Chapter 1 - Perno Town
Chapter 1: Perno Town
Nakakabingi ang ingay na nililikha ng mga taong nakita ni Trinity na nag-uusap sa tapat ng isang maliit na sari-sari store. Magkakalapit lang ang mga ito, pero kanya-kanya sila sa pagsasapawan kung paano mag-kuwento sa balitang kumakalat ngayon sa kanilang bayan. Gagap niya ang isang supot ng pandesal. Pauwi na siya galing sa palengke nang madatnan niya ang mga usisero na nagkukukumpulan sa tapat ng tindahan ni Aling Corazon. Bakas sa mga mukha nila ang takot na nararamdaman.
Naintriga si Trinity kaya lumapit siya sa mga ito para maki-balita. Napamulagat siya nang madinig niya ang mga pinag-uusapan ng mga usisero. Isa na namang guwapong lalaki ang nakitang walang buhay at wakwak ang dibdib sa looban ng gubat ng Perno Town. Tumataas ang mga balahibo niya sa katawan habang patuloy na nakikinig sa kuwentuhan ng mga usisero. Ayon pa sa mga 'to ay nangyayari ang p*****n tuwing kabilugan ng buwan. Malaking pala-isipan sa kanila kung bakit tanging mga guwapong lalaki lamang ang palaging pinapaslang ng kung sino mang nilalang na nasa likod ng p*****n na 'yon. Hindi nila alam kung tao o halimaw ang gumagawa ng karumal-dumal na pagpatay sa mga guwapong lalaki. Basta, ang tanging alam lang nila ay 'pag may nadinig silang mapanghibok na humuhini galing sa kung saan ay kasunod na nito ang pagpatay sa isang lalaking guwapo na sumasailalim na sa kapangyarihan ng nilalang na 'yon.
Nagulat si Trinity nang biglang may humatak sa kanya. Nilayo siya nito sa maraming tao at agad siyang niyakap nang mahigpit. Agad naman siyang bumaklas nang yakap dito at saka tinignan kung sino ang taong 'yon. Kulot na buhok, may malaking nunal sa ilong at may malaking salamin na suot sa mata. "Oh! gosh! Akala ko kung sino na. Ikaw lang pala!" iritado niyang sabi sa kaibigan niyang nerd na si Doti. Sinalubong siya nito ng malakas na tawa. Kitang-kita kasi niya kung paano manlaki ang mata ni Trinity nang tapunan siya nito ng tingin na akala mo'y may kung sino ng tao ang ki-kidnap sa kanya.
"Sorry, kung nabigla kita," tatawa-tawa pa rin niyang sabi. "Anyway, ano bang ginagawa mo roon? Ano bang meron doon at maraming tao sa tindahan ni Aling Corazon?" tanong nito habang nakataas ang isang kilay sa kanya. Gaya ni Trinity ay may gagap din itong isang supot ng pandesal. Mukhang galing din 'to sa palengke.
"Naku, nakakatakot, Doti. Hindi ko alam kung maniniwala ako, pero narinig ko sa kanila na may nagtagpuan na naman daw na patay sa looban ng gubat," tugon niya at saka muling tinignan ang mga tao sa tapat ng tindahan ni Aling Corazon. Patuloy pa rin silang nagku-kuwentuhan. Bakas sa mga mukha nila ang takot na nararamdaman. Pati tuloy siya ay biglang tinubuan ng takot.
"Guwapo na naman siguro?" aniya na kinagulat ni Trinity kaya binalik niya ang tingin kay Doti. Wala kasi siyang alam sa mga nangyayari ngayon sa Perno Town. Kababalik lang nila kagabi sa bayan na 'yon. Sa Manila sila nagbakasyon ng Mama niya dahil inayos nito ang papel ng kaisa-isang lupa na pinama sa Mama niya ng kanyang lola na yumao noong nakaraang taon. At dahil malapit na ang pasukan sa eskuwelahan ay bumalik na ulit sila rito dahil sa Nevaeh Academy mag-aaral si Trinity.
"Teka, bakit alam mo?" nagtatakang tanong ni Trinity. "Sabihin mo nga, ano na bang nangyayari rito sa Perno Town?" duktong pa niya. Malungkot na mukha ang binigay ni Doti bago siya muling sinagot nito. "Malala na, Trinity. Hindi ka maniniwala sa mga ikukuwento ko sa 'yo."
Nagpatuloy na sila sa paglalakad para sabay nang umuwi sa kani-kanilang bahay. Magkatabi lang kasi ang bahay nila. Mag-kapitbahay na, mag-bestfriend pa.
"Actually, kinakabahan na nga ako eh. Kinabahan ako bigla nang madinig ko ang mga pinag-uusapan kanina ng mga tao," sabi niya at saka siya dumukot ng isang pandesal sa hawak niyang supot ng pandesal.
"Sunud-sunod ang natatagpuang patay na guwapong lalaking tuwing matatapos ang kabilugan ng buwan dito sa Perno Town. Kahit anong iwas nila na 'di lumabas ng bahay ay 'di pa rin sila nakakaligtas. Isang nakakakilabot na tinig na nanggagaling sa buwan ang siyang dahilan kung bakit kusang lumalabas sa mga bahay nila ang sino mang guwapong lalaki na makakarinig sa kanya. Normal na sa mga tao rito na, pagkatapos ng kabilugan ng buwan ay bukas na bukas din ay puputok ang balita na may natagpuan na namang patay na guwapong lalaki sa kahit saang looban ng gubat dito sa Perno Town."
"G-galing sa buwan? Ano 'yon? Halimaw? Seryoso ba ang kwento na 'yan?" taas kilay na tanong ni Trinity. Tila hindi siya makapaniwala kay Doti. Sa labing-walong taon na paninirahan ni Trinity sa Perno Town ay ngayon lang siya nakarinig ng kababalaghan na nangyayari sa bayan nila.
"Hindi pa sure kung halimaw. Wala pa ring nakakalam niyan hanggang ngayon. Ang sigurado pa lang ay ang boses na nanggagaling sa buwan. Napatunayan ito dahil may isang nakaligtas na lalaking gwapo. Muntik na itong mapatay ng nilalang na 'yon. Mabuti nalang kamo at nakita siya ng Nanay niya. Kitang-kita raw nito kung paano kusang maglakad ang anak niya habang natutulog. Para magising ito ay agad niyang sinampal ang anak niya. Simula nang mangyari 'yon ay nagpakalayo-layo na sila. Nilisan na nila ang Perno Town." Kumuha na rin si Doti ng pandesal sa hawak niyang supot dahil nainggit na rin siya kay Trinity na kanina pa kain nang kain habang nakikinig sa kanya.
"Bakit hindi maglagay ng CCTV sa lahat ng sulok ng gubat? Nang sa ganoon ay malaman kung sino ang pumapatay. Baka kasi, tao lang din ang gumagawa nito at hindi halimaw. Hindi ako naniniwala na galing sa buwan ang gumagawa no'n. Kalokohan lang nila 'yan," sabi niya at saka siya napa-irap kay Doti.
Tumawa ng malakas si Doti. "Gaga ka talaga! Pahihirapan mo pang magkabit ng CCTV ang mga taong bayan. Kung ayaw mong maniwala ay 'di 'wag. Diyan ka na nga. Maaga pa kaming aalis ni Nanay at malapit na ang pasukan. Mag-e-enroll na ako mamaya," paalam niya at pumasok na ito sa bahay nila.
Tumuloy na rin siya sa bahay nila. Binuksan niya ang gate at nakita niyang nagkakape sa hardin nila ang Mama niya na nakakunot ang noo. Magkasalubong na kilay ang binungad nito sa kanya. Umagang-umaga ay laban na laban ang make-up nito. "Napakatagal mo! Lumamig na ang kape sa kakahintay ko sa 'yo!" sigaw nito sa kanya. Agad niyang inabot ang supot ng pandesal sa ina niya para hindi na ito mag-alburuto pa. Naupo na rin siya sa tabi nito.
"Ma, hindi niyo po magugustuhan ang ibabalita ko sa 'yo," bungad niya rito.
"Bakit? anong nasagap mong balita?" tanong nito sa kanya habang kumakain ng pandesal na isina-sawsaw pa sa kape.
"Ang dami raw namamatay na gwapong lalaki rito sa Perno Town."
"Diyos ko po!" Agad na nanlaki ang mata ng kanyang ina nang marinig ang sinabi niya. "Bakit? Ano daw ang dahilan ng pagkamatay nila?" tanong pa nito kaya kinuwento na niya ang lahat ng nalaman kay Doti.
“Hindi rin ako naniniwala na halimaw ang gumagawa no'n. Sigurado akong tao lang din ang gumagawa niyan. Kaya ikaw, huwag ka nang nagpapagabi sa labas at delikado na pala ngayon dito sa Perno Town.” Sumibangot ka agad ang mukha ni Trinity. "Hindi naman po ako lalaki, kaya safe ako," sagot niya kaya agad siyang sinabunutan ng ina niya.
“Aray!” inis niyang sabi. Tumayo siya at lumayo sa tabi ng ina niya. "Mag-almusal ka na roon at sasamahan pa kita sa school mo. Enroll-an na ngayon sa Nevaeh Acdemy. Huwag na tayong magpa-late at baka mapunta ka sa huling section."
“Opo.” Pumasok na siya sa loob ng bahay nila at saka tumuloy sa kusina. Kumuha siya ng isang tasa na nakasabit sa may lababo. Sinalinan niya ‘to ng mainit na tubig. Naglalagay na siya ng kape sa tasa niya nang biglang mag-ring ang cellphone na nasa bulsa niya. Kinuha niya ito at nabasa niya sa screen ng cellphone ang pangalan ni Doti. Agad niyang sinagot ang tawag nito habang hinahalo ang tinitimplang kape.
"Oh, bakit?" sagot agad niya sa kabilang linya.
Narinig niyang bumuntong hininga si Doti bago siya sinagot. "Ang natagpuan palang patay kagabi na pinag-uusapan sa tapat ng sari-sari store ni Aling Corazon ay si Cedrick," sabi nito kaya biglang kumabog ang kanyang dibdib.
Tumawa ng pilit si Trinity. Pala-joke ang kaibigan niya kaya minsan, hindi siya ka agad naniniwala rito. "Doti, 'di magandang biro 'yan. Hindi ako maniniwala sa 'yo. Nagjo-joke ka lang," sabi niya habang nanginginig na ang boses. Namumula na rin ang mga mata niya. Medyo naniniwala na rin kasi siya rito dahil seryoso ang pagkakasabi nito ng kaibigan niya sa kabilang linya. Alam kasi niyang 'pag nagjo-joke 'to ay masaya at mabilis siyang magsalita. Pero nang marinig niya sa telepono na seryoso ang boses nito ay kumabog na agad ang dibdib niya.
"S-sorry, Trinity, pero kumpirmado na. Tignan mo na lang ang post sa f*******: account ng kapatid niya para maniwala ka," sabi pa nito kaya agad niyang binabaan ng linya si Doti. Tumulo na ang mga luha sa kanyang mata.
Matagal na silang magkasintahan ni Cedrick. Kaka-break lang nila nitong nakaraang buwan dahil sa mga 'di pagkakaintindihan. Hanggang ngayon ay 'di pa rin sila nag-uusap. Hindi niya inaasahan na mamatay ito nang hindi manlang silang nagkaka-ayos. Wala manlang silang magandang closure. Guilty si Trinity dahil siya ang nakipag-break sa lalaki. Siya ang 'di namansin kahit patuloy pa rin siya nitong sinusuyo. Tadtad ng message ang phone niya, ngunit kahit isa roon ay wala siyang sinagot. Dahil din sa kakulitan nito ay nag-deactive siya ng mga social media account niya para lang hindi na siya makulit nito.
Nagbukas na ulit siya ng f*******: account niya. Post ni Chelsey ang unang bumungad sa newsfeed niya. Nakita niya roon ang litrato ni Cedrick na nasa kabaong. Kusa niyang nabitawan ang cellphone niya. Doon na siya tuluyang naiyak. Napaupo siya sa sahig habang tahimik na lumuluha.
Mahal pa rin niya ang lalaki. Pinangako niya sa sarili niya na 'pag bumalik na sila sa Perno Town ay babalikan na rin niya 'to. Nagpahinga lang muna talaga siya dahil ayaw siyang tigilan nito na huwag nang umalis sa Perno Town, dahil ayaw niyang ma-miss ang dalaga kahit isang buwan lang naman ito mawawala. Ayaw rin naman siyang payagan ng ina niya na magpaiwan doon, kaya sa inis niya ay biglaan siyang nakipaghiwalay kay Cedrick. Napakababaw ng dahilan niya kaya sobrang sakit sa kanya na mawala ito nang hindi manlang sila nagkausap ng maayos.
"Anak, si Cedrick pala ang namata—" Hindi na natuloy ang sasabihin ng ina niya nang makita nitong nakaupo sa sahig at tahimik na umiiyak ang anak niya. Agad naman niya itong nilapitan at niyakap.
"Sana panaginip lang ang lahat, Ma. Sana 'di totoo na wala na siya," sabi niya habang patuloy na lumuluha.