Perrie.
“Naku… dumating ka na pala, nene.”
Pansamantalang inihinto ni Nanay Pining ang ginagawang pagbabalat ng bawang nang mapansin ang pagdating ko. Naglalakad ako sa eskinita papunta sa bahay namin nang madaanan ko siya sa tapat ng kanilang tinitirhan.
Isa si Nanay Pining sa mga matatanda naming kapitbahay, na tinuturing na rin naming lola. Madalas ay tawagin niya akong ‘nene’ o ‘ineng’.
“Opo…” tipid na sagot ko at akmang magmamano ngunit itinaas na lang niya ang kamay nang hindi inilalapat sa aking noo.
“Kaawaan ka ng diyos, ineng. Amoy bawang ang kamay ko.” Natatawang umiling siya. “Kumusta ang biyahe? Ang Maynila, kumusta? Ano ang kulay?” sunud-sunod ang naging tanong niya.
Mahina akong napatawa. Biruan na rito sa probinsya kung ano ang kulay ng Maynila.
At oo nga pala, dahil malayong probinsya kami at isang isla ay kailangang sumakay sa barko o kaya ay sa may kalakihang bangka para lang makarating sa Maynila. Bukod sa pagtawid sa dagat ay pwede rin namang sumakay ng eroplano, kaya nga lang ay mas mahal iyon kumpara sa pagsakay sa barko. At madalas ay ginagamit lang iyon ng mga opisyal ng bayan.
Kanina nga pagbaba namin ng bangka ay nagkani-kaniya na kaming uwi sa kani-kanilang bahay. Si Ma’am Bridgette at Sir Luisito ay sa kabilang barangay pa nakatira at kailangang sumakay ng tricycle para makauwi sa kanila, habang ako naman ay malapit lang sa pier ang bahay kaya walang problema.
“Malakas po ang hangin kaya medyo maalon. At ang Maynila? Naku… mas maganda pa rin ho rito sa atin.”
Iniaayos ko ang pagkakasukbit ng backpack sa aking balikat. Medyo mabigat kaya nangangalay ako. Sa isang kamay ko ay may hawak din akong katamtamang laki ng eco bag na may lamang ilang pasalubong. Kumuha ako ng isang mamon at iniabot iyon sa matanda.
Napahalakhak siya kaya kita ang halos paubos na niyang ngipin. “Tunay ka nga, nene! Kahit kailan ay hindi ko ipagpapalit ang buhay rito sa probinsya,” aniya pa.
Tahimik na tumango ako pero ramdam ko ang pagsang-ayon ng aking puso sa tinuran ng matanda. Para sa akin ay hindi hamak na mas okay pa rin dito sa isla. Ang kaibahan lang naman ng Maynila ay mayroon silang matataas na building, mga sikat na fast food, pero mas tahimik at sariwa pa rin ang hangin dito sa probinsya—liban na nga lang sa ilang mga tao na kapag walang ginagawa ay kung kani-kaninong buhay ang pinag-uusapan.
“Salamat nga pala rito…” Ipinatong niya sa tabi ng mga nabalatan nang mga bawang ang binigay kong tinapay.
“Uuwi ho muna ako at hindi pa ho ako nagpapakita sa amin.” Nginitian ko lang ang matanda at akmang tatalikod na nang tumikhim siya’t magsalitang muli.
“Oo nga pala, nene…” Putol niya sa dapat na gagawin kong pag-alis. Muli akong lumingon sa kanya na noon ay bumalik na muli sa ginagawa.
“Nasa fiesta pala sa kabilang barangay ang nanay mo kaya hindi mo maabutan diyan sa inyo,” saad niya na nagpatigil sa dapat na paghakbang ko palayo.
Fiesta…
Huminga ako ng malalim bago muli siyang nilingon. “Isinama po ba si Pia?”
Noong umiling ang matanda ay bahagyang gumaan ang bigat sa aking dibdib.
“Hay, salamat naman…” buntong-hininga ko. “Sige po. Una na po muna ako.”
Muli akong tumalikod, desidido na tuluyan nang umalis. Nakakailang hakbang pa lang ako ay naririnig ko na bumubulong ang matanda.
“Siguradong lasing na naman ‘yon pag-uwi. Kung hindi talo sa sugal ay lupaypay naman dahil sa alak. Kawawang mga bata…” Narinig ko pa ang malalim na pagbuga niya ng hangin at kahit hindi ko lingunin ay siguradong umiiling siya dulot ng panghihinayang.
Kahit ako ay laglag din ang balikat habang nagpapatuloy sa paglalakad. Ramdam ko ang pagguhit ng malungkot na ngiti sa aking mga labi at ang pahapyaw na pagkirot ng aking puso, pero wala namang magawa sa narinig mula sa matanda.
Noong matanaw ko na ang hindi kalakihan naming bahay ay pinilit kong pasiglahin ang kalooban. Sa labas ay mayroong isang katangkarang lalaki na kasalukuyang nagwawalis ng bakuran. Sa laki ng katawan ay hindi mo aakalaing marunong humawak ng walis.
Tumikhim ako para kunin ang atensyon niya.
“Aba ang sipag…” panimulang bati ko at muntik na akong mapabunghalit ng tawa nang kasabay nang paglingon niya ay ang pagtalon mula sa kinatatayuan dahil sa gulat nang makita ako.
“Ate!”
Parang yumanig ang mundo ko dahil sa lakas ng boses ng binata at basta na lang niya binitawan ang hawak na walis tingting. Parang bata siyang tumakbo para tawirin ang distansya naming dalawa.
“Ate, dumating ka na!” Kasabay noon ay ang pagyakap niya sa akin. Tumatalon-talon pa siya dahil sa tuwa.
Unti-unti akong napangiti. Sapat na iyon para pansamantalang mawala ang kanina ay pagpanglaw ng kalooban.
Ang binatang ito ay ang kapatid ko na sumunod sa akin, si Patrick. Labing-siyam na taon na ay para pa ring bata kung umasta. Nasa huling taon na siya sa kolehiyo at gusto rin yatang sumunod sa yapak ko kaya kumuha ng kursong edukasyon—pero ang totoo ay iyon lang naman talaga ang available na course dito sa aming probinsya.
Agad din naman siyang humiwalay sa akin. Matagal pa niya akong pinakatitigan bago pumalakpak.
“Nandito ka na talaga!” Tila hindi pa rin makapaniwala na nandito na ako sa harap niya.
Akala mo naman ay ang tagal-tagal kong nawala, e halos apat na araw lang naman ako sa Maynila.
“Hindi. Ang totoo ay panaginip mo lang ito.” Natatawang ginulo ko ang buhok niya. Bahagya pa nga akong tumingkayad dahil hindi hamak na mas matangkad sa akin ang kumag na ito.
“Akin na ‘to, ate.” Kasabay noon ay ang paghawak niya sa strap ng bag ko na nakasukbit sa aking balikat. Hinayaan ko na siyang kunin iyon at siya na rin ang nagdala.
“Ngayon pala ang uwi mo. Hindi ka nagpasabi!” Nagsimula kaming maglakad papunta sa loob ng bahay.
“Ang lapit ng pier. Hindi naman kailangang sunduin,” ani ko at dito na rin sa labas naghubad ng sapatos para hindi na kailangang ipasok sa bahay.
Inabutan ako ni Patrick ng tsinelas na pambahay na agad ko ring isinuot.
“Si Pia nasaan? Baka pinapabayaan mo—” Bago ko pa matapos ang sasabihin ay sumulpot sa pinto ang isang may kapayatan na batang babae na nasa edad anim na taon. Noong magtama ang mga mata namin ay mas lalong lumawak ang ngiti sa aking mga labi.
“Mama!” Ang unang namutawi agad sa kanyang bibig habang kumikislap ang mga matang nakatingin sa akin—si Pia. Ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpupursige ako sa buhay.
Nakahawak siya sa hamba ng pinto na tila naghihintay sa paglapit ko. Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang kinaroroonan niya at agad na binuhat siya. Muntik na akong mapabuntong-hininga dahil parang mas mabigat pa ‘yong bag ko kaysa kanya.
Ang bata naman ay ipinulupot ang maliliit at mapapayat na braso sa aking leeg habang nakangiting tinititigan ako sa mga mata.
“Kumusta naman ang baby ko, hmm?” Hinagkan ko ang kanyang pisngi bago lumingon kay Patrick na maayos na ipinapatong sa upuan ng maliit naming bahay ang mga dala kong gamit.
“Baka pinapabayaan mo si Pia noong wala ako, ha? Tatamaan ka talaga sa akin, Patrick!” May pagbabanta sa boses ko pero alam naman naming dalawa na nagbibiruan lang kami.
“Hala, grabe si ate oh!” angal naman ng kapatid ko na nagsisimula nang silipin kung ano ang laman ng eco bag kong dala. “Sa bait kong ito? Kailan mo ba narinig na nagpabaya ako?”
Napangisi ako. Alam ko naman iyon.
Mahina ang naging pagtawa ni Pia kaya muli akong tumingin sa kanya. “Okay lang po ako, Mama. Lagi po akong binabantayan ni Kuya Patrick.” Sa sobrang hina ng boses niya ay babahagya ko nang marinig.
Humawak ang maliliit niyang daliri sa aking pisngi para ayusin ang ilang buhok na tumatabon sa mukha ko. Nakalimutan kong mag-ipit ng buhok kanina bago bumaba sa bangka sa sobrang sabik na makita sila.
“‘Wag kang matatakot na magsumbong sa akin kapag inaaway ka ng Kuya Patrick mo, ha?” ani ko pa na muling nagpatawa sa kanya habang tumatango.
Bahagyang lumangitngit ang upuang kawayan nang umupo ako. Iniayos ko ang pagkakaupo ni Pia sa aking mga hita.
“Kumain ka na ba, hmm? May pasalubong ako sa ‘yo.” Hindi nawawala ang tingin ko sa bata na tila ba kapag nalingat ako ng tingin ay mawawala siya sa tabi ko.
Hindi ako sanay na napapalayo sa kanila kaya kahit ilang araw lang na wala ako sa tabi nila ay hindi na agad ako mapakali. Kahit may messenger na pwedeng mag-video call ay mahina naman ang signal dito sa isla kaya nagkakasya na lang sa pagti-text o hindi kaya ay saglit na tawag dahil paputol-putol din ang koneksyon.
“Talaga po, mama? Elsa po?” Tukoy niya ro’n sa isang Disney character na paborito niyang panoorin.
Noong tumango ako ay nagsunud-sunod ang kurap ng kanyang mga mata.
“Yehey! Thank you po!” Mabilis na hinagkan niya ako sa magkabilang pisngi. Nagsisimula nang lumakas ang boses niya dahil sa sobrang tuwa.
“Welcome, baby ko… pero ‘wag na masyadong hyper, hmm?” Masuyong hinaplos ko ang kanyang likod para unti-unti siyang kumalma. “Mamaya ibibigay ng mama, ha?”
Ngiting-ngiti na tumango siya at kahit paano ay naintindihan ang ibig kong sabihin.
Pigil na pigil ang pagbuntong-hininga ko. Bago pa lamunin ng kung anong lungkot ay hinagkan ko na lang siya sa noo at isinandal ang ulo niya sa aking dibdib.
Maya-maya ay nakita kong papalapit si Patrick mula sa aming kusina. May dala siyang isang basong tubig.
“Inom ka muna ng tubig, ate… wala na kasing kape, sorry.” Mahina lang ang huling sinabi niya pero narinig ko pa rin iyon. Napapakamot siya ng ulo at tila alam ko na kung ano ang nangyari.
Ipinatong niya sa maliit na mesa sa gitna ang baso na dala.
“Pakikuha mo nga muna noong manika ni Pia ro’n sa bag ko. Pagbukas mo nasa pinaka-ibabaw lang.”
Hindi na nagtanong pa si Patrick at agad na sinunod ang sinabi ko. Pinanood ko lang siya na buksan ang bag na dala ko kanina pero ang totoo ay naliligaw naman sa iba ang utak ko.
Marami. Maraming mga bagay ang tumatakbo ngayon sa aking utak. Parang binibiyak ang ulo ko sa pag-iisip. Katulad ng dagat ay alon-alon din ang mga isipin ko sa buhay.
“Yehey! Thank you, Mama!” Saka lang ako muling bumalik sa huwisyo nang marinig ang mahinang boses ni Pia.
Pagtingin ko sa kanya ay hawak na niya si Elsa, ang manikang binili ko para sa kanya. Hinalikan niya akong muli sa pisngi.
“Play ka na muna ro’n?” Itinuro ko ang isang maliit na tent na nakaayos sa isang tabi. Kumot lang naman iyon na naka-setup na parang kubol para may lugar na pwedeng maglaro si Pia.
Maliit lang ang bahay namin. May ikalawang palapag ito kung saan kami natutulog, ngunit hindi rin naman iyon ganoong kalakihan. Maliit ang salas, kasya lang ang halos tatlong katao. Kapag tatanggap ng maraming bisita ay siguradong hindi na makakahinga sa loob sa sobrang siksikan. Magkasama na ang kusina at hapag-kainan namin. Pero kahit na maliit lang ang tinitirhan ay sinigurado kong may espasyo para kay Pia. Para hindi na niya kailangan pang lumabas ng bahay at magpakapagod sa paglalaro ro’n.
Espesyal si Pia sa amin. Kailangan ng tutok na pagbabantay sa kanya.
“Sige po.”
Maingat na ibinaba ko siya mula sa kandungan ko bago mabagal na naglakad papunta sa tent niya. Napangiti na lang ako habang pinapanood siya na hinahaplos ang buhok ng manika na binili ko para sa kanya.
“Nagmeryenda na ba kayo?” baling ko kay Patrick.
Kita ko ang pag-aatubili sa kanyang mga mata, na parang hindi alam kung iiling ba o tatango. Ngunit sa huli ay sumagot din siya.
“P-pinakain ko na si Pia, ate. B-buti may natira pang biskwit doon sa mga binili mo dati,” sagot niya at naintindihan ko na agad akong konteksto noon.
Napabuntong-hininga ako. “May mga tinapay akong dala at ilang de lata. Kumain ka na tapos iayos mo ‘yong iba sa cabinet pero mag-iwan ka ng ilan at itago mo naman doon sa drawer natin.”
“S-sige, ate. Si nanay kasi—”
“Sige na. Iayos mo na lang muna ‘yong mga dala ko bago pa dumating.”
Tumalima na rin naman siya para sundin ang sinabi ko habang ako ay napapahilot sa noo na kinuha ang baso ng tubig sa mesa at uminom doon. Halos maubos ko agad ang laman nito.
Inilibot ko ang paningin sa loob ng kabahayan. Bukod sa upuang kawayan na naghahanap na ng kapalit, nag-iisang bumbilya sa kisame, at wall clock na naka-ilan nang palit ng baterya ay wala na akong makitang iba pang bagay sa salas namin. Walang TV. Walang electric fan. Pasalamat na lang na malakas parati ang simoy ng hangin dito kaya hindi na kailangan noon.
“Ate, pahingi ako nito.” Pag-angat ko ng tingin ay may hawak na ensaymada ang kapatid ko.
Nanginig ang aking labi kaya ang tanging nagawa ko na lang ay tumango.
“Gusto mo?” Umupo siya sa tabi ko.
Umiling ako habang siya ay tumango na lang at nagsimula ng kumain.
Tumikhim ako bago magsalita. “P-pinaiinom mo ba ng gamot si Pia?”
“Oo, ate. Walang mintis ‘yon!”
“Kumusta naman ang pag-aaral mo? Kukutusan talaga kita kapag nagpapabaya ka!”
Nilunok muna niya ang nginunguyang pagkain bago buong yabang na hinarap ako. “Aba, ate! Siguradong aakyat ka sa stage sa graduation ko!”
“E ‘di magaling! Congratulations na agad!” Ngumisi ako at pumalakpak bago muli kaming natahimik na dalawa.
Hinayaan ko siyang kumain habang ako ay hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong bumuntong-hininga.
“Nakakakain ba kayo nang maayos habang wala ako?” Ayokong isipin na habang ang sasarap ng pagkain namin doon sa Maynila ay wala silang kinakain dito.
“Hindi naman napapabayaan ang pagkain ni Pia, ate—”
“Kayo ang tinutukoy ko, hindi lang naman si Pia.” Putol ko sa sinasabi niya.
Napapabuntong-hininga na kumamot siya sa ulo. “Basta nakakakain si Pia, ‘yon ang mahalaga, ate!”
Parang kinurot ang puso ko dahil sa narinig. Alam ko na agad kung ano ang patutunguhan nito.
“Pasensya na, ate… pero hindi pa pala ako nakakapagluto ng ulam natin mamayang gabi.” Hindi halos makatingin sa akin na tila hiyang-hiya sa sinabi.
“Si nanay kasi—”
“Kinuha na naman ‘yong perang iniwan ko sa ‘yo.” Ako na ang nagtuloy sa dapat na sasabihin niya.
Hindi pa siya natatapos tumango ay napabuntong-hininga na ako.
“P-pati ‘yong mga iniwan mong grocery, ‘yong kape at asukal… kinuha ni nanay.” Sumbong ng kapatid ko. “S-siguradong binenta na naman niya ‘yon.”
Napatiim-bagang ako. Kanina pa nagpupuyos ang aking dibdib.
“Hindi ko naman dapat ibibigay kaya lang nagalit sa akin. Kilala mo naman ang nanay, ate…”
Tumango-tango ako. Inaasahan ko nang ganito na naman ang mangyayari. Wala namang bago. Hindi na yata magbabago.
“Hayaan mo na. Ako na lang ang kakausap sa kanya mamaya,” ani ko habang binubuksan ang shoulder bag na hanggang ngayon ay nakasabit pa sa aking balikat.
“‘Wag muna mamaya, ate. Siguradong lasing ang nanay pag-uwi. Baka mag-away lang kayo.” Tila nahintakutan agad siya sa sinabi ko.
“Ako na ang bahala ro’n.” Tumango na lang ako bago inabutan siya ng dalawang libo at limang daan.
“Ibili mo ng pang-ulam natin ‘yong five hundred, tapos itabi mo ‘yong dalawang libo. ‘Wag na ‘wag mong sasabihin sa nanay na may pera ka dahil pambaon mo na ‘yan sa school.” Mahigpit na bilin ko sa kanya bago pa makalimot na naman.
“Sige ka, ikaw ang mawawalan ng pera kapag binigay mo ‘yan!”
“Salamat, ate.” Sunud-sunod ang naging tango niya. “Pasensya ka na talaga! Kapag nakatapos ako ay tutulungan kita. Pangako ‘yan!”
Doon ay napangiti ako. “‘Wag mo na munang isipin ‘yon. Basta pagbutihan mo lagi ang pag-aaral mo. Nasa huling taon ka na, ‘wag nang liliko ang landas, Pat. Para rin ‘yan sa sarili mo.”
Iyon naman ang lagi kong paalala sa kanya. Kaya nga ako nagpapakahirap sa pagtatrabaho para sa kanila, para magkaroon sila ng maayos na buhay dahil kahit ako, ayokong iparanas sa kanila ang ganitong buhay. Kung may pagpipilian lang talaga sana…
Mabuti na lang pala talaga at umuwi na ako ngayon. Paano kung na-extend pa ng ilang araw sa Maynila? Wala na silang kakainin. Bakit ba naman kasi noong...
Bago ko pa maituloy ang himutok sa isip ay napabuga na lang ako ng hangin.
“Paano ka, ate? May pera ka pa ba? Pwede namang one thousand na lang dahil kaya ko namang pagkasyahin ‘to.” Iaabot niya sana sa akin ang ‘yong isang libo ngunit agad kong tinanggihan iyon.
“Itago mo na. Mas kailangan mo ‘yan. Sige na, kumain ka pa…” ani ko na lang para matapos na ang usapan tungkol doon.
Malaki ang pasasalamat ko sa pera na ibinigay ng kung sino mang lalaki na ‘yon! Kahit hindi ko hiningi ay tatanggapin ko na rin. Sisikmurain ko dahil kailangan ko ng pera. Ngayon nga ay nagamit ko para may maibigay sa kapatid ko.
Hindi na rin naman nakipagtalo pa si Patrick. Pagkatapos kumain ay nagpaalam lang siya na itutuloy ang winawalis kanina na naiwan niya. Habang ako naman ay binantayan si Pia na naglalaro habang nagpapalipas ng oras.
Pagdating ng gabi ay naiwan akong mag-isa sa salas dahil inaayos ko pa ang mga gamit para naman sa trabaho bukas. May pasok sa school dahil Lunes na naman. Magtuturo naman ako para sa kinabukasan ng ibang mga bata.
Nagsusulat ako ng magiging lesson bukas nang biglang magbukas ang pinto. Sa sobrang lakas noon ay hindi malabong hindi magigising ang kung sinong natutulog.
Iniluwa noon ang isang ginang na nasa edad kuwarenta pataas. Halos gulo-gulo ang buhok na tumatabon sa kanyang magandang mukha. Ang suot na puting kamiseta ay mayroon pang mantsa sa bandang tiyan.
Tumunghay ang babae at kahit hindi mapirmi ang mga mata ay siguradong nakilala niya ako.
“Aba… aba!” Napasinok pa siya bago magsalitang muli. “Dumating na pala ang bakasyonista kong anak!” Idinuro niya ako bago pasuray-suray na naglakad papasok sa loob ng bahay.
“Aray, p*tangina!” Dahil sa kalasingan ay tumama pa ang tuhod niya sa kawayang upuan.
Itinigil ko ang pagsusulat at tumayo para puntahan siya. “Mano po—”
Pinalis niya ang kamay ko sa dapat na gagawin kong pagmamano sa kanya. Sa halip ay inilahad niya ang palad sa harap ko.
“Pahinging pera! Ang kapal ng mukha mong hindi mag-iwan ng pera sa akin bago umalis!” Iyon ang naging bungad niya sa akin sa kabila nang maayos na pagbati ko sa kanya.
Huminga ako ng malalim kasabay nang pag-iinit ng aking dibdib. Hindi pa rin ba ako pwedeng magbato ng katanungan kung bakit ganito ang nakuha naming magulang?