Isang araw, pagpasok ng sasakyan ni Dianne sa malawak na bakuran ng mga Montemayor ay nadatnan niya ang dalawang naggagandahang sports car na nakaparada roon. Parehong kumikinang sa sobrang bago at kalinisan. Nakasulat sa likod niyon ang pangalan ng isa sa pinakamahal na brand ng mga sasakyan sa buong mundo, ang Shimizu na pag-aari ng isa sa mga kaibigan ng pamilya.
Napangiti si Dianne. Siguradong ang isa roon ay sa nakababatang kapatid ni Nathaniel na si Mariel at ang isa naman ay sa ampon ng pamilya at itinuturing na rin na kapatid ng kaniyang nobyo, si Kuya Ethan Luis.
Mayamaya pa ay narinig ni Dianne ang masayang pag-uusap sa sala. Mukhang nagkakasiyahan ang buong pamilya. Mukhang may special na nagaganap.
"Hi, Ate Dianne!" bati sa kaniya ni Mariel nang bumungad siya sa maindoor at ito ang unang nakapansin sa pagdating niya. Kasama nito sa sala ang buong pamilya.
Twenty-five years old na si Mariel at ito ang sumunod sa kambal na sina Nathaniel at Daniel. Ito na ang namamahala sa lahat ng mga automotive shops ng kaniyang Ninong Ethan na kalat at kilala na ngayon saan mang sulok ng Pilipinas. Namana kasi nito ang hilig ng ama pagdating sa mga sasakyan.
Marami nga ang humahanga at naaaliw kay Mariel. Dahil kahit pang-modelo ang katawan at artistahin ang mukha nito ay walang kaarte-arte sa katawan. Ni hindi ito takot na humawak ng grasa. Gayon pa man ay sigurado sila na babaeng-babae si Mariel. In fact, may long-time boyfriend na rin ito.
Bukod doon ay isa rin si Mariel sa pinakamagaling na car racer sa buong mundo, kasama si Kuya Ethan Luis. Katunayan ang dalawa ang palaging pambato ng Pilipinas pagdating sa nasabing sports.
Kahit babae at sa murang edad pa lang ay maituturing na rin na young billionaire si Mariel katulad ng Kuya Nathaniel nito. Dahil bukod sa malaking halaga na ipinamana na ng mga magulang ng mga ito ay marami na rin itong sariling negosyo at ari-arian. Katunayan, may sariling bahay na ang dalaga at doon na ito kasalukuyan na nakatira. Pumupunta na lang sa bahay ng mga magulang para dumalaw.
"Sama ka next week, Ate Dianne, ha?" untag sa kaniya ni Mariel pagkatapos nilang magbeso. Kahit matanda ito sa kaniya ng dalawang taon ay 'ate' pa rin ang tawag sa kaniya. Respeto nito iyon sa kaniya bilang mapapangasawa ng nakatatandang kapatid nito.
Kumunot ang noo ng dalaga. "Sama saan?"
"Sa Italy," sabat ni Kuya Ethan Luis. "May laban uli kami ni Mariel. Kami ang representative ng Pinas para sa gaganapin na pinakamalaking car racing sa buong mundo ngayong taon."
"Wow! Really, Kuya? I'm so proud and excited for both of you. Siyempre naman sasama ako para i-cheer kayo."
"Thank you." Nakangiting tinapik siya ni Kuya Ethan Luis sa balikat.
Sa edad na thirty five ay itinuturing na rin na young billionaire si Kuya Ethan Luis dahil kahit hindi totoong anak ay pinamanahan din ito ng mag-asawang Ethan at Zoe na kapareho ng halaga na ipinamana ng mga ito sa mga tunay na anak. May mga negosyo rin ito na kilala na rin sa maraming sulok ng Pilipinas. Bagaman at katulad ni Mariel, sa automotives talaga ang hilig ni Kuya Ethan Luis. Katunayan, sikat ito sa pagse-set up ng mga mamahaling sasakyan. May sariling bahay na rin ito pero hanggang ngayon ay wala pa ring asawa o kaya ay matinong girlfriend dahil sa pagiging babaero.
"Kung gusto mo, Hija, dalawin na rin natin ang bahay n'yo sa Italy."
Napakurap-kurap si Dianne nang marinig ang boses ng kaniyang Ninang Zoe. Bigla siyang nalungkot nang maalala ang bahay nila noon sa Italy na matagal-tagal na niyang hindi nadadalaw. Bagaman at mayroon namang caretaker na nag-aalaga roon. Sa tuwing dinadalaw kasi iyon ng dalaga ay bumabalik ang lungkot sa kaniyang puso dahil naalala niya ang kaniyang mga magulang. Nalulungkot din siya dahil hindi na iyon kasing rangya ng dati at wala na ang mga mamahaling kagamitan dahil inangkin na iyon ng mga kaanak niya noong na-comatose siya.
Maliban sa lungkot ay nakaramdam din ng kaba at hindi maipaliwanag na excitement ang puso ni Dianne ngayong babalik siya uli sa Italy. Paano kaya kung magkita uli sila ng estrangherong pinag-alayan niya noon ng sarili? Makikilala kaya nila ang isa't isa?
"Oo nga naman, Hija." Ang Ninong Ethan niya. "Matagal na rin nang huli kang dumalaw doon, 'di ba?"
"O-opo, Ninong. Anniversary po namin ni Nathaniel iyon at dumaan kami roon nang mag-travel kami sa Italy."
"No wonder kung bakit napakaganda mo, Ate Dianne. Because you grew up in such a beautiful place like Italy," hindi napigilan na komento ni Michelle, isa sa bunso at kambal din na kapatid ni Nathaniel.
Nineteen years old na ang dalaga at kagaya ng kakambal nitong si Michael ay nasa college pa lang ito at kumukuha ng kursong Criminology. Noong una ay ayaw daw pumayag ng mag-asawang Zoe at Ethan na pagpupulis ang tatahakin ng mga bunso ng Montemayor. Pero kalaunan ay nakumbinse rin , lalo pa at ang dahilan ng dalawa ay para mas makatulong daw sa paghahanap kay Daniel.
"That's true, Ate," pagsasang-ayon naman ni Michael. "Women in Italy are truly beautiful like you."
"Sus. Binola n'yo pa ang Ate Dianne n'yo," biro ni Nathaniel sa mga kapatid. Kadarating lang nito at agad na inakbayan ang dalaga. Pero imbes na sa mga labi siya halikan, kagaya ng nakagawian nila ay sa sentido niya dumapo ang halik nito. "Mabuti na lang at totoong maganda siya."
Nagkatawanan silang lahat at sinundan iyon ng panunukso sa kanila.
Kapagkuwan ay binalingan ni Dianne ang kasintahan na may pagtataka sa mukha. "Kadarating mo lang pala? Akala ko kanina ka pa umuwi. 'Di ba tumawag ka sa'kin kanina at sinabi mong mauuna ka nang umuwi dahil may importanteng dadaanan ka pa?"
Napansin ni Dianne na biglang umilap ang mga mata ni Nathaniel at hindi agad nakapagsalita na para bang naghagilap muna nang isasagot. Ngunit binalewala lamang niya iyon.
"Natagalan kasi ako sa dinaanan ko, Hon. Hindi agad ako nakaalis," paliwanag nito at tumatango-tango lang siya.
Mayamaya ay nagpaalam na ang dalaga na aakyat muna sa kaniyang kuwarto para magbihis. Nasa hagdanan na siya nang habulin siya ni Nathaniel. Hindi nakatakas sa paningin niya ang pag-atubili nito nang magkaharap silang dalawa. Parehong ekspresyon na nakita niya kanina sa mga mata nito. Kaya nababala na si Dianne na baka may problema ito.
"What's wrong, Hon? Is there a problem?" masuyong sinapo niya ang mukha nito.
Tumaas ang itaas na labi ni Nathaniel pero hindi naman ito umimik. Nakatingin lang sa kaniya at ramdam niya na may gustong sabihin ito.
"Hey, come on. Tell me," pukaw niya uli sa nobyo. Alam niya na kapag ganoon ang binata ay may iniisip ito na nag-aalangang sabihin sa kaniya. Bukod sa magkasintahan ay mgkaibigan din silang dalawa kaya kilalang-kilala na nila ang isa't isa.
Nathaniel cupped her face, too. Lumambong ang mga mata nito. "I'm sorry, Hon... I'm so sorry."
Lumarawan ang pagtataka sa maamong mukha ng dalaga. "Sorry? For what?"
Sa halip na sagutin siya ay bigla na lang siyang niyakap ni Nathaniel. Matagal din itong nakakibong muli bago siya sinagot. "I'm sorry dahil iniwan kita kanina pero nauna ka pang umuwi sa'kin. Hinintay na lang sana kita."
Natawa si Diane at nakahinga nang maluwag. "Ikaw talaga, Hon..." Tumatawa na kumalas siya sa pagkakayakap nito. "Akala ko naman kung ano na."
Matipid na ngumiti lang sa kaniya si Nathaniel. Kapagkuwan ay inakbayan siya nito. "Let's go. Ihahatid na kita sa kuwarto mo."
Nagpatianod naman si Dianne nang hilahin siya nito at inihatid sa kaniyang kuwarto. Habang naglalakad ay wala silang imikan. Pero ramdam ng dalaga na may kakaiba kay Nathaniel, na may nagbago rito.
Ngunit kung ano man iyon, siguradong sasabihin at sasabihin din nito iyon sa kaniya. Marahil ay bumubuwelo lang. Wala naman kasi itong itinatago sa kaniya. Kaya sa ngayon ay hahayaan na muna niyang manahimik at magmumuni-muni ang nobyo.
Rerespetuhin na muna niya ang ano mang dahilan ng pananahimik nito.