ako gumagawa ng masama dito sa mundo. Kapag hindi ka pa nanahimik ay tatawag ako ng pari para mabendisyunan k--- ay!!!!” Mas lalong humigpit naman ang hawak ng kamay ng inaakalang patay na lalaki kay Anne kaya sinipa niya ito sa sobrang takot.
“Ouuuucchhhhh…. h-helpppppp…” mahinang sabi ng nakahigang lalaki kaya napatigil si Anne. Lumuhod ito at tiningnang maigi ang hitsura ng lalaki. Sabog ang medyo alon-alon nitong buhok. Duguan ang buong mukha nito pero halatang namang may hitsura. Parang may kahawig itong kakilala niya pero hindi niya lang maalala kung sino.
Muli itong umungol kaya nilapit ni Anne ang kanyang mukha sa nakabuka nitong labi.
“Help…” kahit mahina ay naintindihan naman niya na naghihingi ito ng tulong.
‘Buhay pa pala kasi nagsasalita pa. Akala ko patay na. Sorry po.’ Sa isip na lamang iyon nasabi ni Anne. Hindi niya nilakasan ang pagkakasabi dahil baka marinig siya ng lalaki.
Tumingin sa paligid si Anne kung may iba pang tao pero wala siyang nakita. Kaya siguro dito siya dinala ng mga lalaki kanina dahil masikip itong eskinita at walang masyadong dumadaan. Wala nang choice si Anne kundi iwan saglit ang lalaki at naghanap ng taxi para tulungan siyang buhatin ang lalaki.
Imbis na pumunta sa bahay nila Mrs. Garcia ay inuwi niya ang lalaki sa kanila.
Gano’n na lang ang galit ng nanay ni Anne ng bigla itong bumalik at may kasama pang lalaki. Pero nang makita nitong duguan ang lalaki ay nahabag din ito sa hitsura ng lalaki kaya hindi na pinagalitan si Anne.