NAKABUSANGOT SI FREYA habang nakatingin sa labas ng bintana. Lulan sila ng kanilang van at ngayon ay patungo na sila sa isang lungsod para roon tumira. May nakaalitan kasi ang papa niya sa dati nilang tirahan at para hindi sila mapahamak, napag-isipan nilang umalis. Wala siyang nagawa. Ayaw niya sa desisyon ng mga ito pero ano pa ba ang magagawa niya? Wala dahil anak lang naman siya.
"Mukhang malungkot ka yata, Freya. Hindi mo ba gustong lumipat tayo ng tirahan?" ang papa niya na nagmamaneho ng van.
Ngumiti siya saka bumaling dito. "Hindi naman po, papa. Actually masaya nga po ako. Para wala na ring gulo. Pero hindi ko lang po maiwasang hindi malungkot dahil iniwan natin ang lugar kung saan doon tayo tumira ng halos buong buhay natin. Pero kung ikakabuti naman po, bakit po hindi?"
"Wala tayong magagawa, anak. Alam mo namang ayaw namin ng gulo ng papa mo kaya napag-isipan na lang naming lumipat tayo. Bakit naman kasi nakipag-away itong papa mo sa isang sundalo na ang pamilya ay mga sundalo rin." Umiling-iling ang mama niya.
"Fasia, hindi ako ang nagsimula kundi iyong mayabang na lalaking iyon. Nainis lang ako kaya nasigawan ko. Mukhang napikon yata at tinutukan pa ako ng baril. Kung sundalo o pulis nga lang ako, baka hindi na tayo umalis. Poprotektahan ko kayong lahat hanggat kaya ko. Pero hindi, hindi yata nakatadhana sa akin ang humawak ng baril," anang papa niya habang abala pa rin sa pagmamaneho.
"Hayaan mo, papa, kapag nakatapos ako ng kolehiyo, magpupulis kaagad ako," wika ng kuya niya na nasa likod.
"Harison, hindi ka magpupulis!" madiing saad ng mama niya.
"Pero ayon po ang gusto ko, mama. Hindi niyo na po mababago ang desisyon ko sa buhay dahil matagal ko nang gustong maging pulis."
Sabay na umiling ang mga magulang niya. "Kung iyan ang gusto, bahala ka! Ayaw naming maging hadlang sa pangarap mo. Nandito lang kami, palaging susuporta sa inyong tatlo." Ang papa niya.
"Pa, ako po gusto kong maging teacher katulad ni ate," saad ni Fatty, ang bunso niyang kapatid na katabi lamang niya.
"Mabuti iyan, gayahin mo ang Ate Freya mo," sabi ng papa niya.
Napailing na lang si Freya. Tatlo silang magkakapatid. Panganay ang Kuya Harison niya pero hanggang ngayon ay nag-aaral pa rin ng kolehiyo dahil tumigil ito noon. Samantalang siya'y panggitna at tapos na siya sa pag-aaral niya. Education ang kinuha niyang course at dahil sa pursige at sipag, naging isang guro na siya ng mga kinder. Bago pa lang siyang teacher— mag-iisang taon na at mukhang mapapalayo ang byahe niya makapunta lang sa school na pinagtatrabahuhan niya. Si Fatty naman ang bunso, grade nine pa lang ito. Mabuti pa ito, puwedeng lumipat ng school pero siya, hindi.
Wala nang nagsalita sa kanilang lahat kaya naman naging tahimik na. Nakaramdam siya ng buryo kaya naman kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinawagan doon si Angelica, ang kaibigan niyang guro rin. Ilang segundo pa ang nakalipas, sinagot na nito ang tawag.
"Oh, napatawag ka, Freya? May problema ba?" Halata niya sa boses nito ang pag-aalala.
She took a deep sigh. "Wala naman akong problema, Angelica. Tinawagan kita para tanungin kung may naghahanap ba sa akin. Hindi ako nakapasok, ngayon kasi kami lilipat ng tirahan, e. Pero bukas ay papasok naman ako," nakangiti niyang sabi.
"Iyong mga advisory mo, hinahanap ka sa akin kanina. Sinabi ko na absent ka kasi may importante kang gagawin. Ayon, nalungkot ang mga bata."
"Sino raw ang magtuturo sa kanila?" tanong niya.
"Sino pa ba? E 'di ako." At pumalatak ito.
"Salamat naman. Nami-miss ko na rin ang mga bata."
"Sige na, magtuturo na ako. Mamaya na lang tanghali tayo mag-usap."
"Sige..." tugon niya.
Matapos noon, pinatay na niya ang tawag at ibinalik ang cellphone sa bulsa saka marahang nagpakawala ng hangin sa bibig kapagkuwan ay bumaling muli sa labas ng bintana.
HINDI NA NAMALAYAN ni Freya ang oras, nakarating na rin sila sa bahay na binili ng mga magulang niya. Bumaba na sila sa van habang bitbit ang kanilang mga gamit. Sa totoo nga'y hindi pa kumpleto ang mga gamit nila dahil naiwan pa sa dati nilang bahay. Babalikan iyon ng papa at mama niya mamaya. The house is huge, it has two floors. In fairness, maganda at mukhang bago pa iyon. Maglalakad na sana sila nang may lumabas na isang matandang babae sa bahay. Hinintay nila iyon hanggang sa makapunta ito sa harap nila.
"Kayo ba si Froilan at Fasia?" Ang matanda sabay turo sa mga magulang niya.
Froilan ang pangalan ng papa niya. Fasia naman ang pangalan ng mama niya.
Tumango ang papa niya. "Opo, kami po iyon."
"Ganoon ba? Ito ang susi ng bahay. Ako ang may-ari ng bahay dati at anak ko ang nakausap niyo. Matagal na kasi kaming umalis diyan, e. Lumipat na kami sa ibang lungsod. Nga pala, bago kayo pumunta, may pinagtanungan ba kayo tungkol sa lungsod na ito?"
Bago sumagot ang papa niya, kinuha muna nito ang susi na inabot ng matanda. Ipinasa naman nito sa mama niya. Bahagyang nangunot ang noo niya. It's weird. Bakit kaya natanong iyon ng matanda? Ni hindi nga niya alam kung anong pangalan ng lungsod na ito. Mamaya ay tatanungin niya ang kaniyang mama at papa.
"Wala po, manang. Bakit po?" nakakunot-noong tanong ng papa niya.
Biglang hinawakan ng matanda ang braso ng papa niya at bahagyang lumapit sa tainga nito. "Mag-ingat kayo rito. Wala pa kayong alam kaya huwag kayong gagawa ng kung ano. At kung maaari'y magtanong-tanong kayo. Nasa maling lugar kayo, Froilan," mahinang sambit ng matanda pero sapat na para marinig niya.
Nang matapos magsalita, umalis na ang matanda. Nasa maling lugar sila? How did she say that? May rason ba ito para sabihin iyon? Naguluhan na siya at nakaramdam ng kaunting takot.
"Anong sinasabi ng matandang iyon, papa?" biglang tanong ng kuya niya.
"Huwag niyo na siyang pansinin. Halika na kayo sa loob."
Nanguna na ito at sumunod ang mama niya. Sumunod din naman ang kuya niya at si Fatty. Pero siya, parang natuod siya ng mga sandaling iyon. Tumatak ang sinabi ng matanda sa kaniya kaya ngayon, pinagmamasdan niya ang papalayo nitong bulto. Ang weird lang!
"Ate, halika na!"
Natigilan na lang siya nang marinig ang boses ni Fatty. Binalingan niya iyon. Nakatigil ito habang nakaharap sa kaniya. Tumango lang siya at nagtungo na rito. Hindi na niya dapat isipin ang matandang iyon dahil mukhang nagbibiro lang ito. Pero kung totoo nga ang mga sinabi nito, dapat ba siyang mangamba? At bakit nasa maling lugar sila? May masama bang gawain dito? Napailing siya. Nang dahil sa matandang iyon, kung ano-ano na tuloy ang iniisip niya.
Nang makapasok sila sa bahay, namangha si Freya. Maganda nga ang bahay, mas maganda pa ito sa bahay nila. Pumunta sila sa sala kaya naman umupo siya. Pagod na pagod siyang umupo kahit dalawang oras lang ang byinahe nila.
"Ang ganda naman po ng bagong bahay natin, mama at papa," ani Fatty habang nagmamasid sa kabuuan ng bahay.
"Iyong ipon namin ng papa mo, inilaan namin dito. Ayos lang kahit naubos iyon basta't maganda lang ang bahay natin. Magiging iba na ang pamumuhay natin dito, mga anak. Nawa'y ma-adopt niyo agad," wika ng mama niya habang nakayakap patagilid sa asawa.
"Mama, hindi niyo naman po kailangang bumili ng ganito kalaking bahay. Sa bahay nga natin, kahit maliit iyon, kasya naman tayo," sabi niya saka tumayo at umunat.
"Anak." Naglakad ang mama niya patungo sa kaniya. Nang makalapit ito, hinawakan nito ang kaniyang kamay at marahang pinisil. "Kahit ngayon lang ay maranasan niyong magkaroon ng ganitong klaseng bahay. Alam kong hindi namin naibigay ito. Alam kong ganito ang pangarap mo, 'di ba, Freya? Ito na iyon. Ang bahay na ito ay pag-aari na natin ngayon," wika nito habang nakangiti.
Wala siyang nagawa kundi ang tumango. Ang papa niya'y driver ng van samantalang ang mama naman niya ay nagtatrabaho sa tahian. Hindi niya masasabing mayaman sila pero malaki ang kinikita ng mga magulang niya. Kahit nga may edad na ang mga ito, napapag-aral pa rin sila. Napagtapos na siya sa pag-aaral na ganoon ang trabaho ng mga ito. Kaya ngayong nagtatrabaho na siya, babawi siya. Wala na siyang naging imik.
Hanggang sa ayain na sila ng papa niya na tumungo sa ikawalang palapag para tingnan ang kanilang mga kuwarto. Tatlo ang kuwarto sa itaas at sa kanilang magkakapatid iyon. Tig-iisa silang tatlo samantalang ang mama at papa niya ay sa ibaba. May dalawang kuwarto sa ibaba at isa roon ay para sa mga magulang niya. Ang isa'y baka maging taguan nila ng kung ano-ano.
Inalis ni Freya ang suot na kwintas saka inilagay iyon sa lagayan nito at umupo sa malambot na kama. Malaki ang kuwarto, sa kama, puwedeng matulog doon ang tatlong tao. Kakaunti pa lang ang gamit dahil wala pa ang iba nilang gamit pero may isang cabinet doon. Baka ayon na lang ang paglagyan niya ng mga damit niya.
Napailing siya at tumayo saka nalapitan ang bintana at tinaas iyon. Kaagad na pumasok ang sariwa at malamig na hangin. Puro puno ang view niya. She loves it and she can't help but smile. Pero bigla na lang siyang natigilan nang marinig niyang bumukas ang pinto ng kuwarto. Kaagad niyang binalingan iyon at nakita niya ang kaniyang papa na saktong pumasok sa loob.
"Ayos ka lang ba rito, Freya?" tanong nito.
Ngumiti siya saka bumalik sa kama at muling umupo roon. "Ayos naman po, papa."
"Mabuti naman kung ganoon. Maiwan muna namin kayong tatlo rito ng mama niyo dahil babalik kami sa bahay natin para makuha ang naiwan nating mga gamit. May hinain na ang mama niyo sa lamesa kaya kung nagugutom kayo, bumaba lang kayo."
Tumango siya. "Sige po, papa. Nga pala po, bago po kayo umalis. Puwede po bang magtanong?" Ngumiti siya at tumayo.
"Ano iyon, anak?"
"Anong pangalan po ng lugar na ito?"