Chapter 4 - Ang muling pagkikita nila ni Tessa at Indira

2850 Words
Chapter 4 : Ang muling pagkikita nila Tessa at Indira. "Wala siyang kwentang ina!" galit na sabi ni Tessa matapos ikuwento ni Trinity ang nalaman niya sa tiyahin niyang si Indira. "Mama, nag-aalala ako kay Tatiana," sabi ni Trinity habang umiinom ng tubig. Nang maghiwalay kasi sila ni Indira sa park ay tumakbo agad siya pauwi sa bahay nila para ibalita sa ina niya na nawawala ang pinsan niyang si Tatiana. "Anong ginawa niya? Bakit nawala si Tatiana? Tumunganga lang ba siya? Hindi ba niya ginawa ang lahat para makita manlang si Tatiana?" Naluluha si Tessa habang napapakamot sa ulo niya. Nag-alala siya ka agad dahil halos isang taon na pa lang hindi nakikita si Tatiana. Sa isip-isip niya ay napakapabayang ina ni Indira. "Nag-report na raw siya sa police. Humingi na rin siya ng tulong sa radyo at telebisyon, pero hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa kanya. Huwag naman sana, pero baka patay na po si Tatiana," sabi ni Trinity kaya agad siyang sinigawan ni Tessa. Tumayo ito sa pagkakaupo niya sa sofa at saka siya binatukan ng mahina. "Tumigil ka, Trinity. Hindi puwedeng mangyari iyon," sagot nito sa kanya at saka siya nagpunas ng luha sa mga mata niya. Tumuloy ito sa kusina. Kumuha siya ng baso at saka nagsalin ng tubig doon. Walang hingahan niyang naubos ang isang basong tubig dahil sa balitang natanggap niya. Sumunod sa kanya si Trinity. Nag-aala siya sa ina niya dahil alam niya kung gaano nito kamahal ang pinsan niyang si Tatiana. Sigurado siya na hindi ito mapapakali hangga't hindi nahahanap ang pinsan niya. "Inaya ko namang pumunta rito si Tita Indira, pero ayaw niyang magpakita sa iyo dahil alam niyang magagalit ka," sabi pa niya kaya napatabog si Tessa nang paglapag ng baso sa lababo. "Talaga naman! Kung sinubukan niyang pumunta rito ay makakalbo ko ang buhok niya. Napaka-pabaya niyang ina! Wala siyang silbi! Kung alam ko lang ay sana hindi ko binig—" napatigil si Tessa. Muntik na siyang madulas. "Kung alam niyo lang ay ano? Ituloy niyo po ang sasabihin niyo," sabi ni Trinity na nagtataka sa pagputol nito sa sasabihin niya. "Wala," sagot nito at saka siya nilayasan sa kusina. "Mama, may hindi ba ako nalalaman?" tanong pa ulit ni Trinity kaya napahinto si Tessa sa paglalakad. Humarap ito sa kanya at saka nagsalita. "Tumigil ka, Trinity. Kung anu-ano na naman ang iniisip mo," sagot na lang nito at saka siya nagtungo sa kuwarto niya para hindi na siya makulit ni Trinity. Susundan pa sana niya si Tessa sa kuwarto nito, pero naka-locked na ang pinto. Sinubukan niyang kumatok, pero ayaw na siya nitong pagbuksan. Naupo na lang siya sa sofa at saka sumibangot. Malakas ang pakiramdam niya na may tinatago ito sa kanya. Kung ano iyon ay hindi siya titigil hangga't 'di niya ito nalalaman. Napatingin siya sa librong nasa tabi niya. Bigay iyon ni Doti sa kanya kanina. Para mawala ang inis niya ay nagbasa na lang siya ng libro. Nagustuhan ni Trinity ang librong iyon dahil mahilig siya sa mga horror at fanstasy story. Inabot siya ng ilang oras sa pagbabasa nito dahil nagustuhan niya ang kuwento. Sa ilang oras na pagbabasa niya ay halos makalahati niya agad ang libro. Nainis pa nga siya dahil kapangalan pa ni Tatiana ang babaeng bida sa librong iyon. Ang babaeng iniibig ng bidang lalaki sa libro. Si Drusus na anak ng God of death. "Trinity!" Napatayo siya agad nang madinig niyang tinatawag siya sa labas ni Doti. Ibinaba niyang muli ang libro sa sofa at saka siya lumabas para puntahan si Doti. Pagbukas niya ng gate ay nakita niyang may dalang chopsuey si Doti na nakalagay sa mangkok. Umuusok pa ito na para bang kakaluto lang. "Aba, alam na alam mo talaga ang paborito ko," sabi niya at saka niya inabot ang ulam. "Ako pa ba? Matagal na tayong magkaibigan, Trinity, kaya kilalang-kilala na kita," sagot nito. "Pasok ka," aya ni Trinity sa kanya pero tumanggi si Doti. "Hindi na. Dinalan lang talaga kita niyan at may gagawin pa ako sa bahay. Anyway, kumusta iyong librong binigay ko sa 'yo? Naumpisahan mo na ba?" tanong pa niya. "Yes. Ang ganda. Saka, parang true story nga iyon. 'Yung mga lalaking guwapo na nawawala sa kuwento ay kagaya ng mga nangyayari sa atin dito sa Perno Town. 'Yung dito sa atin, hindi alam ang pumapatay at kumukuha, sa libro naman ay ang God of the moon ang salarin," sabi ni Trinity kaya natawa sa Doti. "Alam mo na ba ang dahilan ng God of the moon kaya niya kinukuha ang mga guwapong lalaki?" tanong pa ni Doti. "Hindi pa, wala pa ako roon. Doon pa lang ako sa patuloy na pagkamatay ng mga guwapong lalaki," sagot niya. "Oh, siya, enjoy mo lang. Maganda ang kuwentong iyan. Iisipin mo na tagarito lang ang writer niyan dahil parang true story talaga siya," sabi pa ni Doti. "Sige-sige, papasok na ako at magising na rin si mama at ipapatikim ko itong luto mo. Salamat ulit sa chopsuey mo." "Sa susunod may bayad na iyan," patawa pa nitong sabi at saka umalis. Pagpasok ni Trinity sa loob ng bahay nila ay kinatok na niyang muli ang pinto ng kuwarto ng mama niya. "Mama, kain na po tayo. Nagbigay ng chopsuey si Doti," sigaw niya. "Sige...maghain ka na at susunod na rin ako," sagot nito at saka siya tumuloy sa kusina. Sumandok siya sa malaking mangkok ng maraming kanin at saka naghanda ng mga plato't kutsara. Mayamaya pa'y sumunod na rin si Tessa sa kanya. Maga ang mata nito na halatang nakatulog na lang sa kakaiyak. "Sa iyo talaga ako nagmana," sabi ni Trinity na kinagulat naman ni Tessa. "Nagmana?" naguguluhang tanong ni Tessa. "Iyakin," maikli niyang sagot kaya nabatukan na naman siya nito. "Gaga ka talaga. Samahan mo na lang ako mamaya sa bahay ni Indira. Kailangan ko siyang makausap. Hindi tayo puwedeng tumunganga. Hahanapin natin si Tatiana. Pamilya pa rin tayo kaya tayu-tayo pa rin ang magtutulungan sa oras ng problema." "Sige po. Maganda 'yan. Mag-usap kayo at please lang...iwasan niyong magbabag." "Hoy, Trinity. Mabait ako. Iyang tita mo lang naman ang matalas. Palaging galit." "Alam ko naman po iyon. Ang sa akin lang ay huwag niyo na siyang sabayan sa galit niya. Kung mali man o tama siya ay itikom niyo na lang ang bibig niyo at alam mo naman na hindi ka mananalo sa katalasan niya. Mamaya...pakinggan mo lahat ang sasabihin niya. Feeling ko naman ay nagbago na siya dahil umiyak siya sa akin kanina. Tiyak na stress na stress na siya sa buhay niya." Umiling si Tessa sa kanya kaya napatingin sa kanya si Trinity. "Bakit po?" tanong niya. "Umiyak? Seryoso ka ba riyan?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Opo, umiyak nga talaga siya." "Kaplastikan lang iyon. Kilala ko iyang si Indira. Umiiyak iyan dahil ayaw niyang magalit tayo sa kanya. Ayaw niyang masisi natin siya sa pagiging pabaya niya. Artista talaga iyang tita mo, e," tatawa-tawang sabi ni Tessa habang kumakain. "Wala pa tayo roon, pero parang alam ko na ang mangyayari mamaya," sagot ni Trinity. Hindi nalang sumagot si Trinity. Sumibango na lang siya. "Huwag kang mag-alala at magiging behave po ako mamaya," sabi na lang ni Tessa sa kanya kaya nangiti na si Trinity. ---**--- Paglabas sa bahay ni Indira ay nagulat siya sa isang libro na nakita niya sa lapag ng gate. Pinulot niya ito at nakita pa niyang may papel na nakadikit sa likod ng libro. Agad naman niyang binasa iyon. "Kung gusto mong mahanap ang anak mo ay basahin mo ang librong ito," basa niya sa note na nakalagay sa papel. Agad niyang nilingap ang paligid. Kaliwa at kanan. Tinignan niya kung sino ang nagbigay no'n. Isang nakaitim na lalaking naka-motor ang nakatitig sa kanya. Lalapitan sana niya ito, pero bigla na siyang humarurot paalis doon. Walang plate number ang motor nito kaya hindi niya mare-report. May suot pa ito na itim na hellmet kaya hindi niya nakita ang mukha. "Indira?" Napatingin siya sa dumating na sina Tessa at Trinity na kakababa lang ng tricycle. Seryoso ang mukha ni Tessa. Ganap na ganap na naman ang makeup nito. Madami siyang nilagay ng concealer sa ilalim ng mata nito para hindi mahalata ni Indira na umiyak ito nang umiyak kanina. Halata na kabado si Tessa dahil ngayon lang ulit sila nagkitang magkapatid. "Salamat naman at pinuntahan niyo ako," mabait na bungad ni Indira. Lumapit sa kanya si Trinity para magmano. "Pumasok tayo sa loob," aya ni Indira sa kanila. Halata niya na nagpipigil lang ng galit si Tessa sa kanya. Ayaw lang niya itong umpisahan dahil ayaw niyang malaman ni Trinity ang sikreto nilang dalawa. Malaki man ang kasalanan ni Tessa sa kanya ay pinipili pa rin niyang maging tahimik para sa ikakatabuti nilang dalawa. Habang naglalakad sila papasok sa bahay niya ay nakikita niyang lilingap-lingap sa buong paligid si Tessa. Nahihiya siya na sa mahabang panahon na nagdaan ay wala manlang naging improvement ang bahay niya. Hindi manlang niya ito napaganda. Naging busy kasi siya sa pagsusugal, hanggang sa matalo na siya nang matalo at mabaon na sa utang. Ayaw niyang malaman ito ni Tessa. Bata pa lang kasi sila ay palagi na silang nag-uusap. Nagpapagalingan sa kung sino ang magiging successful balang-araw. Alam niyang talo na siya ngayon. Palihim kasi niyan ginagala ang bahay ni Tessa. Na sa bawat paggala niya rito ay nakikita niyang palaging may pagbabago roon. Nagsimula sa maliit na kubo, hanggang sa maging isang malaking bahay. Dati ay mas anggat siya, pero ngayon ay tila naiwanan na siya. Nakita niya kung paano umasenso ang kapatid niya. Tuwing uuwi siya galing sa sugalan ay mapapadaan siya sa bahay nito. Palihim niyang nakikita na masayang namumuhay si Tessa. Lahat ng kamalasan na nangyayari sa kanya ay isinisisi niya kay Tessa. Hinding-hindi niya makakalimutan ang ginawa nito sa kanya noon. "Maupo kayo," sabi ni Indira pagpunta nila sa salas. "Sandali at kukuha ko kayo ng maiinom," paalam pa niya. Tumuloy siya sa kusina niya. Napailing siya dahil nagkataon pang wala siyang stock na pagkain. Wala siyang ibang maihahanda kundi tubig lang. Mayroon siyang manok na kabibili lang sa palengke. Para sana iyon sa hapunan niya mamaya, pero dahil ayaw niyang maging kaawa-awa sa mata ng kapatid niya ay ihahanda niya ito para hindi siya mapahiya. Pagbalik niya sa salas ay dala-dala na niya ang manok at ang malamig na tubig. "Pagpasensyahan niyo na at ito lang ang naihanda ko," sabi niya kaya napangisi si Tessa. "Ang yaman talaga ni Tita Indira kahit kaylan. Manok pa talaga ang pamiryenda," puri ni Trinity na agad namang kuha ng isang pakpak ng manok. Hindi pinansin ni Tessa ang pagkain. Ang gusto niyang malaman ay kung paano ba nawala si Tatiana. "Paano nawala si Tatiana?" tanong na ni Tessa. Huminga ng malalim si Indira at saka naupo sa tapat nila. "May lalaking naging boyfriend si Tatiana. Hindi naman ako mahigpit sa kanya. Hinahayaan ko siya sa gusto niyang gawin. Mabait iyon at madalas itong pumupunta rito. Medyo weird nga lang ito dahil minsan ay seryoso siya. Napalaki kong mabait si Tatiana. Hindi ko siya napagbuhatan ng kamay kahit kaylan. Mahal na mahal ko iyon. Nagagalit din naman ako sa kanya, pero hanggang bunganga lang ang kaya kong gawin sa kanya. Hindi ko siya sinasaktan. Hindi ko lang lubusang maisip na isang araw ay bigla na lang siyang mawawala. Isang umaga, nagising ako na bukas ang pinto ng kuwarto niya, bukas ang pinto ng bahay at bukas ang gate. Kinutuban na ako no'n kaya agad akong nag-report sa police kahit wala pang 24 hours. Simula noon ay hindi ko na siya nakita," kuwento ni Indira. "Sino ang boyfriend niya? Nasaan siya? Malakas ang kutob ko na may kinalaman siya sa pagkawala ni Tatiana," galit na sabi ni Tessa. "Iyan din po ang kutob ko," sabat ni Trinity na kumakain ng manok. "Weird siyang bata. Hindi ko rin alam kung siya ang may dahilan nang pagkawala ni Tatiana. Kinabukasan din noon ay nagpakita siya sa akin. Umiiyak at halos galit na galit. Hindi ko kayang paniwalaan ang sinasabi niya. Para siyang baliw, kaya pinaalis ko na lang siya nang araw ding iyon," sabi ni Indira na iiling-iling pa. "Bakit? Ano ba ang sinasabi niya?" seryosong tanong ni Tessa. "Nakita raw niya na kinuha ni Toscano si Tatiana at dinala raw ito sa buwan," sabi niya kaya natawa rin si Tessa, pero mas namumuo pa rin ang galit sa kanya. "Toscano? Sino naman iyon?" tanong naman niya. "Siya ang God of the moon," sabat ni Trinity na kinagulat ni Indira. "Paano mo nalaman?" nanlalaking matang tanong ni Indira. "Siguro nga'y baliw ang naging boyfriend na iyon ni Tatiana. Galing sa libro ang sinasabi niya. Si Toscano ay God of the moon na pumapatay sa mga guwapong lalaki na nabasa ko sa librong 'Moon Trap' na sikat na sikat ngayon," sagot niya. Napatayo tuloy si Indira at saka niya kinuha ang librong napulot niya kanina sa labas ng bahay niya. "Ito ba iyon?" tanong ni Indira at saka niya pinakita kay Trinity ang libro. "Iyan nga po," sagot niya agad. "Hanapin mo ang batang lalaki na iyon. Sigurado ako na nasa kanya lang si Tatiana. Tinago niya ito. Ang masaklap ay baka pinatay na niya ito," galit na sabi ni Tessa. Sa sobrang inis niya ay napasalin siya ng malamig na tubig sa baso at saka niya ito ininom. "Hindi. Hindi magagawa ni Carson iyon. Kahit weird siya ay kilala kong mabait na bata iyon," pagtatanggol pa ni Indira. Tumayo bigla si Tessa. "Tatanga-tanga ka! Talagang pinagtanggol pa siya. Hinayaan mo lang na mawala ng ganoon na lang si Trinity! Wala kang silbi! Kung alam ko lang talaga ay hindi ko tinuloy ang kasunduan natin noon. Nagsisisi tuloy ako ngayon. Wala kang kwentang ina, Indira. Hindi na ako magtataka kung bakit ganito na lang ngayon ang buhay mo. Minamalas ka na dahil sa kawalangyaan mo noon. Karma mo ito. Pero hindi ako titigil hangga't hindi ko nakikita si Tatiana. Sa oras na makita ko siya ay hinding-hindi mo na siya makakasama kahit kaylan. Pabaya kang ina!" "Ma, tama na," saway ni Trinity. Nakita kasi niya na umiiyak na si Indira. "Ginawa ko ang lahat para hanapin siya, Tessa. Hindi naman ako tumunganga. Halos hindi na nga ako kumakain para lang mahanap siya. Marami na rin akong perang naubos dahil sa kanya. Halos hindi na nga ako kinikibo ng asawa ko dahil sa pagkawala niya. Ilang buwan na siyang hindi nagpapadala ng pera dahil naging pabaya raw ako, kahit hindi naman. Lahat kayo, ganyan ang tingin sa akin. Kung nandito si Tatiana ay siguro ay may magtatanggol sa akin. Mahal na mahal ko iyon. Hinding-hindi ako naging pabaya sa kanya. Kung may pagkakamali man ako ay iyon 'yung naging maluwag ako sa kanya. Pinabayaan ko siya sa mga gusto niyang gawin, gusto niyang bilhin at gusto niyang puntahan. Pero sa maniwala kayo't hindi, kinikilatis ko muna ang mga sinasamahan niya. Kung alam kong bad influence ay una pa lang ay pinalalayo ko na siya. Kung alam kong mabait at ayos kasama ay hinahayaan ko sila sa gusto nilang puntahan. Hindi ko siya hinahayaang matropa sa mga manginginom ng alak. Lahat ng kaibigan niya ay mababait at walang bisyo. Tignan mo ang kuwarto niya. Lahat ng kailangan niya ay binibigay ko. Hindi baleng, hindi ako makapag-shopping, maibigay ko lang ang gusto niya, para lang maging masaya siya sa piling ko." "Pero nawala pa rin siya! Ginawa mo nga ang lahat nang ikasasaya niya sa buhay, pero nawala pa rin siya! Ang masaklap...mag-iisang taon na siyang nawawala! Hindi natin alam kung buhay pa ba o patay na," sabi ni Tessa kaya agad siyang sinugod ni Indira para sampalin. "Hindi siya puwedeng mamatay. Hindi! Masama ang tabas ng dila mo. Mas wala kang kuwenta kung ganyang ang pag-iisip mo!" galit na sabi ni Indira. "Ang mabuti pa'y umalis na kayo. Tama nga ako. Dapat lang na hindi na ako humingi ng tulong sainyo. Unang pa lang ay alam kong ganito ang mangyayari. Hinding-hindi na talaga magkakasundo ang pamilya natin. Simula ngayon ay pinuputol ko na nang tuluyan ang mga ugnayan natin. Magsilayas na kayo at huwag na kayong magpapakita pa sa akin!" sabi ni Indira at saka sila pinagtutulak palabas ng bahay niya. "Fine! Watak na kung watak. Huwag lang ako ang unang makahanap sa kanya., dahil kapag nangyari iyon ay hinding-hindi mo na siya makikita nang tuluyan!" galit na sagot ni Tessa at saka siya pumara ng tricycle. Agad-agad silang sumakay doon at tuluyan nang umalis. Pag-alis nila Tessa at Trinity ay muling nakita sa lupa ni Indira ang papel na nakadikit sa likod ng libro kanina. "Kung gusto mong mahanap ang anak mo ay basahin mo ang librong ito," basa niya ulit sa papel kaya nagmadali siyang pumasok sa loob para basahin na ang librong iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD