GUGULUHIN

2029 Words
“Do you wanna spar with me?” Ilang sandali pa akong napatitig sa kuya ni Ma’am Lady. Nasa ibabaw ko siya at halos isang dangkal lang ang layo ng mukha niya sa akin. Sa totoo lang ay kayang-kaya kong iuntog ang noo ko sa kanya para lang makawala sa hawak niya. Kung hindi ko lang naiisip na baka dahil pa sa akin ay baka may kung anong gawin siya kay Kuya Mark ay kanina ko pa siya sinaktan. Kahit sinong lalaki ay wala pang nakalapit sa akin ng ganito. At hindi ako makapaniwala na ang isang mayabang na katulad niya pa ang nakalapit ng todo sa akin! “Why aren’t you saying anything? Wala ka bang bibig?” nakataas ang kilay at maangas na tanong niya sabay bitaw sa isang braso ko para ibaba ang built-in mask na nakatakip sa gawing ilong at bibig ko. Sinamantala ko ang pagkakataon para makatakas sa kanya. Mabilis na tinulak ko siya at maliksi ang kilos na tumayo para magkaroon kami ng sapat na distansya. Sa halip na mainis sa ginawa kong panunulak sa kanya ay narinig ko pa ang mahinang tawa niya sabay tingin ulit sa akin. Tutal ay napagkamalan na niya akong lalaki ay pangangatawanan ko na. Tumikhim ako ng ilang beses para ihanda ang sarili ko sa pagsasalita gamit ang malalim na boses. Kung magsasalita ako gamit ang normal na boses ko ay siguradong makukwestyon niya pa kung bakit ako narito samantalang puro lalaki lang naman ang nakatira sa corporate house na ito. “Kapag natalo ba kita ay hindi ka na basta na lang manununtok ng mga tauhan dito?” tanong ko sa isang malalim at malaking boses. Sinadya kong magtunog panlalaki ang boses ko para hindi na siya magduda pa. Tumayo siya at saka kitang-kita ko ang ginawang pag ngisi sa harapan ko. Lumabas ang mapuputi at pantay-pantay niyang ngipin at saka mukhang aliw na aliw habang nakatingin sa akin. Kung gaano kaganda si Ma’am Lady ay ganun naman kagandang lalaki ang kuya niya. Nakakairita nga lang masyado ang presensya ng lalaking ito kaya kahit gaano pa siya ka-gwapo ay hindi ko ma-appreciate. Kahit ang tawa niya at ang pagsasalita niya ay nagpapainit sa ulo ko. “Kaya mo ba akong talunin?” natatawa at mukhang hindi pa makapaniwala na hamon niya. Kitang-kita ko sa paraan ng paninitig niya sa akin na hindi siya naniniwala na kayang-kaya ko siyang ibalibag at balian ng buto. Kung hindi ba naman ilang gym na ang pinasukan ko at ilang martial arts na ang natutunan ko dahil kailangan kong matuto ng self-defense para maka-survive at makapagtrabaho sa kahit saan. “Paano kung sabihin ko sa’yo na kaya ko?” tanong ko habang diretso ang tingin sa kanya. Humalakhak siya pero nagsimula nang maglakad palapit sa akin. Sa porma niya pa lang ay kalkulado ko na ang mga galaw niya. Mukhang balak niya pang gamiting advantage ang height niya para makalamang sa akin. Pero nagkamali siya ng hinamon at minaliit. Kahit na hindi ako matangkad ay kayang-kaya ko siyang buhatin at ibalibag. Tumigil siya sa paglapit nang halos isang dipa na lang ang layo niya sa akin. “Kapag natalo mo ako ay sisiguraduhin ko na sa akin ka na magtatrabaho,” nakangising sambit niya. Nagsalubong ang mga kilay ko. Nasisiraan na ba siya ng ulo? At bakit naman ako magtatrabaho sa isang mayabang at nakakainis na katulad niya?! “Pasensya na pero ayokong magtrabaho sa’yo…” mariing tanggi ko at sinadya talaga na prangkahin na siya kaagad. Sigurado naman ako na kayang-kaya ko siyang talunin ngayon. Pero kung ang kapalit ay magtatrabaho ako sa kanya ay hindi bale na lang! “Ni hindi mo pa nga naririnig kung magkano ang pwede kong i-offer para sa serbisyo mo,” nakataas ang kilay ay nakangising sambit niya. Mas lalo lang na nagpanting ang tenga ko nang narinig ang sinabi niya. Iba talaga ang style ng mga mayayaman sa pakikipag negotiate. Ang akala nila ay hindi ka pwedeng umayaw sa kahit na anong iaalok nila dahil kailangan mo ng pera. Pwes, ibahin niya ako. Hindi ako namimili ng trabaho pero hindi rin ako nagtatrabaho para sa isang tao na hindi ko gusto ang ugali. “Wala akong pakialam sa offer mo. Sige na. Mauuna na ako.” Mabilis ang ginawa kong paghakbang para lumabas sa gate. Wala akong panahon na pakinggan ang kahit na anong sasabihin niya lalo na at hindi naman ako interesado sa kahit na anong i-ooffer niyang trabaho sa akin. Kung siya rin lang ang magiging amo ko ay di bale na lang! Baka sa halip na iligtas ko siya sa kung anong panganib ay sa akin pa lang, mapahamak na siya dahil sa sobrang gigil ko sa kayabangan niya! “Wait!” Hindi ko pinansin ang pagtawag niya at nagpatuloy sa pag-jogging. Pero nagulat pa ako nang sundan niya ako kaya mas binilisan ko ang pagtakbo. Binilisan din niya ang pagtakbo at pilit talagang tinatapatan ako kaya gigil na tumigil ako at saka tuluyang hinarap siya. Tumigil rin siya sa pagtakbo at saka naglakad palapit sa akin. Tuloy-tuloy ang paglapit niya at mabilis ang kilos na sinugod ako. Agad na nailagan ko ang unang suntok niya. Ngumisi siya pero sumubok ulit na sugurin ako pero nakailag ulit ako. “You’re good huh?” nakataas ang kilay na komento niya at saka mas dumikit sa akin at umambang hahawakan ang braso ko. Doon na ako nagsimulang gumanti. Napipikon na talaga ako at hindi ko na matiis na iwas-iwasan na lang ang mga suntok niya. Isang galaw ko lang ay nahawakan ko na ang braso niya. Alam kong may alam siya sa literal na suntukan pero sa porma pa lang niya ay alam kong wala siyang alam sa self-defense. Kaya niyang protektahan ang sarili niya dahil kayang-kaya niyang sindakin ang kahit na sino dahil matangkad siya. Pero sa katulad ko na may alam kahit papaano sa self-defense ay hindi niya ako masisindak kahit pa mas matangkad pa siyang hamak kay Kuya Mark. Isang malakas na hila ko pa lang sa braso niya palapit sa akin ay hindi na kaagad siya nakagalaw. Nagsalubong ang mga kilay niya pero sumubok na hawakan ang bewang ko pero agad kong hinawakan pati ang isang braso niya at saka tinulak siya palayo sa akin. Nawalan siya ng balanse pero muling sumugod kaya nanliit ang mga mata ko at hindi na napigilan na seryosohin ang pakikipaglaban sa kanya. Nang muling umamba siya ng suntok ay agad kong pinigilan ang braso niya at buong lakas at gigil na hinila ko siya palapit sa akin. Agad na yumuko ako at ginamit ang buong lakas para buhatin siya. Iritadong hinagis ko siya pero sinigurado kong kahit bumagsak siya sa simento ay hindi siya mababalian ng buto. Pero siguradong sasakit ang katawan niya dahil sa ginawa kong paghagis. “Fūck!” malakas na mura niya habang nakahawak sa gilid ng bewang. Hindi ko siya pinansin at inis na tumakbo pabalik sa corporate house. Gusto ko pa sanang mag-jogging para makapag-isip-isip pero dahil sa kanya ay nawalan na ako ng ganang gawin ‘yon! Kahit na naiirita ako dahil sa nangyari sa ibaba ay pagbalik ko sa higaan ay muling nakatulog ako. Umaga na at maliwanag na maliwanag na sa labas nang muling nagising ako kaya nagmamadali ako sa pagbangon. Ayaw kong umabot ng isang linggo na wala pa rin akong napapasukan na trabaho. Isa pa ay nakakahiya kay Kuya Mark kung mananatili ako ng matagal dito sa poder niya pagkatapos ay wala akong trabaho! Mabilis na bumangon ako at nag-stretching habang naglalakad para tumungo sa labas ng kwarto at maghilamos sa CR. Napatigil ako sa gagawing paglabas nang tumayo si Kuya Mark para pagbuksan ang kung sinong nasa labas. “Mark, may hinahanap na tao si Boss Larwin. Ang pagkakaalam ko ay wala namang maliit na nakatira dito sa corporate house. Pinakamaliit na dito ay 5’11” na. Pero ang hinahanap niya ay nasa 5 flat lang.” Agad na natigilan ako pagkarinig sa sinabi ng kasama ni Kuya Mark. Kakagising ko lang at halos hindi pa nakapag mumog pero parang tumakas na ang kaluluwa ko mula sa katawan ko matapos marinig ang sinabi ng katrabaho ni Kuya Mark. Malakas ang kutob ko na ako ang hinahanap ng gagong Boss nila! “5 flat?” Narinig kong tanong ni Kuya Mark sa kausap. Mas lalo akong napakislot nang makitang sumulyap siya sa gawi ko at ilang sandaling nagtagal ang titig bago ibinalik ang tingin sa kausap. “Wala namang 5 flat dito. Baka nagkamali lang si Boss Larwin,” pagpapatuloy niya kaya agad akong napapikit ng mariin at nakahinga ng maluwag. Pero ilang sandali lang iyon. Nang nakaalis ang kasama niya ay bumaling si Kuya Mark sa akin at nagtanong. “Nagkita ba kayo ni Boss Larwin kanina, Mau?” tanong niya pa kahit na mukhang siguradong-sigurado naman siya na nagkita nga kami ng Larwin na ‘yon kanina! Napalunok ako at agad na umayos ng tayo. “Ah eh, Kuya Mark–” “Dito ba? Kumatok ka. Gusto kong makausap…” Hindi pa ako tapos na magpaliwanag sa kanya ay sabay kaming natigilan nang nakarinig ng mga boses sa labas ng kwarto. Kahit na hindi ko makita ang kung sinong nasa labas ay kilalang-kilala ko na ang boses ng mayabang na Larwin na ‘yon! Tangna! Anong ginagawa ng gagong ‘yon dito?! Napalunok ako at agad na kumilos para magtago nang gumalaw si Kuya Mark para buksan ang pinto. “Tang inang lalaking ‘yon… Kelan ba niya patatahimikin ang buhay ko?” Gigil na gigil ako habang nagtatago at kumukubli sa kung saan hindi niya ako makikita! “Magandang umaga po, Boss Larwin…” Sa pwesto ko ay dinig na dinig ko ang ginawang pagbati ni Kuya Mark sa mayabang na lalaking ‘yon. “Ikaw si Mark?” maangas na tanong niya. “Opo, Boss…” magalang na sagot ni Kuya Mark. “Ang sabi ni Jared ay sa’yo daw ako magtanong tungkol sa taong hinahanap ko.” “Sige, Boss. Natatandaan n’yo po ba ang itsura?” “No. He’s wearing a hoodie and a mask but he is at least five feet tall.” Kahit ang lumunok ng laway ay hindi ko magawang gawin. Siguradong sigurado ako na ako ang tinutukoy niya kaya hindi ako mapakali dahil sa kakaisip kung ano ang balak niyang gawin sa akin! Kung balak niya akong kasuhan dahil sa ginawa kong pagbalibag sa kanya kanina ay dapat lang talaga na ‘wag na akong magpakita sa kanya! Pumunta ako dito sa Maynila para maghanap ng trabaho at maghanap ng pera pero mukhang problema pa ang iuuwi ko sa probinsya dahil sa lintik na mayabang na lalaki na ‘yon! “Pero wala pong 5 feet na nakatira dito sa corporate house, Boss–” “Then who the hell was that? Don’t tell me you guys are letting a stranger enter this house freely?” maangas na pigil niya sa ginagawang pagpapaliwanag ni Kuya Mark. Mas lalo akong nanggigigil. Mukhang papalabasin pa ng lalaking ‘yon na iresponsable ang mga nakatira dito! Tangna talaga. Kung alam ko lang ay sana binalian ko na siya ng balakang para hindi na nakatayo at nakapunta pa dito sa itaas! “Jared will hear about this. Kung hindi niyo maihaharap sa akin ang lalaking nakita ko kaninang umaga dito ay siya ang guguluhin ko para mapilitan kayong magsalita…” narinig ko pang banta niya bago tuluyang umalis. Halos sakalin ko na siya sa isip dahil sa sobrang gigil ko sa kanya! “Mau…” Kung hindi pa nagsalita si Kuya Mark at tinawag ako ay hindi pa matitigil ang gigil ko sa sira ulong lalaking ‘yon! “K-kuya…” sagot ko at alanganing sinalubong ang tingin niya. Seryoso ang titig niya sa akin kaya medyo kabado ako. “Mag-usap tayo…” seryoso pa ring sambit niya at saka nauna na sa paglalakad palapit sa isang mahabang sofa sa kwarto niya. Halos mapasigaw ako sa inis habang sumusunod kay Kuya Mark. Bwisit naman talaga! Sa lahat ng makakasalubong ko kanina ay ang mayabang, arogante, nakakairita at masarap tirisin na lalaki pa na ‘yon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD