MAN

2261 Words
“Ang yabang! Akala mo talaga kung sinong napakalakas! Isang suntok ko lang sa mukha niya ay lilipad siya!” Inis na inis ako at kanina pa nag-iinit ang ulo dahil sa nasaksihan kong eksena sa ibaba. Saglit ko pa lang naman na kasama at nakausap ang mga bodyguards na katrabaho ni Kuya Mark pero hindi ko agad maatim na may nanakit sa isa sa kanila. Wala akong pakialam kung sino ang bagong dating na lalaking iyon na basta na lang nanuntok ng empleyado. Tinawag nila itong ‘Boss’ kaya malamang ay mayaman at isa sa mga pinagsisilbihan nila. Pero hindi pa rin tama na basta na lang siyang nanuntok ng walang kalaban laban na empleyado! “Kapag ako talaga ang sinubukan niyang kantiin, hindi ako magdadalawang isip na gantihan siya kahit gaano pa siya kayaman!” Hanggang sa nakabalik ako sa kwarto ni Kuya Mark ay damang dama ko pa rin ang gigil ko sa lalaking mayabang na ‘yon. Muntik ko na tuloy na makalimutan na hindi dapat ako nag-aaksaya ng oras dahil kailangan kong kumilos para maghanap ng trabaho! Mabilis na naghanda ako ng isusuot at saka nagtungo sa CR na nasa pinakadulong floor para makaligo. Isa-isang nilista ko kagabi ang mga kumpanya na pwede kong bisitahin para pag-aplayan ng trabaho. Pero dahil si Alisa ang nagbigay ng listahan mga kumpanya na ‘yon ay medyo nagdadalawang isip ako. Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya. Pero mabilis kasing magoyo si Alisa ng mga kumpanya na may kung anu-anong front para i-offer kuno sa mga empleyado. Ilang beses na ba siyang na-scam sa mga in-aplayan niyang trabaho? Hindi ko na mabilang! Minsan ay hindi na nag-iisip si Alisa at basta na lang punta nang punta at hindi na iniisip mabuti kung legit ba ang mga kumpanya na nababasa niyang nagpopost ng mga job advertisement online. Binilisan ko ang paliligo. Pagbalik ko sa kwarto ni Kuya Mark ay agad kong inihanda ang mga requirements na alam kong kakailanganin kaagad sa pag-apply ko ng trabaho. Paalis na ako nang dumating si Kuya Mark at sinabihan ako na libre na siya kaya pwede na niya akong samahan sa pag-apply sa trabaho ngayong araw. “Naabutan mo ba ‘yung kuya ni Ma’am Lady, Mau?” Saglit na napatigil ako sa ginagawang pag-aayos sa bag nang magtanong si Kuya Mark. Naghubad siya ng suot na polo at nagpalit ng t-shirt. Kumunot ang noo ko nang maintindihan ang tanong niya. “Kuya ni Ma’am Lady?” ulit ko sa sinabi niya. Nakangising tumango siya at ipinagpatuloy ang pagpapalit ng damit. “Oo. Dumating daw dito at sinapak si Leo…” natatawang sagot niya. Agad na umawang ang bibig ko nang maalala ang mayabang na lalaki na dumating kani-kanina lang! “Kuya ni Ma’am Lady ang mayabang na lalaking ‘yon?!” Hindi ko na napigilan ang sarili na mapalakas ang boses dahil sa sobra-sobrang pagkabigla. Hindi ko lubos maisip na magkapatid silang dalawa ni Ma’am Lady! Masyadong pinong kumilos si Ma’am Lady at mukhang hindi naman masama ang ugali kaya paano naman siyang nagkaroon ng kuya na halatang maangas at mukhang gagawin ang kung anong ma-tripan sa buhay dahil mayaman?! Mas lalong tumawa si Kuya Mark dahil sa naging reaksyon ko. “Magiging bayaw ni Boss Jared ‘yon, Mau. Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo tungkol sa kanya,” natatawang saway sa akin ni Kuya Mark. Napangiwi ako dahil sa katotohanan na kapatid nga talaga ni Ma’am Lady ang lalaking ‘yon. “Hindi mo ba napansin? Magkahawig sila ni Ma’am Lady,” sambit pa ni Kuya Mark na agad-agad kong inilingan. “Hindi ko naman gaanong nakita ang mukha ng lalaking ‘yon, kuya. Tsaka ibang-iba ang ugali niya kay Ma’am Lady. Mukhang sobrang yabang ang kuya niya pero si Ma’am Lady ay halatang mabait!” bulalas ko. Ngumisi lang si Kuya Mark. “Kawawa naman yung bodyguard na basta na lang niyang sinuntok sa mukha! Hindi man lang yata nakaganti!” naiiling na bulalas ko. Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang ulo ko dahil sa nakita kong eksena kanina sa ibaba. Kung sa kamag-anak ko o sa kahit na sinong kilala ko gagawin iyon ay hindi ako magdadalawang isip na ipaghiganti sila. “H’wag mong intindihin si Leo, Mau. Baka nga nakangiti pa ang gago na yun ngayon dahil bukod sa paid leave ay may isang daang libo siya,” natatawang paliwanag ni Kuya Mark. “Isang suntok lang naman sa mukha. Malayo sa bituka,” dagdag niya pa kaya mas lalo akong napamaang! At sino namang sira ang ulo ang magbabayad ng isang daang libong piso para lang sa isang suntok? Kung hindi ba naman may tuliling talaga sa utak ang kuya ni Ma’am Lady! “Isang daang libo dahil lang sa ginawa niyang pag suntok doon sa bodyguard?” Hindi pa rin makapaniwala na bulalas ko. Tumango si Kuya Mark at saka ngumisi sa akin. “Aba’t sira talaga ang ulo ng kuya ni Ma’am Lady…” Hindi na nakapagpigil na bulalas ko. Natatawang sinenyasan ako ni Kuya Mark na tumahimik at hinaan ko ang boses ko. “Ginagawa ni Boss Larwin ‘yon para makahanap ng maayos na bodyguard para sa kaligtasan niya, Mau. Hindi lang naman basta nagtitrip ‘yon kaya nanuntok na lang basta,” paliwanag niya at saka sumeryoso ang mukha. Kahit yata anong sabihin niya ay hindi ko maiintindihan kung bakit kailangan niyang manakit ng ibang tao! “Malaking eskandalo ang nangyari sa pamilya nila nitong nakaraang taon lang. Maraming kalaban ang pamilya nila na mukhang kamag anak lang ang may pakana. Kaya nag-iingat ng todo sa pagkuha ng bodyguard. Ilang beses na ring nalagay sa peligro ang buhay ni Boss Larwin. Walang alam ang Mommy at kapatid niya. Sila Bossing lang ang may alam. At baka wala ring balak si Bossing na ipaalam kay Ma’am Lady lalo na at buntis…” mahabang paliwanag niya. Kumunot ang noo ko. Medyo naintindihan ko na ang sitwasyon pero hindi pa rin tuluyang naaalis ang gigil ko sa kuya ni Ma’am Lady. “Handang magbayad ng malaki ang mga ‘yan para lang sa proteksyon nila. Kaya ‘wag mong masyadong seryosohin ang mga nakikita mo dito, Mau. Gusto lang talaga ni Boss Larwin na makasiguro sa makukuha niyang bodyguard,” dagdag niya pa. “Bakit hindi na lang kumuha ng tao sa mga malalaking agency?” usisa ko pa. Umiling si Kuya Mark. “Kung doon kukuha ay mas delikado, Mau. Imposibleng hindi pa naimpluwensyahan ng mga kalaban ng pamilya niya ang mga kilalang security agency. Sa yaman ng mga Ross, siguradong hinihintay na lang ng mga kalaban na kumilos si Boss Larwin para kumuha ng empleyado doon at posibleng ang makukuha niya pang security ang siyang magpahamak sa kanya…” paliwanag niya. Tumango ako. Hindi ko alam kung bakit kung anu-ano ang pumasok sa isip ko nang marinig ang sitwasyon ng Larwin na ‘yon. Ilang sandali pa ay sinamahan na nga ako ni Kuya Mark na puntahan ang mga kumpanya na sinuggest sa akin ni Alisa. At tama nga ang hinala ko na karamihan sa mga ‘yon ay mga scammers na naghahanap lang ng mga mabibiktima na galing sa probinsya at nag-aapply ng trabaho dito sa Maynila! Bumuntonghininga ako nang lumabas sa isang establishment ng isang job agency na unang kita ko pa lang sa mga empleyado ay alam ko nang hindi mapagkakatiwalaan. “Kamusta? Sa tingin mo ba ay makakapasok ka sa mga in-applyan mo?” Iyon kaagad ang usisa ni Kuya Mark habang pabalik na kami sa corporate house. Sinabi ko sa kanya na bukas ay susubok ulit ako sa paghahanap pero hindi ko na siya isasama dahil masyado na akong nahihiya. Buong maghapon na niya akong sinamahan sa pag-apply sa trabaho at hindi naman pwede na araw-araw ko siyang abalahin. May sarili siyang trabaho at iyon dapat ang priority niya. Kakatapos lang naming kumain ng hapunan nang makita ko si Kuya Mark na ngiting-ngiti habang nakatingin sa isang papel na hawak-hawak niya. Usap-usapan pa rin ng mga bodyguards sa ibaba ang nangyaring panununtok ng kuya ni Ma’am Lady. Naghahanda pa nga ang iba dahil sa posibleng pagbalik daw ng Larwin na ‘yon dito sa corporate house bukas! ‘Wag ko sanang makita ulit ang gagawin niyang panununtok na naman bukas! Baka hindi na talaga ako makapagpigil ay ako na ang mag prisinta para lumaban sa kanya! “Mukhang masaya ka ngayon, kuya ah?” Pahiga na ako sa kama nang naisipan kong usisain ang ginagawa niya. Ngumiti siya at saka saglit na lumingon sa akin bago sinabi ang kung anong ginagawa niya. “Masaya talaga ako, Mau. Hindi ko akalain na magkakaroon ako ng pagkakataon na makapunta sa ibang bansa at makapag training pa doon,” nakangiting paliwanag niya. Namilog ang mga mata ko at agad na napabangon nang narinig ang sinabi niya. “Sa… sa ibang bansa, kuya? Ibig sabihin–” “Oo, Mau. Aalis ako…” mabilis at excited na pigil niya sa sasabihin ko. Napasinghap ako at hindi makapaniwalang napatitig sa kanya. “Gusto ni Bossing na mag-training ako sa England para maging assistant niya. Magkakaroon na ako ng pagkakataon na maging isang Engineer…” ngiting-ngiti at mukhang masayang-masaya na sambit niya. Ngumiti ako pero hindi ko alam kung dapat ba akong magsaya dahil aalis na siya. Kung aalis siya ay siguradong pababalikin ako ni Tatay sa probinsya at ayaw kong mangyari ‘yon! “Ayos ka lang ba, Mau?” tanong ni Kuya Mark. Hindi na kasi ako nakaimik matapos niyang sabihin sa akin plano niya. Mabilis na tumango ako. “Congratulations, Kuya Mark! Siguradong matutuwa ang pamilya mo dahil d’yan!” bulalas ko. Napalunok ako ng sunod-sunod. Hindi tuloy ako mapakali at hindi rin ako halos nakatulog dahil sa naging pag-uusap namin ni Kuya Mark. Aalis siya at kapag umalis na siya ay siguradong malalaman ni Tatay at hindi siya magdadalawang isip na pabalikin ako sa probinsya! Dahil hindi ako nakatulog sa nagdaang gabi ay sobrang aga ko tuloy na nagising kinabukasan. Agad na naghanap ako ng hoodie jacket sa maleta ko at nagpasyang mag-jogging para mas maging maayos ang pag-iisip ko. Pinag iisipan kong mabuti na sabihin na kay Kuya Mark ang sitwasyon ko bago man lang siya umalis papuntang England. Siguro naman ay mapapakiusapan ko siyang kausapin si Tatay na hayaan ako na magtrabaho dito sa Maynila. Nahihiya akong humingi ng pabor kay Kuya Mark pero wala naman akong choice kung hindi ang gawin ‘yon. Bumuntonghininga ako at saka agad na inangat ang built-in mask na kasama ng suot kong hoodie jacket. Kadalasan na ginagamit ko iyon sa tuwing pauwi ako sa gabi o madaling araw galing sa trabaho. Kapag suot ko kasi ang hoodie ko ay madalas na napagkakamalan akong lalaki kaya walang nagtatangka na pag tripan ako sa kalye. Hindi ko pa kabisado ang lugar na ito kaya dapat lang na mag-ingat ako at hindi magpadalos dalos lalo na at alanganing oras pa lang ngayon. Alas kwatro pa lang ng madaling araw kaya medyo madilim pa sa labas. Nang nakababa ako sa elevator ay agad na nag-stretching ako at nagsimula na kaagad na mag-jogging palabas sa corporate house. “Hey!” Palabas pa lang ako sa gate ay may pumigil at humawak na sa balikat ko. Nang lumingon ako ay agad kong namukhaan ang mayabang na lalaki na dumating kahapon dito at basta na lang nanuntok ng bodyguard! Wala siyang suot na shades at cap ngayon kaya kitang-kita ko ang kabuuan ng mukha niya. Kapatid nga ni Ma’am Lady! Ang gwapo ng putang inang mayabang na ‘to! Wala pang isang dipa ang pagitan naming dalawa kaya kitang-kita ko kung paanong umangat ang mga kilay niya habang nakatingin sa akin. Nakita ko rin kung paano niyang pinasadahan ng tingin nang kabuuan ko at hindi ko talaga nagustuhan kung paano siyang tumitig. Ang angas talaga! Parang ang sarap paduguin ng ilong at basagin ang mukha kahit na nakakapanghinayang dahil halos perpekto! “Gusto mo bang mag-exercise kasama ako?” maangas na alok niya sa akin. Hindi ako sumagot. Humakbang siya at sa ginawa pa lang niyang paglapit sa akin ay alam ko na kaagad na susuntukin niya ako. Dahil sa naisip ay naging alerto ang katawan ko. Bago pa siya nakaamba ng suntok ay nahawakan ko na ang braso niya at agad na pinilipit at saka malakas na tinulak palayo sa akin. “Fūck!” malakas na mura niya nang matumba sa bermuda grass habang hawak-hawak ang braso niya na gigil na pinilipit ko kanina. Nang muling nag-angat siya ng tingin sa akin ay kitang-kita ko ang pigil na gigil niya pero hindi naman nagsalita at nagreklamo. Humakbang ako palapit sa kanya at saka nilahad ang kamay ko para tulungan siyang tumayo. Mukhang nasanay lang naman siya sa ginagawang panunugod kaagad kaya hindi niya siguro akalain na may papatol sa kanya dito. Inabot naman niya ang kamay ko pero sa gulat ko ay hinila niya ako palapit sa kanya kaya agad na bumagsak ako sa ibabaw niya! “Tangna–” Hindi ko pa natatapos ang mura ko ay nagawa na niyang pagpalitin kaming dalawa ng pwesto. Ngayon ay nasa ibabaw ko na siya habang hawak-hawak ang mga braso ko. Nakangisi siya habang nakayuko at nakatingin sa akin. “I like you, man…” mayabang at nakangising komento niya habang nakatingin sa akin. “Wanna spar with me?” alok niya pa na sobrang ikinagulat ko. Pabalik balik din sa isip ko ang sinabi niya. Man? Inakala ba ng mayabang na ‘to na lalaki ako?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD