Perrie.
“Umupo ho muna kayo at magtitimpla ako ng kape para mahimasmasan kayo.” Sinubukan ko siyang alalayan para makaupo ngunit katulad kanina ay marahas na tinampal lang niya ang kamay ko palayo.
Pagod akong napatingin sa babaeng nasa aking harap. Siya si Paloma Ocampo, ang aming ina.
“Ayoko ng kape! Pera ang kailangan ko!”
Sa halip na pansinin ang sinabi niya ay tumalikod na ako at naglakad patungo sa maliit naming kusina.
“T*nginang buhay ‘to!”
Naririnig ko pa ang malulutong na mura niya mula rito sa kusina pero hindi ko na rin iyon pinagtuunan pa ng pansin. Nagmadali na lang ako sa ginagawang pagtitimpla ng kape niya dahil baka magising pa si Pia dahil sa lakas ng kanyang boses.
Si Patrick ay siguradong gising pa dahil aniya ay may exam siya bukas. May sarili siyang kuwarto sa ikalawang palapag kaya lang ay sigurado ring nabubulabog ang pagre-review niya ngayon dahil sa sobrang lakas ng boses ng aming ina.
“Mga walang kwenta! Puro sakit sa ulo ang dulot n’yong lahat! Mga bwiset sa buhay ko!”
Napatiim-bagang ako. Sa halos araw-araw na ginawa ng diyos ay ganito parati ang senaryo sa bahay kapag nandito ang aking ina. Sa buong dalawampu’t anim na taong nabubuhay ako rito sa mundo ay walang araw na hindi siya umuuwi nang hindi nakainom.
Katulad noong sinabi ni Nanay Pining, kung hindi talo sa sugal ay lango naman sa alak bago umuwi rito sa bahay ang nanay namin. Sa buong barangay ay alam na alam na ganoon ang ugali ng aking ina.
Kung minsan ay hindi ko na alam kung paano haharapin ang ibang tao sa tuwing tinatanong nila ako tungkol sa kanya, lalo na at isa akong guro sa elementary rito sa aming lugar.
Iginagalang ako ng karamihan dahil sa propesyon ko habang ang ina ko naman ay pinagtatawanan dahil sa kanyang pag-uugali. Kaya madalas ay hindi talaga kami makaiwas sa mga Marites dito sa aming barangay na hindi ko na lang pinapansin.
“Lahat kayo walang silbe sa buhay ko! Puro mga pabigat…” Rinig ko ang bawat himutok niya.
Mahigpit ang hawak ko sa tasa habang naglalakad pabalik sa salas. Naabutan ko ang nanay ko na nakasandal sa upuan habang sapo ang sentido. Bumubulong-bulong siya kung gaano kasama ang loob niya sa amin na mga anak niya.
“Magkape ho muna kayo…” Maingat na ipinatong ko ang tasa sa mesa.
Agad naman siyang napatunghay at masama ang tingin na binalingan ako.
“Bingi ka ba?! Ayoko sabi ng kape! Létsé! Pera ang gusto ko! Bóbó!” Matalas ang kanyang dila. Walang kaalam-alam na nakakasugat ang kanyang sariling bibig.
Huminga ako ng malalim. Pilit na pinapahaba ang pasensya para sa babaeng nagluwal sa amin sa mundong ito.
“Aakyat na po ako. Baka magising si Pia…” ani ko na lang at muli siyang tinalikuran.
Nagtungo ako sa maliit na mesa na naka-setup sa gilid kung saan madalas akong gumagawa ng mga lesson plan. Mabilis na niligpit ko ang mga gamit ko ro’n. Maaga na lang ako papasok bukas para matapos ko ang dapat tapusin dahil imposibleng maituloy ko pa ang ginagawa sa sitwasyon ngayon sa bahay.
“Ang kapal ng mukha mong talikuran lang ako. Anak lang kita! Bwiset ka!” sigaw niya sa akin habang nag-aayos ako ng mga gamit ko.
Mariing napapikit ako habang nagtataas-baba ang aking dibdib sa bigat ng paghinga. Niyakap ko ang mga gamit bago muling humarap sa kanya.
“Tama na po ‘yan.” Alas onse na at siguradong tulog na ang mga kapitbahay, pero sa amin ay parang laging may nag-aaway.
“Gabi na ho, magpatulog kayo…” malumanay na ani ko pa sa kabila nang matatalim na tingin niya sa akin.
Kung nakasusugat ang mga tingin ay siguradong puno na ako ng latay ngayon.
Sa akin ay okay lang naman na mag-inom siya o magsugal. Gawin niya kung ano ang gusto niya, kung saan siya masaya, tutal ay ako naman na ang umaako lahat dito sa bahay… ‘wag lang sanang ganito.
“Lasing na ho kayo. Matulog na po kayo.”
Ang hirap na gusto pa niyang magsimula ng eskandalo rito mismo sa bahay at awayin ang mga anak niya.
Sarkastiko siyang napatawa bago ako iduro. “Minamanduhan mo ba ako, ha? Perrie?! Baka nakakalimutan mong anak lang kita!”
Tumayo pa siya pero dahil sa kalasingan ay bumagsak lang muli sa pagkakaupo.
“Kung hindi dahil sa akin ay wala rin kayo sa mundong ito kaya wala kang karapatan na utos-utusan ako! Bwiset ka! Teacher ka kuno pero bóbó ka naman!”
Sa kabila ng masasakit na salitang namumutawi sa bibig niya ay nanatili akong tahimik kasabay nang paghapdi ng aking lalamunan at pagbigat ng aking dibdib.
“Alam ko po…”
Hindi na ako nag-ubos pa ng laway para sumagot sa kanya kahit na alam kong siya ang mali dahil siguradong mas hahaba lang ang usapan. Hindi siya patatalo sapagkat ang alam niya ay siya parati ang tama. Kinabukasan ay siguradong kami ang laman ng bulong-bulungan ng mga kapitbahay.
Sanay na sanay na akong marinig ang lahat ng ito, pasok sa tenga labas sa kabila. Ngunit kahit gaano kasanay ay hindi pa rin maaalis na masakit marinig ang lahat ng ito mula sa sarili naming ina. Bata pa lang ay busog na busog na ako sa mga ganitong salita mula sa kanya.
“Akyat na ho ako.” Tumalikod na ako at kahit ano pa ang marinig sa kanya ay desidido na akong lumayo.
Pumanhik na ako sa hagdan at plano na lang na tabihan sa pagtulog si Pia. Kailangan ko pa siyang aluin kung sakaling nagising siya dahil sa ingay ni nanay.
Mahirap man aminin pero mayroon kaming sugarol, lasinggera, at iresponsableng ina. Kahit kailan ay hindi ko naramdaman na naging ina siya sa aming magkakapatid. Simula sa akin, noong bata pa ako ay hindi ko matandaan kung nagawa niya ba akong ipagtimpla ng gatas.
Kulang na lang ay ipamigay niya ako para hindi siya magkaroon ng respoinsibilidad. Lumaki ako sa pangangalaga ng lola ko, na ngayon ay hindi na namin kasama sapagkat bago pa man ipanganak si Patrick ay nawala na siya sa mundo.
Si Patrick naman, ang kapatid ko na sumunod sa akin ay ako na ang nag-alaga sa kanya simula noong maliit pa lang siya. Pitong taon ang tanda ko sa kanya at tulad ko ay hindi niya naranasan ang kalinga ng isang ina. Sa mura kong edad ay marunong na akong magtimpla ng gatas, magpalit ng diaper, at magpaligo sa nakababata kong kapatid.
“Ang sarap ninyong layasan!” Nandito na ako sa ikalawang palapag ay naririnig ko pa ring sumisigaw ang lasing naming ina.
Napapailing na lang ako. Walang pagbabago. Hindi na yata magbabago.
Bago pumasok sa kuwarto namin ni Pia ay sumulyap muna ako sa katapat na pinto kung saan ekasktong kapapatay lang ng ilaw. Siguradong nawalan na rin ng gana si Patrick sa pag-aaral dahil na rin sa gulo rito sa bahay. Nagpapasalamat na lang ako na matiyaga rin ang kapatid kong ito at kahit kailan ay hindi naging sakit sa ulo.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sa kama ay nakita ko ang mahimbing na natutulog na si Pia. Itinabi ko lang ang mga gamit bago maingat na humiga sa tabi niya.
“Mama?” Naalimpungatan yata siya sa pagdating ko kaya marahang tinapik ko ang kanyang hita.
“Shush… sleep na, baby…” masuyong bulong ko bago halikan ang kanyang pisngi.
“Nandito na si mama…”
Nakahiga lang ako habang yakap-yakap si Pia. Hindi ko napansin na matagal na akong nakatitig sa inosenteng mukha niya. Ang bigat ng dibdib na nararamdaman kanina ay parang bulang nawala. Sa tuwing tinitingnan ko siya ay nawawala ang lahat ng pagod ko.
Makalipas pa nga ang ilang taon ay si Pia naman ang dumating sa buhay namin. Siya ang bunso naming kapatid at halos dalawampung taon ang tanda ko sa kanya. Ako ang nakagisnan niya simula noong ipinanganak siya hanggang sa unti-unting magkaisip kaya mama ang tawag niya sa akin.
Ako na ang tumayo bilang ina sa mga kapatid ko dahil hindi namin maaasahan ang sarili naming nanay. Parati siyang wala sa bahay. Kung wala sa sugalan ay nasa inuman naman. Kung minsan ay nagsa-sideline sa paglalaba sa mga kapitbahay pero ang perang nakukuha niya ay para sa pangsarili lamang niya.
Ang nakakatawa pa ay iba-iba ang mga tatay naming tatlo. Hindi ko na nakilala ang ama ko, habang ‘yong tatay naman ni Patrick ay parang bula na nawala noong nalamang buntis ang nanay ko.
Si Pia naman ay anak ng ninong ko na kumpare ng aking ina. Umiral yata ang kakatihan nilang dalawa at pumasok sa relasyon na alam nilang bawal. Kaya noong pumutok ang balita ay umalis sa isla ang ninong ko at pamilya niya. Nadagdagan na naman ang responsibilidad ng nanay ko na matapos niyang pasukin ay hindi naman niya kayang harapin.
Ewan ko ba. Ang kumplikado ng buhay ng pamilya namin. Kung iisipin ko ang lahat ng ito ay parang sasabog ang utak ko. Pasalamat na nga lang ako at nakatapos ako sa pag-aaral ng walang tulong na nakukuha sa nanay ko.
Nakatulugan ko na lang ang pag-iisip.
Kinabukasan ay nauna pa yata akong magising kaysa pagtilaok ng manok. Hindi pwedeng tanghaling magigising dahil isang buong pamilya ang kailangan kong asikasuhin.
“Pat…”
Mahina lang ang ginagawa kong pagkatok sa pinto ng kuwarto ng kapatid ko. Hindi rin nagtagal at nagbukas din iyon.
“Ate…” Iniluwa nito ang pupungas-pungas na si Patrick.
“Tabihan mo muna si Pia sa kuwarto, baka magising. Maghahanda lang ako ng almusal natin.”
Hindi ko na hinintay ang sagot niya dahil araw-araw ay ganoon naman ang ginagawa namin. Kapag maaga pa at kailangan kong kumilos ay siya muna ang magbabantay kay Pia.
Pagbaba ko ay naririnig ko pang naghihilik sa sofa ang aming nanay. Nilampasan ko lang siya at nagtungo sa kusina. Habang nakasalang ang kanin ay nagpapakulo rin ako ng tubig sa kabilang kalan. Sinasabayan ko rin iyon ng pagwawalis at iba pa na pwedeng gawin.
Pritong itlog at tuyo ang ulam namin ngayong almusal. Nagluto na rin ako ng ginisang gulay na parehong baon namin ni Patrick. Malaki ang matitipid kapag nagbabaon kaysa bumibili pa sa school.
Naligo na rin muna ako bago magpasyang bumalik sa ikalawang palapag ng bahay para gisingin si Patrick.
“Nine pa ang pasok ko, ate…” mahinang aniya, maingat ang paglingon niya sa akin para hindi magising si Pia.
Tumango ako at sinulyapan naman si Pia na masarap ang tulog habang nakayakap sa kanyang kuya.
“Sige. Mauuna na akong mag-almusal sa inyong dalawa. Nakaluto na ako. Nakahanda na rin ‘yong baon mo. Mamaya ay pakainin mo muna si Pia bago ihatid kina Nanay Pining, ha?”
Araw-araw ay ganito ang senaryo namin. Nauuna akong umalis dahil marami pang aasikasuhin sa school. Si Nanay Pining ang pansamantalang nagbabantay kay Pia dahil kailangan ding pumasok ni Patrick. Mabuti na lang at mabait ang matanda.
Ang nanay naman namin ay hindi na maaasahan sa bagay na iyon. Siguradong tirik na ang araw bago siya gumising. Magkakape pagkatapos ay aalis na at gabi na ulit magpapakita rito sa bahay.
“Good morning, Ma’am…” bati sa akin ni Tiyo Danny, kapitbahay rin namin. Kasalukuyang nagwawalis sa kanilang bakuran.
“Magandang umaga ho…” Luminga ako sa paligid, halos bago pa lang sisikat ang araw.
“Mukhang masama na naman ang lasa ng nanay mo kagabi…” natatawang biro niya pagkaraan.
Napangiti na lang ako. “Pagpasensyahan n’yo na ho kung nabulabog kayo kagabi.”
Wala naman akong magagawa kung hindi humingi ng pasensya sa lahat kinabukasan.
“Naku, sanay na, Ma’am. Sana ay habaan n’yo pa ang pasensya n’yo sa nanay n’yo…”
Kung pahabaan ng pasensya ay baka pwede akong makipagkumpetensya.
Tumango na lang ako bago nagpaalam sa matanda.
Nilalakad lang ang school mula sa bahay namin. Siguro ay dalawang kanto rin ang layo. Tamang-tama na exercise din sa umaga. Nagsusuot na lang ako ng jacket dahil malamig dito sa isla at hinuhubad ko na lang kapag medyo mainit na.
Halos isang oras ang pinaghihintay ko sa school bago isa-isang dumating ang mga bata. Alas siyete impunto ay dapat nasa school na ang lahat para sa flag ceremony at seven thirty naman nagsisimula ang unang klase.
“Ma’am si Joseph po, kinukuha ‘yong lapis ko.”
Nagsusulat ako sa pisara nang marinig ko ang sumbong ng isa sa mga estudyante ko. Pagtingin ko ay nakatayo na si Stella habang tinuturo ang seatmate niya na si Joseph.
Itinigil ko ang ginagawa para harapin sila.
“Joseph, bakit naman po kinukuha mo raw ang lapis ni Stella?” mahinahon kong ani sa bata.
“Hinihiram lang naman po, Ma’am. Ibabalik ko rin po,” sagot naman ng bata. “Oh, heto na. Nagsusumbong ka kaagad!”
Ibinagsak naman ng bata ang lapis sa mesa na agad na kinuha ng katabi.
“Ma’am, wala pong dalang papel si Honey. Hingi po nang hingi!”
“Ma’am si Kiefer po, nampapahid ng kulangot!”
Araw-araw, hindi matatapos ng matiwasay ang klase dahil palaging may ganitong senaryo sa loob ng classroom. Grade one students ang tinuturuan ko kaya kailangan ay mas mahaba ring pasensya ang bitbit ko sa araw-araw.
“Si Paolo po umutot, Ma’am! Ang baho!”
Mga bata pa kaya halos puro laro at kalokohan din ang mga nasa isip.
Walang pinagkaiba sa bahay kapag nandoon ang aking ina. Magulo. Maingay. Pero ang pinagkaiba lang ay mas gusto ko ang ingay rito sa silid. Ang mga simpleng sumbong at ingay mula sa mga batang estudyante na tinuturuan ko ay hindi hamak na mas magandang pakinggan kaysa bawat mura na lumalabas sa bibig ng aming nanay.
“Bakit po maingay? Kapag po ba nagsusulat ay bibig ang ginagamit?” malumanay ang bawat bigkas ko ng salita.
“Hindi po... kamay po…” sabay-sabay na sagot naman ng mga bata.
“Ay bakit nga po maingay?” Tiningnan ko sila isa-isa. Halos lahat ay nakatayo at kung saan-saan pumupunta.
“Si Mika o, very good. Tahimik lang,” ani ko at iyon ang naging hudyat para magkani-kaniya nang upo sa kani-kanilang mga puwesto.
Para silang mga langgam na maliliit na nagpapaunahan sa pagbalik sa mga upuan.
“Sino kaya ang very good pa? Ay si Yesha rin, very good! Nagsusulat lang siya.”
Unti-unti ay tumatahimik din sila. Napangiti ako.
“Sige na, magsulat na kayo para titingnan ni teacher kung sino ang very good pa.”
Ganoon lang naman pagkatapos ay babalik na ulit sila sa pinagagawa ko kanina. Mga bata kaya simpleng bagay ay madali silang ma-distract pero sumusunod pa rin naman sila sa mga sinasabi ko. Mas madaling pagsabihan. Mas madaling pangaralan.
Hindi tulad sa matatanda. Kahit mali sila, hindi mo pwedeng itama dahil lalabas at lalabas na ikaw ang mali.
Alas onse ang tapos ng mga estudyante sa unang baitang. Kaya bago sumapit ang alas dose ay tahimik na sa loob ng classroom, depende na lang kung may naiiwan pang estudyante na late na nasundo ng mga magulang tulad na lang ngayon.
“Thank you po, Ma’am. Pasensya na kung makulit po si Kiefer…” ani Mrs. Legaspi.
“Wala po ‘yon…” Nginitian ko lang siya bago sinabayan sa paglalakad hanggang sa pinto ng classroom.
Tinanaw ko lang sila palayo nang biglang may humampas sa braso ko.
“Aray!” Napadaing agad ako.
“Ang layo ng tingin!” Pagtingin ko sa gilid ay ang ngiting-ngiti na si Ma’am Bridgette ang bumungad sa akin pagkatapos ay hinila ako pabalik sa classroom.
Napabuntong-hininga na lang ako na nagpatianod sa kanya.
“Umupo ka muna. Dali, may chika ako sa ‘yo!” hyper na hyper na aniya habang tinutulak ako hanggang sa makarating kami sa table ko sa bandang likod. Kumuha na rin siya ng isang monoblock chair at inilapit sa tabi ko.
“Dito na rin ako kakain, ha? Sabay na tayo!” Ipinatong niya sa mesa ko ang dala niyang kulay pink na lunch bag. Mayroon din siyang dala na tatlong saging.
“Alam mo ba—”
“Hindi pa.” Putol ko agad sa sasabihin niya.
Napasimangot siya at agad na pinalo ulit ako sa kabila namang braso. Ang hilig manghampas kapag natutuwa.
“Ito naman. Siyempre hindi pa nga talaga!” Pagkatapos ay tumawa siya.
Inilabas ko na rin ang lunch box ko. Chopsuey ang niluto ko kanina na sinahugan ko lang ng ilang pirasong squidballs.
“Kumain na lang tayo,” ani ko at akmang bubuksan na ang baon ko nang pigilan niya ang kamay ko.
Napanguso ako. Nagugutom na kaya ako.
“Mamaya na, makakapaghintay naman ‘yan! So heto na nga…” Inilapit niya ang mukha sa akin na animo ay ayaw iparinig kahit na kanino ang sasabihin.
“May bisita raw tayong dadating sa isang linggo.”
‘Yon lang pala, bakit bumubulong pa? Akala ko ay kung ano na.
“Tayo lang naman ang nandito, ‘wag ka nang bumulong…” Hindi na rin ako nagpapigil pa sa kanya na buksan ang lunch box ko. Gutom na talaga ako.
Pinunasan ko lang ng tissue ang kubyertos na dala ko. Malinis naman na ito kaya hindi ko na hinugasan.
“Ay oo nga, ‘no?” Napakamot siya sa ulo bago natatawang ginaya ako at nagsimula na ring kumain. Inabot niya sa akin ang isang saging.
Naiiling na napatawa na lang din ako. Minsan talaga ay parang maluwag din ang turnilyo nitong si Ma’am Bridgette.
“Hindi ba nag-pull out ‘yong sponsor natin dati? Siya na yata ang mag-sponsor ngayon. Matutuloy na ‘yong pagpapagawa ng multi-purpose hall natin!” Tuwang-tuwa na balita niya.
Mabuti naman kung ganoon. Masaya ako dahil malaking tulong iyon sa school at sa mga bata. Kapag may program o kung anumang pagtitipon ay hindi na kailangang mabilad pa sa araw ang lahat.
Nagpatuloy siya sa pagkukuwento habang ako ay kumakain na rin.
“At ang balita ko…” Muli siyang lumapit sa akin. Hinintay munang maubos niya ang nginunguya bago muling nagsalita. “4M daw.”
Namilog ang mga mata ko. “Ha? 4 million? Ang laki—”
“Gaga!” Siya naman ang pumutol sa sasabihin ko. Natatawang tiningnan niya ako at muntik pang masamid kaya inabot ko sa kanya ‘yong tumbler na dala niya.
“4M, ibig sabihin matandang mayamang madaling mamatay! Anong 4 million ka r’yan?!” Namumula ang mukha niya sa pagtawa.
Napakamot naman ako sa noo. “Sorry naman. Malay ko ba?” Muli na lang akong sumubo sa kinakain ko.
4M kasi ang sabi niya, kaya natural ang iisipin ko 4 million. Tsk!
Natatawa pa rin siya habang nagpapatuloy rin sa pagkain.
“May pag-asa na ako…” maya-maya ay sabi niya.
Pag-angat ko ng ulo ay kita ko ang naglalarong ngisi sa kanyang mga labi.
“Pag-asa saan?” takang tanong ko.
“May pag-asa na yata akong yumaman at magkaroon ng lovelife.” Nagtaas-baba ang kilay niya habang ako ay naguguluhan pa rin.
“Sisipatin ko ‘yong bisita natin next week. Baka may pag-asa. Kaunting papitik lang…” Ngumuso pa siya at nag-pose na akala mo ay sexy model. “Siguradong bibigay ‘yon. Mga matatanda pa naman mabilis mapikot.”
Humagikhik siya habang ako ay napailing na lang.
“Matanda na nga e, papatulan mo pa…” sabi ko.
“Aba kung mayaman ayos lang at alam mo ba? Halika…” Ikinaway niya ang daliri sa akin para lumapit ako pero wala akong planong sumunod dahil kumakain pa ako, kaya sa huli ay siya rin ang lumapit sa akin.
“Basta malaki ang títé at mapapasigaw ako sa kama, oks na oks. Sa huli nasarapan na, yumaman pa!” proud na aniya habang humahagikhik na tila kinikiliti.
Napatampal ako sa aking noo. Nasobrahan naman yata sa pagiging prangka ang kaibigan kong ito. Jusko!